“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Pagsasalin ng Aklat ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Pagsasalin ng Aklat ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Pagsasalin ng Aklat ni Mormon
Noong Abril 1829, ang buwan kung kailan natanggap ang mga bahagi 6–9 ng Doktrina at mga Tipan, ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon ang pangunahing gawain ni Joseph Smith. Maraming detalye ang hindi natin alam tungkol sa mahimalang proseso ng pagsasalin, ngunit alam natin na si Joseph Smith ay isang tagakita, na tinulungan ng mga kasangkapang inihanda ng Diyos: dalawang malilinaw na batong tinatawag na Urim at Tummim at isa pang batong tinatawag na bato ng tagakita.
Nang hilingan siya kalaunan na ikuwento kung paano isinalin ang talaang ito, sinabi ni Joseph “na hindi nilayon na sabihin sa sanlibutan ang buong detalye.” Madalas lang niyang sabihin noon na ito ay isinalin “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”
Ang sumusunod na mga pahayag, mula sa mga nakasaksi sa proseso ng pagsasalin, ay sumusuporta sa patotoo ni Joseph.
Emma Smith
“Noong isinasalin ng asawa ko ang Aklat ni Mormon, ako ang sumulat ng ilang bahagi nito, habang idinidikta niya ang bawat pangungusap, bawat salita, at kapag may mga pangngalang pantangi na hindi niya mabigkas, o mahahabang salita, binabaybay niya ang mga ito, at habang isinusulat ko ang mga ito, kung nagkamali ako sa pagbaybay, patitigilin niya ako at itatama ang isinulat ko bagama’t imposibleng makita niya kung paano ko isinulat ang mga iyon. Kahit ang salitang Sarah ay hindi niya mabigkas noong una, kundi kinailangan niyang baybayin ito, at binibigkas ko ito para sa kanya.”
“Ang mga lamina ay kadalasang nakapatong sa mesa nang walang anumang pagtatangkang itago ang mga ito, nakabalot sa maliit na mantel na lino, na ibinigay ko sa kanya para ipambalot sa mga ito. Kinapa kong minsan ang mga lamina, habang nakapatong ang mga ito sa mesa, at kinapa-kapa ang gilid at hugis nito. Tila malambot ang mga ito na parang makapal na papel, at may maririnig na tunog ng metal kapag ginalaw ng hinlalaki ang mga gilid, gaya ng paggalaw ng hinlalaki sa mga gilid ng isang aklat. …
“Naniniwala ako na ang Aklat ni Mormon ay totoong galing sa Diyos—wala ako ni katiting na pagdududa tungkol dito. Nasisiyahan ako na walang sinumang maaaring nagdikta sa pagsulat ng mga manuskrito maliban kung siya ay binigyang-inspirasyon; sapagkat, noong ako ang kanyang tagasulat, [si Joseph] ang nagdidikta sa akin oras-oras; at pagbalik namin matapos kumain, o pagkatapos maantala, agad siyang nagsisimula kung saan siya tumigil, nang hindi tinitingnan ang manuskrito o ipinapabasa ang anumang bahagi nito. Isa itong karaniwang bagay na ginagawa niya. Imposible itong magawa ng isang taong may pinag-aralan; at, para sa isang taong napakamangmang at hindi nakapag-aral na tulad niya, imposible talaga.”
Oliver Cowdery
“Isinulat ko gamit ang sarili kong panulat ang buong Aklat ni Mormon (maliban sa ilang pahina) habang idinidikta ito sa akin ng propeta, nang isalin niya ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng Urim at Tummim, o, tulad ng tawag dito sa aklat, ng mga sagradong kagamitan sa pagsasalin. Nakita ng aking mga mata, at nahawakan ng aking mga kamay, ang mga laminang ginto na pinagmulan ng pagsasalin nito. Nakita ko rin ang mga kagamitan sa pagsasalin.”