“James Covel at ang ‘Mga Alalahanin ng Sanlibutan’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“James Covel at ang ‘Mga Alalahanin ng Sanlibutan’” Konteksto ng mga Paghahayag
James Covel at ang “Mga Alalahanin ng Sanlibutan”
Sa lahat ng mga talinghaga ni Jesus, walang nakapaglalarawan nang higit na mabisa kung gaano kahirap maging Kristiyanong disipulo kaysa sa talinghaga tungkol sa manghahasik (tingnan sa Mateo 13:3–23). Lahat ng binhi sa kuwento ay nagsimula nang may malaking potensyal na lumago, ngunit hindi lahat ay itinanim sa matabang lupa para mapagbuti ang potensyal na iyon. Ang mga binhing nahuhulog sa mabuting lupa ay nakakakuha ng sustansya na kailangan para magkaroon ng malalim at malalaking ugat at sa gayon ay naitutulak ang mga panganib sa paglago ng mga ito. Ang iba pang mga binhi ay hindi masyadong pinalad. Ang ilan ay nahuhulog sa tabi ng daan; Ang salita ng Diyos ay hindi kailanman tunay na naunawaan, at inaagaw ng masasama ang mga binhi. Ang iba naman ay nahuhulog sa batuhan o mabatong lupa at, dahil walang sapat na mga ugat, ay nalalanta sa mainit na sikat araw ng paghihirap. At ang huli, ang iba pang mga binhi ay nahuhulog sa mga tinikan. Inihalintulad ni Jesus ang nangyari sa mga binhing ito sa mga taong narinig ang salita ngunit nahadlangan ng panlilinlang ng mga kayamanan at ng “kabalisahan ng sanlibutan (Mateo 13:22).
Makikita sa Doktrina at mga Tipan 39 at 40 ang mga salita ng talinghagang ito sa pagsasalaysay ng kuwento tungkol kay James Covel, isang ministrong Metodista na nagpakita ng matindi ngunit panandaliang interes sa Simbahan. Si Covel, tulad ng mga binhi sa kuwento, ay nagsimula nang may malaking potensyal. Isinilang sa isang ama na ministro ng Baptist at isang inang Metodista sa Chatham, Massachusetts, noong mga 1770, si Covel ay naging naglalakbay na mangangaral sa Methodist Episcopal Church noong 1791. Naglakbay siya sa loob at kalapit na mga lugar ng Litchfield, Connecticut, at kalaunan ay nag-asawa at nanirahan sa Poughkeepsie, New York.
Kilala si Covel ng mga Metodista bilang isang taong matatag at maaasahan. Noong dekada ng 1820, siya ay naging lider ng Methodist reform movement. (Sinalungat ng mga Metodistang repormador ang kamunduhang nakita nila na pumapasok sa kanilang simbahan nang magsimulang talikuran ng mainstream Methodism ang paggamit ng mga espirituwal na kaloob.) Bago naging kabilang sa mga Banal sa mga Huling Araw, itinuring nina Brigham Young, Wilford Woodruff, at John Taylor, ang kanilang sarili bilang mga Metodistang repormador. Noong 1826, si Covel ay tinawag na pangulo ng New York Conference ng Methodist Society, isang grupo ng mga tumiwalag na Metodista na sama-sama tinipon ang maliliit na grupo na inihiwalay ang kanilang sarili mula sa pangunahing grupo. Kalaunan ay naglingkod siya bilang book agent sa Lunsod ng New York para sa literatura na inilathala ng mga repormador sa kilusan.
Si Covel ay nangangaral sa palibot ng Richmond, 45 milya sa silangan ng Fayette, New York, nang dumalo siya sa isang kumperensya ng Banal sa mga Huling Araw sa Fayette noong unang bahagi ng Enero 1831. Ang Simbahan ay paalis na noon sa New York, dahil ang utos na manirahan sa Ohio ay dumating na sa pamamagitan ng paghahayag (tingnan sa D&T 37:3).
Si Covel ay mas namangha sa mga turo ng Simbahan kaysa sa utos na lumipat. Sa katunayan, tila siya ay napaniwala na. Nagtagal siya ng ilang araw, nakipag-usap sa mga lider ng Simbahan, at nakipagtipan sa Diyos na susundin ang tawag na magsisi at magpabinyag.
Noong ika-5 ng Enero 1831, isang paghahayag ang dumating sa pamamagitan ni Joseph Smith, na nag-uutos kay Covel na sumama sa mga Banal sa paglipat ng mga ito sa Ohio. “Ikaw ay tinawag upang Gumawa sa aking Ubasan, & upang magtatag ng aking Simbahan,” wika ng paghahayag. Ang gayong pananalita ay nakagpanatag sana sa sinumang mangangaral na Metodista, ngunit nakababahala ang sumunod na talata: “Katotohanan sinasabi ko sa iyo, ikaw ay hindi tinawag upang magtungo sa mga bayan sa Kasilanganan, kundi ikaw ay tinawag upang magtungo sa Ohio. Sa loob ng 40 taon, si Covel ay nangaral na sa silangan ng upstate New York. Ngayon ay inaatasan siyang humayo sa kabilang direksyon para mangaral.
Ang paghahayag noong ika-5 ng Enero ay nagbabala kay Covel na noong mga nakaraang panahon ay hindi niya tinanggap ang Panginoon. Tulad ng binhing nahuhulog sa mga tinikan, hinayaan ni Covel ang “mga alalahanin ng sanlibutan” na sumakal sa binhing gustong itanim ng Panginoon.
Alam marahil ni Covel na ang paglipat pakanluran ay mangangahulugang pagputol sa malalim at malawak na mga ugnayang naitatag niya sa kanyang propesyon. Dalawa sa kanyang mga anak na lalaki ay mga mangangaral na Metodista, at sa mga taon na ginugol niya sa pagtatrabaho sa Lunsod ng New York ay nakilala niya at nakaugnayan niya ang pinakamaimpluwensyang mga tao sa kilusang reporma ng Metodista. Lahat ng katanyagang natamo niya sa buong buhay niya ay kailangang talikuran. Wala pang 48 oras ay nakapagpasiya na si Covel na hindi siya lilipat sa Ohio. Nilinaw sa isang kasunod na paghahayag na tinanggihan ni Covel ang tawag ng Panginoon: Si Covel, ayon sa paghahayag, ay “Tinanggap ang salita nang may Kagalakan, subalit kapagdaka ay tinukso siya ni Satanas & ang takot na mausig & ang mga alalahanin ng sanlibutan ang naging dahilan upang kanyang itatwa ang salita.”
Matapos ang kanyang panandaliang interes sa Simbahan, bumalik si Covel sa kanyang dating katungkulan. Nangaral siya at may mga nabinyagan sa Methodism sa upstate New York hanggang 1836, nang bumalik siya sa Lunsod ng New York. Siya ay nanatili roon hanggang sa kanyang pagpanaw noong Pebrero 1850. Sa panahong iyon ang mga Banal ay lumipat pa rin sa malayong kanluran, lampas ng Rocky Mountains patungo sa tigang na Great Basin.