Kasaysayan ng Simbahan
Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia


“Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia,” Konteksto ng mga Paghahayag

Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia

D&T 45, 76, 77, 86, 91

Isinalin ni Propetang Joseph Smith ang Aklat ni Mormon noong huling bahagi ng dekada ng 1820, marami siyang natutuhan maliban pa sa kasaysayan ng mga Lamanita at mga Nephita.

Maraming ulit na nakasaad sa teksto ng Aklat ni Mormon na “maraming malinaw at mahalagang bagay” ang nawala sa Biblia. Noong tag-init ng 1830, ilang buwan lamang matapos ilathala ang Aklat ni Mormon, sinimulan ni Joseph Smith ang isang bagong pagsasalin ng Biblia na may layuning ipanumbalik ang ilan sa malinaw at mahalagang mga bahaging iyon. Ang pagsisikap na ito ay salungat sa opinyon ng nakararami sa panahong iyon na ang Biblia ay naglalaman ng perpektong salita ng Diyos na nakapaloob sa pinahahalagahang teksto ng King James Version.

Ang pagsasalin ni Joseph ay hindi ginawa sa tradisyunal na paraan. Hindi siya sumangguni sa mga teksto ng Griyego at Hebreo o gumamit ng mga lexicon para gumawa ng bagong bersiyon sa wikang Ingles. Sa halip, ginamit niya ang King James Version ng Biblia bilang panimula niya at gumawa ng mga karagdagan at pagbabago habang siya ay ginagabayan ng Espiritu Santo.

Bagama’t maraming maliliit na pagwawasto ang ginawa ni Joseph sa gramatika at ginawang makabago ang ilang pananalita, hindi siya gaanong nagtuon sa mga teknikal na pagsasaayos sa halip ay mas pinagtuunan ang pagpapanumbalik, sa pamamagitan ng paghahayag, ng mahahalagang katotohanang hindi kasama sa Biblia noon. Inilarawan ng mananalaysay na si Mark Lyman Staker ang pagsasalin bilang pagsasalin ng “mga ideya sa halip na wika.”

Masigasig na ginawa ni Joseph Smith ang kanyang pagsasalin mula noong tag-init ng 1830 hanggang Hulyo 1833. Itinuring niya ang gawaing ito bilang isang banal na utos, tinukoy ito bilang isang “sangay ng aking tungkulin.” Subalit habang ang ilang bahagi ay inilathala sa mga lathalain ng Simbahan bago siya namatay, ang kumpletong pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia ay hindi inilathala noong siya ay nabubuhay pa.

Gayunpaman, ang pagsisikap na ibinuhos ng Propeta sa gawaing iyon ay makikita sa mga pahina ng Doktrina at mga Tipan; ang proseso ng pagsasalin ay nagsilbing katalista para sa maraming paghahayag na nakapaloob sa aklat na iyon, na kinabibilangan ng mahigit isang dosenang bahagi na resulta mismo ng proseso ng pagsasalin o naglalaman ng mga tagubilin para kay Joseph at sa iba pa hinggil dito.

Ang Proseso ng Pagsasalin

Sa panahong inililimbag ang Aklat ni Mormon sa palimbagan ni E. B. Grandin noong Oktubre 1829, binili ni Oliver Cowdery mula kay Grandin ang King James Bible na ginamit ni Joseph Smith sa pagsasalin.

Noong Hunyo 1830, nakatanggap si Joseph ng isang paghahayag na inilarawan niya bilang “mga pangitain ni Moises.” Ang paghahayag na ito ay maaaring nagsilbing katalista sa gawain ni Joseph sa pagsasalin. Ang paghahayag na ito ay kilala ngayon bilang ang unang kabanata ng aklat ni Moises sa Mahalagang Perlas. Ang mga pinakaunang manuskrito ng pagsasalin ng Biblia, simula sa Genesis 1 (na ngayon ay Moises 2), ay ginawa sa Harmony, Pennsylvania, mga isang buwan kalaunan, kasama sina Oliver Cowdery at John Whitmer na nagsilbing mga tagasulat. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, sa isang paghahayag para sa asawa ni Joseph na si Emma Hale Smith, iniutos ng Panginoon na maglingkod si Emma bilang tagasulat ni Joseph para sa pagsasalin, na ginampanan niya sa maikling panahon. Sa sumunod na ilang buwan, ang pagsasalin ay nagpatuloy hanggang sa aklat ng Genesis.

Noong Disyembre ng taong iyon, matapos mabinyagan si Sidney Rigdon sa Ohio at maglakbay patungong Fayette, New York, upang makilala ang pinuno ng kanyang bagong relihiyon, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nag-uutos kay Rigdon na maglingkod bilang kanyang tagasulat: Ikaw ay magsusulat para sa kanya & ang mga banal na kasulatan ay ibibigay, maging ang mga ito ay mula sa aking sariling dibdib, para sa kaligtasan ng sarili kong hinirang.”

Nagsimulang maglingkod bilang tagasulat si Rigdon, at hindi nagtagal matapos nilang isulat ni Joseph ang salaysay tungkol kay Enoc, inatasan si Joseph na tumigil sa pagsasalin nang ilang panahon at dalhin ang Simbahan sa Ohio. Ginawa nga niya ito, at hindi nagtagal matapos siyang manirahan sa Kirtland, ang pagsasalin ay muling naging isa sa kanyang mga pangunahing gawain. Noong unang bahagi ng Pebrero 1831, nakatanggap si Joseph ng isang paghahayag na nag-uutos na magtayo ng isang bahay kung saan siya “makapaninirahan & at makapagsasalin.” Makalipas ang ilang araw, isa pang paghahayag ang nagbigay ng katiyakan kay Joseph na kapag nagtanong siya, ang “mga banal na kasulatan ay ibibigay.”

Doktrina at mga Tipan 45

Ang pinakaunang gawain ng pagsasalin ay nakatuon sa teksto ng Genesis, ngunit sa isang paghahayag noong ika-7 ng Marso 1831, inatasan si Joseph na iba ang gawin. Sa paghahayag, na kinikilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 45, inatasan si Joseph na isantabi muna ang Lumang Tipan at sa halip ay magtuon sa pagsasalin ng Bagong Tipan.

“Ipinagkakaloob ko sa iyo na ikaw ay Magsalin na nito ngayon,” ang utos sa kanya, “upang ikaw ay maging handa para sa mga bagay na darating sapagkat Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na mahahalagang bagay ang naghihintay sa iyo.”

Bilang pagsunod, sinimulan nina Joseph at Sidney kinabukasan ang pagsasalin ng Bagong Tipan. Nagpatuloy sila sa pagsasalin hanggang sa umalis sila patungong Missouri noong tag-init na iyon at pagkatapos ay ipinagpatuloy ang pagsasalin noong taglagas, matapos lumipat sina Joseph at Emma nang halos 30 milya sa timog ng Kirtland patungong Hiram, Ohio, upang manirahan sa tahanan ni John Johnson. Ang paglipat ay bahagi ng pagsisikap ni Joseph na makahanap ng lugar “para makagawa nang mapayapa at tahimik sa pagsasalin ng Biblia.” Kalaunan ay sinabi ni Joseph Smith na ang maraming oras niya matapos dumating sa tahanan ng mga Johnson ay ginugol sa paghahandang ipagpatuloy ang kanyang pagsasalin.

Sinimulan na rin ni Joseph na pangasiwaan ang Simbahan at mangaral sa lugar, at pagkatapos noong Enero 1832 ay tumanggap siya ng paghahayag na nag-utos sa kanya na muling ituon ang kanyang gawain sa pagsasalin “hanggang sa ito ay matapos.” Samantalang ginagawa nila iyon ni Sidney Rigdon, noong ika-16 ng Pebrero, nakatanggap sila ng mahalagang paghahayag sa tahanan ng mga Johnson. Habang ginagawa ang pagsasalin ng aklat ni Juan, ang mga tanong ng kalalakihan ay humantong sa pangitain tungkol sa mga kaharian ng kaluwalhatian na pinagmulan ng mahahalagang bagong doktrina para sa bagong tatag na Simbahan. Ngayon, ang pangitaing iyan ay nakapaloob sa Doktrina at mga Tipan 76.

Mga Bahagi 77 at 86

Gayundin, isang paliwanag tungkol sa mga talata sa aklat ng Apocalipsis, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 77, ay nagmula rin mismo sa pagsasalin ng Biblia. Inilahad sa isang serye ng mga tanong at mga sagot, itinuring itong isang inspiradong teksto at isinama sa isang naunang aklat ng paghahayag.

Nilisan nina Joseph at Emma ang bukid ni Johnson at bumalik sa Kirtland noong Setyembre 1832. Sa sumunod na ilang buwan, si Joseph ay patuloy na masigasig na gumawa ng pagsasalin, ngayon ay katuwang si Frederick G. Williams bilang tagasulat. Noong Disyembre, isa pang paghahayag ang natanggap mula sa pagsasalin, sa pagkakataong ito ay ipinaliliwanag ang talinghaga tungkol sa trigo at mga agingay o damo na matatagpuan sa Mateo 13. Ang paghahayag, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 86, ay nagtatalaga sa grupo ng mga maytaglay ng priesthood sa mga huling araw bilang “tagapagligtas sa aking mga taong Israel.”

Noong Hulyo 1832, isinulat ni Joseph kay W. W. Phelps na “natapos na namin ang pagsasalin ng Bagong tipan.”

“Dakila at maluwalhating mga bagay ang inihayag,” isinulat niya, at idinagdag na sila ay “gagawa nang mabilis na pagsasalin sa Lumang Tipan at sa lakas ng Diyos ay magagawa namin ang lahat ng bagay alinsunod sa kanyang kalooban.”

Nagpatuloy ang pagsasalin ng Lumang Tipan, at isinulat ni Joseph noong Enero 1833 na “ang taglamig na ito ay ginugol sa pagsasalin ng mga banal na kasulatan; sa paaralan ng mga propeta; at pagdalo sa mga kumperensya. Marami akong maluwalhating panahon ng kaginhawahan.” Noong Marso 1833, tumanggap si Joseph ng tagubilin na kapag natapos ang pagsasalin, siya ay dapat na “mamuno sa mga gawain ng simbahan.” Kaya masigasig siyang nagpatuloy.

Doktrina at mga Tipan 91

Kalaunan ay nakarating si Joseph Smith sa isang bahagi ng King James Bible na naglalaman ng isang koleksyon ng 14 na aklat na kilala bilang Apocripa. Bagama’t karamihan sa mga Biblia sa panahon ni Joseph Smith ay naglalaman ng mga aklat na ito, halos lahat ay kinukuwestiyon ang katayuan ng mga ito bilang banal na kasulatan. Dahil sa pagtatalo na ito, nais malaman ni Joseph kung dapat niyang isalin ang mga aklat at itinanong ito sa Panginoon. Ang natanggap na paghahayag, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 91, ay nagturo kay Joseph na bagama’t “maraming bagay na napapaloob dito na totoo at karamihan ay naisaling tama—maraming bagay na napapaloob dito na hindi totoo, na mga dagdag na pakahulugan ng mga kamay ng tao. Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na hindi kinakailangan na ang Apocripa ay isalin.”

Nilaktawan ang bahaging iyon, patuloy na isinalin ni Joseph ang Lumang Tipan nang ilang buwan hanggang, noong ika-2 ng Hulyo 1833, isang liham mula sa Unang Panguluhan (kabilang sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Frederick G. Williams) sa Kirtland ang ipinadala para sa mga Banal sa Sion na nagsasaad na “sa araw na ito ay natapos na ang pagsasalin ng mga Banal na Kasulatan, na ipinagpasalamat namin sa ating ama sa langit.”

Ang Pamana ng Pagsasalin

Pagkatapos ng kamatayan ni Joseph, ang kanyag balo na si Emma, ay itinago ang mga manuskrito ng pagsasalin, na inilathala ng Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints noong 1867. Para sa makabagong Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang pagsasalin ni Joseph Smith ay nagbigay ng mga bahagi sa Mahalagang Perlas (ang aklat ni Moises at Mateo 24) at naglalaman ng maraming footnote sa edisyong Latter-day Saint ng King James Version ng Biblia.

Nagkaroon din ng malaking impluwensya ang pagsasalin sa Simbahan sa paraang nakatulong ito sa pagbuo ng nilalaman ng Doktrina at mga Tipan. Mahigit sa kalahati ng kasalukuyang Doktrina at mga Tipan ay binubuo ng mga paghahayag na natanggap sa loob ng tatlong taon na ginugol ni Joseph Smith sa pagsasalin ng Biblia. Maraming paghahayag ang natanggap bilang mga direktang sagot sa mga bagay na nadama ni Joseph na kailangang itanong bunga ng paglawak ng kanyang pang-unawa sa ebanghelyo habang masigasig niyang ibinabalik ang malinaw at mahalagang mga bahagi ng Biblia.