Kasaysayan ng Simbahan
Si Mercy Thompson at ang Paghahayag tungkol sa Kasal


“Si Mercy Thompson at ang Paghahayag tungkol sa Kasal,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Si Mercy Thompson at ang Paghahayag tungkol sa Kasal,” Konteksto ng mga Paghahayag

Si Mercy Thompson at ang Paghahayag tungkol sa Kasal

D&T 132

Mercy Fielding Thompson

Si Robert Thompson ay nasa kalakasan ng kanyang buhay noong pumanaw siya nang hindi inaasahan noong taglagas ng 1841, siya ay nilagnat dahil sa malarya na nagpahirap sa napakaraming Banal sa mga Huling Araw sa mga latian na pinamumugaran ng mga lamok sa pampang ng Ilog Mississippi. Pribadong kalihim ni Joseph Smith at kasamang patnugot ng pahayagan ng Simbahan na Times and Seasons, tila maganda ang kinabukasan ni Thompson. Noong isang araw lang ay malusog siya. Pagkaraan ng sampung araw ay wala na siya, pumanaw sa edad na tatlumpu, ang kanyang asawa at tatlong-taong-gulang na anak na babae ay ulila na ngayon.

Si Thompson ay hindi mahirap mahalin. Naalala siya ng kanyang mga kaibigan bilang “mabait na asawa, mapagmahal na magulang at tunay at tapat na kaibigan.” Ang kanyang asawa, si Mercy, ay humanga sa kanyang katapangan sa huling sandali ng buhay nito. “Tiniis niya ang kanyang mga pagdurusa nang may matinding Pagtitiis, walang pagdaing ang namutawi sa kanyang mga Labi.” Ginugol niya ang mga huling sandali, sabi niya, na nagpapatotoo na “hindi siya sumunod sa mga Kathang-isip na ginawang may katusuhan, na siya ay itinaas mula sa Bunton ng Abo at pinaupo kasama ng mga Prinsipe.”

Ang maagang pagpanaw ng isang miyembro ng pamilya ay karaniwang nangyayari sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Kadalasan ito ay isang babae na ang pagkamatay sa panganganak ay nag-iwan ng sanggol na hindi man lang nadama ang magiliw na haplos ng kanyang ina. Pagsapit ng ika-20 siglo, umasa ang karamihan sa mga pamilya sa industriyalisadong daigdig na hindi na sila mawawalan ng sanggol o musmos na anak dahil sa aksidente o sakit. Mula pa sa simula ng panahon, ang kamatayan ay naging isang tahimik na paalaala ng kahinaan ng buhay at ng pag-asam natin na magpatuloy ito.

Sa buhay na bahagi na ang kamatayan, ipinangako sa isang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith na ang ating pinaka-pinahahalagahang ugnayan ay magpapatuloy sa kabilang-buhay. Ang mga ina at ama, mag-asawa, magulang at anak ay maaaring magkasama-samang muli, ang ating mga ugnayan sa pamilya at pagkakaibigan ay magpapatuloy sa kawalang-hanggan. Ang mga kundisyon sa mga pangakong ito ay matatagpuan sa paghahayag na ito, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 132.

Langit at Lupa

Dalawang pangunahing konsepto tungkol sa langit ang karaniwang pinaniniwalaan sa 2,000 taong kasaysayan ng mga Kristiyano. Kabilang sa pinakakaraniwang konsepto ay ang mga anghel na walang asawa at nag-iisa ay sumasamba at nagpupuri sa Diyos nang may lubos na pagkakaisa. Malinaw na ipinapakita sa konseptong ito ang pagkakaiba ng daigdig na ito at ng kabilang-buhay at ang lubos na pagpapahalaga sa katalinuhan sa kabilang-buhay. Ang tuon ay sa pagninilay-nilay tungkol sa Diyos at sa Kanyang kadakilaan, hindi sa mga ugnayan ng tao. Ang mga ugnayan sa lupa ay pansamatala at kung gayon ay nakatadhanang magwakas sa kamatayan.

Ang isa pang pangunahing konsepto ay nagbibigay-diin sa presensya ng mga kaibigan at pamilya sa kabilang-buhay. Patuloy pa rin ang pagsamba sa Diyos, ngunit ang pagsasama-sama ng mga mahal sa buhay ay nagiging mahalaga sa walang hanggang kaligayahan. Ang pisikal at ang mga walang hanggang daigdig ay nagkaroon ng koneksyon, at ang karaniwang buhay ay nagiging bahagi ng banal na gawain ng Diyos. Ang konsepto tungkol sa isang langit na may pamayanan ng mga tao ay naging popular noong ika-19 na siglo. Ipinahayag ng nobelistang Amerikano na si Elizabeth Stuart Phelps ang malaking kasiyahang idinulot ng konseptong ito para sa isang henerasyon na nawalan ng mga kamag-anak sa maagang pagkamatay ng mga ito sa Digmaang Sibil ng Estados Unidos. “Kanyang bang tutulutan,” tanong ni Phelps sa kanyang nobelang The Gates Ajar, “ang dalawang tao na magkaroon ng malapit na ugnayan sa buhay na ito, na napakasakit ang mawalay nang kahit isang araw, at pagkatapos ay sapilitan silang paghiwalayin sa buong kawalang-hanggan?”

Ang paghahayag ni Joseph Smith tungkol sa kasal, na itinala noong Hulyo 1843, ay hindi nagtangkang ipakita ang kabilang-buhay ayon sa pagiging sentimental ng panahong iyon tulad ng ginawa ni Phelps. Pinagtibay ng paghahayag na magpapatuloy ang mga ugnayan ng tao, ngunit may mga kundisyon na dapat matugunan. Lahat ng pagsasamahan o ugnayan ay nakatakdang magwakas sa kamatayan maliban kung isinagawa ang mga ito nang may walang-hanggang pananaw at nang isang tao na may awtoridad ng priesthood na magbuklod sa lupa at sa langit. Ang mga kasal na magpapatuloy matapos tayong mamatay, sabi sa bahagi 132, ay may bisa “sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan,” at “ibinuklod ng Banal na Espiritu ng pangako, sa kanya … na aking itinalaga sa mundo upang hawakan ang kapangyarihang ito.” Ang mga hindi pumapasok sa gayong mga tipan, bago ang Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay, ay magiging “mga anghel sa langit,” na itinalaga na manatiling “hiwa-hiwalay at nag-iisa.”

Sina Mercy at Robert

Si Mercy Rachel Fielding ay isinilang noong 1807 sa mga aktibong Metodista na nagsasaka sa ibang bukid sa isang maliit na nayon na 60 milya ang layo sa hilaga ng London. Sa edad na dalawampu’t apat, nandayuhan siya sa York (na ngayon ay Toronto), Canada, kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si Joseph. Kalaunan ay nakasama na rin nila ang kanilang kapatid na si Mary, nagsimulang dumalo ang tatlong Fielding sa mga pulong ng isang grupo ng mga naghahanap na Metodista na naniniwala na lahat ng simbahang alam nila ay nangaligaw ng landas. Nang dumating ang misyonero na si Parley P. Pratt sa York noong tagsibol ng 1836, natagpuan ng mga Fielding ang sagot sa kanilang problema. Sina Mercy, Mary, at Joseph ay nabinyagan sa isang sapa sa lugar na iyon, at lumipat sila sa punong-tanggapan ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, noong sumunod na tagsibol.

Sa Canada, nakilala ni Mercy si Robert Blashel Thompson, na ang tinatahak na landas ay katulad ng sa kanya sa maraming paraan. Isinilang noong 1811 sa Yorkshire, England, sumapi siya noong siya ay isang binatilyo sa isang grupo ng mga tumiwalag na tinatawag na Primitive Methodist Society, na naghanap ng pagbabalik ng mga espirituwal na kaloob. Lumipat siya sa Canada noong 1834, narinig ang mensahe ni Parley P. Pratt, at nabinyagan sa buwan ding iyon tulad ng mga Fielding. Sina Robert Thompson at Mercy Fielding ay agad na nagkapalagayang-loob, at hindi nagtagal pagkarating nila sa Kirtland, ikinasal ang dalawa noong Hunyo 1837.

Pagkatapos ng kasal, ang kapatid ni Mercy na si Mary ay nagsimulang manirahan kasama ang mga pinsan nina Joseph at Hyrum Smith at sa ganitong paraan ay mas nakilala niya ang magkapatid na ito, na agad niyang minahal. Nakadama siya ng matinding pagkahabag kay Hyrum nang mamatay ang asawa nito na si Jerusha noong taglagas ng 1837 matapos ang isang mahirap na panganganak at nawalan ng ina ang kanilang limang anak na wala pang 10 taong gulang. Nagtanong si Joseph sa Panginoon kung ano ang dapat gawin ni Hyrum. Ang sagot ay dapat nitong pakasalan kaagad si Mary Fielding. Nagtiwala sa inspirasyon ni Joseph, pinakasalan ni Mary si Hyrum noong Bisperas ng Pasko ng 1837.

Pagkatapos niyon, ang buhay nina Mercy at Robert ay nagkaroon ng malapit na kaugnayan kina Mary at Hyrum. Pinamunuan ni Hyrum ang mga Thompson sa 1,600-kilometrong paglalakbay mula Ohio patungong Missouri, kung saan lumipat ang mga Banal noong 1838. Kalaunan, nang ibilanggo sina Hyrum at Joseph sa Piitan ng Liberty, dinalaw nina Mercy at Mary ang mga bilanggo noong isang malamig na gabi ng Pebrero, kasama ang bagong sanggol na anak ni Hyrum, ang munting si Joseph F., ang magiging propeta sa hinaharap. Dahil kakapanganak lang din ni Mercy, siya ang nagpapasuso kay Joseph F. sa panahong iyon na malubha ang sakit ni Mary para magawa ito. Inalagaan nina Mercy at Robert ang mga anak nina Mary at Hyrum sa panahong nakabilanggo si Hyrum, at sa Nauvoo, nagtayo ang dalawang pamilya ng mga bahay na katabi ang isa’t isa.

Mas naging malapit sa isa’t isa ang mga Smith at ang mga Thompson matapos ang pagpanaw ni Robert. Isang gabi noong tagsibol ng 1843, natutulog si Mercy sa bahay ni Mary, sinasamahan ang kanyang kapatid habang si Hyrum ay wala sa Nauvoo para sa gawain. Nanaginip si Mercy na nakatayo siya sa isang hardin kasama si Robert. Narinig niya ang isang tao na inuulit ang kanilang mga sinumpaan sa kasal, bagama’t hindi niya mawari kung kanino ang tinig na iyon. Dahil nalalaman niya ang iba’t ibang paraan kung paano nangungusap ang Diyos, naunawaan ni Mercy na ang panaginip ay mensahe mula sa Diyos. “Nagising ako ng Umaga na lubos na naapektuhan ng Panaginip na ito na hindi ko maipaliwanag.”

Kalaunan nang gabing iyon, umuwi si Hyrum at ikinuwento na nagkaroon siya ng “isang napakagandang Panaginip” habang malayo siya sa kanyang tahanan. Nakita niya ang kanyang yumaong asawang si Jerusha at dalawa sa kanilang mga anak na pumanaw nang maaga. Hindi malinaw kay Hyrum ang kahulugan ng kanyang panaginip tulad rin ni Mercy sa panaginip nito. Ngunit hindi pangkaraniwan ang panahon ng pagdating ng mga panaginip. Pagkauwi niya sa kanyang tahanan, nakakita si Hyrum ng mensahe mula sa kanyang kapatid na si Joseph na humihiling sa kanya na pumunta sa bahay nito. “Sa kanyang pagkamangha,” sabi ni Mercy, nalaman ni Hyrum na nakatanggap si Joseph ng paghahayag na nagsasabing “ang mga kasal na isinagawa para lamang sa panahong ito ay hindi magtatagal at hindi magpapatuloy hanggang sa magkaroon ng bagong kontrata, para sa Buong Kawalang-hanggan.” Ang paghahayag na ito ay itinala kalaunan at tinanggap na banal na kasulatan bilang Doktrina at mga Tipan 132.

Yumao na si Robert Thompson, at gayon din si Jerusha Smith. Paano magagawa ang bagong kontrata sa kasal gayong isang asawa na lamang ang nabubuhay? Ang sagot ni Joseph Smith ay maaaring mag-proxy ang isang buhay na tao para sa taong patay na. Mula noong taglagas ng 1840, ang mga Banal ay nagsagawa ng mga pagbibinyag para sa mga yumaong ninuno na hindi pa narinig ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Ngayon ang alituntunin ding iyon ay isasagawa sa kasal. Ang mag-asawa ay maaaring “ibuklod” sa isa’t isa, nakabigkis sa langit tulad ng pagkakabigkis sa kanila sa lupa. Ang kasal na minsang nagwakas sa buhay na ito—“hanggang sa paghiwalayin kayo ng kamatayan”—ay maaaring isagawang muli “sa panahon at sa lahat ng kawalang-hanggan,” na ibinuklod sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Sa ganitong paraan, ang kasal ay magpapatuloy hanggang sa kawalang-hanggan.

Ang pangako ay lubos na nagpasaya kay Mercy. Walang alinlangan na, kung bibigyan siya ng pagkakataon, pipiliin niyang makasama si Robert sa kawalang-hanggan. Nangungulila siya sa kanya at nais na mapalapit sa kanya. Siya ang taong nagbigay ng inspirasyon sa kanya na maging isang tao na pinakanais niyang maging, isang disipulo ng Panginoong Jesucristo. “Sa kaamuan, pagpapakumbaba, at integridad ay walang makahihigit sa kanya, kung mayroon man ay walang makapapantay” sabi niya patungkol kay Robert.

Isang Lunes ng umaga noong mga huling araw ng Mayo 1843, si Mercy Thompson at ang kanyang kapatid na si Mary, kasama sina Hyrum at Joseph Smith, ay nagpulong sa isang silid sa ikalawang palapag ng bahay ni Joseph. Ikinasal ni Joseph sina Mercy at Robert para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, kasama si Hyrum bilang proxy kay Robert. Pagkatapos ng seremonyang ito, ikinasal ni Joseph sina Hyrum at Mary para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan. Walang pagsidlan ang kagalakan ni Mercy. “Maaaring isipin ng ilan na kaiinggitan ko si Reyna Victoria sa ilan sa kanyang karingalan,” sabi niya. “Hindi mangyayari ang gayon habang ang pangalan ko ay nakatala sa listahan ng unang mga babae sa Dispensasyong ito na nabuklod sa Yumaong Asawa sa pamamagitan ng banal na Paghahayag.”

Maramihang Pag-aasawa

Ang pagkabuklod ni Mercy Thompson sa kanyang pumanaw na asawa ay nagbigay ng malaking kapanatagan sa gitna ng kalungkutan at kawalang-katiyakan. Ngunit ang mga pangako ay matagal pa bago matupad, hindi pa tiyak kung kailan muling magkikita ang mga Thompson. Hanggang sa sumapit ang panahong iyon, kailangan niyang asikasuhin ang kanyang buhay at alagaan ang kanyang anak. Sino ang magpapakain sa kanila? Sa lugar at panahon ni Mercy, iilang trabaho lang ang mapapasukan ng kababaihan. Sa pagpanaw ni Robert, ginawa niya ang dati nang ginagawa ng mga balo sa loob ng ilang siglo: nagpaupa siya ng silid sa kanyang bahay. “Nang may pagsusumigasig at pagpapala ng Panginoon,” sabi niya, “ang aming mga pangangailangan ay natugunan.”

Gayunpaman, “napakalungkot ng buhay,” at “dahil hindi ko na Kasama ang aking asawa labis akong nagdalamhati na nakaapekto sa aking Kalusugan.” Sa paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mundo ay puno ng makalangit na pakikipag-ugnayan, ang mga anghel ay may tungkuling bigyang-kapanatagan ang mga nagdadalamhati. Noong tag-init na iyon, isang anghel ang dumalaw kay Joseph Smith. Iyon ay si Robert Thompson, ang dati niyang clerk. Siya ay “nagpakita kay [Joseph] nang ilang beses na nagsabi sa kanya na ayaw niyang malungkot ako sa buhay,” salaysay ni Mercy. Ang anghel ay nagmungkahi ng isang nakagugulat na solusyon: “Ibubuklod ako [kay Hyrum] para sa buhay na ito lamang,” paggunita ni Mercy. Sa madaling salita, hiniling ni Robert Thompson na pakasalan ni Hyrum si Mercy bilang maramihang asawa para sa buhay na ito lamang, para “sa panahong ito.” Samantala mananatiling magkabuklod sa kawalang-hanggan sina Mercy at Robert.

Sa oras ding ito ng pagdalaw ni Robert Thompson, ipinasulat ni Joseph Smith ang bahagi 132, at idinikta ang paghahayag sa kanyang kalihim na si William Clayton sa maliit na opisina sa likod ng pulang tindahan ni Joseph. Ang mga bahagi ng paghahayag ay ipinabatid na noon pa man kay Joseph, marahil noon pang 1831 habang ginagawa niya ang kanyang inspiradong rebisyon ng Lumang Tipan. Bakit, ang tanong ni Joseph sa Diyos sa panalangin, binigyang-katwiran Niya sina Abraham, Isaac, Jacob, at iba pa sa “pagkakaroon ng maraming asawa at kalunya”? Hindi agad malinaw ang sagot dahil sa mismong kultura at kinalakhan ni Joseph hindi pinahihintulutan ang maramihang pag-aasawa. Ang sagot ng paghahayag ay simple at tuwiran: “Iniutos” ng Diyos ang maramihang pag-aasawa, at dahil ang mga patriyarka sa Biblia ay “hindi gumawa ng anumang bagay maliban sa yaong iniutos sa kanila, sila ay pumasok sa kanilang kadakilaan.”

Sa gayon sinagot ng bahagi 132 ang isang tanong na matagal nang tinatalakay sa kulturang Kanluranin. Ang isa pang tinalakay ay ang mga taong nagsabing sinang-ayunan ng Diyos ang maramihang pag-aasawa o pagkakaroon ng asawang babae noong sinaunang panahon. Inakala ni St. Augustine na ang maramihang pag-aasawa sa Lumang Tipan ay isang “sakramento” na sumasagisag sa panahong pamamahalaan ni Cristo ang mga simbahan sa lahat ng bansa. Sinabi ni Martin Luther: Si Abraham ay isang malinis na lalaki na ang pagpapakasal kay Hagar ay nagsakatuparan sa mga sagradong pangako ng Diyos sa patriyarka. Ipinalagay ni Luther na maaaring ipahintulot ng Diyos ang maramihang pag-aasawa o pagkakaroon ng maraming asawang babae sa makabagong panahon sa ilalim ng limitadong mga kalagayan. “Hindi na ito inutos,” sabi niya, “ngunit hindi rin ipinagbawal.”

Ang isa pang tinalakay ay ang mga taong nagsabing ang mga patriyarka sa Lumang Tipan ay nagkasala sa pagkakaroon ng maraming asawang babae. Si John Calvin, na kasabayan ni Luther noong ika-16 na siglo, ay naniwala na sinira ng maramihang pag-aasawa o pagkakaroon ng maraming asawang babae ang “kaayusan ng paglikha” na itinatag ng monogamyang kasal nina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden. Malaki ang naging impluwensya ni Calvin sa espirituwal na mga pag-uugali ng naunang mga Amerikano. Hindi sumang-ayon ang lahat ng Amerikano na nagkamali ang mga patriyarka sa Biblia, ngunit ang halos lahat ng mga kasabayan ni Joseph Smith ay sumang-ayon sa paniniwala ni Calvin na ang maramihang pag-aasawa o pagkakaroon ng maraming asawang babae sa makabagong panahon ay mali sa anumang kalagayan.

Sinagot ng bahagi 132 ang mga tanong na nakapaloob sa talakayang ito, sinasang-ayunan ang mga ginawa ng mga patriarch sa sariling tinig ng Diyos. Ang maramihang pag-aasawa o pagkakaroon ng maraming asawang babae, ayon sa paghahayag, ay nakatulong na matupad ang pangako ng Diyos kay Abraham na ang kanyang binhi ay “mag[pa]patuloy katulad ng mga hindi mabilang na bituin.” Gayunman, ang paghahayag ay buong tapang na gumawa nang higit pa kaysa sa pagbibigay-katwiran lamang sa ginawa ng mga patriyarka. Bilang binhi ni Abraham, inutos sa mga Banal sa mga Huling Araw sa ilang panahon ang maramihang pag-aasawa o pagkakaroon ng maraming asawang babae. “Humayo kayo, samakatwid, at gawin ang mga gawain ni Abraham.”

Atubili noon si Joseph Smith na magkaroon ng maraming asawang babae, naunawaan niya nang lubos na magdudulot ito ng pang-uusig sa Simbahan. Ang monogamya ang tanging uri ng kasal na legal na tanggap sa Estados Unidos, at tiyak na matindi ang magiging pagtutol dito. Si Joseph mismo ay kailangang makumbinsi ng kaangkupan ng maramihang pag-asawa o pagkakaroon ng maraming asawang babae. Tatlong beses nagpakita ang isang anghel sa kanya, hinihimok siya na gawin ang iniuutos sa kanya. Kalaunan ay pumasok siya sa maramihang pag-aasawa at itinuro ang alituntunin sa iba pang mga miyembro sa Nauvoo noon pang 1841. Ang pagpapasulat sa paghahayag ay mas nagpadali para maipalaganap niya ang mensahe ng bagong kautusang ito, na maingat at paunti-unting ipinabatid.

Sina Mercy at Hyrum

Tila mas nais ni Mercy Thompson ang walang hanggang kasal kaysa sa maramihang pag-aasawa. Dahil sa kinalakhan at sariling disposisyon, tumanggi siyang magpakasal sa lalaking kasal na. Ang ideyang manirahan sa iisang bahay kasama ang kanyang kapatid at matalik na kaibigan, si Mary, ay hindi nakapawi sa kanyang pagkabalisa. Iniutos ni Joseph kay Mary na kausapin si Mercy tungkol sa bagay na ito, sa pag-aakalang mas mauunawaan ito ni Mercy. Katunayan, kahit sino pa ang kumausap ay wala ring nangyari. “Ang paksang ito nang unang ipaalam sa akin,” pagsalaysay ni Mercy, “ay sumubok nang matindi sa lahat ng tradisyon ko noon at bawat likas na damdamin ng aking Puso ay tumututol.”

Si Hyrum ang sumunod na kumausap sa kanya. Naunawaan niya ang nadarama ni Mercy, dahil siya rin ay tutol sa maramihang pag-aasawa. Ninais ni Joseph na malaman ang nadarama ng kanyang kapatid, hindi ipinababatid ang pinakamahirap at pinakakontrobersiyal na mga turong ito hanggang sa maaari nang mahikayat si Hyrum [na ito ay mula sa Diyos]. Kalaunan ay tinanggap ni Hyrum ang alituntunin nang matanto niya na pinakasalan niya ang dalawang babae sa lupa na hindi niya makakayang mahiwalay sa kanya sa kawalang-hanggan. Sa araw ding iyon na ibinuklod siya kay Mary para sa panahon at kawalang-hanggan, si Mary ang nagsilbing proxy nang ibuklod siya kay Jerusha, kaya naibuklod si Hyrum sa kanyang mga asawa para sa kawalang-hanggan.

Hindi iniutos kay Mercy na maging asawa ni Hyrum Smith para sa kawalang-hanggan. Ang mensahe mula kay Robert Thompson ay na dapat pakasalan ni Hyrum si Mercy sa buhay lamang na ito; o, sa mga salita ni Mercy, hanggang sa panahong si Hyrum ay “ibibigay ako sa umaga ng araw ng pagkabuhay na mag-uli sa aking asawang si Robert Blashel Thompson.” Ang kasal kay Hyrum ay parang levirate marriage sa Lumang Tipan kung saan iniutos sa lalaki na pakasalan ang asawa ng kanyang yumaong kapatid. Ang kombinasyong ito ng pagkakaroon ng maraming asawang babae ng mga patriyarka noon ay naunawaan ng mga taong naniniwala sa pagpapanumbalik ng mga katotohanan sa Biblia tulad ni Hyrum Smith. Sinabi niya kay Mercy na nang una niyang malaman ang kahilingan ni Robert Thompson, “ang Banal na Espiritu ay nanahan sa kanya [Hyrum] mula sa kanyang Ulunan hanggang sa kanyang Talampakan.”

Ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw na tumanggap sa alituntunin ng maramihang pag-aasawa sa Nauvoo ay madalas magkuwento ng mga espirituwal na karanasan na nagpatibay sa kanilang desisyon. Nakakita sila ng liwanag, nakadama ng kapayapaan, o, sa isang sitwasyon, nakakita sila ng isang anghel. Walang naiwang talaan si Mercy Thompson tungkol sa gayong mga karanasan. Sinabi niya kalaunan na naniwala siya sa alituntunin “dahil nabasa ko ito para sa aking sarili sa Biblia at nalaman na isinagawa ito noong mga panahong iyon, at sinang-ayunan at pinahintulutan ito ng Panginoon.”

Ngunit ang mga katibayan lamang sa Biblia ay hindi sapat para kay Mercy. Kalaunan ay kinausap siya ni Joseph, at ang patotoo nito ang nakahikayat sa kanya. Mahigit isang beses nagpakita si Robert Thompson sa kanya, paliwanag niya, ang huling pagkakataon ay “may malakas na kapangyarihan kung kaya’t siya ay nanginig.” Sa una ay hindi nais gawin ni Joseph ang kahilingan. Nang matapos siyang manalangin sa Panginoon at malaman na kailangan niyang “gawin ang gaya ng hinihingi ng aking tagapaglingkod” ay saka lamang niya sinabi kay Hyrum ang tungkol sa pangitain.

Bilang taong naniniwala sa mga espirituwal na kaloob, nagtiwala si Mercy Thompson na nakipag-usap ang kanyang pumanaw na asawa. At, matapos ang anim na taon na matamang pagmamasid kay Joseph Smith, naniwala siya na “napakatalino [nito] para magkamali at napakabuti para maging masama.” Ang kahilingang pakasalan si Hyrum, sabi niya, ay “ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa pamamagitan ng bibig ng propetang si Joseph Smith.”

Hindi binabalewala ni Joseph Smith ang pagtutol ng mga kababaihan tulad ni Mercy Thompson. Walang sinuman, babae o lalaki, ang natanggap agad ang maramihang pag-aasawa noong unang marinig nila ang tungkol dito. Hindi pinilit ni Joseph ang kababaihan na tanggapin ang maramihang pag-aasawa nang higit sa panghihikayat na ginawa niya sa kalalakihan. Ang kababaihan at kalalakihan ay hinikayat na pagnilayan at ipagdasal at magpasiya para sa kanilang sarili. Hiniram ni Mercy ang sulat-kamay na kopya ng manuskrito at itinago ito sa kanyang tahanan sa loob ng apat o limang araw, pinag-aralan ang mga nilalaman sa kanyang isipan. Matapos ang maraming panalangin at pagninilay ay saka pa lamang niya ibinigay ang kanyang pahintulot. Noong Agosto 11, 1843, ikinasal ni Joseph Smith sina Hyrum at Mercy sa bahay nina Mary at Hyrum sa kanto ng Water Street at Bain Street sa Nauvoo. Sa mungkahi ni Joseph, nagpagawa si Hyrum ng karagdagang silid sa bahay, at lumipat dito si Mercy.

Panahon at Kawalang-hanggan

Sa maikling pagsasama nila, ang mga gawain ni Hyrum ay naging mga gawain din ni Mercy, at vice versa. Tumulong si Mercy sa pagsulat sa mga inspiradong salita na namutawi mula sa bibig ni Hyrum habang binabasbasan niya ang mga miyembro ng Simbahan sa kanyang tungkulin bilang Patriyarka sa Simbahan. Ang pinakamahalagang gawain na inaalala ng mga tao ay ang Templo ng Nauvoo. Sa ilang pagkakataon, matapos masigasig na manalangin sa Panginoon upang malaman kung ano ang magagawa niya para mapabilis ang pagtapos sa templo, narinig ni Mercy ang mga salitang ito na pumasok sa kanyang isipan: “Sikaping hikayatin ang mga Kababaihan na magbigay ng donasyong isang Sentimo kada Linggo para ipambili ng salamin at mga pako.” Sinabi niya na si Hyrum ay “labis na nalugod” sa paghahayag at ginawa ang lahat ng makakaya niya upang isulong ito sa pamamagitan ng paghimok sa mga nakikinig na magbigay ng donasyon tulad ng kahilingan ni Mercy. Sa tulong ni Hyrum, siya [si Mercy] at si Mary ay nakalikom ng mahigit $1,000—malaking halaga noong mga panahong iyon—para sa pagtatayo ng templo.

Sina Mercy at Hyrum ay 10 buwan pa lamang kasal nang ang isang bala ng mandurumog ay kumitil sa buhay ni Hyrum sa Carthage. Si Mercy ay nabalong muli sa kalakasan ng kanyang buhay. Nagdalamhati siya sa pagpanaw ni Hyrum, na inilarawan niya bilang “mapagmahal na Asawa, mapagmahal na Ama, isang tapat na Kaibigan, at napakabait na Tagapagtustos.” Gayunman, ang kaugnayan niya kay Mary ay palaging pagmumulan ng lakas. Si Mercy at ang kanyang anak na si Mary Jane, na anim na taong gulang na, ay naiwan upang asikasuhin ang bahay kasama si Mary at ang dalawang anak nito kay Hyrum, kasama ang limang anak nina Hyrum at Jerusha, kung kanino naging madrasta si Mary.

Noong 1846, sina Mercy at Mary, kasama ang kanilang kapatid na si Joseph, ay magkakasama sa panibagong paglalakbay. Sumama sila sa libu-libong Banal na kapwa mga nagdurusa sa isang 2,250-kilometrong paglalakbay patungo sa isang bagong Sion na lampas sa mga hangganan ng Estados Unidos noong panahong iyon. Nakarating sila sa Lambak ng Salt Lake nang sumunod na taon. Pumanaw si Mary sa sakit na pulmonya noong 1852. Si Mercy ay nabuhay nang apat pang dekada sa Lunsod ng Salt Lake, tapat hanggang sa huling sandali [ng kanyang buhay], naglingkod sa Simbahan kahit saan niya makakaya at tumulong sa pagpapalaki sa mga anak na naulila nina Mary at Hyrum.

Ang kaugnayan ni Mercy kay Hyrum ay palagi niyang lubos na ipagpapasalamat. Gayunpaman, inasam niya ang pagsasama nilang muli ni Robert, ang kanyang “pinakamamahal” na asawa at ang pinakasalan niya noong kanyang kabataan. Hanggang sa pagpanaw niya noong 1893, pinanatili niya ang pangalang Mercy R. Thompson, ang pangalang dinala niya nang makasal siya kay Robert. Ipinangako sa kanya ng Doktrina at mga Tipan 132 na siya at si Robert, kung sila ay tapat, ay “magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan” balang-araw. Matatamasa nila ang “pagpapatuloy ng mga binhi magpakailanman at walang katapusan.” Siya ay naniwala sa mga pangakong ito at namuhay nang matwid upang balang-araw ay matamo niya ang mga ito.

  1. “Death of Col. Robert B. Thompson,” Times and Seasons, Set. 1, 1841, 519.

  2. Mercy Fielding Thompson, Robert B. Thompson biography by Mercy R. Thompson, 1854 November, Church History Library, Salt Lake City. Ang mga salitang binigkas ni Thompson ay mula sa Mga Awit 113:7–8.

  3. Colleen McDannell at Bernhard Lang, Heaven: A History (New Haven, CT: Yale Nota Bene, 2001).

  4. Jan Swango Emerson at Hugh Feiss, mga pat., Imagining Heaven in the Middle Ages (New York: Garland, 2000); Jeffrey Burton Russell, A History of Heaven: The Singing of Silence (Princeton, NJ: Princeton University Press, 1997). Inihambing ni Shakespeare ang pag-aasawa sa pagkain—isang bagay na dapat ikatuwa at ikasiya habang nariyan pa, hanggang sa ito ay maglaho na sa huli. Tingnan sa Lisa Hopkins, The Shakespearean Marriage: Merry Wives and Heavy Husbands (London: Macmillan, 1998), 70–71.

  5. Elizabeth Stuart Phelps, The Gates Ajar, ika-4 na ed. (London: Sampson, Low, Son, & Marston, 1870), 54. Hinggil sa matinding popularidad ni Phelps, tingnan sa McDannell at Lang, Heaven, 265–66. Ang gayon ding mga pangangatwiran ay matatagpuan sa mga tula ni Emily Dickinson. Tingnan sa Barton Levi St. Armand, “Paradise Deferred: The Image of Heaven in the Work of Emily Dickinson and Elizabeth Stuart Phelps,” American Quarterly, tomo 29 (Tagsibol 1977), 55–78.

  6. Doktrina at mga Tipan 132:7, 15–18. Bukod pa rito, ang paghahayag ay naglalaman ng mga ideya na higit pa sa karaniwang mga ideya ng lipunan tungkol sa kabilang-buhay sa pamamagitan ng pagtukoy sa paglikha ng buhay—“isang pagpapatuloy ng mga binhi” (D&T 132:19)—bilang bahagi ng plano ng Diyos para sa mga tao sa buhay na darating.

  7. Leonard J. Arrington, Susan Arrington Madsen, at Emily Madsen Jones, Mothers of the Prophets, binagong ed. (Salt Lake City: Deseret Book, 2009), 88–95; Parley P. Pratt, The Autobiography of Parley Parker Pratt (New York: Russell Brothers, 1874), 146–54.

  8. Thompson, Robert B. Thompson biography by Mercy R. Thompson

  9. Arrington, Madsen, at Jones, Mothers of the Prophets, 96–98; Jeffrey S. O’Driscoll, Hyrum Smith: A Life of Integrity (Salt Lake City: Deseret Book, 2003), 163–64.

  10. Jennifer Reeder, “‘The Blessing of the Lord Has Attended Me’: Mercy Rachel Fielding Thompson (1807–1893),” sa Richard E. Turley Jr. at Brittany A. Chapman, mga pat., Women of Faith in the Latter Days: Volume One, 1775–1820 (Salt Lake City: Deseret Book, 2013), 424–25. Nakatira ang mga Smiths sa lot 3 ng block 149, ang mga Thompson ay sa lot 1 ng kaparehong block, ang mga bakuran ng mga bahay ay magkatabi.

  11. Mercy Rachel Fielding Thompson, Reminiscence, sa Carol Cornwall Madsen, pat., In Their Own Words: Women and the Story of Nauvoo (Salt Lake City: Deseret Book, 1994), 194–95.

  12. Ang mga batang ito ay sina Mary Smith (1829–32) at Hyrum Smith (1834–41).

  13. Thompson, Reminiscence, 195; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  14. Ang paghahayag tungkol sa kasal ay unang inilathala bilang karagdagan sa Setyembre 14, 1852, isyu ng Deseret News. Ito ay naging bahagi 132 ng 1876 edisyon ng Doktrina at mga Tipan.

  15. Doktrina at mga Tipan 132:46.

  16. Doktrina at mga Tipan 132:7. Noon pa man ay ginamit na ng mga Kristiyano ang Mateo 22:23–30 upang patunayan na nagwawakas ang kasal sa kabilang-buhay. Muling ipinaliwanag ng Doktrina at mga Tipan 132:15–17 ang talatang iyon na ang ibig sabihin ay may ilang kasal na magwawakas samantalang ang iba pa ay magpapatuloy.

  17. Mercy Fielding Thompson, Autobiographical sketch, Church History Library, Salt Lake City; idinagdag ang pagbabantas.

  18. Thompson, Reminiscence, 195. Ilan pang mag-asawa ang ikinasal sa kawalang-hanggan sa pagkakataon ding ito: si Brigham Young at ang kanyang asawang si Mary Ann Angell; Brigham Young at ang kanyang yumaong asawa na si Miriam Works (si Mary Ann Angell ang nagsilbing proxy); at si Willard Richards at ang kanyang asawa na si Jennetta Richards. Journal ni Joseph Smith, Mayo 29, 1843, Joseph Smith Collection, Church History Library, Salt Lake City; Lyndon W. Cook, Nauvoo Marriages, Proxy Sealings, 1843–1846 (Provo, UT: Grandin Book, 2004), 5.

  19. Thompson, Reminiscence, 195; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  20. Thompson, Autobiographical sketch. Nagpapaupa na ng mga silid sa kanilang tahanan ang mga Thompson bago pa man pumanaw si Robert. Ipinagpatuloy ni Mercy ang gawaing ito.

  21. Mercy Fielding Thompson letter to Joseph Smith III, Set. 5, 1883, Joseph F. Smith Papers 1854–1918, Church History Library, Salt Lake City.

  22. Brian C. Hales, Joseph Smith’s Polygamy, 3 tomo. (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2013), 2:64–65. Kalaunan ay iniulat ni Clayton na ipinasulat ni Joseph Smith ang paghahayag, sa mungkahi ni Hyrum Smith, upang mahikayat ang asawa ni Joseph na si Emma Smith na dapat nitong itigil ang pagtutol niya sa maramihang pag-aasawa. Tinanggap ni Emma ang maramihang pag-aasawa nang ilang panahon ngunit tumutol sa alituntunin noong ika-12 ng Hulyo 1843, nang isulat ang paghahayag. Pahayag ni William Clayton, Peb. 16, 1874, sa Andrew Jenson, “Plural Marriage,” Historical Record, Mayo 1887, 225–26.

  23. Danel W. Bachman, “New Light on an Old Hypothesis: The Ohio Origins of the Revelation on Eternal Marriage,” Journal of Mormon History, tomo 5 (1978), 19–32.

  24. Doktrina at mga Tipan 132:1, 37.

  25. Augustine, “The Excellence of Marriage” [ca. 401], trans. Ray Kearney, sa The Works of Saint Augustine: Marriage and Virginity, pat. John E. Rotelle, tomo 9 (Hyde Park, NY: New City Press, 1999), 49, 51.

  26. Martin Luther, “Genesis: Chapter Sixteen,” sa Luther’s Works, 54 tomo., ed. Jaroslav Pelikan, trans. George Schick (St. Louis: Concordia Publishing House, 1961), 3:45–46.

  27. Martin Luther, “The Estate of Marriage” [1522], sa Luther’s Works, pat. at pagsasalin. Walther I. Brandt (Philadelphia: Muhlenberg Press, 1962), 45:24. Sinabi ni Luther na nag-asawa nang higit sa isa ang Ingles na hari na si Henry VIII bago niya diniborsyo si Catherine ng Aragon. Luther to Robert Barnes, Set. 3, 1531, sa Luther’s Works, pat. at pagsasalin. Gottfried G. Krodel (Philadelphia: Fortress Press, 1975), 50:33.

  28. John Witte Jr. at Robert M. Kingdon, Sex, Marriage, and Family sa John Calvin’s Geneva: Volume 1: Courtship, Engagement, and Marriage (Grand Rapids, MI: William B. Eerdmans, 2005), 223; John L. Thompson, “The Immoralities of the Patriarchs in the History of Exegesis: A Reappraisal of Calvin’s Position,” Calvin Theological Journal, tomo 26 (1991), 9–46.

  29. Ang pagtutol ni Calvin, mangyari pa, ay alinsunod sa mas naunang pagtutol ng Simbahang Katoliko, na nagbabawal sa poligamya noong ikaapat na siglo at sa huling bahagi ng Middle Ages ay isinulat ang prohibisyong iyon at tinanggap bilang batas at kautusan (John Witte, From Sacrament to Contract: Marriage, Religion, and Law in the Western Tradition [Louisville, KY: Westminster University Press, 2012], 61, 99–100). Itinuring ng maraming Amerikano na ang gawaing ito ng mga patriyarka ay angkop lamang sa panahon at lugar kung saan ka nakatira at ang mga tao ay kailangang patuloy na sumulong mula sa primitibong kultura at gawain: ang ilang gawain ay angkop sa sarili nitong lugar at panahon ngunit hindi na uso o angkop sa mga taong nabubuhay sa panahong puno ng malaking kaalaman. Hinggil sa kaugnayan ng anti-polygamy sa Enlightenment rationalism, tingnan sa Nancy F. Cott, Public Vows: A History of Marriage and the Nation (Cambridge, MA: Harvard University Press, 2000), 18–23.

  30. Doktrina at mga Tipan 132:30, 37. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa temang ito, tingnan sa Belinda Marden Pratt, Defense of Polygamy, by a Lady of Utah, in a Letter to Her Sister in New Hampshire (1854), 7–8.

  31. Doktrina at mga Tipan 132:32.

  32. Brian C. Hales, “Encouraging Joseph Smith to Practice Plural Marriage: The Accounts of the Angel with a Drawn Sword,” Mormon Historical Studies, tomo 11, blg. 2 (Taglagas 2010), 55–71.

  33. Nang makarating na ang mga Banal sa Lambak ng Salt Lake, hindi bababa sa 196 na kalalakihan at 521 kababaihan ang nagsimulang isagawa ang maramihang pag-aasawa. Tingnan sa Hales, Joseph Smith’s Polygamy, 1:3, 2:165.

  34. Thompson, Autobiographical sketch.

  35. Cook, Nauvoo Marriages, Proxy Sealings, 3. Ang pagtanggap ni Hyrum Smith sa maramihang pag-aasawa o pagkakaroon ng maraming asawang babae ay ipinalagay na nangyari noong 1842 o 1843. Brigham Young sermon, Okt. 8, 1866, Historian’s Office reports of speeches, Church History Library, Salt Lake City; Andrew F. Ehat, A Holy Order: Joseph Smith, the Temple, and the 1844 Mormon Succession Question (Inilathala ng may-akda, 1990), 28–32; Ruth Vose Sayers, Affidavit, Mayo 1, 1869, Joseph F. Smith Affidavit Books, 5:9, Church History Library, Salt Lake City.

  36. Mercy Thompson, Testimony, Church of Christ in Missouri v. Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, 70 F. 179 (8th Cir. 1895), sa United States testimony 1892, typescript, 247, Church History Library, Salt Lake City.

  37. Deuteronomio 25:5–10.

  38. Thompson to Smith, Set. 5, 1883.

  39. Thompson, Testimony, 239.

  40. Thompson to Smith, Set 5, 1883; tingnan din Thompson, Testimony, 263.

  41. Isa sa mga espirituwal na kaloob ay “maniwala” sa patotoo ng iba. Doktrina at mga Tipan 46:14.

  42. Thompson, Autobiographical sketch. Para sa iba’t ibang obserbasyon na ito, tingnan sa Mercy Fielding Thompson, “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, Hulyo 1, 1892, 398–400.

  43. Thompson, Testimony, 248.

  44. Para sa mga halimbawa, tingnan sa “Plural Marriage in Kirtland and Nauvoo,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  45. Halimbawa, sa pribadong pag-uusap, kadalasang iminumungkahi ni Joseph Smith ang maramihang pag-aasawa sa pamamagitan ng pagsasalita na tinutukoy ang sarili (“Ako ay inutusan”) at pagkatapos ay nagtuturo at nagpapaliwanag sa mga posibleng babaeng pakakasalan sa halip na umasa lamang sa awtoridad. Para sa halimbawa, tingnan sa Lucy Walker Kimball Smith, “A Brief Biographical Sketch of the Life and Labors of Lucy Walker Kimball Smith,” Church History Library, Salt Lake City; Emily Dow Partridge Young, Diary and reminiscences, Church History Library, Salt Lake City. Para sa mga halimbawa ng mga babaeng tumanggi sa mga mungkahi ni Joseph Smith subalit nanatili pa rin sa Simbahan nang walang anumang negatibong nangyari, tingnan sa Hales, Joseph Smith’s Polygamy, 1:274–75; 2:31, 120; Patricia H. Stoker, “‘The Lord Has Been My Guide’: Cordelia Calista Morley Cox (1823–1915),” sa Richard E. Turley Jr. at Brittany A. Chapman, mga pat., Women of Faith in the Latter Days: Volume 2, 1821–1845 (Salt Lake City: Deseret Book, 2012), 53–54.

  46. Thompson, Testimony, 250–51. Hinggil sa makaparing panawagan ng maramihang pag-aasawa para sa kababaihan, tingnan sa Kathleen Flake, “The Emotional and Priestly Logic of Plural Marriage” (2009), The Arrington Lecture, blg. 15.

  47. Thompson, Autobiographical sketch.

  48. “Notice,” Times and Seasons, Mar. 15, 1845, 847. Marahil ay mas lumaki pa ang bilang nito nang mailaan ang Templo ng Nauvoo noong Disyembre 1845.

  49. Thompson, Autobiographical sketch; idinagdag ang pagbabantas.

  50. Doktrina at mga Tipan 132:19.