Kasaysayan ng Simbahan
‘Ito ang Ating Magiging Tipan’


“‘Ito ang Ating Magiging Tipan’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ito ang Ating Magiging Tipan,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Ito ang Ating Magiging Tipan”

D&T 136

mga pioneer sa Winter Quarters

Noong Pebrero 1846, pinamunuan ni Brigham Young ang isang pangkat ng 300 kalalakihan na pinili na mauna sa pagtawid sa nagyeyelong Ilog Mississippi. Noong panahong iyon, ang plano nila ay makarating sa isang makakanlungang lugar sa Rocky Mountains sa tag-init na iyon at magtanim ng mga pananim upang mapakain ang mga taong susunod sa kanila sa taon ding iyon. Ngunit hindi nagawa ang ayon sa plano sa sumunod na mga buwan. Ang malalakas na pag ulan ay nagdulot ng di-pangkaraniwang pagtaas ng mga sapa at ilog, kaya naging maputik ang lupa sa kapatagan ng Iowa. Kasabay nito, mahigit 1,000 Banal, marami sa kanila ang hindi gaanong handa sa paglalakbay, ang nagpumilit na sumama sa unang pangkat, na nagnanais na maging malapit sa mga lider ng Simbahan sa panahon ng kawalang-katiyakan. Napakabagal ng paglalakbay kaya sumuko na si Brigham Young na mararating pa nila sa taon na iyon ang kanilang destinasyon at sa halip ay itinatag ang Winter Quarters sa tabi ng pampang ng Ilog Missouri.

Bukod sa unang grupong ito ng mga pioneer, libu-libong iba pang mga Banal sa mga Huling Araw ang umalis sa Nauvoo, karamihan ay ayon sa ipinlanong iskedyul. Pagsapit ng taglagas ng 1846, mahigit 7,000 katao ang nanirahan sa Winter Quarters sa mga kuweba, bagon, simpleng tirahan, at mga kubo na minadali ang pagtatayo. Ginugol ng iba pang pangkat ng 3,000 katao ang taglamig sa iba’t ibang lugar sa daan sa gayon ding kalagayan. Marami ang nagkasakit dahil sa malnutrisyon at pagkalantad sa matinding klima, at sinubok ang pananampalataya ng ilan. Dahil sa mahihirap na kalagayang ito, ang taglamig ng 1846–47 ang isa sa pinakamahihirap na panahon sa buhay ni Brigham Young. Nadama niya na “siya ay parang isang ama na may malaking pamilya at maraming anak na nakapalibot [sa kanya]” at naalala niya kalaunan na ang mga responsibilidad na pasan niya ay parang “dalawampu’t limang tonelada ang bigat.”

Pagsapit ng Enero 1847, malaki ang ipinayat niya kaya hindi na husto sa kanya ang kanyang mga damit. Nag-alala siya tungkol sa mga Banal, nagpayo kung ano ang gagawin, at nanalangin para humingi ng patnubay sa Diyos. At pagkatapos, noong ika-14 ng Enero 1847, dumating ang sagot. Pagkaraan ng dalawang araw, inanyayahan ni Brigham Young ang mga Banal na tanggapin “Ang Salita at Kalooban ng Panginoon” (D&T 136). Yamang nagsimula ang paghahayag sa pagsasalita sa “Kampo ng Israel sa kanilang paglalakbay patungong Kanluran” (D&T 136:1), inakala ng ilan na ang paghahayag ay simpleng mga tagubilin sa pagbuo ng mga pangkat ng mga pioneer at minaliit ang papel na ginampanan nito na muling pagtuunan si Brigham Young at ang Simbahan. Sa pagtulong sa mga Banal na ipaalala na ang kanilang pag-uugali sa paglalakbay ay kasinghalaga ng kanilang destinasyon, ang paghahayag ay tumulong na gawing isang mahalagang espirituwal na karanasan ang pandarayuhan pakanluran mula sa gipit na kalagayan.

Pakinggan ang Salita

Matapos matanggap ang mga sagot sa kanyang mga panalangin, agad na kumilos si Brigham Young para siguraduhin na alam talaga ng mga Banal kung ano ang inaasahan ng Panginoon sa kanila. Maraming alituntunin na ang itinuro ni Joseph Smith na matatagpuan sa paghahayag, ngunit ang mga ito ay hindi laging mahalagang bahagi ng paglalakbay noong 1846. Bagama’t sadyang binalewala ng ilang Banal ang tagubilin sa paglalakbay noong nakaraang taon, mas marami ang hindi sapat na naturuan. Hiningi ni Brigham ang tulong ng iba pang mga Apostol upang maituro ang inihayag na mga alituntunin na iniutos sa paghahayag. Nang malaman ang tungkol sa paghahayag, sinabi ni Horace Eldredge, “na ang pagsasagawa nito ay titiyak [sa kanilang] kaligtasan.” Sinabi ni Hosea Stout na ang pagsunod sa paghahayag ay magdudulot ng kinakailangang kahinahunan at pagkakaisa habang nararanasan ang mga di-inaasahang pagsubok; ito ay “magpapatahimik sa matitinding pagtatalo” na nagpahirap sa paglalakbay patawid sa Iowa. Nang magtiwala sila sa inihayag na salita, hindi na nadama ng mga tao na kailangang kasama nila sa paglalakbay nang pisikal ang Labindalawang Apostol. Ang Labindalawang Apostol naman ay mas madali nang magagawa ang pamumuno sa buong Simbahan sa halip na mag-alala pa tungkol sa pang-araw-araw na gawain ng isang partikular na grupo.

Sa panahon ng Kampo ng Sion noong 1834, ginamit ni Joseph Smith ang isang huwaran sa pagbuo ng pangkat na may isang panguluhan na may tatlong miyembro at mga kapitan ng mga isandaan, mga limampu, at mga sampu. Tinangka ni Brigham Young na ipatupad ang huwarang ito bago umalis ang mga Banal sa Nauvoo, ngunit hindi ito binigyan ng mataas na priyoridad. Ngayon noong 1847, ang paraan ng pagbuo ng mga pangkat ng mga Banal ay magiging napakahalaga kaya bago pa man matapos isulat ni Brigham ang paghahayag, iminungkahi niya na “magsulat ng liham para tagubilnan [ang] mga kapatid kung paano buuin ang mga pangkat para sa pandarayuhan.”

Bukod sa paghirang ng mga kapitan, pinangasiwaan ni Brigham ang dalawa pang pagbabago sa pagbuo ng mga pangkat. Ang laki ng isang pangkat ay magiging limitado na hindi hihigit sa 100 bagon. At kapag ang mga indibiduwal ay naging bahagi na ng isang pangkat, sila ay inaasahang maglakbay nang magkakasama sa buong paglalakbay. Ang mga pagbabagong ito ay mahalagang pagbabago mula sa hindi maayos na pagbuo ng mga pangkat na nangyari sa paglalakbay ng mga Banal patawid sa Iowa. Bagama’t hindi palaging nagagawa ang pinakamainam, simula noong 1847, ang paglalakbay ang naging “pinakamaayos, pinakamainam na naiplano at pinakaorganisadong paglalakbay sa buong kasaysayan ng Amerika,” kumpara sa hindi organisadong paglalakbay ng mga pangkat ng mga dayuhang hindi Banal sa mga Huling Araw na patungo rin sa kanluran.

Bukod sa pagtiyak na ang mga Banal ay nabuo sa mga pangkat ayon sa salita ng Panginoon, ginampanan ni Brigham Young at ng Labindalawa ang responsibilidad na ipakita sa mga Banal kung paano mamuhay ayon sa kalooban ng Panginoon. Naunawaan ni Brigham na sa halip na ihanda lamang ang daan na susundan ng iba, ang pangunang pangkat ng 1847 ay nagtatatag ng isang landas ng tipan. Kaya, lahat ng yaong maglalakbay ay maglalakbay “lakip ang isang tipan at pangakong susundin ang lahat ng kautusan at batas ng Panginoon” (D&T 136:2). Nakasaad pa sa paghahayag, “Ito ang ating magiging tipan—na tayo ay lalakad sa lahat ng ordenansa ng Panginoon” (D&T 136:4).

Sa mga buwan bago ang pag-alis mula sa Nauvoo, nagsikap nang husto ang mga lider ng Simbahan na tiyakin na maraming Banal ang makagagawa ng mga sagradong tipan hangga’t maaari sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo. Kung sinisikap nilang tuparin ang kanilang mga tipan at sundin ang mga kautusan, maaari nilang matamo ang ipinangakong “kapangyarihang mula sa itaas” upang pagpalain at tulungan sila. Ipinaalala pa ng Panginoon sa mga Banal: “Ako ang siyang nag-akay sa mga anak ni Israel palabas ng lupain ng Egipto; at ang aking bisig ay nakaunat sa mga huling araw, upang iligtas ang aking mga taong Israel” (D&T 136:22). Kabilang sa iba pang tinukoy na mga katangian ng landas ng tipan ay ang paalala sa mga Banal na tulungan ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “magkasukat na panustos, alinsunod sa pakinabang ng kanilang ari-arian.” Kabilang sa kautusan ang pangako ng Panginoon sa mga Banal na kung gagawin nila ito nang taos sa puso: “Kayo ay pagpapalain sa inyong mga tupahan, at sa inyong mga bakahan, at sa inyong mga bukid, at sa inyong mga bahay, at sa inyong mga mag-anak” (D&T 136:8, 11). Ang kabutihan ng pagtitiyaga, pagpapakumbaba, at pasasalamat sa pagtupad sa mga tipan at pamamahala sa temporal na mga pangangasiwa na nakasaad sa paghahayag ay tutulong din sa mga pioneer na mga Banal sa mga Huling Araw sa paninirahan sa ilang, pagtatayo ng mga bagong tahanan at komunidad, at paglalatag ng saligan para sa isang simbahan na nakatadhanang punuin ang mundo.

Pagtahak sa Landas ng Tipan

Sa natamong bagong pag-unawa, nagkaroon ng panibagong kasiglahan. Bilang mga tao ng Diyos, nagkaroon sila ng pribilehiyo at responsibilidad na gawin nang naiiba ang paglalakbay. Ang kakulangan ng pisikal na paghahanda at pagkain ay naging malaking problema sa paglalakbay ng mga Banal patawid sa Iowa. Ngayon ay naniwala si Brigham na ang tagumpay ng kanilang pagsisikap ay hindi gaanong nakasalalay sa lakas ng tao, mga mapa, bagon, at mga suplay kundi sa higit na pagsunod sa salita at kalooban ng Panginoon. Ang Panginoon ay magpapaulan ng manna sa kapatagan ng Amerika kung kinakailangan, hangga’t nagtitiwala sa Kanya ang mga Banal. Hindi na kailangang punuin nang sobra ng mga Banal ang kanilang mga bagon dahil sa pangamba. Upang mabigyang-diin ang bagay na ito, binawasan ni Brigham Young ang pangunang pangkat at naging 144 kalalakihan na lamang at iniutos sa kanila na magdala lamang ng 100 libra ng pagkain bawat tao sa kanilang paglalakbay patungo sa ilang. Lahat “ng yaong walang pananampalataya na maglakbay dala ang gayong dami ng suplay” ay maaaring manatili sa Winter Quarters, ipinahayag niya. Siya ay “nagbabala sa lahat na may hangaring magtungo sa mga bundok na ang kasamaan ay hindi pahihintulutan sa Kampo ng Israel” at sinabi pa niya, “Hindi ko pahihintulutan ang sinuman na sumama sa aking pangkat maliban kung kanilang susundin ang salita at kalooban Panginoon, mamumuhay nang tapat at tutulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.”

Sa loob ng ilang araw na natanggap ang “Salita at Kalooban ng Panginoon,” nagmungkahi si Brigham na magdaos sila ng isang kasiyahan upang ipakita “sa sanlibutan na ang mga taong ito ay maaaring maging mga tao alinsunod sa nais ng Diyos para sa kanila.” Ang pagsasayaw ay madalas na ituring na isang imoral na uri ng libangan sa Amerika noong ika-19 na siglo, ngunit itinuro ni Brigham sa pangunang pangkat: “Walang masama sa pagsasaya at pagsasayaw kung ang mga kapatid, kapag masyado na silang nagsasaya, ay alam kung kailan titigil” at hindi “kinakalimutan ang layunin ng paglalakbay na ito.” Sa pag-anyaya sa mga Banal na magsayaw, sinunod ni Brigham ang inihayag na payo: “Kung kayo ay masaya, purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-awit, ng musika, ng pagsasayaw, at ng isang panalangin ng papuri at pasasalamat” (D&T 136:28).

Dahil nagawa ang mga paghahanda, tiwala si Brigham na tutulungan sila ng Panginoon, kahit hindi nila kontrolado ang mga sitwasyon. Nang mag-alala ang mga indibiduwal sa naunang pangkat na baka hindi sila makarating sa kanilang destinasyon sa takdang panahon para magtanim ng mga pananim, sinabi ni Brigham, “Ipagpalagay nating hindi tayo nakarating. Ginawa [na] natin ang lahat ng ating makakaya at naglakbay nang mabilis hangga’t maaari ang ating pangkat.” Kung ang mga Banal ay “ginawa ang lahat ng makakaya [nila],” siya ay “malulugod na para bang nakapagtanim [sila] ng isang libong ektarya ng butil. Ang Panginoon na ang gagawa ng iba pa.” Sinabi pa niya, “Ngayon ko lang naunawaan nang malinaw ang hinggil sa paglalakbay na ito. Ang aking kapayapaan ay parang isang ilog sa pagitan ng aking Diyos at ng aking sarili.”

Panahon ng Pagkatuto

Ang paglalakbay mula Winter Quarters hanggang Lambak ng Salt Lake ay naging panahon ng pagkatuto para sa mga lider at mga miyembro ng Simbahan. Nadama ni George A. Smith na ang mga kasama rito ay “maaalala ang paglalakbay na ito bilang isa sa pinakamahusay na mga Paaralan na kanilang nadaluhan,” samantalang isinulat ni Wilford Woodruff, “Nasa isang lugar na tayo ngayon kung saan pinatutunayan natin ang ating sarili.” Para kay Brigham Young at sa mga Banal, ang paglalakbay ay kapwa naging pagkakataon upang patunayan ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa payo at paggawa bilang patunay sa Panginoon. Ang kapansin-pansing pagbabago sa mga Banal kasunod ng paghahayag ay nagtulak kay William Clayton na sabihing, “Tila ba sumabog ang ulap, at kami ay nagmula sa isang bagong elemento, bagong kapaligiran, at bagong lipunan.”

Ang paglalakbay ng pangunang pangkat noong 1847 ay naharap sa mga pagsubok, kahit may panibagong katapatan ang mga Banal. Ang orihinal na plano ay umalis “isang buwan bago maglakihan ang mga damo” ngunit hindi lalampas sa ika-15 ng Marso. Gayunpaman, nahuli ang pagdating ng tagsibol, at ang mga unang damo ay naglakihan na nang ilang linggo kalaunan kaysa sa karaniwan. Bunga ng hindi napapanahong malamig na panahon, ang pangkat ay hindi nakaalis sa kanilang lokasyon hanggang sa kalagitnaan ng Abril. Ang kasiglahan sa pagsisimula ng paglalakbay ay napabagal kalaunan ng matinding lamig sa gabi, mahanging kaparangan, mahirap na pagtawid sa ilog, pagkawala ng mga baka, at mga araw na puno ng mahaba, at nakakapagod na paglalakbay.

Kung minsan si Brigham Young, na masigasig na nakatuon sa mga alituntunin sa paghahayag, ay nasusumpungan ang kanyang sarili na dismayado sa pag-uugali ng ilang miyembro ng pangkat. Noong huling bahagi ng Mayo, binasa niya “ang Salita at Kalooban ng Panginoon” sa pangkat at “ipinahayag ang kanyang mga pananaw & saloobin … na nakakalimutan na nila ang kanilang misyon.” Ipinahayag pa niya na “mas gugustuhin niyang maglakbay kasama ang 10 matwid na tao na susunod sa mga kautusan ng Diyos kaysa sa buong kampo na walang pakundangan ang pag-uugali & kinakalimutan ang Diyos.” Sa sumunod na araw, ipinahayag niya na nais niya na “makipagtipan [ang pangkat] na bumaling sa Panginoon nang kanilang buong puso.” Ipinaalala niya sa kanila na kumilos tulad ng mga taong nakipagtipan: “Marami akong sinabi sa kalalakihan tungkol sa kanilang mga pag-uugali at asal na dapat ituwid nang lisanin namin ang mga gentil. … Kung hindi tayo magsisisi at titigil sa ating kasamaan ay mas marami ang magiging balakid natin kaysa noon, at mas matitinding unos ang mararanasan.” Matapos pagsabihan nang may kataliman, “magiliw [niyang] binasbasan ang mga kalalakihan at nanalangin na bigyan sila ng kakayahan ng Diyos na matupad ang kanilang mga tipan.”

Ang pandarayuhan noong 1847 ay ibang-iba sa nakaraang taon. Bagama’t ang pangunang pangkat ay naglakbay nang wala pang 300 milya noong 1846—karaniwan ay mahigit dalawang milya kada araw—ang unang pangkat ng mga pioneer ay naglakbay nang mahigit 1,000 milya sa loob ng 111 araw, na mahigit apat na beses ang layo kada araw kumpara noong nakaraang taon.

Iniugnay ng marami ang tagumpay ng pandarayuhan ng mga Banal sa personal na pamumuno ni Brigham Young, ngunit agad niyang kinikilala na iyon ay dahil sa kamay ng Diyos sa gawain. “Ang nalalaman ko,” sabi niya, “ay natanggap ko mula sa langit. … Pinag-uusapan ng mga tao ang naisagawa sa ilalim ng aking pamumuno, at iniuugnay ito sa aking karunungan at kakayahan; ngunit ang lahat ng ito ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at sa pamamagitan ng katalinuhan na natanggap ko mula sa kanya.” Bunga ng mga aral na natutuhan noong 1847, nawala ang pagkabalisang nadama ni Brigham Young sa Winter Quarters. Dahil napatunayan niya ang salita at kalooban ng Panginoon at kalaunan ay inilakip ang mga alituntunin nito sa kanyang buhay, natagpuan niya ang kanyang sarili kalaunan na “puno ng kapayapaan sa araw at gabi” at natutulog nang “mahimbing na gaya ng isang malusog na bata sa kandungan ng ina nito.”

  1. Brigham Young letter to Jesse C. Little, Peb. 26, 1847, Brigham Young office files, Church History Library, Salt Lake City; Brigham Young sermon, Hulyo 31, 1853, tulad ng nailathala sa Journal of Discourses, 26 tomo. (London: Latter-day Saints’ Book Depot, 1855–86), 1:166. Sa panahong ito, inilarawan si Brigham Young tulad ng sumusunod: “Ang aming Pangulo ay [hindi] tumitigil [umaayaw] sa anumang bagay na may posibilidad na isulong ang pagtitipon ng Israel, o itaguyod ang layunin ng Sion sa mga huling araw na ito; natutulog siya nang nakabukas ang isang mata at nakababa ang isang paa sa kama, at kapag may ipinagagawa, siya ay handa” (Historian’s Office, History of the Church, Ene. 7, 1847, Church History Library, Salt Lake City).

  2. Historian’s Office, History of the Church, Ene. 16, 1847.

  3. Historian’s Office, History of the Church, Ene. 27, 1847.

  4. Historian’s Office, History of the Church, Ene. 16, 1847.

  5. Hosea Stout diary, Ene. 14, 1847, as published in On the Mormon Frontier: The Diary of Hosea Stout, 2 tomo., pat. Juanita Brooks (Salt Lake City: University of Utah Press and Utah State Historical Society, 1964), 1:229.

  6. Historian’s Office, History of the Church, Ene. 14, 1847.

  7. Richard E. Bennett, We’ll Find the Place: The Mormon Exodus, 1846–1848 (Salt Lake City: Deseret Book, 1997), 73.

  8. Doktrina at mga Tipan 95:8.

  9. Bagama’t ang paghahayag ay nagpakita ng mga pagkakatulad ng mga Banal sa mga Huling araw sa sinaunang Israel, ito rin ay iniugnay sa paglalakbay nina Lehi at Nephi, kung saan ganito rin ang ipinahayag ng Panginoon: “At yamang sinusunod mo ang aking mga kautusan, ikaw ay uunlad, at aakayin sa isang lupang pangako; … ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko; kaya nga, yamang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, aakayin kayo patungo sa lupang pangako; at malalaman ninyo na sa pamamagitan ko, kayo ay naakay. Oo, … at na Ako, ang Panginoon, ang nagligtas sa inyo” (1 Nephi 2:20; 17:13–14). Gayunman, ang pagbanggit sa mga tipan at pagsunod ay nagsilbing babala rin. Matapos mabigo ang mga Banal na tubusin ang Sion noong 1834, ipinahayag ng Panginoon: “Kung hindi dahil sa mga paglabag ng aking mga tao, tumutukoy sa simbahan at hindi sa mga tao, maaaring sila ay natubos na maging ngayon. Subalit masdan, sila ay hindi natutong maging masunurin sa mga bagay na aking hiningi sa kanilang mga kamay” (D&T 105:2–3).

  10. Sa buong Doktrina at mga Tipan, nilinaw ng Panginoon ang responsibilidad ng Simbahan, kabilang na ang “[Pag]tingin sa mga maralita at sa nangangailangan, at magbibigay ng tulong sa kanila upang hindi sila maghirap” (D&T 38:35) at “Inyong alalahanin ang mga maralita, at maglaan ng inyong mga ari-arian para sa kanilang panustos” (D&T 42:30). Tingnan din sa D&T 38:16; 42:31, 34, 39; 44:6; 52:40; 83:6; 84:112; 104:18; 105:3. Habang naghahanda ang mga Banal na lisanin ang Nauvoo, sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1845, si Brigham ay “nagmungkahi na isasama [nila] ang lahat ng banal sa [kanila], hanggang sa makakaya [nila], ibig sabihin, [ang kanilang] impluwensya at ari-arian.” Gayunman, 214 na indibiduwal lamang ang lumagda sa “Nauvoo Covenant” na ito. Simula sa paglalakbay noong 1847, binigyang-diin muli ni Brigham sa lahat ng miyembro ng Simbahan na tanggapin ang kanilang responsibilidad na tulungan ang ibang nangangailangan ayon sa kanilang kakayahan. Tingnan sa History of the Church, 7 tomo. (Salt Lake City: Deseret Book, 1976–80), 7:465.

  11. Sinabi ni Clarissa Young Spencer, “Isa sa mga pinakanatatanging katangian ni Ama bilang lider ay ang paraan ng pangangalaga niya sa temporal at panlipunang kapakanan ng kanyang mga tao at paggabay sa kanila sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan” (Clarissa Young Spencer at Mable Harmer, Brigham Young at Home [Salt Lake City: Deseret Book, 1963], 169). Nadama ng isa pang anak, si Susa Young Gates, na ang kanyang ama ay “nagpakita ng higit pang kabanalan sa kanyang mga aktibidad at libangan na maingat na pinaplano kaysa sa mga mensaheng ibinibigay niya sa pulpito. Pinanatili niyang abala ang mga tao, masigasig na itinaguyod ang mabubuting libangan at hinikayat ang pagpapahusay ng lahat ng kakayahan, lahat ng kaloob at damdamin ng tao.” Sinabi niya na “ang mga tao sa mahihirap na taon na iyon ng pagpapagal ay nagkaroon, ng napakakaunting pista opisyal at bahagyang pagdiriwang para sa pakikipagkapatiran at espirituwal na pakikipag-ugnayan, ngunit sa matalinong tuntunin ni Brigham Young” (Susa Young Gates at Leah D. Widtsoe, The Life Story of Brigham Young [New York: Macmillan, 1930], 266; ginawang makabago ang pagbabaybay). Tungkol sa iba pang mga aspeto ng salita at kalooban ng Panginoon, bagama’t ang pagpapatupad at matagumpay na pangangasiwa ay nagawa ni Brigham, ang inspirasyon ay mula sa Panginoon.

  12. Apat na araw matapos matanggap ang bahagi 136, ipinahayag niya sa mga tao na siya ay “walang sapat na mga baka upang makapunta sa mga bundok” ngunit siya ay “hindi na nag-aalinlangan o natatakot na pumunta sa mga bundok, at dama ang labis na seguridad na tila ba taglay [niya] ang mga kayamanan ng Silangan” (Historian’s Office, History of the Church, Ene. 18, 1847).

  13. Bagama’t pinaniniwalaan ng marami na 143 kalalakihan lamang ang pinili ni Brigham para sa pangkat (kasama ang 3 babae at 2 anak), si Ellis Eames ay orihinal na itinalaga bilang bahagi ng pangkat ngunit hindi nagtagal ay umalis matapos lisanin ang Winter Quarters, dahil sa karamdaman. Hindi siya isinama bilang miyembro ng orihinal na pangkat dahil sa maikling panahon na iniukol niya rito. Pagsapit ng 1849 ay nakarating si Eames sa Utah, at noong 1851, siya ang naging unang alkalde sa Provo (John Clifton Moffitt, The Story of Provo, Utah [Provo, UT: Press Publishing, 1975], 266). Sinabi ni Orson F. Whitney na “twelve times twelve na kalalakihan ang pinili.” Bunga nito, pinaniwalaan na ang bilang ay kumakatawan sa labindalawang lalaki para sa bawat isa sa labindalawang lipi ng Israel, isa pang pinagtipanang mga tao. Maaaring naniwala si Whitney dito, ngunit natanto niya na ito ay isang haka-haka lamang: “Kung sinadya man ito o hindi, hindi namin alam” (Orson F. Whitney, History of Utah, 4 tomo. [Salt Lake City: George Q. Cannon and Sons, 1892–1904], 1:301).

  14. Historian’s Office, History of the Church, Mar. 3, 1847.

  15. Historian’s Office, History of the Church, Ene. 18, 1847.

  16. Historian’s Office, History of the Church, Peb. 5, 1847; Norton Jacob journal, Mayo 28, 1847, tulad ng nakalathala sa The Mormon Vanguard Brigade of 1847: Norton Jacob’s Record, pat. Ronald O. Barney (Logan: Utah State University Press, 2005), 150; ginawang makabago ang pagbabaybay at malaking titik.

  17. The Record of Norton Jacob, mga pat. C. Edward Jacob at Ruth S. Jacob (n.p.: Norton Jacob Family Association, n.d.), 50.

  18. Historian’s Office general Church minutes, Mayo 23, 1847, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  19. Historian’s Office general Church minutes, Mayo 23, 1847; Wilford Woodruff journal, Mayo 16, 1847, sa Wilford Woodruff’s Journal: 1833–1898, Typescript, 9 tomo., pat. Scott G. Kenney (Midvale, UT: Signature Books, 1983–85), 3:177; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  20. William Clayton diary, Mayo 29, 1847, sa An Intimate Chronicle: The Journals of William Clayton, trade ed., pat. George D. Smith (Salt Lake City: Signature Books, 1995), 333.

  21. Bennett, We’ll Find the Place, 69.

  22. Ang mga miyembro ng pangunang pangkat ay nagsimulang magtipon sa itinalagang lugar ng pagkikita sa Ilog Elkhorn, humigit-kumulang 20 milya sa kanluran ng Winter Quarters, sa unang bahagi ng Abril. Gayunman, noong ika-16 ng Abril, opisyal na binuo ni Brigham Young ang pangkat sa mga isandaan, mga limampu, at mga sampu, at nagsimula silang magkakasamang maglakbay mula sa Elkhorn bilang isang grupo.

  23. Wilford Woodruff journal, Mayo 28, 1847, sa Wilford Woodruff’s Journal, 3:186; ginawang makabago ang pagbabaybay at malaking titik.

  24. William Clayton diary, Mayo 29, 1847, sa An Intimate Chronicle, 325, 330–31.

  25. Brigham Young sermon, Mayo 18, 1873, tulad ng nakalathala sa Journal of Discourses, 16:46.

  26. Brigham Young sermon, Ene. 12, 1868, tulad ng nakalathala sa Journal of Discourses, 12:151; Brigham Young sermon, Okt. 7, 1859, tulad ng nakalathala sa Journal of Discourses, 7:281.