“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Patotoo tungkol sa ‘Pangitain’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Mga Patotoo tungkol sa ‘Pangitain’,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Aking—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Patotoo Tungkol sa “Pangitain”
Wilford Woodruff
Sumapi si Wilford Woodruff sa Simbahan noong Disyembre 1833, halos dalawang taon matapos matanggap nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76. Nakatira siya noon sa New York at nalaman ang tungkol sa “Pangitain” mula sa mga missionary na naglilingkod sa lugar. Makalipas ang maraming taon, ikinuwento niya ang kanyang mga impresyon tungkol sa paghahayag na ito:
“Itinuro sa akin noong bata pa ako na may isang Langit at isang Impiyerno, at sinabi sa akin na ang masasama ay may isang kaparusahan at ang mabubuti ay may isang kaluwalhatian. …
“… Nang mabasa ko ang pangitain … , nabigyang-liwanag nito ang aking isipan at nabigyan ako ng malaking kagalakan, at para sa akin ang Diyos na naghayag ng alituntuning iyan ay matalino, matwid at totoo, nagtataglay ng pinakamagagandang katangian at mabuting pag-iisip at kaalaman, nadama ko na hindi nagbabago ang Kanyang pagmamahal, awa, katarungan at paghatol, at dahil dito nadama ko ang pagmamahal ng Panginoon nang higit kailanman sa aking buhay.”
“Ang ‘Pangitain’ [ay] isang paghahayag na nagbibigay ng higit na liwanag, higit na katotohanan at higit na alituntunin kaysa alinmang paghahayag na nasa alinmang aklat na nabasa natin. Malinaw na ipinauunawa sa atin nito ang ating kasalukuyang kalagayan; saan tayo [nang]galing, bakit tayo naririto, at saan tayo pupunta [pagkatapos ng buhay na ito]. Maaaring malaman ng sinuman ang kanyang magiging bahagi at kalagayan sa pamamagitan ng paghahayag na iyon.”
“Bago ko nakita si Joseph sinabi ko na wala akong pakialam kung ilang taon na siya, o kung gaano siya kabata; wala akong pakialam sa hitsura niya—kung mahaba o maikli ang kanyang buhok; ang lalaki na tumanggap at nagturo ng paghahayag na iyon [ng pangitaing nakatala sa bahagi 76] ay propeta ng Diyos. Alam ko ito mismo sa sarili ko.”
Phebe Crosby Peck
Noong marinig ni Phebe Peck na nagtuturo sina Joseph at Sidney tungkol sa “Pangitain,” nakatira siya sa Missouri at mag-isang inaalagaan ang limang anak. Napahanga at naantig siya ng pangitain kaya isinulat niya ang sumusunod upang ibahagi ang natutuhan niya sa kanyang mga kamag-anak:
“Inihahayag ng Panginoon ang mga hiwaga ng Kaharian ng langit sa kanyang mga Anak. … Dinalaw kami nina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong nakaraang tagsibol, at marami kaming masasayang pulong habang narito sila, at maraming hiwaga ang nalantad sa aming pananaw, na nagbigay sa akin ng malaking kapanatagan. Natanto namin ang pagpapakababa ng Diyos sa paghahanda ng mga mansiyon ng kapayapaan para sa kanyang mga anak. At sinumang hindi tatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo at tatayo bilang magigiting na kawal sa ngalan ni Cristo ay hindi makapananahanan sa piling ng Ama at ng Anak. Ngunit may isang lugar na inihanda para sa lahat ng hindi tatanggap, ngunit ito ay isang lugar na mas mababa ang kaluwalhatian kaysa sa kahariang Selestiyal. Hindi ko na tatangkaing magsabi ng ano pa man hinggil sa mga bagay na nakalimbag na sa kasalukuyan at lumalaganap sa mundo. At marahil magkakaroon kayo [mismo] ng pagkakataong magbasa, at kapag ginawa ninyo ito, sana magbasa kayo nang may maingat at madasaling puso, dahil ang mga bagay na ito ay karapat-dapat pagtuunan ng pansin. At nais kong saliksikin ninyo ang mga ito, sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan sa mundong ito at sa mundong darating.”