Kasaysayan ng Simbahan
Kapayapaan at Digmaan


“Kapayapaan at Digmaan” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Kapayapaan at Digmaan,” Konteksto ng mga Paghahayag

Kapayapaan at Digmaan

D&T 87

Andrew Jackson

Ilang araw bago sumapit ang Pasko noong 1832, ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Kirtland ay dumating mula sa malamig, mahalumigmig na klima at naupo sa tabi ng kanilang mainit at nagniningas na siga. Binuklat nila ang kanilang lokal na pahayagan, ang Painesville Telegraph, at nabasa roon ang nakababahalang balita. Pitong daang milya sa timog, ang lehislatura ng Timog Carolina, isang estado sa loob ng Estados Unidos, ay nagdeklara ng “pagwawalang-bisa” sa buwis na ipinatong ng pamahalaang pederal sa mga inaangkat na kalakal. Ang aksiyong ito ay lumikha ng “nullification crisis” na humamon sa karapatan ng pamahalaang pederal na ipatupad ang sarili nitong mga batas. Tila sisiklab ang digmaan sa lalong madaling panahon.

Ang mga taripang ito ay itinatag upang protektahan ang mga nagpoprudyus ng mga produkto sa hilaga mula sa mga kakumpetensyang banyaga. Ipinalagay ng mga magsasaka sa timog na hindi makatarungan ang mga ito. Bakit sila magbabayad nang mas malaki para sa mga kalakal na hindi galing sa kanilang rehiyon? Si Andrew Jackson, ang pangulo ng Estados Unidos, ay nag-isyu ng proklamasyon kung saan nagbabala siya na ang pagtutol ng Timog Carolina sa mga pederal na taripa ay pagpapakita ng paghihimagsik na maaaring humantong sa pagdanak ng dugo. Kaagad na tumugon ang Timog Carolina sa pamamagitan ng paghahanda para sa digmaan. Tila hindi na magkakasundo. Ang mga pahayag na binasa ng mga residente sa Kirtland ay nagbabadya ng digmaan: “Sinumang magtaas ng bayoneta ng Pederal sa ating mga hangganan,” mababasa sa isang pahayag, ito ay magiging “digmaan ng mga soberanya.

Ang Paghahayag sa Araw ng Pasko

Sinubaybayan nang mabuti ni Joseph Smith ang hidwaang ito sa pamamagitan ng mga pahayagan na dumating sa Kirtland. Siya ay nagdagdag ng isang maikling tala sa kanyang kasaysayan tungkol sa mga tao ng Timog Carolina na “nagsasabing ang kanilang estado, ay isang malaya at Bansang May Kasarinlan” at sa “proklamasyon laban sa paghihimagsik na ito” na ibinigay ni Pangulong Jackson. At pagkatapos, kasunod ng mga talang ito, isiningit ni Joseph ang tinawag niyang “propesiya tungkol sa digmaan,” isang paghahayag na idinikta niya sa kanyang klerk na si Frederick G. Williams noong Araw ng Pasko ng 1832, ilang araw lang matapos mabasa ang nakababahalang balita sa mga pahayagan ng Kirtland. Ang paghahayag na iyon ay kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 87.

Nang hindi binabanggit ang pangalan ni Pangulong Jackson, ang propesiya tungkol sa digmaan ay nagpahiwatig na ang mga pangakong may mga kondisyon ng pangulo ay tiyak na mangyayari. Ibinadya ni Pangulong Jackson na mangyayari ang armadong labanan kung patuloy na igigiit ng Timog Carolina ang pagkakaroon nito ng sariling soberanya. Ayon kay Pangulong Jackson, ang tugon ng Timog Carolina ay naipakita sa mga ikinilos nito: “Ang kapayapaan at kasaganaan ay wawasakin namin; ang malayang pakikipag-ugnayang ito ay patitigilin namin; ang matabang kalupaang ito ay pababahain namin ng dugo.” Subalit, kung aatras ang Timog Carolina, maiiwasan ang pagdanak ng dugo. Gayunpaman, sa propesiya ni Joseph Smith, ang pagdanak ng dugo ay naunang konklusyon. “[Ang] mga digmaan na di magtatagal ay darating na, simula sa paghihimagsik ng Timog Carolina,” wika ng paghahayag, “[ay] sa wakas ay matatapos sa kamatayan at paghihirap ng maraming kaluluwa.” Ang paghahayag ay nagbadya ng hindi mapayapang resolusyon.

Ang pagkawasak ay hindi na bagong tema sa mga paghahayag ni Joseph Smith. Nagbabala na ang Panginoon noon pa man ng tungkol sa panahon ng taggutom, salot, at mga bagyo na mangyayari sa mga naninirahan sa mundo. Itinuro ng mga paghahayag na ang malawakang pagkawasak ay mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, at ang madalas na pagbanggit sa pagkawasak sa mga paghahayag ay nagtulak sa mga Banal sa mga Huling Araw na isipin na talagang malapit na ang Ikalawang Pagparito.

Ang Doktrina at mga Tipan 87 ay nagpatindi lamang ng pag-asam na malapit na ang Ikalawang Pagparito. Ang iba pang mga paghahayag ay walang sinasabing panahon at lugar: Ang pagkawasak ay mangyayari “bago dumating ang dakilang araw na ito,” na tumutukoy sa Ikalawang Pagparito, o mangyayari sa “lahat ng bansa.” Ang digmaan at alingawngaw ng digmaan ay mangyayari “sa sarili ninyong mga lupain,” wika ng mga paghahayag, at “sa mga ibang lupain.” Ang Doktrina at mga Tipan 87, sa kabilang banda, ay iniugnay ang pagkawasak sa mga partikular na lugar at pangyayari sa panahong iyon: Ang Timog Carolina at ang paghihimagsik nito ay partikular na binanggit. Ang tunggalian ay hindi lamang kinasasangkutan ng mga naglalabang bansa. Kasama rin dito ang mga naaping grupo—“ang mga alipin” at “mga natira na naiwan sa lupain”—na naghimagsik laban sa kanilang mga panginoon at nangangasiwa.

Ang pagbanggit sa mga alipin ay nagpasok nang direkta sa Doktrina at mga Tipan 87 sa tunggalian sa kapangyarihang pederal. Sa mga pangyayaring humantong sa krisis, sinabi ng mga taga Timog Carolina na ang mga taripa ng pederal ay sadyang pinlano upang pabagsakin ang ekonomiya sa pagsasaka na mga alipin ang nagtatrabaho na laganap sa Timog Amerika. Ang mga estado na nanindigan para makinabang mula sa mga taripa, kabilang ang Ohio, ay ginawang iligal ang pang-aalipin. Ang propesiya ni Joseph Smith tungkol sa digmaan ay tumukoy sa mga pagkakaibang ito batay sa heograpiya at mga paniniwala sa pulitika at nag-ugnay sa mga ito sa mga digmaan na tiyak na mangyayari: “Ang Timog Estado ay mahahati laban sa Hilagang Estado, at ang Hilagang Estado ay tatawag sa iba pang mga bansa, maging ang bansa ng Great Britain.” Noong 1832, ang Europa ay umaasa sa produktong cotton ng timog para sa mga industriya nito ng tela. Ang Great Britain ay tila kaalyado ng ipinaglalaban ng Timog Carolina.

Naiwasan ang Krisis

Sa labis na pagkagulat ng lahat, ang nullification crisis o krisis na dulot ng pagpapawalang-bisa ay nagwakas bago pa ito nagsimula. Noong Pebrero 1833, isinaayos ni Pangulong Jackson ang isang mababa, at makatwirang taripa, pinanatili ang mga karapatan ng pamahalaang pederal habang tinutugunan ang mga hinihingi ng mga taong nais ihiwalay ang Timog Carolina sa Estados Unidos. Naiwasan ang krisis, bumalik ang kapayapaan sa lupain, at si Pangulong Jackson ay nasiyahan sa maaaring pinakamalaking tagumpay niya bilang pangulo.

Ang mapayapang resolusyon ng krisis ay ikinalugod ng lahat ngunit hindi ng mga taong galit at gusto ng digmaan. Bilang disipulo ni Cristo, nais ni Joseph Smith ng kapayapaan at malugod niyang tinanggap ang pagkakasundo, at umasam sa pagbabalik ng Prinsipe ng Kapayapaan at ng Kanyang payapang paghahari sa milenyo. Ngunit ang matitinding pagbabadya na nakapaloob sa propesiya tungkol sa digmaan, na nakaugnay sa mga kaganapan sa panahong iyon, ay maaaring nagpaisip kay Joseph. Ang kamatayan at paghihirap ng maraming kaluluwa ay hindi naganap. Ang mga estado sa Timog ay patuloy na nahahati laban sa Hilaga sa usaping pang-aalipin, ngunit ang mga alipin ay hindi naghimagsik laban sa kanilang mga panginoon, at ang Timog Carolina ay hindi humingi ng tulong sa Great Britain. Sinumang naghahanap ng katuparan ng paghahayag noong 1833 ay nadismaya marahil.

Tila atubili si Joseph Smith na ipabatid sa lahat ang kanyang propesiya tungkol sa digmaan. Bago pa man naiwasan ang krisis, sinabi niya sa isang patnugot ng pahayagan na nakatitiyak siya na “hindi lilipas ang maraming taon ay makikita ng Estados Unidos ang pagdanak ng dugo na walang kahalintulad sa kasaysayan ng ating bansa.” Ngunit hindi na siya nagbanggit pa ng anuman nang mahigit pa roon. Hindi niya binanggit ang Timog Carolina sa kanyang mga turo at sermon kalaunan. Nang tipunin niya ang kanyang mga paghahayag para sa paglalathala noong 1835, hindi isinama ni Joseph ang Doktrina at mga Tipan 87 sa koleksyon. Matapos mapayapang nagwakas ang nullification crisis, tila pinakamainam na isantabi ang paghahayag noong nabubuhay pa siya.

Si Joseph ay nakatitiyak sa kanyang mga naunang paghahayag. Nadama niyang nangungusap ang tinig ng Diyos sa pamamagitan niya at nakitang nangyari ang mga salitang iyon. Napaisip siya marahil kung ang paghahayag na ito ay huwad na propesiya. O, kung totoo ang propesiya, ano ang nais ng Diyos na gawin ni Joseph ngayon upang ang kapayapaang iyon, kahit pansamantala lamang, ay matamo?

Mga Banal na Lugar

Ang Doktrina at mga Tipan 87 ay hindi nagpabago sa pinagtutuunan ni Joseph Smith sa buhay. Hindi siya nagtago sa isang bunker o kaya’y hindi nagpakita sa publiko, na naghihintay ng wakas. Bago pa man matagumpay na nalutas ni Pangulong Jackson ang krisis, nang tila mangyayari na ang digmaan, tahimik na nagbukas ng paaralan si Joseph para sa mga elder na malapit nang humayo sa mundo bilang mga misyonero. Ang Paaralan ng mga Propeta, tulad ng tawag dito ni Joseph, ay nagtipon ng maliit na grupo ng kalalakihang Banal sa mga Huling Araw sa tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland.

Sa paaralan, tinuruan ni Joseph ang mga estudyante kung paano “makapangusap sa pangalan ng Diyos.” Hinikayat niya ang kalalakihan na dalisayin ang kanilang sarili upang matulungan sila ng Espiritu ng Diyos na mahanap at maturuan ang mga hinirang. Ang mga sumusunod sa Word of Wisdom, itinuro ni Joseph, ay tatakbo at hindi mapapagod at lalakad at hindi manghihina. Hinangad ni Pangulong Jackson na maiwasan ang pagkawasak sa pamamagitan ng diplomasiya. Itinuro ni Joseph na ang “mapangwasak na anghel” ay maiiwasan sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay.

Hindi kailanman nag-atubili si Joseph sa pagbibigay ng babala sa mundo tungkol sa mga kapahamakang darating. Ngunit hindi iyon ang punto ng kanyang mensahe. Hindi siya isang propeta na nagpopropesiya lamang ng masasamang bagay na mangyayari, na kuntento na sa pagbabadya lamang ng kapighatian at kapahamakan. Sa katapusan ng Doktrina at mga Tipan 87, sinabi ng Panginoon sa mga Banal kung paano tumugon sa gayong nakababahalang mga propesiya. Hindi nila kailangang mamuhay nang may takot o iwanan ang kasalukuyan nilang mga gawain. Sila ay dapat “tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag.”

Ilang araw matapos matanggap ang Doktrina at mga Tipan 87, si Joseph Smith ay tumanggap ng isa pang paghahayag, kung saan iniutos sa mga Banal na magtayo ng isang templo sa Kirtland (Doktrina at mga Tipan 88). Ang paghahayag na ito, tulad ng propesiya sa digmaan, ay nangusap ng tungkol sa mga pagkawasak na darating. Subalit nangusap din ito tungkol sa isang mahalagang gawain na dapat isagawa ng mga Banal. Hindi sila dapat maupo na lang at walang gawin, na hinihintay ang pagbabalik ni Cristo habang may nangyayaring hindi maganda sa mundo sa paligid nila. Ni hindi rin sila dapat mangaral lang, tulad ng ginagawa ng mga nagbabalita ng kapahamakan. Magtatayo sila ng mga bagong istruktura, bagong institusyon, bagong “mga banal na lugar.” Palaging masunurin sa mga paghahayag sa kanya, binuksan ni Joseph ang Paaralan ng mga Propeta, tulad ng iniutos sa kanya ng paghahayag. Kalaunan sa tag-init na iyon, idaraos niya ang groundbreaking para sa templo.

Hanggang sa katapusan ng buhay ni Joseph, ang “mga banal na lugar,” mga templo at paaralan na ito, ang siyang lubos niyang pagtutuunan ng pansin. Itinuro sa kanya ng karanasan na manampalataya nang bahagya sa kapangyarihan ng diplomasiya, tulad ng ginawa ni Andrew Jackson. Alam ni Joseph na mula sa napakadalas na paglipat ng tirahan, ang mga Banal ay nagsikap na makamtan ang mailap na kapayapaan. Sa kabila ng tunggalian na nakapaligid sa kanila, ang mga Banal ay laging makasusumpong ng kapayapaan sa proseso ng paglikha at paninirahan sa mga banal na lugar.

Katapusan

Tatlong dekada matapos matanggap ang Doktrina at mga Tipan 87, muling naghimagsik ang Timog Carolina. Dahil nakumbinsi na ang pagkahirang kay Abraham Lincoln bilang pangulo ng Estados Unidos ay magdudulot ng problema para sa institusyon ng pang-aalipin, ang lehislatura ng estado ay bumoto na humiwalay sa Estados Unidos. Ang ginawa ng Timog Carolina ay nagpasimula sa digmaan ng Hilaga at Timog. Naging dahilan ito ng maraming kamatayan at paghihirap. Humingi ng tulong ang mga taga-timog sa Great Britain. Ang mga alipin ay naghimagsik laban sa kanilang mga panginoon. Sa lahat ng ito, ang mga Banal, na ngayon ay nasa kanilang bagong tahanan sa Kanluran, ay nagpagal ng lubos sa paggawa ng mga pundasyon ng isa pang banal na lugar—ang Salt Lake Temple.

  1. Tingnan sa William W. Freehling, pat., The Nullification Era: A Documentary Record (New York: Harper Torchbooks, 1967). Ang balita tungkol sa paghihimagsik ng Timog Carolina laban sa mga taripa ng pederal ay iniulat bago ang panahong ito, ngunit noong ika-21 ng Disyembre lamang ibinalita ng Painesville Telegraph ang talumpati ng gobernador ng Timog Carolina na sumusuporta sa mga ginawa ng lehislatura.

  2. Ang Konstitusyon ng Estados Unidos ay nagbigay ng kapangyarihan sa pederal na pamahalaan ang komersyo, at sa unang dalawang dekada ng pag-iral ng bansa, ang mga taripa ay binabaan upang pataasin ang kita. Ang mas mataas na halaga ng taripa ay ipinatupad bilang tugon sa malakihang pagma-manufacture ng Britsh noong dekada ng 1810 at 1820 (tingnan sa Paul P. Abrahams, “Tariffs,” sa Paul S. Boyer, pat., The Oxford Companion to United States History [New York: Oxford University Press, 2001], 761).

  3. Andrew Jackson, Proclamation, Dis. 10, 1832, sa James D. Richardson, tagatipon, A Compilation of the Messages and Papers of the Presidents, 11 tomo. (New York: Bureau of National Literature, 1897), 3:1203–19. Pinahintulutan ng lehislatura ng Timog Carolina ang $200,000—isang napakalaking halaga—para sa mga armas at binigyan ang gobernador nito ng awtoridad na magtipon ng militia (tingnan sa Robert V. Remini, Andrew Jackson and the Course of American Democracy, 1833–1845 [New York: Harper & Row, 1984], 26). Sinalubong nang may pangungutya ng mga nullification supporter ang proklamasyon ni Pangulong Jackson, itinuring ito bilang pananakot para mapapayag ang South Carolina Whigs sa pamamagitan ng pagpukaw na magalit ang mga tutol sa pagpapawalang-bisa sa loob ng estado. Para sa mga radical nullifier na ito, ang proklamasyon ni Pangulong Jackson ay humantong sa “pagdedeklara ng digmaan” (“South Carolina,” Alexandria [Virginia] Gazette, Dis. 25, 1832, 2).

  4. “The Charleston Mercury,” Painesville Telegraph, Dis. 21, 1832, 3, column 2. Si James Hamilton, ang gobernador ng Timog Carolina na patapos na sa kanyang termino, ay tila halos maghamon ng digmaan sa isang naibalitang talumpati na ibinigay niya noong ika-10 ng Disyembre. “Ang karamihan sa aming mga mamamayan,” sabi niya, “ay mas gugustuhin pang mawasak ang lahat ng bahay sa lupain ng aming Territoryo, at lahat ng pananim ay masunog, kaysa sumuko sa kalupitan at kawalang katarungan ng sistemang iyon ng Pamahalaan laban sa yaong matibay na pinaninindigan namin” (“South Carolina,” American Traveller [Boston], Dis. 25, 1832, 3).

  5. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 244, josephsmithpapers.org.

  6. Richardson, A Compilation of the Messages and Papers of the Presidents, 3:1217.

  7. Revelation, 25 December 1832 [D&C 87],” sa Revelation Book 2, 32, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabaybay; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 87:1.

  8. Tingnan sa “Revelation, September 1830–A [D&C 29],” sa Revelation Book 1, 37–38, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 29:14–19.

  9. Tungkol sa Latter-day Saint millennialism, tingnan sa Grant Underwood, The Millenarian World of Early Mormonism (Urbana: University of Illinois Press, 1986). Para sa milenyalismo sa pangkalahatan, kabilang sa mga klasikong akda ang James West Davidson, The Logic of Millennial Thought: Eighteenth-Century New England (New Haven: Yale University Press, 1977) at Ernest R. Sandeen, The Roots of Fundamentalism: British and American Millenarianism, 1800–1930 (Chicago: University of Chicago Press, 1970).

  10. Revelation, September 1830–A [D&C 29],” 37; “Revelation, 4 November 1830 [D&C 34],” sa Revelation Book 1, 46, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 29:14; 34:8–9.

  11. Revelation, circa 7 March 1831 [D&C 45],” sa Revelation Book 1, 73, 75; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 45:26, 63.

  12. Revelation, 25 December 1832 [D&C 87],” 32–33; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 87:1.

  13. Revelation, 25 December 1832 [D&C 87],” 33; ginawang makabago ang pagbabantas at paggamit ng malaking titik; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 87:3.

  14. Merrill D. Peterson, Olive Branch and Sword—The Compromise of 1833 (Baton Rouge: Louisiana State University Press, 1982); William W. Freehling, Prelude to Civil War: The Nullification Controversy in South Carolina, 1816–1836 (New York: Harper & Row, 1966), 293. Hindi sang-ayon ang mga iskolar sa ginawa ni Pangulong Jackson tungkol sa nullification crisis. Ang mas matatandang iskolar ay tila mas nagpuri at nasiyahan, ngunit sinabi ng mga bagong iskolar na ang pakikipagkasundong iyon ay kinapalooban ng matinding kahihiyan na nakapinsala kay Pangulong Jackson sa katayuan niya sa pulitika sa darating na mga taon (tingnan sa Richard E. Ellis, The Union at Risk: Jacksonian Democracy, States’ Rights, and the Nullification Crisis [New York: Oxford University Press, 1987], 181–82).

  15. Ang mga paghihimagsik ng mga alipin ay nangyari bago pa ang taong 1832, ngunit ang mga ito ay mangilan-ngilan lang at agad natapos. Para sa halimbawa, tingnan sa Stephen B. Oates, The Fires of Jubilee: Nat Turner’s Fierce Rebellion (New York: Harper & Row, 1975).

  16. Joseph Smith letter to Noah C. Saxton, Ene. 4, 1833, sa Joseph Smith Letterbook 1, 17–18, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  17. Bagama’t dala ng mga misyonero ang mga sulat-kamay na kopya ng paghahayag nang ilang dekada, ito ay hindi inilathala hanggang noong 1851 (tingnan sa Scott C. Esplin, “‘Have We Not Had a Prophet among Us?’: Joseph Smith’s Civil War Prophecy,” sa Civil War Saints, pat. Kenneth L. Alford [Salt Lake City: Deseret Book, 2012], 41–59).

  18. Revelation, 1 November 1831–B [D&C 1],” sa Revelation Book 1, 126, josephsmithpapers.org; tingnan din sa “Revelation, 27–28 December 1832 [D&C 88:1–126],” sa Revelation Book 2, 46, josephsmithpapers.org; Doktrina at mga Tipan 1:20; 88:122.

  19. Tingnan sa Jed Woodworth, “The Word of Wisdom: D&C 89,” history.churchofjesuschrist.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:20–21.

  20. Revelation, 27 February 1833 [D&C 89],” sa Revelation Book 2, 51, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabaybay; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:21.

  21. Tingnan sa Susan Juster, Doomsayers: Anglo-American Prophecy in the Age of Revolution (Philadelphia: University of Pennsylvania Press, 2003).

  22. Revelation, 25 December 1832 [D&C 87],” 33; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 87:8.