“Hunyo 30–Hulyo 6: ‘Walang Sandata na Ginawa Laban sa Inyo ang Mananaig”: Doktrina at mga Tipan 71–75,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 71–75,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Hunyo 30–Hulyo 6: “Walang Sandata na Ginawa Laban sa Inyo ang Mananaig”
Doktrina at mga Tipan 71–75
Simula pa noong bata siya, naharap na si Joseph Smith sa mga kritiko—maging sa mga kaaway—habang sinisikap niyang gawin ang gawain ng Diyos. Pero marahil ay lalong naging mahirap ito sa huling bahagi ng 1831 nang simulang batikusin ni Ezra Booth sa publiko ang Simbahan, dahil sa sitwasyong ito, isang dating mananampalataya ang kritiko. Nakita ni Ezra ang paggamit ni Joseph ng kapangyarihan ng Diyos para pagalingin ang isang babae. Inanyayahan siyang samahan si Joseph sa unang pag-inspeksyon sa lupain ng Sion sa Missouri. Pero simula noon ay nawala na ang kanyang pananampalataya at, sa pagtatangkang siraan ang Propeta, naglathala siya ng isang serye ng mga liham sa isang pahayagan sa Ohio. At tila umepekto ang kanyang mga pagsisikap, dahil “hindi mabuting damdamin [ang namuo] laban sa Simbahan” sa lugar na iyon (Doktrina at mga Tipan 71, section heading). Ano ang dapat gawin ng mga mananampalataya sa gayong sitwasyon? Bagama’t walang tamang sagot para sa bawat sitwasyon, tila madalas—pati na sa sitwasyong ito noong 1831—na ang bahagi ng sagot ng Panginoon ay para ipahayag ang katotohanan at ituwid ang mga kamalian sa pamamagitan ng “pagpapahayag [ng] ebanghelyo” (talata 1). Oo, ang gawain ng Panginoon ay laging magkakaroon ng mga kritiko, pero sa huli, “walang sandata na ginawa laban [dito] ang mananaig” (talata 9).
Tingnan sa “Ezra Booth and Isaac Morley,” sa Revelations in Context, 134.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Gagabayan ako ng Espiritu habang ipinapahayag ko ang ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Maaaring nakababahala kapag pinipintasan o pinagtatawanan ng mga tao ang iyong pananampalataya sa Tagapagligtas, sa Kanyang ebanghelyo, o sa Kanyang Simbahan. Kapag nangyari iyan, ano ang gagawin mo? May nangyaring katulad nito sa Ohio noong 1831 (tingnan sa section heading ng Doktrina at mga Tipan 71). Ano ang sinabi ng Panginoon na gawin nina Joseph Smith at Sidney Rigdon tungkol dito sa Doktrina at mga Tipan 71? Maaari mo sigurong ilista ang mga tagubiling ibinigay sa kanila ng Panginoon at ang mga pagpapalang ipinangako Niya.
Bukod pa sa pag-aaral ng bahagi 71, maaari mo ring alamin kung paano tumugon ang Tagapagligtas sa Kanyang mga kritiko noong Kanyang mortal na ministeryo. Narito ang ilang halimbawa: Mateo 22:15–22; 26:59–64; Juan 10:37–38. Ano ang natutuhan mo mula sa Kanya? Anong mga karagdagang kabatiran ang natamo mo mula sa Mateo 18:15; Efeso 4:31–32; 2 Timoteo 3:12; Santiago 1:19?
Paano magagamit ang Kanyang payo sa mga sitwasyong kinakaharap mo ngayon? Maaari kang mag-isip ng mga paraan para mapayapang ituwid ang mga kamalian sa sarili mong mga salita. Halimbawa, maaari kang magsimula sa pagpapahayag ng paggalang sa mga pananaw ng taong iyon, at pagkatapos ay maaari kang magbahagi sa mapagpakumbaba at mabait na paraan kung ano ang pinaniniwalaan mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo. Para makapaghanda para sa mga pagkakataong ito, marahil ay maaari mong praktisin ang pamamaraang ito sa mga kaibigan o kapamilya.
Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Helping Others with Questions [Pagtulong sa Iba na May mga Tanong],” Gospel Library; Dallin H. Oaks, “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Liahona, Nob. 2014, 25–28; Jörg Klebingat, “Magiting na Pagkadisipulo sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2022, 107–10.
Pinagpapala ako ng Panginoon sa pamamagitan ng ministeryo ng mga leader na tulad ng mga bishop.
Nang tawagin si Newel K. Whitney na maglingkod bilang bishop ng Simbahan, ang kanyang mga tungkulin ay naiiba nang bahagya sa mga bishop ngayon. Halimbawa, pinangasiwaan ni Bishop Whitney ang paglalaan ng mga ari-arian at ang pahintulot na manirahan sa lupain ng Sion sa Missouri. Pero kapag nagbasa ka tungkol sa kanyang calling sa Doktrina at mga Tipan 72, maaari mong mapansin ang ilang kaugnayan nito sa ginagawa ng mga bishop ngayon—kahit sa diwa man lang, kung hindi man sa mga detalye, ng kanilang mga tungkulin.
Halimbawa, sa anong mga paraan ka “magbibigay-sulit” sa iyong bishop? (talata 5). Sa ating panahon, maaaring kabilang sa “kamalig ng Panginoon” ang mga donasyon, paglilingkod, at mga talento ng mga miyembro ng ward (tingnan sa mga talata 10, 12). Paano ka makapag-aambag sa kamalig na iyon?
Paano ka napagpala ng Panginoon at ang inyong pamilya sa pamamagitan ng paglilingkod ng isang bishop?
Tingnan din sa Quentin L. Cook, “Mga Bishop—Mga Pastol sa Kawan ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2021, 56–60.
Marami akong oportunidad na ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Nang bumalik sina Joseph Smith at Sidney Rigdon mula sa kanilang tungkulin bilang missionary (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 71), sinabi sa kanila ng Panginoon na ituloy ang kanilang pagsasalin ng Biblia (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsasalin ni Joseph Smith (PJS),” Gospel Library). Pero hindi ibig sabihin niyan na gusto Niya silang tumigil sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Tutal, bahagi ito ng buhay ng isang disipulo.
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 73, isipin kung paano mo magagawang isang patuloy at “magagawa” (talata 4)—o makatotohanan—na bahagi ng iyong buhay ang pagbabahagi ng ebanghelyo kasama ng iba mo pang mga responsibilidad.
“Gumawa nang inyong buong lakas … [na] ipinahahayag ang katotohanan.”
Ang paghahayag sa bahagi 75 ay para sa mga taong “nagbigay ng [kanilang] mga pangalan upang humayo upang ipahayag ang [ebanghelyo ng Tagapagligtas]” (talata 2). Ang isang paraan para mapag-aralan ang paghahayag na ito ay gumawa ng dalawang listahan: (1) paano epektibong maibabahagi ang ebanghelyo at (2) paano tayo pinagpapala at sinusuportahan ng Panginoon kapag ginagawa natin ito.
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “magpaiwan” o “maging tamad” sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Ano ang hitsura ng “gumawa nang inyong buong lakas”? (talata 3).
Tingnan din sa “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maipagtatanggol ko ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aking patotoo.
-
Maaari mong gamitin ang section heading sa Doktrina at mga Tipan 71 o “Kabanata 25: Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay Nagmisyon” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 96, o sa katumbas na video sa Gospel Library) para maituro sa mga bata ang mga sitwasyong nagbigay-inspirasyon sa bahagi 71. Pagkatapos ay tulungan silang tuklasin sa talata 1 kung ano ang nais ng Panginoon na gawin nina Joseph at Sidney tungkol sa “hindi mabuting damdamin” ukol sa Simbahan. Paano raw Niya sila tutulungan? Paano natin matutularan sina Joseph at Sidney?
-
Maaari din ninyong kantahin ang isang awiting naghihikayat sa iyong mga anak na maging tapat sa Tagapagligtas, tulad ng “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81). Tulungan ang iyong mga anak na magpraktis kung paano ibahagi ang nalalaman nila tungkol kay Jesucristo.
Tumawag ang Panginoon ng isang bishop para tulungan ako.
-
Ang sama-samang pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 72:2 ay maaaring lumikha ng isang oportunidad na talakayin kung bakit binibigyan tayo ng Panginoon ng mga bishop (tingnan din sa “Kabanata 17: Ang mga Unang [Bishop] ng Simbahan,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan. 64–66, o sa katumbas na video sa Gospel Library). Kayo ng iyong mga anak ay maaaring makahanap ng mga larawan o bagay na kumakatawan sa mga responsibilidad ng isang bishop. Ang larawan at pahina ng aktibidad sa dulo ng outline na ito ay nagbibigay ng ilang ideya. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang pag-usapan ang tungkol sa mga bishop na kilala ninyo at kung paano napagpala ng Panginoon ang inyong pamilya sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod.
Maaari kong ibigay ang lahat ng aking makakaya sa Panginoon.
-
Para mapag-usapan ang pagkakaiba sa pagitan ng pagiging “tamad” at “[paggawa] nang [ating] buong lakas,” marahil ay maaari kang pumili ng ilang paglilingkod o gawaing-bahay at anyayahan ang iyong mga anak na ipamalas ang paggawa ng mga iyon nang may katamaran at pagkatapos ay nang kanilang buong lakas. Habang binabasa mo ang “ni maging tamad” sa Doktrina at mga Tipan 75:3, maaaring ipamalas ng iyong mga anak kung paano nila gagawin ang mga gawaing-bahay nang may katamaran. Kapag binasa mo ang “bagkus [ay] gumawa nang inyong buong lakas,” maaari nilang ipakita kung paano sila nagsisikap nang husto. Bakit mahalaga na gawin natin ang lahat ng ating makakaya kapag naglilingkod tayo sa Panginoon?
-
Sa kanyang mensaheng “Dalawang Alituntunin para sa Alinmang Pamumuhay” (Liahona, Nob. 2009, 55–58), may dalawang kuwento si Pangulong Dieter F. Uchtdorf tungkol sa pagtatrabaho. Maaari mo sigurong ibahagi ang mga iyon sa iyong mga anak at banggitin kung ano ang pakiramdam ng malaman na nagsikap tayo nang husto at ginawa natin ang lahat ng makakaya natin.