“Hulyo 21–27: Siya na ‘Binigyan ng Marami ay Marami ang Hihingin’: Doktrina at mga Tipan 81–83,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 81–83,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Hulyo 21–27: Siya na “Binigyan ng Marami ay Marami ang Hihingin”
Doktrina at mga Tipan 81–83
Noong Marso 1832, tinawag ng Panginoon si Jesse Gause na maging counselor ni Joseph Smith sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote (na ngayo’y tinatawag na Unang Panguluhan). Ang Doktrina at mga Tipan 81 ay isang paghahayag kay Brother Gause tungkol sa kanyang bagong calling. Pero hindi naglingkod nang tapat si Jesse Gause, kaya tinawag si Frederick G. Williams para pumalit sa kanya. Pinalitan ng pangalan ni Brother Williams ang pangalan ni Brother Gause sa paghahayag.
Maaaring tila maliit na detalye iyan, pero nagpapahiwatig ito ng isang mahalagang katotohanan: karamihan sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay nauukol sa mga partikular na tao, ngunit lagi tayong makakahanap ng mga paraan para magamit natin ang mga ito sa ating sarili (tingnan sa 1 Nephi 19:23). Kapag binasa natin ang payo ng Panginoon kay Frederick G. Williams na “palakasin ang tuhod na mahihina,” maiisip natin ang mga tao na maaari nating palakasin (Doktrina at mga Tipan 81:5). Kapag binasa natin ang paanyaya ng Panginoon sa mga miyembro ng United Firm na “itali ang inyong sarili sa pamamagitan ng tipang ito,” maiisip natin ang sarili nating mga tipan. At mababasa natin ang Kanyang pangako, “Ako … ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi,” na para bang nangungusap Siya sa atin (Doktrina at mga Tipan 82:10, 15). Maaari nating gawin ito, dahil ipinahayag ng Panginoon, “Anuman ang aking sabihin sa isa sinasabi ko sa lahat” (talata 5).
Tingnan sa “Newel K. Whitney and the United Firm,” “Jesse Gause: Counselor to the Prophet,” sa Revelations in Context, 142–47, 155–57.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Doktrina at mga Tipan 81:4–5; 82:18–19
“[Gagawin] mo ang [pinakamalaking kabutihan] sa iyong kapwa-tao.”
Sa ilang talata sa Doktrina at mga Tipan 81–83, inaanyayahan tayo ng Panginoon na tulungan ang mga taong nangangailangan sa ating paligid. Isiping markahan ang mga sipi kapag nakita mo ang mga ito. Ang isa sa mga pinaka-naglalarawang halimbawa ay sa Doktrina at mga Tipan 81:4–5. Narito ang ilang tanong na makakatulong sa iyo na pagnilayan ang mga talatang ito:
-
Ano ang ilang paraan na maaaring maging “mahina” ang isang tao? Ano ang ibig sabihin ng “tulungan” sila? Kailan ako natulungan ng ibang mga tao na naglingkod na katulad ni Cristo nang manghina ako?
-
Ano ang maaaring dahilan kaya “nakababa” ang mga kamay ng isang tao? Paano ko maaaring “itaas” ang mga kamay na iyon?
-
Ano ang maaaring kahulugan ng “tuhod na mahihina”? Paano papalakasin ang mga iyon?
Paano ginagawa ng Tagapagligtas ang mga bagay na ito para sa iyo?
Marahil ang pag-aaral ng talatang ito ay nagpaalala sa iyo ng isang tao na maaari mong “tulungan,” “itaas,” o “palakasin.” Ano ang gagawin mo para mapaglingkuran ang taong iyon?
Ano pa ang natutuhan mo tungkol sa paglilingkod sa iba sa Doktrina at mga Tipan 82:18–19? Maaari mo ring panoorin ang video na “Teachings of Thomas S. Monson: Rescuing Those in Need” (Gospel Library). Paano isinabuhay ng mga miyembro ng ward ni Bishop Monson ang itinuturo ng mga talatang ito?
Tingnan din sa Jacob 2:17–19; Mosias 18:8–9; “Works of God” (video), ChurchofJesusChrist.org.
Marami nang ibinigay sa akin ang Tagapagligtas at marami siyang hinihingi sa akin.
Ang pagbasa sa talatang ito ay maaaring mag-udyok sa iyo na rebyuhin ang ibinigay na sa iyo ng Diyos—kapwa pisikal at espirituwal na mga pagpapala. Isaisip ito habang binabasa mo ang iba pa sa bahagi 82. Ano sa palagay mo ang hinihingi ng Diyos sa iyo?
Tingnan din sa “Dahil Biyaya sa Akin ay Kayrami,” Mga Himno, blg. 133.
Ang mga kautusan ay katibayan ng pagmamahal ng Diyos sa atin.
Kung nagtaka ka na o ang isang kakilala mo kung bakit napakaraming kautusang ibinibigay ang Panginoon, maaaring makatulong ang Doktrina at mga Tipan 82:8–10. Anong mga kabatiran sa mga talatang ito ang makakatulong sa iyo na ipaliwanag sa isang tao kung bakit mo pinipiling sundin ang mga utos ng Panginoon? Ano ang maikukumpara mo sa mga kautusan na maaaring makatulong? Maaari kang makakita ng mga karagdagang kabatiran sa Doktrina at mga Tipan 1:37–38; 130:20–21 at sa video na “Blessed and Happy Are Those Who Keep the Commandments of God” (Gospel Library). Anong mga karanasan ang nagturo sa iyo na ituring na mga pagpapala ang mga kautusan?
Pag-isipan ang ilan sa mga kautusang ibinigay sa iyo ng Diyos. Ano ang naituro na sa iyo ng mga kautusang ito tungkol sa Kanya at sa Kanyang kalooban? (tingnan sa talata 8). Paano naapektuhan ng pagsunod sa mga kautusang ito ang iyong buhay?
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon mula sa talata 10? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “[naka]tali”? (tingnan din sa talata 15).
Paano natupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa iyong buhay? Ano ang maaari mong sabihin sa isang taong hindi nagaganyak na sundin ang mga kautusan dahil hindi pa nila natatanggap ang mga pagpapalang inaasam nila? May nakikita ka bang anumang makakatulong na mga kabatiran sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos”? (Liahona, Mayo 2022, 78–80).
Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Mga Kautusan,” Gospel Library.
Pinagpapala tayo ng Panginoon sa Kanyang sariling kagila-gilalas na mga paraan.
Nagkuwento si Sister Virginia H. Pearce, dating miyembro ng Young Women General Presidency, tungkol sa isang babaeng nag-alala tungkol sa kanyang mga anak na gumagawa ng mga maling pagpili. Malapit nang mataranta, ginawa niya ang lahat ng maiisip niya para hangarin ang mga pagpapala ng Panginoon para sa kanila. Bukod pa sa taimtim na panalangin, nagtakda siya ng isang matayog na mithiin na lalo pang dumalo sa templo at nadama ang katiyakan na kikilalanin ng Panginoon ang malaking sakripisyong ito sa pamamagitan ng pagbabago ng puso ng kanyang mga anak. Ikinuwento ng babae:
“Pagkaraan ng sampung taon nang mas madalas na pagdalo sa templo at pagdarasal sa tuwina, ikinalulungkot kong sabihin na hindi nagbago ang mga pagpili ng aking mga anak. …
“Ngunit nagbago ako. Iba na ako. … Mas malambot na ang puso ko. Napupuspos ako ng habag. Mas marami talaga akong magagawa at hindi na ako natatakot, nababalisa, nababagabag, naninisi, at nangangamba. Isinuko ko na ang mga paglimita ko sa oras at nagagawa ko nang maghintay sa Panginoon. At nakakaranas ako ng madalas na pagpapahayag ng kapangyarihan ng Panginoon. Nagpaparamdam siya ng magigiliw na awa, maliliit na mensaheng nagpaparamdam ng pagmamahal niya sa akin at sa aking mga anak. Nagbago ang mga inaasahan ko. Sa halip na asahang magbago ang mga anak ko, inaasahan ko ang madalas na magigiliw na awang ito at puspos ako ng pasasalamat para sa mga ito. …
“Nagbago ang aking mga panalangin. Nagpapahayag ako nang higit na pagmamahal at mas nagpapasalamat ako. … Kumikilos ang Panginoon sa kagila-gilalas na mga paraan, at talagang puspos ako ng kapayapaan na di-masayod ng pag-iisip” (sa “Prayer: A Small and Simple Thing,” At the Pulpit [2017], 288–89).
“Ang mga balo at ulila ay paglalaanan.”
Noong Abril 1832, ayon sa tagubilin ng Panginoon, nilakbay ni Joseph Smith ang halos 800 milya para bisitahin ang mga Banal na nagtipon sa Missouri (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78:9). Habang naroon siya, binisita niya ang isang komunidad kung saan may ilang balo na mag-isang nagpalalaki ng kanilang mga anak. Kabilang sa kanila sina Phebe Peck at Anna Rogers, na personal na kilala ng Propeta. Sa Missouri noong 1830s, binigyan ng batas ng estado ng limitadong mga karapatan ang mga balo sa ari-arian ng kanilang yumaong asawa. Ano ang natutuhan mo mula sa bahagi 83 kung ano ang nadarama ng Panginoon sa mga balo at ulila? May kakilala ka ba na nasa ganitong sitwasyon na makikinabang sa iyong pagmamahal o pag-aalaga? Ano ang ilang paraan na maibabahagi mo ang mayroon ka sa mga balo, ulila, inang walang asawa, at iba pa na nangangailangan?
Tingnan din sa Isaias 1:17; Santiago 1:27.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Makapagdarasal ako sa Diyos nang “[may tinig] at sa [aking] puso.”
-
Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 81:3, tulungan silang mag-isip ng iba’t ibang mga lugar na “pampubliko” at “pribado” kung saan ay maaari silang manalangin. Maaari mo ring pakinggan o kantahin na kasama sila ang isang himno tungkol sa panalangin, tulad ng “Dalanging Taimtim” (Mga Himno, blg. 86). Magbahagi sa isa’t isa ng isang bagay mula sa himno na nagtuturo ng isang mahalagang katotohanan tungkol sa panalangin. Maaari din ninyong pag-usapan ang tungkol sa pagpipitagan sa Ama sa Langit.
-
Para mahikayat ang iyong mga anak na taos-pusong manalangin, maaari mo silang bigyan ng mga pusong papel at anyayahan silang magdrowing o magsulat ng isang bagay na gusto nilang ipagdasal sa Ama sa Langit. Magpatotoo na alam ng Ama sa Langit ang ating iniisip at nadarama at naririnig Niya ang ating mga dalangin kahit hindi natin sinasabi iyon nang malakas. Maaari mong ibahagi sa kanila ang isang karanasan nang taos-puso kang nanalangin at dininig ka ng Ama sa Langit.
Nais ng Panginoon na tulungan ko ang mga taong nangangailangan.
-
Kasama ang iyong mga anak, magdrowing ng mga kamay at tuhod, at hilingin sa iyong mga anak na hanapin ang mga bahaging ito ng katawan sa Doktrina at mga Tipan 81:5. Ano ang hinihiling ng Ama sa Langit na gawin natin sa talatang ito? Maaari ninyong ibahagi sa isa’t isa ang ilang paraan na napalakas ka ng mga tao nang madama mo na ikaw ay “mahina” o “[nang]hihina.” Ang video na “Pass It On” (ChurchofJesusChrist.org) ay maaaring makapagbigay ng mga ideya sa iyong mga anak kung paano nila pinaglilingkuran ang iba. Maaari din kayong kumanta ng isang awitin tungkol sa paglilingkod, tulad ng “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135). Isiping tulungan ang iyong mga anak na gumawa ng plano na tumulong sa kahit isang taong nangangailangan sa linggong ito.
-
Maaari ka ring gumamit ng mga larawan o video para magsalaysay ng mga simpleng kuwento tungkol sa paglilingkod ni Jesucristo sa iba (tingnan ang mga larawan sa outline na ito; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 41, 42, 46, 47, 55; o isa sa Bible Videos sa Gospel Library). Paano natin matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtulong sa iba?
Nangangako ng mga pagpapala ang Ama sa Langit kapag sinisikap kong sundin Siya.
-
Maaari kayong tumingin ng iyong mga anak sa Doktrina at mga Tipan 82:8–10 para sa mga sagot sa tanong na “Bakit tayo binibigyan ng Ama sa Langit ng mga kautusan?” Maaari mong tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga halimbawa ng Kanyang mga utos (tingnan, halimbawa, sa Exodo 20:4–17; Mateo 22:37–39; Doktrina at mga Tipan 89:5–17). Maaaring makatulong kung makahanap o magdrowing kayo ng iyong mga anak ng mga larawan para kumatawan sa ilan sa mga ito. Paano ipinapakita ng Ama sa Langit ang pagmamahal Niya sa atin?
-
Marahil ay makakatulong ang isang simpleng laro para ituring ng iyong mga anak ang mga utos ng Diyos bilang mga pagpapala, hindi mga pasanin. Ang isang tao ay maaaring magbigay ng mga tagubilin para tulungan ang isa pang tao, na nakapiring, na gumawa ng isang bagay tulad ng pagpapalaman sa sandwich o pagdodrowing ng isang larawan. Mag-isip ng isang bagay na masaya at malikhain! Pagkatapos ay pag-usapan kung paano natutulad ang larong ito sa mga utos ng Diyos.