Kasaysayan ng Simbahan
‘Bilang Obispo sa Simbahan’


“‘Bilang Obispo sa Simbahan’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Bilang Obispo sa Simbahan,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Bilang Obispo sa Simbahan”

D&T 41, 42, 51, 54, 57

larawan ni Edward Partridge

Noong taglagas ng 1830, apat na kabataang lalaki ang dumating sa pintuan ng pagawaan at tindahan ng mga sombrero ni Edward Partridge sa Painesville, Ohio. Habang nakikinig si Partridge sa pambihirang kuwento ng kalalakihan tungkol sa pagpapanumbalik ng awtoridad at paghahayag tungkol sa bagong banal na kasulatan, tinawag niya sila na mga impostor at pinaalis ang mga ito. Subalit pagkaalis nila, inutusan ni Partridge ang isa sa kanyang mga empleyado na hanapin ang mga kalalakihan upang bumili ng isang kopya ng aklat na dala nila, ang Aklat ni Mormon.

Si Partridge at ang kanyang asawang si Lydia ay naghahanap ng isang simbahan na nagtuturo ng ebanghelyo mula sa Bagong Tipan sa kalinawan nito at nagbibigay ng katibayan tungkol sa banal na awtoridad para pamunuan ang simbahan. Nang malaman ang mensahe ng mga misyonero, nakilala ni Lydia ang katotohanang alam niya na mula sa Biblia sa kanilang mga turo at siya ay nabinyagan. Hindi pa rin nakumbinsi si Edward Partridge, ngunit matapos maglakbay patungong New York upang makilala si Propetang Joseph, siya rin ay nabinyagan.

Sa panahon ding ito, nakatanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag kung saan nangako ang Panginoon kay Edward Partridge, “iyong Matatangap ang aking espiritu, ang Espiritu Santo, maging ang mang-aaliw, na siyang magtuturo sa iyo ng mga mapayapang bagay ng Kaharian.” Sa katiyakang ito, tinawag ng Panginoon si Partridge na “mangaral ng aking Ebanghelyo na gaya ng tunog ng isang Pakakak.” Si Partridge ay lumisan para ibahagi ang kanyang natagpuang bagong relihiyon sa kanyang mga magulang at kapatid sa Massachusetts. Bagama’t hindi tinanggap ng karamihan sa mga miyembro ng kanyang pamilya ang kanyang mensahe, tinupad ni Partridge ang kanyang tungkulin na ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

Noong ika-4 ng Pebrero 1831, sa pagbabalik ni Partridge sa Ohio, si Joseph Smith ay tumanggap ng isang paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 41) na tinatawag si Edward Partridge bilang unang obispo sa 10-buwang-gulang na Simbahan. Ang katungkulan ng obispo o bishop ay isa sa mga unang katungkulan sa priesthood na ipinanumbalik sa dispensasyong ito, at, tulad ng iba pang mga katungkulan, ang pag-unawa sa mga tungkulin ng isang obispo ay dumating nang taludtod sa taludtod. Hindi tulad ng mga obispo ngayon, tinagubilinan si Partridge na hindi lamang “[ma]ordenan bilang obispo sa simbahan” kundi “iwanan [din] ang kanyang mga kalakal & iukol ang lahat ng kanyang panahon sa mga gawain sa Simbahan.”

Dahil walang hanbuk at walang mga halimbawang tutularan sa panahong iyon, maaaring napaisip si Partridge kung ano ba talaga ang “mga gawain sa Simbahan” na kailangan niyang gawin. Sa kabutihang-palad, makalipas ang ilang araw, tumanggap si Joseph ng paghahayag (na tinatawag na “ang batas” ng mga naunang miyembro ng Simbahan) na naglalaman ng karagdagang impormasyon tungkol sa mga tungkulin ni Partridge bilang obispo.

Sa paghahayag na ito (na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 42), iniutos ng Panginoon sa mga Banal na ilaan ang lahat ng kanilang ari-arian sa Kanya sa pamamagitan ng obispo at ng kanyang mga tagapayo “kalakip ang isang tipan at isang Kasulatan na hindi maaaring labagin.” Pagkatapos, ang naglaan ay tatanggap ng isang pangangasiwaan mula sa obispo na “sapat para sa kanyang sarili at mag-anak.” Ang obispo ay inatasang ingatan sa kamalig o storehouse ang anumang natitirang ari-arian para sa “pagtulong sa mga maralita at nangangailangan,” pagbili ng mga lupain, at pagtatatag ng Sion.

Naharap si Partridge sa isa sa kanyang mga unang pangunahing tungkulin bilang obispo nang dumating sa Ohio ang mga Banal na inutusang umalis sa New York. Si Partridge ay inatasang isaayos sila sa mga lupain para sa kanilang mga mana. Ang naunang miyembro ng Simbahan na si Leman Copley ay nag-alok na patirahin ang mga Banal mula sa Colesville, New York, sa kanyang 759-acre na lupain sa Thompson, Ohio, mga 20 milya mula sa Kirtland, at si Partridge ay nangailangan ng mas partikular na paghahayag kung paano isaayos ang mga Banal ng Colesville sa lupain ni Copley. Bilang tugon, binigyan ng Panginoon si Partridge ng mga tagubilin sa pamamagitan ni Joseph Smith. Ang mga tagubiling ito ay matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 51. Itinuro ng Panginoon kay Partridge na kapag hinati niya ang lupain para sa mga Banal ng Colesville, siya ay “mag[ta]takda sa mga Taong ito ng kanilang mga bahagi, bawat tao ayon sa kanilang mag-anak, ayon sa kanilang mga kakulangan & kanilang mga pangangailangan.” Bagama’t may ari-arian si Partridge sa Painesville at hindi niya kailangan ng lupa, sinabi sa kanya sa paghahayag na bilang kapalit dahil isinakripisyo niya ang kanyang trabaho bilang taga-gawa ng mga sombrero para maglingkod bilang obispo, magagamit niya ang mga suplay sa storehouse upang suportahan ang kanyang pamilya.

Ang pagsunod sa batas ng paglalaan ay dapat ituring na isang pribilehiyo. Ngunit hindi lahat ay gayon ang pananaw. Hindi nagtagal ay binawi ni Copley ang kanyang alok at pinalayas ang mga Banal ng Colesville mula sa kanyang lupain, at iniwang nag-aalala ang mga ito kung saan sila pupunta. Noong ika-10 ng Hunyo, tinugon sa isang paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 54) ang kanilang pag-aalala sa isang nakakagulat na paraan: inatasan sila na lumipat nang permanente sa Missouri, mahigit 800 milya ang layo.

Sa panahon ding ito, sina Joseph Smith, Edward Partridge, at iba pa ay naghahanda ring maglakbay patungo sa Missouri, ang inaasahang lugar ng lunsod ng Sion sa hinaharap. Umalis si Partridge, sa pag-aakalang makababalik siya pagkaraan ng ilang buwan. Ngunit sa pagdating ng mga elder sa Independence, Missouri, isang bayan na nasa mga hangganan sa malayong kanlurang bahagi ng estado, nakatanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag (na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 57) na nagpapahayag na ang Independence ang magiging sentro ng Sion sa mga huling araw. Ang paghahayag ay naglalaman din ng isang mahigpit na utos: “Karunungan na ang lupain ay bilhin ng mga banal & gayon din ang bawat sukat ng lupain sa gawing kanluran, maging patungo sa [kanlurang hangganan ng Missouri,] At gayon din ang bawat sukat ng lupain na bumabaybay sa mga Parang.” Iniutos pa ng Panginoon, “Ang aking tagapaglingkod na si Edward [Partridge] ay tatayo sa katungkulan na aking itinalaga sa kanya na [hatiin] sa mga banal ang kanilang mana, maging gaya ng aking iniutos.” Pagkatapos ay tumawag ang Panginoon ng ilang indibiduwal na manatili sa Missouri at itatag ang Sion. Salungat sa kanyang mga plano, si Partridge ay isa sa mga yaong “ma[ni]nirahan sa lupain ng Sion, sa lalong madaling panahon, kasama ang kanilang mag-anak, upang gawin ang yaong mga bagay maging gaya ng aking sinabi.”

Sa isang liham kay Lydia na isinulat ilang araw kalaunan, ipinaalam ni Partridge na hindi siya makababalik sa Ohio sa tag-init na iyon at sa halip ay hiniling na siya at ang kanilang limang anak na babae ay pumunta sa hangganan ng Missouri upang makasama niya. Bukod pa riyan, sa halip na bumalik sa Ohio para tulungan silang lumipat noong taglagas na iyon, isinulat niya, “Dapat narito si Brother Gilbert o ako para asikasuhin ang tindahan sa Dis. & dahil hindi ako nakatitiyak kung makababalik siya sa panahong iyon kaya naisip kong mas makabubuting manatili muna rito sa panahong ito na taliwas sa mga inaasahan [ko].” Nagbabala rin siya na kapag sumama siya sa kanya sa Missouri, “Mahihirapan tayo & sa ilang pagkakataon ay maghihikahos tayo rito na hindi natin naranasan sa loob ng [maraming] taon.” Sinunod ang utos na sumangguni sila sa isa’t isa at sa Panginoon, nagmungkahi siya kung paano maglalakbay [si Lydia] at ang kanilang mga anak na babae, pagkatapos ay sinabi sa huli na gawin nito ang inaakalang niyang pinakamabuti. Kusang-loob na sinunod ni Lydia ang paghahayag na lumipat, inimpake niya ang kanilang mga kagamitan at tinipon ang kanyang limang anak na babae upang maglakbay pakanluran patungo sa isang lugar na hindi pa niya kailanman nakita.

Sa Missouri, inaasahan ang nalalapit na pagdating ng mga Banal ng Colesville at marami pang ibang kasunod, sinunod ni Partridge ang tagubilin ng Panginoon na maghandang “[hatiin] sa mga banal ang kanilang mana,” nagsimulang bumili ng lupain sa loob ng dalawang linggo pagkarating niya sa Missouri. Habang inaayos ni Partridge ang mga Banal sa kanilang lupain doon, sinunod niya ang mga tagubilin sa kanya noong Mayo na “kapag kanyang itinakda sa tao ang kanyang bahagi, ay magbigay sa kanya ng kasulatan na magpapatibay sa kanya ng kanyang bahagi.”

Bilang tugon sa paghahayag na ito, si Partridge ay nagpagawa ng dokumento na may dalawang bahagi. Sa unang bahagi, maingat niyang itinala ang lupain at mga ari-arian na “[ibinigay] sa harapan ng Obispo” ng bawat Banal o pamilya. Bilang kapalit, maingat na itinala ni Partridge sa pangalawang bahagi ng dokumento ang lupain o ari-arian na pinangangasiwaan ng bawat miyembro—karaniwan ay katulad ng inilaan nila. Pagkatapos ay itinalaga ang bawat miyembro na “isang Katiwala sa kanyang sariling ari-arian, o yaong kanyang tinanggap [sa pamamagitan ng paglalaan].”

Si Partridge ay naglingkod bilang kinatawan ng Panginoon para sa maraming Banal na piniling ipamuhay ang batas ng paglalaan at tanggapin ang paanyaya ng Panginoon na kumilos ayon sa mga alituntunin ng pangangasiwa, kalayaan, at pananagutan. Subalit muli, hindi lahat ay nagnais na ipamuhay ang batas. Ang ilan ay bumili ng lupain sa sarili nila. Ang ilan, tulad ni Copley at ng isa pang lalaking nagngangalang Bates, ay nagbigay ng lupain o pera at pagkatapos ay nagbago ang isip at binawi ang mga ito. Si Partridge ay tinawag upang tumulong na mapasigla at mahikayat ang mga Banal na nag-aatubili gayundin ang mga handang sumunod. Matapos matanggap ang batas ng paglalaan, isinulat ni John Whitmer: “Binisita ni Bishop Edward Partridge ang simbahan sa ilang sangay [branch] nito, ngunit may ilan na ayaw tanggapin ang Batas.”

Patungkol sa mga hirap na pakitunguhan ang mga Banal na hindi perpekto, naalala kalaunan ng anak ni Partridge na si Emily Dow Partridge, “Kapag ginugunita ko at naaalala ko ang malaking responsibilidad na nakaatang sa aking ama bilang unang Obispo—ang kanyang kahirapan at kadahupan, at ang mga paghihirap na kailangan niyang tiisin, ang mga paratang ng mga huwad na kapatid, ang paghahanap ng kamalian ng mga maralita, at ang mga pag-uusig ng aming mga kaaway—hindi na nakapagtataka na maaga siyang pumanaw.” Ang patriarchal blessing ni Partridge ay nagbabala sa kanya, “Ikaw ay tatayo sa iyong katungkulan hanggang sa ikaw ay mapagod dito at magnais na iwanan ito upang ikaw ay makapagpahinga sa maikling panahon.”

Bukod pa sa pagharap sa mga kahinaan ng iba, kinaharap ni Partridge ang realidad ng kanyang sariling likas na pag-uugali. Nang maranasan ang hirap ng pagtatayo ng Sion na may iilang nakikitang mapagkukunan, tila pinagdudahan ni Partridge ang posibilidad na maitayo ito. Bilang tugon, nagbabala ang Panginoon sa kanya, “Subalit kung siya ay hindi magsisisi ng kanyang mga kasalanan, na hindi paniniwala & kabulagan ng puso, tumalima siya at baka siya bumagsak.” Ang liham ni Partridge noong Agosto 1831 kay Lydia ay nagsasaad ng kawalan niya ng tiwala sa sarili sa kanyang katungkulan. “Alam mong tinawag ako sa isang mahalagang tungkulin,” isinulat niya, “& dahil paminsan-minsan ay napagsasabihan ako, pakiwari ko kung minsan ay parang babagsak ako, hindi ko sinasabing tatalikuran ko ang gawain, ngunit natatakot ako na hindi ko sapat na magampanan ang aking tungkulin upang maging katanggap-tanggap sa aking ama sa langit.” Pagkatapos ay nakiusap siya sa kanyang asawa, “Ipagdasal mo ako upang hindi ako bumagsak.”

Makalipas ang dalawang taon, noong Hulyo 1833, isang grupo ng galit na kalalakihan ang pumasok sa tahanan ni Partridge, kung saan nakaupo siya kasama ang kanyang asawa at tatlong-linggong-taong gulang na anak na lalaki na ipinangalan sa kanya, si Edward Partridge Jr. Kinaladkad nila siya papunta sa liwasang-bayan ng Independence, kung saan nila siya binugbog at binuhusan ng alkitran at balahibo. Nang walang takot, pagkaraan ng tatlong araw, si Partridge, kasama ang limang iba pang kalalakihan, ay nag-alok ng kanilang buhay bilang pantubos sa iba pang mga Banal sa pagtatangkang pigilan ang mangyayari pang karahasan sa mga Banal. Hindi tinanggap ang kanilang alok, at sa halip ay napilitang pumayag ang mga kalalakihan na lisanin ang Jackson County. Makalipas ang ilang linggo, sumulat si Partridge sa kanyang mga kaibigan sa Ohio, “Handa akong gumugol at mag-ukol ng aking buhay, sa layunin ng aking mapagpalang Panginoon.”

Ang mga paghahayag na tumawag kay Partridge bilang obispo at naglahad ng kanyang mga tungkulin sa katungkulang iyon ang humubog sa nalalabing panahon ng kanyang buhay. Siya ay patuloy na naglingkod bilang obispo sa buong panahon ng mga Banal sa Missouri at sa Illinois. Noong tagsibol ng 1840, habang nagtatayo ng isang bahay para sa kanyang pamilya sa Nauvoo, nagkasakit si Partridge. Pumanaw siya noong Mayo 27, 1840, inulila ang kanyang asawa at limang anak na 6 hanggang 20 taong gulang.

Nang si Partridge ay tawagin bilang obispo, inilarawan siya ng Panginoon na isang tao na ang “puso ay dalisay sa harapan ko sapagkat siya ay katulad ni Natanael noong sinauna na sa kanya ay walang pandaraya.” Inilarawan ng naunang miyembro ng Simbahan na si David Pettigrew si Partridge bilang “isang Maginoo, ginampanan ang mataas na Katungkulang iyon, nang may kahanga-hangang dignidad, Tulad ng Nakasaad sa Bagong Tipan, na ang isang lalaking tinawag sa Katungkulan ng isang Obispo ay Dapat may kaanyuang kagalang-galang, at maalalahanin, kaaya-aya at kalugud-lugod, ang kanyang pamilya tulad niya ay kalugud-lugod rin.” Isinulat ni W. W. Phelps tungkol kay Partridge na “kakaunti ang makapagsusuot ng kanyang balabal nang may gayong dignidad. Siya ay isang matapat na tao, at mahal ko siya.” Walong buwan matapos pumanaw si Partridge, inihayag ng Panginoon na kasama Niya ang matapat na unang obispo ng ipinanumbalik na Simbahan.