“Hulyo 7–13: ‘Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian’: Doktrina at mga Tipan 76,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 76,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Hulyo 7–13: “Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian”
Doktrina at mga Tipan 76
“Ano ang mangyayari sa akin pagkatapos kong mamatay?” Halos lahat ay nagtatanong nito sa iba’t ibang paraan. Sa loob ng maraming siglo, maraming tradisyong Kristiyano, na umaasa sa mga turo sa Biblia, ang nagturo tungkol sa langit at impiyerno, tungkol sa paraiso para sa mabubuti at pagdurusa para sa masasama. Pero maaari ba talagang mahati nang gayon kahigpit ang buong sangkatauhan? Noong Pebrero 1832, nag-isip sina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung may iba pang dapat malaman tungkol sa paksa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76, section heading).
Tiyak na mayroon. Habang pinagninilayan nina Joseph at Sidney ang mga bagay na ito, “hinipo ng Panginoon ang mga mata ng [kanilang] mga pang-unawa at ang mga ito ay nabuksan” (talata 19). Tumanggap sila ng isang paghahayag na napakaganda, napakalawak, napakaliwanag, kaya tinawag ito ng mga Banal na “ang Pangitain.” Binuksan nito ang mga dungawan ng langit at binigyan ng malawak na pagkaunawa ang mga anak ng Diyos tungkol sa kawalang-hanggan. Inihayag sa pangitain na ang langit ay mas dakila at mas malawak at mas maraming mapapabilang kaysa sa dating inakala ng karamihan. Ang Diyos ay mas maawain at makatarungan kaysa kaya nating unawain. At may walang-hanggang tadhana ang mga anak ng Diyos na mas maluwalhati kaysa sa maaari nating isipin.
Tingnan sa Mga Banal, 1:168–72; “The Vision,” sa Revelations in Context, 148–54.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos.
Ang bahagi 76 ay naghahayag ng mahahalagang katotohanan tungkol sa ating walang-hanggang tadhana, pero hindi magiging kumpletong sabihin na ang paghahayag na ito ay tungkol sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian o tungkol lamang sa plano ng kaligtasan. Ang mas tumpak na sabihin, ang bahagi 76 ay tungkol kay Jesucristo, na ginagawang posible ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan at walang-hanggang kaluwalhatian. Habang nagbabasa ka, maaari kang maghanap ng mga salita o parirala na naglalarawan ng kaugnayan sa pagitan ni Jesucristo at ng mga taong nagmamana ng iba’t ibang kaharian ng kaluwalhatian. Marahil ay maaaring makatulong sa iyo ang isang table na katulad ng sumusunod para maitala mo ang matuklasan mo.
Kaharian ng kaluwalhatian |
Kaugnayan kay Jesucristo |
Mga walang-hanggang pagpapala |
---|---|---|
Kaharian ng kaluwalhatian Selestiyal (mga talata 50–70, 92–96) | Kaugnayan kay Jesucristo
| Mga walang-hanggang pagpapala
|
Kaharian ng kaluwalhatian Terestriyal (mga talata 71–79, 97) | Kaugnayan kay Jesucristo | Mga walang-hanggang pagpapala |
Kaharian ng kaluwalhatian Telestiyal (mga talata 81–90, 98–106, 109–12) | Kaugnayan kay Jesucristo | Mga walang-hanggang pagpapala |
Ano ang nahihikayat kang gawin para patatagin ang iyong kaugnayan sa Tagapagligtas?
Nang mabasa ni Wilford Woodruff ang pangitaing ito, sinabi niya, “Nadama ko na dapat kong mahalin ang Panginoon nang higit kaysa rati sa buhay ko” (tingnan sa “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Patotoo tungkol sa ‘Pangitain’”). Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo mula sa mga talata 1–5, 20–24, 39–43, 107–8 na nagiging dahilan para higit mo Siyang mahalin?
Tingnan din sa 1 Pedro 3:18–19; 4:6; Dallin H. Oaks, “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 75–77; “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.
Doktrina at mga Tipan 76:5–10, 114–18
Nauunawaan ko ang kalooban ng Diyos “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.”
Hindi lahat ng miyembro ng Simbahan noon ay tinanggap kaagad ang paghahayag sa bahagi 76, dahil itinuro doon na halos lahat ay maliligtas at tatanggap ng antas ng kaluwalhatian. Halimbawa, sinabi ni Brigham Young: “Ang mga tradisyon ko, noong una kong makita ang Pangitain, ay lubos na kabaligtaran at salungat sa dati kong pinag-aralan. Sabi ko, Sandali lang. Hindi ko tinanggihan iyon; ngunit hindi ko iyon maunawaan.” Ipinaliwanag niya na kinailangan niyang “mag-isip at manalangin, magbasa at mag-isip, hanggang sa nalaman at lubos kong naunawaan iyon sa aking sarili” (sa “The Vision,” Revelations in Context, 150). Ano ang natutuhan mo mula sa kanyang karanasan na makakatulong sa iyo kapag naghahayag ang Diyos ng mga bagay na naiiba sa kasalukuyan mong pagkaunawa? Ano ang natutuhan mo tungkol sa Diyos sa Doktrina at mga Tipan 76:5–10, 114–18? Ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung paano mo mauunawaan “ang mabuting kagustuhan ng [kalooban ng Diyos]”? (talata 7).
Doktrina at mga Tipan 76:39–44, 50–70
Kadakilaan ang pinakamataas na uri ng kaligtasan.
Inilalarawan sa Doktrina at mga Tipan 76:39–44 ang kaligtasan sa pangkalahatan. Inilalarawan sa mga talata 50–70 ang kadakilaan, isang partikular na uri ng kaligtasan. Paano mo ipaliliwanag ang pagkakaiba sa pagitan ng kaligtasan at ng kadakilaan? Ano ang papel ng Tagapagligtas sa dalawang ito? Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na naghihikayat sa iyong maghangad ng kadakilaan?
Tingnan din sa Juan 3:16–17; Doktrina at mga Tipan 132:20–25.
Doktrina at mga Tipan 76:50–70, 92–95
Nais ng Ama sa Langit na makatanggap ako ng buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal.
Naisip mo na ba—o nag-alala ka na ba—kung maaari kang maging uri ng tao na tatanggap ng kaluwalhatiang selestiyal, tulad ng inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 76:50–70, 92–95? Bagama’t mahalagang malaman kung ano ang inaasahan sa atin ng Diyos, isipin ding tingnan sa mga talatang ito kung ano ang nagawa ng Diyos para sa atin—at ginagawa—para tulungan tayong maging katulad Niya. Sa palagay mo, bakit mahalaga sa Kanya ang iyong mga pagsisikap?
Paano nakakaapekto ang pangitaing ito tungkol sa kaluwalhatiang selestiyal sa paraan na nais mong mamuhay araw-araw?
Tingnan din sa Moises 1:39; J. Devn Cornish, “Sapat na ba ang Kabutihan Ko? Magiging Karapat-dapat ba Ako?,” Liahona, Nob. 2016, 32–34.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Tayong lahat ay mga anak ng Diyos.
-
Para maipaunawa sa iyong mga anak ang kanilang banal na potensyal, maaari kang magpakita sa kanila ng mga larawan ng mga bata at ng kanilang mga magulang. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:24 at ibahagi sa isa’t isa kung bakit masaya kayong malaman na tayong lahat ay “anak na lalaki at babae ng Diyos.”
-
Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3) at anyayahan ang iyong mga anak na ituro ang sarili nila kapag kinakanta nila ang “Ako.” Pagkatapos ay kantahing muli ang awitin, na pinapalitan ng “Ako” ng “Ikaw” habang nakaturo sa iba.
Doktrina at mga Tipan 76:5, 41–42, 69
Si Jesucristo ay aking Tagapagligtas.
-
Isiping isadula ninyo ng iyong mga anak ang isang sitwasyon kung saan may magtatanong ng, “Ano ang nagawa ni Jesucristo para sa akin?” Maaari ninyong hanapin ng iyong mga anak ang mga posibleng sagot sa mga talata 5, 41–42, o 69 sa bahagi 76. Maaari din ninyong kantahin ang “Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21. Paano natin maipakikita ang ating pasasalamat sa nagawa ng Tagapagligtas para sa atin?
Nais ng Ama sa Langit na makabalik ako sa Kanyang piling magpakailanman.
-
Maaari ninyong basahin o panoorin ng iyong mga anak ang bahagi o buong “Kabanata 26: Ang Tatlong Kaharian ng Langit” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 97–103, o ang katumbas na video nito sa Gospel Library) at ibahagi sa isa’t isa kung ano ang nagustuhan ninyo tungkol sa pangitain Joseph Smith. Hayaang ibahagi ng iyong mga anak ang kanilang mga iniisip at nadarama kung ano ang pakiramdam ng makapiling ang Ama sa Langit sa kahariang selestiyal.
-
Maaari mo ring basahin ang Doktrina at mga Tipan 76:62 at anyayahan ang iyong mga anak na idrowing ang kanilang sarili na kasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa kahariang selestiyal (tingnan ang pahina ng aktibidad sa linggong ito).
Doktrina at mga Tipan 76:12, 15–19, 114–16
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa akin na “maunawaan ang mga bagay-bagay ng Diyos.”
-
Maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na basahin ang mga talata 15–19 para malaman kung ano ang ginagawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon nang makita nila ang pangitain sa Doktrina at mga Tipan 76. Ikuwento sa iyong mga anak ang isang pagkakataon na tumanggap ka ng inspirasyon habang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at itanong sa iyong mga anak kung naranasan na nila iyon.