Kasaysayan ng Simbahan
‘Itatag ang Aking Simbahan’


“‘Itatag ang Aking Simbahan’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Itatag ang Aking Simbahan,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Itatag ang Aking Simbahan”

D&T 18, 20, 21, 22

lokasyon ng bukid ni Peter Whitmer Sr., Fayette, New York

Nakatayo sa pampang, inabot at hinawakan ni Joseph Smith ang kamay ng kanyang ama matapos iahon ni Oliver Cowdery ang nakatatandang Smith mula sa tubig. “O! Diyos ko, nakita kong nabinyagan ang aking ama sa totoong simbahan ni Jesucristo,” bulalas ni Joseph. Napakasaya niya para sa kanya. Naghanap siya ng lugar para mapag-isa. Sinundan siya ng mga kaibigang sina Oliver Cowdery at Joseph Knight. Kalaunan ay inilarawan ni Knight si Joseph na “ang pinaka-emosyonal na taong nakita ko.”

Sa loob ng maraming taon, hindi tinanggap ni Joseph Smith Sr. ang mga pahayag ng mga ministro sa simbahan sa kapanahunan niya, ngunit ngayon ay natagpuan niya ang katotohanang hinanap niya sa mga pangitain at paghahayag ng kanyang anak na si Joseph Jr. Ang Simbahan ni Cristo ay itinatag noong ika-6 ng Abril 1830, at isa si Joseph Sr. sa mga unang nabinyagan.

Simula pa noong tag-init ng 1828, tinalakay sa mga paghahayag ni Joseph Smith ang pagtatatag ng simbahan. Matapos mawala ni Martin Harris ang unang 116 pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, idinikta ni Joseph ang isang paghahayag kung saan inihayag ng Panginoon, “Aking itatatag ang aking simbahan.” Malinaw na ang misyon ni Joseph Smith ay hindi magtatapos sa pagsasalin ng mga lamina. Subalit maging ang mga kasamahang nananalig na tulad ni Joseph Knight ay hindi batid ang mga paghahanda na tila pinanatiling pribado nina Joseph at Oliver.

Kalaunan ay ginunita ni Knight na hindi niya nalaman ang tungkol sa pagtatatag ng simbahan hanggang sa malapit na ang aktuwal na kaganapan. “Ngayon sa Tagsibol ng 1830,” paggunita niya, “humayo ako kasama ang aking Pangkat at sinundo si Joseph sa Manchester papunta sa kanyang Ama. Nang magsimula na kaming maglakbay sinabi niya sa akin na kailangang magtatag ng isang Simbahan Ngunit hindi sinabi kung kailan.”

Nagsimula na kahit paano ang mga paghahanda mula noong Hunyo 1829. Sa buwang iyon, idinikta ni Joseph Smith ang paghahayag para kay Oliver Cowdery, na magiging Doktrina at mga Tipan 18. Sa mga ito, iniutos kay Oliver na “itatag ang aking simbahan, at ang aking ebanghelyo, at aking bato.” Sa paggawa nito, sinabi kay Oliver na “manalig sa mga bagay na nakasulat.” Halos tapos na ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, at talagang ginamit ni Cowdery ang manuskrito nang simulan niyang ibalangkas ang kaayusan sa pamamahala ng bagong simbahan.

Gumawa si Cowdery ng isang dokumento na tinawag niyang “Articles of the Church of Christ [Mga Saligan ng Simbahan ni Cristo]” bilang paghahanda sa pagtatatag ng Simbahan. Karamihan sa dokumentong ito ay direktang sinipi o halos kahalintulad ng mga salita mula sa manuskrito ng Aklat ni Mormon. Tulad ng simbahan ng mga Nephita, ang bagong simbahang ito ay magkakaroon ng mga priest at teacher. Magkakaroon din ito ng mga disipulo, o mga elder. Ang paghahayag noong Hunyo 1829 ay nagtalaga rin kay Cowdery, kasama si David Whitmer, upang pumili ng labindalawang maglilingkod bilang mga Apostol na isusugo upang ipalaganap ang mensahe ng bagong simbahan.

Marami sa mga yaong tinanggap ang mensaheng iyon ay naghintay sa pagtatatag ng simbahan. Sa panahong ito, ipinahayag ni Joseph Smith ang isang paghahayag na partikular na nagsasabi na ang Simbahan ay dapat itatag sa ika-6 ng Abril 1830. Sa araw na iyon, apatnapu o limampung kalalakihan at kababaihan ang nagtipon sa maliit na tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette upang dumalo sa kaganapan. Anim sa kanila—sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at apat na iba pa—ang nagsilbing mga opisyal na tagapag-organisa.

“Sinimulan nila ang pulong sa pamamagitan ng taimtim na panalangin.” Tinanong nina Joseph at Oliver ang apat na opisyal na miyembro kung tatanggapin nila sila bilang kanilang mga espirituwal na guro at kung dapat ba silang magpatuloy na itatag ang Simbahan. Sa natanggap na pahintulot mula sa mga nagtipon na mananampalataya, inordenan ni Joseph si Oliver Cowdery na isang elder sa Simbahan, at gayon din ang ginawa ni Oliver para kay Joseph. Si Joseph ay 24 na taong gulang noon, at si Oliver naman ay 23.

Sa pamamagitan ng awtorisadong kalalakihan na tinawag, sinang-ayunan, at inorden, mapapangasiwaan na ng Simbahan ang sakramento ng hapunan ng Panginoon. “Pagkatapos ay kumuha kami ng tinapay, binasbasan ito, at pinagputul-putol ito, gayon din ng alak, binasbasan ito, at ininom ito kasama nila.” Pagkatapos ng sakramento, nakatala sa kasaysayan ni Joseph Smith, “Pagkatapos ay ipinatong namin ang aming mga kamay sa bawat miyembro ng Simbahan na naroon upang matanggap nila ang kaloob na Espiritu Santo, at makumpirmang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo. Ang Espiritu Santo ay lubos na ipinagkaloob sa amin. Ang ilan ay nagpropesiya, samantalang lahat kami ay nagpuri sa Panginoon at labis na nagsaya.”

Sa araw ring iyon, “Habang magkakasama pa” para sa pulong ng organisasyon, si Joseph Smith ay tumanggap ng isa pang paghahayag. Kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 21, iniutos ng paghahayag sa bagong tatag na simbahan na “may Talaang iingatan sa inyo” at sa mga ito si Joseph Smith ay makikilala bilang isang “tagakita & Tagapagsalin & Propeta, isang Apostol ni Jesucristo, Elder ng Simbahan.” Si Oliver Cowdery, na gumaganap sa kanyang tungkulin bilang Apostol at elder, ang magsasagawa ng ordinasyon. Bagama’t itinalaga si Oliver na Pangalawang Elder ng Simbahan, siya ay itinalaga rin sa paghahayag noong ika-6 ng Abril bilang “unang Mangangaral,” isang tungkuling ginampanan niya sa pamamagitan ng unang pangangaral ng Simbahan sa publiko noong ika-11 ng Abril.

Bagama’t nilinaw ang kani-kanyang tungkulin nina Joseph at Oliver, ang papel na ginampanan ng “Articles of the Church of Christ” ni Oliver sa organisasyon ay hindi malinaw. Kalaunan, matapos makumpleto ni Oliver ang mga artikulo, sinabi sa kanya ni Joseph na may iba pa. Ang humaliling paghahayag ni Joseph, na ngayon ay bahagi ng Doktrina at mga Tipan 20, ay tila nakumpleto matapos ang pulong sa organisasyon noong Abril ngunit bago ang unang kumperensya ng Simbahan, na idinaos noong Hunyo. Sa kumperensya ng Hunyo, ang inihayag na dokumentong ito ay tinanggap bilang pahayag ng kaayusan ng pamamahala para sa bagong simbahan. Ang kahalagahan nito ay binigyang-diin ng katotohanang ito ang unang teksto ng paghahayag na inilathala sa pahayagan ng Simbahan, at kalaunan ay inilimbag ito bilang bahagi 2 ng 1835 edisyon ng Doktrina at mga Tipan, matapos idikta ang paunang salita bilang paghahayag noong 1835.

Sa loob ng dalawang buwan sa pagitan ng pagkakatatag ng Simbahan at ng pagtanggap nito sa mga bagong artikulo noong Hunyo, nagkaroon ng mga tanong hinggil sa pangangailangan ng mga mananampalataya na mabinyagan kung nabinyagan na sila noon sa ibang mga simbahan. Sa loob ng ilang linggo ng unang pagpupulong ng Simbahan, si Joseph Smith ay tumanggap ng paghahayag, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 22, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng muling pagbibinyag sa bagong simbahan.

Ang bagong Simbahan ni Cristo ay higit pa sa iba pang simpleng relihiyong Kristiyano. Pagkaraan ng maraming taon ng paglayo sa mga simbahan na nakita niya sa kanyang paligid, nakita ni Joseph Smith Sr. sa ipinanumbalik na Simbahan ang isang bagay na naiiba: isang lehitimong kahalili ng simbahan noong nabubuhay pa ang mga apostol ni Cristo na mayroong mga propeta, apostol, paghahayag, at awtoridad.

  1. Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” aklat 9, pahina 12, josephsmithpapers.org; Dean Jessee, “Joseph Knight’s Recollection of Early Mormon History,” BYU Studies, tomo 17, blg. 1 (Taglagas 1976), 37.

  2. “Revelation, Spring 1829 [D&T 10],” sa Book of Commandments, 1833, 26, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 10:53. Ang petsa ng paghahayag na ito ay nananatiling hindi tiyak. Maaaring noong tag-init ng 1828 o tagsibol ng 1829.

  3. Jessee, “Joseph Knight’s Recollection,” 36.

  4. “Revelation, June 1829–B [D&C 18],” sa Book of Commandments, 1833, 35, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 18:4–5.

  5. Kabilang sa ibang listahan ng anim na tagapagtatag sina Joseph Smith Jr., Oliver Cowdery, Joseph Smith Sr., Hyrum Smith, Samuel Smith, David Whitmer, John Whitmer, Peter Whitmer Sr., Peter Whitmer Jr., Christian Whitmer, at Orrin Porter Rockwell (tingnan sa Richard Lloyd Anderson, “I Have a Question: Who were the six who organized the Church on 6 April 1830?” Ensign, Hunyo 1980, 44–45).

  6. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1, [December 1805–30 August 1834],” 37, josephsmithpapers.org.

  7. “Revelation, 6 April 1830 [D&T 21],” sa Revelation Book 1, 28, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 21:1.

  8. “Revelation, 6 April 1830 [D&C 21],” 29; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 21:12.

  9. Batay sa pagsasaliksik nina Michael Hubbard Mackay at Gerrit Dirkmaat para sa aklat nina Michael Hubbard MacKay, Gerrit J. Dirkmaat, Grant Underwood, Robert J. Woodford, William G. Hartley, mga pat., Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, tomo 1 ng serye na Documents ng The Joseph Smith Papers, mag pat. Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, Richard Lyman Bushman, at Matthew J. Grow (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2013).

  10. Minutes, June 9, 1830, sa Minute Book 2, 1, josephsmithpapers.org.

  11. Doctrine and Covenants, 1835, 77–82, josephsmithpapers.org.

  12. “Revelation, 16 April 1830 [D&C 22],” sa Painesville Telegraph, tomo 2, blg. 44 (Abr. 19, 1831), 4; josephsmithpapers.org.