“Agosto 11–17: ‘Magtayo ng … Isang Bahay ng Diyos’: Doktrina at mga Tipan 88,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 88,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
August 11–17: “Magtayo ng … Isang Bahay ng Diyos”
Doktrina at mga Tipan 88
Paminsan-minsan, pinasusulyapan sa atin ng Panginoon ang Kanyang walang-hanggang “kamahalan at kapangyarihan” (Doktrina at mga Tipan 88:47) sa pamamagitan ng kamangha-manghang mga paghahayag. Gayon ang uri ng paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 88—paghahayag na tungkol sa liwanag at kaluwalhatian at mga kaharian na maaaring gawing tila maliit ang mga alalahanin natin sa mundo kung ikukumpara rito. Kahit hindi natin maunawaan ang lahat ng ito, madarama natin kahit paano na may higit pa sa kawalang-hanggan kaysa naiisip natin. Siyempre, hindi sinasabi ng Panginoon ang mga katotohanang ito para takutin o maliitin tayo. Sa katunayan, ipinangako Niya, “Darating ang araw na inyong mauunawaan maging ang Diyos” (talata 49; idinagdag ang pagbibigay-diin). Iyan marahil ang maluwalhating layunin kaya inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga Banal sa Kirtland na itatag ang Paaralan ng mga Propeta. “Isaayos ang inyong sarili,” wika Niya. “Ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng … isang bahay ng Diyos” (talata 119). Higit sa anupamang ibang lugar, sa loob ng banal na bahay ng Diyos—at sa ating tahanan—Niya maitutuon ang ating pananaw nang lampas sa mortal na mundo, “kanyang aalisin ang tabing ng kanyang mukha sa [atin]” at ihahanda tayong “[makapanatili] sa isang kaluwalhatiang selestiyal” (talata 68, 22).
Tingnan sa Mga Banal, 1:188–90.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Inaalok ako ni Jesucristo ng kapayapaan.
Ilang araw lang matapos magbabala na ang digmaan ay “[i]bubuhos sa lahat ng bansa” (Doktrina at mga Tipan 87:2), nagbigay ang Panginoon ng isang paghahayag na tinawag ni Joseph Smith na isang “dahon ng olibo,” na isang tradisyonal na simbolo ng kapayapaan (Doktrina at mga Tipan 88, section heading; tingnan din sa Genesis 8:11). Sa buong pag-aaral mo ng bahagi 88 sa linggong ito, alamin ang mga mensahe ng kapayapaan ng Panginoon sa iyo.
Ang liwanag at batas ay nagmumula kay Jesucristo.
Ang mga salitang liwanag at batas ay inulit nang maraming beses sa bahagi 88. Markahan o itala ang mga talata kung saan mo nakita ang mga salitang ito sa mga talata 6–67, at isulat ang natutuhan mo tungkol sa liwanag at batas—at tungkol kay Jesucristo. Ano ang nahihikayat kang gawin para tumanggap ng liwanag at sundin ang “batas ni Cristo”? (talata 21).
Tingnan din sa Isaias 60:19; Juan 1:1–9; 3 Nephi 15:9; Timothy J. Dyches, “Ang Liwanag ay Kumukunyapit sa Liwanag,” Liahona, Mayo 2021, 112–15; Sharon Eubank, “Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona, Mayo 2019, 73–76.
Doktrina at mga Tipan 88:62–64
“Magsilapit sa akin.”
Anong mga karanasan ang nagpakita sa iyo na ang mga pangako sa mga talatang ito ay totoo? Ano ang susunod mong hakbang para lumapit kay Cristo? Isiping gawing bahagi ng iyong pag-aaral at pagsamba ang himnong “Sa Inyo, Aking Diyos, Lumalapit” (Mga Himno, blg. 55).
Doktrina at mga Tipan 88:67–76
Maaari akong malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ang utos ng Panginoon na “pabanalin ang inyong sarili” ay dalawang beses lumitaw sa bahagi 88 (mga talata 68, 74). Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pariralang ito? Maaari mong rebyuhin ang ilan sa mga scripture passage sa ilalim ng “Pagpapabanal” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (Gospel Library). Paano tayo napapabanal? Hayaang gabayan ng tanong na ito ang iyong pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 88:67–76, at itala ang anumang mga espirituwal na kabatirang natamo mo.
Doktrina at mga Tipan 88:77–80, 118–26
“Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”
Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng isang “paaralan ng mga propeta” sa Kirtland (Doktrina at mga Tipan 88:137). Karamihan sa tagubilin sa bahagi 88 ay nagturo sa kanila kung paano gawin iyon. Ang tagubiling ito ay maaari ding makatulong sa iyo na “magtayo ng … isang bahay ng [pagkatuto]” (talata 119) sa sarili mong buhay. Sa katunayan, maaari mong ituring ang mga talata 77–80 at 118–26 bilang mga blueprint para “[i-remodel] ang inyong tahanan [o ang iyong buhay] at [gawin itong] sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo” at isang “santuwaryo ng pananampalataya” (Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113). Maaaring kawili-wiling i-sketch kung ano ang maaaring hitsura ng iyong personal na “remodel,” kabilang na ang mga parirala mula sa mga talatang ito na sa palagay mo ay kailangan mong gamitin.
Maaari ding makatulong na galugarin ang mga tanong na ito: Bakit mahalaga sa Panginoon ang pag-aaral at edukasyon? Ano ang nais Niyang pag-aralan ko? Paano Niya ako gustong matuto? Hanapin ang mga sagot sa mga tanong na ito sa mga talata 77–80 at sa “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, 30–33).
Sa palagay mo, ano ang ibig sabihin ng matuto “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (talata 118)? Anong mga kabatiran ang natamo mo mula sa mensahe ni Elder Mathias Held na “Paghahangad ng Kaalaman sa Pamamagitan ng Espiritu”? (Liahona, Mayo 2019, 31–33).
Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Seeking Truth and Avoiding Deception [Paghahanap ng Katotohanan at Pag-iwas sa Panlilinlang],” Gospel Library; “A School and an Endowment,” sa Revelations in Context, 174–82.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang Ama sa Langit ay nagbibigay ng mabubuting kaloob.
-
Maaari kang magsimula ng isang talakayan tungkol sa Doktrina at mga Tipan 88:33 sa pamamagitan ng paghiling sa iyong mga anak na pag-usapan ang mga kaloob na ibinigay sa kanila—kapwa yaong mga tinanggap nila nang masaya at ang iba na hindi nagpasaya sa kanila. Maaari nila sigurong isadula ang pagtanggap ng isang kaloob nang may kagalakan. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan ang mga kaloob na ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit (tulad ng kaloob na Espiritu Santo). Paano natin matatanggap ang mga kaloob na ito nang may kagalakan?
Kung hahanapin ko ang Tagapagligtas, matatagpuan ko Siya.
-
Ang Doktrina at mga Tipan 88:63 ay naglalaman ng mga salita ng pagkilos na maaaring magbigay-inspirasyon sa ilang masasayang aktibidad para hikayatin ang iyong mga anak na hangarin ang presensya ng Panginoon sa kanilang buhay. Halimbawa, maaari ba kayong mag-isip ng iyong mga anak ng isang laro para talakayin ang pariralang “masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan” (idinagdag ang pagbibigay-diin) o “kumatok, at kayo ay pagbubuksan”?
-
Para mabigyang-diin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “magsilapit sa akin,” maaari mong hilingin sa isang bata na hawakan ang isang larawan ni Jesus (tulad ng larawang nasa dulo ng outline na ito) sa isang panig ng silid samantalang nakatayo naman ang iba pang mga bata sa kabilang panig. Habang iniisip ng iyong mga anak ang mga bagay na maaari nilang gawin para mas mapalapit sa Tagapagligtas, maaari silang humakbang palapit sa larawan, at maaaring humakbang ang batang may hawak sa larawan palapit sa iba pang mga bata. Kausapin ang iyong mga anak kung paano ka lumalapit sa Tagapagligtas at kung paano Siya lumalapit sa iyo. Maaari mo ring kantahin na kasama sila ang isang awitin tungkol sa paksang ito, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43).
Doktrina at mga Tipan 88:77–80, 118
Nais ng Ama sa Langit na matuto ako.
-
Hilingin sa iyong mga anak na sabihin sa iyo kung ano ang natututuhan nila sa paaralan o sa Primary. Maaari ka ring magbahagi ng ilang bagay na natututuhan mo. Pagkatapos ay maaari mong ipakita sa iyong mga anak ang mga salitang ano, bakit, at paano. Tulungan silang saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 88:77–79 para malaman kung ano ang nais ng Panginoon na matutuhan natin. Pagkatapos ay sama-samang tingnan ang talata 80 para alamin kung bakit Niya nais na matuto tayo at ang talata 118 para alamin kung paano tayo dapat matuto.
Ang ating tahanan ay maaaring maging banal na katulad ng templo.
-
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 88:119 sa iyong mga anak, maaari silang gumawa ng isang temple spire gamit ang kanilang mga braso tuwing maririnig nila ang salitang “bahay.” Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na magtayo si Joseph Smith at ang mga Banal ng isang templo, o isang “bahay ng Diyos.”
-
Maaari mong hilingin sa iyong mga anak na pumili ng pitong salita na naglalarawan sa kanilang tahanan. Pagkatapos ay tulungan silang hanapin, sa Doktrina at mga Tipan 88:119, ang pitong salitang ginagamit ng Panginoon para ilarawan ang Kanyang bahay. Paano natin magagawang isang “bahay ng Diyos” ang ating tahanan?