Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 28–Agosto 3: “Ang Kapangyarihan ng Kabanalan”: Doktrina at mga Tipan 84


“Hulyo 28–Agosto 3: ‘Ang Kapangyarihan ng Kabanalan’: Doktrina at mga Tipan 84,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 84,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

si Joseph Smith na tinatanggap ang Melchizedek Priesthood

Detalye mula sa The Restoration of the Melchizedek Priesthood [Ang Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood], ni Liz Lemon Swindle

Hulyo 28–Agosto 3: “Ang Kapangyarihan ng Kabanalan”

Doktrina at mga Tipan 84

Simula nang ipanumbalik ang priesthood noong 1829, nabiyayaan na ng sagradong kapangyarihan ng Panginoon ang naunang mga Banal. Sila ay nabinyagan, nakumpirma, at tinawag na maglingkod sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood, tulad natin ngayon. Pero ang pagtatamo ng kapangyarihan ng priesthood ay hindi kapareho ng lubos na pagkaunawa rito, at may iba pang bagay na nais ng Diyos na maunawaan ng Kanyang mga Banal—partikular na ang darating na pagpapanumbalik ng mga ordenansa sa templo. Ang paghahayag noong 1832 tungkol sa priesthood, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 84, ay nagpalawak sa pang-unawa ng mga Banal kung ano talaga ang priesthood. At maaari din nitong magawa iyan sa atin ngayon. Tutal, marami pang dapat matutuhan tungkol sa banal na kapangyarihang humahawak ng “susi ng kaalaman tungkol sa Diyos,” na nagpapakita ng “kapangyarihan ng kabanalan,” at inihahanda tayong “[makita ang] mukha ng Diyos, maging ng Ama, at [mabuhay]” (mga talata 19–22).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 84:17–32

icon ng seminary
May access ako sa kapangyarihan ng priesthood at mga pagpapala ng Diyos.

Kapag iniisip mo ang salitang priesthood, ano ang pumapasok sa isipan mo? Paano iniimpluwensyahan ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos ang iyong buhay?

Matapos pagnilayan ang mga tanong na ito, maaari mong pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 84:17–32, na hinahanap kung ano ang nais ng Diyos na malaman mo tungkol sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood. Isipin kung paano mo magagamit ang mga talatang ito para mailarawan ang priesthood at ang mga layunin nito sa isang tao.

Ang isang bagay na makikita mo ay na sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood “ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (tingnan sa mga talata 19–21). Marahil ay maaari mong ilista ang mga ordenansa ng priesthood na nagawa mo na (maaaring makatulong ang mga listahan sa Pangkalahatang Hanbuk, 18.1, 18.2). Paano naihatid ng mga ordenansang ito—at ng kaugnay na mga tipan—ang kapangyarihan ng Diyos sa iyong buhay? Ano ang mangyayari sa iyong buhay kung wala ang mga ito?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Bawat babae at bawat lalaki na nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga tipang iyon, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, ay [may direktang access sa] kapangyarihan ng Diyos” (“Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 77). Isiping pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Nelson, na naghahanap ng mga paraan na maaari mong “[magamit] ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa buhay [mo].”

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 25:10, 13, 15; 121:34–37, 41–46; Mga Paksa at Tanong, “Priesthood,” “Joseph Smith’s Teachings about Priesthood, Temples, and Women,” Gospel Library; Pangkalahatang Hanbuk, 3.6, Gospel Library.

Doktrina at mga Tipan 84:31–44

Ang priesthood ay natatamo nang may sumpa at tipan.

Ang sumpa at tipan ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:31–44) ay may espesyal na aplikasyon para sa mga anak na lalaki ng Ama sa Langit na inorden sa isang katungkulan sa priesthood, pero marami sa mga ipinangakong pagpapala sa mga talatang ito ay para sa lahat ng anak ng Diyos. Ano ang mga pangakong ito, at ano ang ipinagagawa sa atin ng Diyos para matanggap ang mga ito?

Itinuro ni Elder Paul B. Pieper: “Nakakatuwa na sa sumpa at tipan ng priesthood [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:31–44], ginamit ng Panginoon ang mga [pandiwang] matamo at matanggap. Hindi Siya gumamit ng pandiwang ordenan. Sa templo natatamo at natatanggap ng kalalakihan at kababaihan—nang magkasama—ang mga pagpapala at kapangyarihan ng Aaronic at Melchizedek Priesthood” (“Inihayag na mga Katotohanan ng Mortalidad,” Liahona, Ene. 2016, 21).

Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 84:31–44, pagnilayan kung ano kaya ang ibig sabihin ng “matamo” at “matanggap” ang priesthood. Paano ito naiiba sa maorden sa isang katungkulan sa priesthood? Ano pa ang inaanyayahan kayo ng Panginoon na matanggap sa mga talatang ito? Paano mo ginagawa iyan?

Ano ang nakita mo na nagbigay-inspirasyon sa iyo na maging mas tapat sa pagtanggap sa Tagapagligtas, sa Kanyang Ama, sa Kanyang mga lingkod, at sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:36–46.

Doktrina at mga Tipan 84:43–61

Ang pamumuhay ayon sa salita ng Diyos ay naghahatid ng liwanag at katotohanan sa aking buhay.

Anong mga katotohanan ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 84:43–61 na nagpapaunawa sa iyo kung bakit mo kailangang patuloy na pag-aralan ang salita ng Diyos? Pansinin ang pagkakaiba sa pagitan ng liwanag at ng kadiliman sa mga talatang ito; paano naghatid ng liwanag, katotohanan, at “Espiritu ni Jesucristo” sa iyong buhay ang “[pakikinig] na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan”? (mga talata 4345).

Tingnan din sa 2 Nephi 32:3.

Ikumpara ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa mga pamilyar na bagay. Makakaisip ka ba ng isang analohiya na maglalarawan sa mga katotohanan sa mga talata 43–44? Halimbawa, paano natutulad ang pagsunod sa lahat ng hakbang sa isang resipe sa pamumuhay “[ayon] sa bawat salita … ng Diyos”?

babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

“Makinig na mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan.”

Doktrina at mga Tipan 84:62–91

Makakasama ko ang Panginoon kapag naglilingkod ako sa Kanya.

Habang binabasa mo ang mga talatang ito, maaari mong tukuyin ang mga paraan na sinabi ng Panginoon na susuportahan Niya ang Kanyang mga lingkod. Paano kaya nagagamit ang mga pangakong ito sa gawaing ipinagagawa Niya sa iyo? Halimbawa, paano natupad ang mga pangako sa talata 88 sa iyong buhay?

Doktrina at mga Tipan 84:106–110

Lahat ay maaaring mag-ambag sa gawain ng Diyos.

Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito kung paano isinasakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawain? Anong payo at mga pagpapala ang nakikita mo? Maaari mo ring isipin kung paano ka “[napasigla] nang buong kaamuan” dahil naglingkod ka sa isang taong “malakas [ang] Espiritu,” kabilang na ang mga tao sa iyong pamilya.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 02 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 84:4–5

Ang mga ordenansa sa templo ay tumutulong sa akin na maghandang muling mamuhay sa piling ng Ama sa Langit.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na asamin ang pagpunta sa templo, maaari kang gumawa ng puzzle mula sa isang larawan ng templo. Sa likod ng bawat piraso, maaari kang sumulat ng isang bagay na ginagawa natin sa templo, tulad ng pagpapabinyag para sa mga ninuno, pagpapabuklod sa ating pamilya, at paggawa ng mga tipan sa Diyos. Basahin ninyo ng iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 84:4, at hilingin sa kanila na pakinggan kung ano ang iniutos ng Panginoon sa mga Banal na itayo nila. Habang sama-sama ninyong binubuo ng iyong mga anak ang puzzle, ibahagi sa isa’t isa ang mga bagay na magagawa natin para makapaghandang pumasok sa templo.

Doktrina at mga Tipan 84:19–22

Maaari kong matanggap ang kapangyarihan ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood.

  • Para maipaunawa sa iyong mga anak kung ano ang ordenansa, isiping tingnan ang mga larawan ng ilang ordenansa ng priesthood na kasama nila, tulad ng nasa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103–8, o pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Hilingin sa kanila na ilarawan kung ano ang nangyayari sa bawat larawan. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:19–22. Bakit nais ng Ama sa Langit na matanggap natin ang mga ordenansang ito? Sabihin sa iyong mga anak kung paano mo nadama ang kapangyarihan ng Diyos dahil sa mga ordenansang natanggap mo at mga tipang ginawa mo. (Tingnan din sa “Kapangyarihan, Awtoridad, at mga Susi ng Priesthood” sa apendise A o apendise B.)

Young Couple Going to the Temple; GAK 609; GAB 120; Primary manual 2-32; Doctrine and Covenants 131:1-3; 132:4-7, 19-20
mga batang tumatanggap ng sakramento

Doktrina at mga Tipan 84:77

Kaibigan ako ni Jesus kapag sumusunod ako sa Kanya.

  • Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 84:77, tanungin ang iyong mga anak kung ano ang ibig sabihin ng maging kaibigan. Maaari ninyong pag-usapan ang mabubuting kaibigan mo. Paano ipinapakita sa atin ni Jesus na gusto Niya tayong maging kaibigan? Paano natin maipapakita na gusto rin natin iyon? Ang isang awiting tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41) ay maaaring makatulong sa pag-uusap na ito.

Doktrina at mga Tipan 84:88

Tinutulungan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga lingkod.

  • Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na marinig kung paano nakatulong ang mga missionary sa iyo, sa inyong pamilya, o sa inyong mga ninuno na matanggap ang ebanghelyo. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang isang espesyal na pangakong ginawa ng Panginoon sa mga missionary sa Doktrina at mga Tipan 84:88. Maaari sigurong mag-isip ang iyong mga anak ng mga galaw na magagamit sa talatang ito. Isiping ikuwento ang isang pagkakataon na naglingkod ka sa Panginoon at nadama mo na kasama mo Siya, tulad ng inilarawan sa talata 88. Maaari mo ring tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan na maaari silang maging mga missionary ngayon. Magpatotoo na tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na malaman kung ano ang sasabihin kapag kinausap natin ang iba tungkol kay Jesucristo.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

templo paglubog ng araw

Rome Italy Temple

pahina ng aktibidad para sa mga bata