Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pebrero 10–16: “Nang Ikaw ay Magtagumpay”: Doktrina at mga Tipan 10–11


“Pebrero 10–16: ‘Nang Ikaw ay Magtagumpay’: Doktrina at mga Tipan 10–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 10–11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

Ang manuskrito ng Aklat ni Mormon na nasa ibabaw ng isang mesa

Replika ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon

Pebrero 10–16: “Nang Ikaw ay Magtagumpay”

Doktrina at mga Tipan 10–11

Habang patuloy ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, may lumitaw na isang tanong: Ano ang dapat gawin nina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa nawalang mga pahina ng pagsasalin? Maaaring makatuturan na muling isalin ang bahaging iyon, ngunit may nakita ang Panginoon na hindi nila nakikita: plano ng kanilang mga kaaway na baguhin ang mga salita sa mga pahinang iyon para pagdudahan ang inspiradong gawain ni Joseph. May plano ang Diyos para maiwasan ang problemang iyon at patuloy na maisulong ang gawain. Libu-libong taon na ang nakararaan, binigyang-inspirasyon ng Diyos si Nephi na sumulat ng pangalawang talaan na tumalakay sa panahon ding iyon “para sa isang matalinong layunin sa Kanya” (1 Nephi 9:5).

“Ang aking karunungan,” sabi ng Panginoon kay Joseph, “ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo” (Doktrina at mga Tipan 10:43). Nakapapanatag na mensahe iyan sa isang panahong tulad ng sa atin, kung kailan lalong pinalalakas ng kaaway ang mga pagsisikap niyang pahinain ang pananampalataya. Tulad ni Joseph, maaari tayong maging “matapat at magpatuloy” sa gawaing ipinagagawa sa atin ng Diyos (talata 3). Sa gayon ay makikita natin na naglaan na Siya ng paraan upang “ang pintuan ng impiyerno ay hindi [manaig]” laban sa atin (talata 69).

Tingnan sa Mga Banal, 1:62–73.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 10:1–33

“Hindi [hahayaan ng Diyos na] maisakatuparan ni Satanas ang kanyang masamang layunin.”

Mas gugustuhin ni Satanas na kalimutan natin na nariyan siya—o na hindi natin mapansin ang kanyang mga pagtatangkang impluwensyahan tayo (tingnan sa 2 Nephi 28:22–23). Ngunit pinagtitibay ng mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 10 na totoo si Satanas—at masigasig niyang kinakalaban ang gawain ng Panginoon. Sa mga talata 1–33, tukuyin ang nalalaman ng Diyos tungkol sa mga pambubuyo ni Satanas (tingnan din sa mga talata 62–63). Maaari mo ring hilingin sa Panginoon na tulungan kang makita kung paano ka tinutukso ni Satanas. Habang binabasa mo ang bahagi 10, pagnilayan kung paano ka matutulungan ng Tagapagligtas na paglabanan ang mga pambubuyo ni Satanas.

Doktrina at mga Tipan 10:34–52

icon ng seminary
“Ang karunungan [ng Panginoon] ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo.”

Hindi alam ni Nephi kung bakit siya binigyang-inspirasyon na gumawa ng dalawang set ng mga talaan ng kanyang mga tao. At hindi alam ni Mormon kung bakit siya binigyang-inspirasyon na isama ang pangalawang set sa mga laminang ginto. Pero nagtiwala ang dalawang propeta na ang Diyos ay may “matalinong layunin” (1 Nephi 9:5; Mga Salita ni Mormon 1:7). Ngayo’y alam na natin kahit papaano ang bahagi ng layuning iyan: ang palitan ang nawalang 116 na pahina ng Aklat ni Mormon. Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na matutuhan mo mula sa lahat ng ito? Pagnilayan ang tanong na iyan habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 10:34–52. Maaari ka ring gumawa ng listahan ng mga katotohanang matutuhan mo tungkol sa Panginoon mula sa mga talatang ito. Paano naaapektuhan ng mga katotohanang ito ang iyong relasyon sa Kanya? Ano ang hinahangaan mo tungkol sa karunungan at kaalaman ng Panginoon tungkol sa mangyayari sa paghahanda para sa pagkawala ng 116 na pahina?

Maaari ka ring mabigyang-inspirasyon na maghanap ng katibayan ng Kanyang karunungan at kaalaman tungkol sa mangyayari sa iyong buhay. Basahin ang mga salaysay sa mensahe ni Elder Ronald A. Rasband na “Sa Banal na Plano”—maaaring maghatid ang mga ito ng mga halimbawa sa iyong isipan (Liahona, Nob. 2017, 55–57). Isiping isulat ang mga iyon kapag pumasok iyon sa iyong isipan. Paano iniimpluwensyahan ng Panginoon ang iyong buhay? Halimbawa, anong “mga pangyayaring mukhang nagkataon lang” ang inihanda Niya? Anong mga pundasyon ang inihanda Niya para sa iyong mga pagpapala? Kailan ka Niya naakay na maglingkod sa isang taong nangangailangan?

Tingnan din sa Roma 8:28; Doktrina at mga Tipan 90:24; Mga Paksa at Tanong, “Plano ng Kaligtasan,” Gospel Library.

si propetang Mormon na nakaupo sa tabi ng mesa na hawak ang mga laminang ginto

Detalye mula sa Mormon Abridging the Plates [Si Mormon na Pinaiikli ang Nilalaman ng mga Lamina], ni Tom Lovell

Doktrina at mga Tipan 11

“Magtiwala ka sa Espiritu [ng Panginoon].”

Sabik ang kuya ni Joseph na si Hyrum na malaman ang kalooban ng Panginoon para sa kanya, kaya hiniling niya kay Joseph na humingi ng paghahayag para sa kanya. Masaya ang Propeta na gawin iyon, ngunit ang isa o higit pang mensahe sa paghahayag na iyon (Doktrina at mga Tipan 11) ay na maaari ding maghangad ng paghahayag si Hyrum para sa kanyang sarili. At gayundin ang “lahat ng may mabuting hangarin, at humahawak sa kanyang panggapas upang gumapas” (talata 27). Habang binabasa mo ang bahagi 11, ano sa palagay mo ang itinuturo sa iyo ng Panginoon tungkol sa personal na paghahayag? Paano ito nauugnay sa itinuro Niya kay Oliver Cowdery sa mga bahagi 6–9? Ano ang iba pang mga mensahe Niya para sa iyo?

Tingnan din sa “Banal na Espiritu,” Mga Himno, blg. 85.

Anyayahan ang mga mag-aaral na magtanong. Ang mga tanong ay kadalasang humahantong sa paghahayag. Kung nagtuturo ka sa iyong pamilya o sa isang klase sa Simbahan, hikayatin silang magtanong, at tulungan silang hanapin ang mga sagot sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, kung mayroon silang mga tanong tungkol sa personal na paghahayag, sama-samang hanapin ang mga sagot sa Doktrina at mga Tipan 11:12–14.

Doktrina at mga Tipan 11:15–26

Kapag hinangad kong “matamo ang [salita ng Diyos],” matatanggap ko ang Kanyang Espiritu at kapangyarihan.

Bago pa man naisalin ang Aklat ni Mormon, sabik nang tumulong si Hyrum Smith sa gawain ng Pagpapanumbalk. Habang binabasa mo ang tugon ng Panginoon sa kanyang mga hangarin, isipin kung ano ang kahulugan sa iyo ng “matamo ang [salita ng Diyos]” (talata 21). Paano nakakatulong ang pagtatamo ng salita ng Diyos sa paglilingkod mo sa Kanya nang may kapangyarihan?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 10:5

Kapag palagi akong nagdarasal, tumatanggap ako ng lakas mula sa Diyos.

  • Para mapasimulan ang talatang ito sa iyong mga anak, maaari mo silang tanungin tungkol sa mga bagay na “palagi” nilang ginagawa. Ano ang sinasabi ng Panginoon na dapat nating gawin palagi sa Doktrina at mga Tipan 10:5? Bakit Niya gustong gawin natin ito?

  • Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na maalaalang magdasal palagi? Maaari siguro silang magtipon ng ilang maliliit at makikinis na bato at pinturahan ang mga ito ng “Doktrina at mga Tipan 10:5” o “Palaging Magdasal.” Maaari nilang ilagay ang kanilang mga bato sa iba’t ibang lugar kung saan nila gustong mapaalalahanan na magdasal, tulad ng malapit sa kama nila, sa tabi ng kanilang mga aklat sa paaralan, o kung saan sila kumakain. Ayon sa Doktrina at mga Tipan 10:5, paano tayo pinagpapala ng Diyos kapag nagdarasal tayo? Maaaring makahanap ng mga karagdagang sagot ang iyong mga anak sa isang awitin tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6).

batang babaeng pinipinturahan ang maliliit na bato

Doktrina at mga Tipan 11:12–13

Inaakay ako ng Espiritu Santo na gumawa ng mabuti.

  • Maaaring matutuhan ng mga bata na mapansin kapag nangungusap sa kanila ang Espiritu. Para matulungan sila, maaari kang magtago ng isang bombilya o flashlight at ng larawan ng isang masayang mukha sa isang lugar sa silid; pagkatapos ay hilingin sa iyong mga anak na hanapin ang mga bagay na ito. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:13, at tulungan ang iyong mga anak na tukuyin ang mga salitang may kaugnayan sa mga bagay na nahanap nila. Ano ang itinuturo ng mga salitang ito tungkol sa paraan ng pagtulong sa atin ng Espiritu Santo?

  • Ang pagbabahagi ng sarili mong mga espirituwal na karanasan ay maaaring makatulong sa iyong mga anak na mapansin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa kanilang buhay. Habang nagbabahagi ka, hilingin sa kanila na magbahagi rin ng kanilang mga karanasan. Maaari din ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:12–13, na inaalam kung paano natin malalaman kapag ginagabayan tayo ng Espiritu Santo. Magpatotoo na nais ng Ama sa Langit na gabayan tayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Doktrina at mga Tipan 11:21, 26

Kailangan kong malaman ang ebanghelyo upang matulungan ko ang iba na mahanap ang katotohanan.

  • Tulad ni Hyrum Smith, malamang na magkaroon ng maraming oportunidad ang iyong mga anak na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 11:21, 26 at hilingin sa iyong mga anak na hanapin kung ano ang sinabi ng Panginoon kay Hyrum na kailangan niyang gawin upang maituro niya ang ebanghelyo. Ano ang ibig sabihin ng “matamo” ang salita ng Diyos? Paano natin ito magagawa? Paano natin “pahahalagahan” ang salita ng Diyos sa ating puso? Marahil ay maaaring magsadula ang iyong mga anak ng pagbabahagi sa iba ng isang bagay tungkol kay Jesucristo o sa Aklat ni Mormon.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

ipinintang larawan nina Joseph at Hyrum Smith

Joseph at Hyrum Smith, ni Ken Corbett

pahina ng aktibidad para sa mga bata