“Agosto 4–10: ‘Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar’: Doktrina at mga Tipan 85–87,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 85–87,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Agosto 4–10: “Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar”
Doktrina at mga Tipan 85–87
Ang Araw ng Pasko ay kadalasang isang panahon para pagnilayan ang mga mensaheng tulad ng “sa lupa’y kapayapaan” (tingnan sa Lucas 2:14). Ngunit noong Disyembre 25, 1832, natuon ang isipan ni Joseph Smith sa mga banta ng digmaan. Katatapos lamang labanan noon ng estado ng South Carolina sa Estados Unidos ang pamahalaan at naghahanda para sa digmaan. At inihayag ng Panginoon na simula pa lamang ito: “Ang digmaan,” wika Niya, “ay [i]bubuhos sa lahat ng bansa” (Doktrina at mga Tipan 87:2). Tila matutupad ang propesiyang ito sa lalong madaling panahon.
Pero hindi iyon nangyari. Sa loob lamang ng ilang linggo, nagkasundo ang South Carolina at ang pamahalaan ng Estados Unidos, at naiwasan ang digmaan. Gayunman, hindi palaging natutupad ang propesiya sa panahon o sa paraang inaasahan natin. Halos 30 taon kalaunan, matapos paslangin si Joseph Smith, naghimagsik ang South Carolina at sumunod ang giyera sibil. Ngayon, ang digmaan sa buong mundo ay patuloy na nagiging dahilan para “[ang] mundo ay [magdalamhati]” (Doktrina at mga Tipan 87:6). Ang kahalagahan ng paghahayag na ito ay di-gaanong tungkol sa pagbabadya kung kailan darating ang kalamidad at mas tungkol sa pagtuturo kung ano ang gagawin kapag dumating ito. Ang payo ay kapareho noong 1831, 1861, at 2025: “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag” (talata 8).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Nais ng Panginoon na ako ay “mag-ingat ng kasaysayan.”
Pansinin kung ano ang nais ng Panginoon na isama sa “kasaysayan” na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 85:1–2. Sa palagay mo, bakit Niya nais na mag-ingat ng kasaysayan ang Kanyang mga Banal? Ano ang maitatala mo tungkol sa iyong “pamamaraan ng pamumuhay, [iyong] pananampalataya, at mga gawain” na maaaring maging pagpapala sa iyo at sa darating na mga henerasyon? Paano maaaring makatulong sa iyo ang pag-iingat ng personal na kasaysayan na lumapit kay Cristo?
Tingnan din sa “Mga Journal: ‘Higit na Mahalaga Kaysa Ginto,’” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2011), 137–46; “Turning Hearts” (video), ChurchofJesusChrist.org.
Ang Espiritu ay nangungusap sa “marahan at banayad na tinig.”
Pagnilayan ang mga salitang ginamit ni Joseph Smith para ilarawan ang Espiritu sa Doktrina at mga Tipan 85:6. Sa anong paraan “marahan” at “banayad” ang tinig ng Espiritu? Isipin ang mga karagdagang paglalarawang ito na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith: Doktrina at mga Tipan 6:22–24; 8:2–3; 9:7–9; 11:12–13; 128:1. Paano nangungusap sa iyo ang Espiritu?
Tingnan din sa Lucas 24:32; Mosias 5:2; Alma 32:28; Helaman 5:30; Doktrina at mga Tipan 6:22–23; 11:12–13.
Ang mabubuti ay natitipon kay Cristo sa mga huling araw.
Ang Doktrina at mga Tipan 86 ay naglalaman ng interpretasyon ng talinghaga ng trigo at mga panirang damo, na matatagpuan sa Mateo 13:24–30, 37–43. Habang natututo ka tungkol sa kahulugan ng talinghagang ito, isiping punan ang isang table na katulad nito:
Mga simbolo |
Mga posibleng kahulugan |
Mga tanong na pagninilayan |
---|---|---|
Mga simbolo Mga manghahasik ng binhi | Mga posibleng kahulugan Mga propeta at apostol | Mga tanong na pagninilayan Anong uri ng “mga binhi” ang itinatanim ng mga propeta at apostol? |
Mga simbolo Ang kaaway | Mga posibleng kahulugan Satanas | Mga tanong na pagninilayan Paano sinusubukan ng kaaway na pigilan ang gawain ng Panginoon? |
Mga simbolo | Mga posibleng kahulugan | Mga tanong na pagninilayan |
Mga simbolo | Mga posibleng kahulugan | Mga tanong na pagninilayan |
Narito ang ilang karagdagang tanong na pag-iisipan:
-
Matapos ipaliwanag ang talinghaga, nagsalita ang Panginoon tungkol sa priesthood, pagpapanumbalik, at kaligtasan ng Kanyang mga tao (tingnan sa mga talata 8–11). Anong mga koneksyon ang nakikita mo sa pagitan ng mga temang ito at sa talinghaga ng trigo at mga panirang damo?
-
Ano ang iyong papel sa pagiging “ilaw sa mga Gentil” at “tagapagligtas sa … mga [tao ng Panginoon]”? (talata 11).
Ang kapayapaan ay matatagpuan sa “mga banal na lugar.”
Ang propesiya sa bahagi 87 ay nagbabala tungkol sa mga pisikal na panganib na may kaugnayan sa digmaan sa mga huling araw. Pero angkop din ang payo sa paghahayag na ito sa mga espirituwal na panganib. Pagnilayan ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod:
-
Ang propesiya ay isang paghahayag mula sa Diyos sa isang propeta, na kadalasa’y tungkol sa hinaharap. Ano ang ilang halimbawa ng mga propesiyang naibigay ng mga sinauna at makabagong propeta? (tingnan sa Juan 3:14; Mosias 3:5; Helaman 14:2–6). Paano natupad ang mga ito? (tingnan sa Lucas 23:33; Mateo 15:30–31; 3 Nephi 1:15–21).
-
Ano ang mga pagpapala ng pagtanggap sa mga propesiya ng mga propeta ng Diyos?
Nasasaisip ang mga iyon, basahin ang bahagi 87. (Para sa ilang kontekstong pangkasaysayan, maaari mo ring basahin ang pambungad sa outline na ito.) Ano ang natutuhan mo tungkol sa propesiya mula sa paghahayag na ito at kung paano ito natupad? Ano ang sasabihin mo sa isang taong nagdududa sa isang propesiya dahil hindi ito natupad kaagad?
Anong payo ang ibinigay ng Panginoon sa talata 8? Ano ang iyong “mga banal na lugar” kung saan ka nakasusumpong ng kapayapaan at kaligtasan? Ano ang nagpapabanal sa isang lugar? Bukod pa sa mga pisikal na lokasyon, marahil ay may mga banal na sandali, banal na mga gawi, o banal na kaisipang maaaring magdulot ng kapayapaan. Halimbawa, paano magiging banal na lugar ang mga salita ng mga propeta ng Diyos para sa iyo? Ano ang ibig sabihin ng “tumayo” at “huwag matinag” mula sa mga lugar na ito?
Tingnan din sa “Kung Saan Naroon ang Pag-ibig,” Aklat ng mga Awit Pambata, 76–77; Mga Banal, 1:187–88; “Peace and War,” sa Revelations in Context, 158–64.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang Espiritu ay nangungusap sa “marahan at banayad na tinig.”
-
Ano ang sasabihin ng iyong mga anak kung may magtanong sa kanila kung paano nila nalalaman na nangungusap ang Espiritu Santo sa kanila? Anyayahan silang magbasa tungkol sa isang paraan na inilarawan ni Joseph Smith ang tinig ng Espiritu sa Doktrina at mga Tipan 85:6. Pagkatapos ay maaari silang magpraktis na makinig at magsalita sa banayad na tinig. Maaari ka ring magkuwento ng mga karanasan kung kailan nangusap sa iyo ang Espiritu sa marahan at banayad na tinig.
-
Para maipaunawa sa iyong mga anak ang pariralang “marahan at banayad na tinig,” maaari mong patugtugin nang mahina ang isang awiting pambata, tulad ng “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 56). Hilingin sa isa sa mga bata na hulaan kung anong awitin ito habang nag-iingay ang ibang mga bata. Pagkatapos ay maaari mong ulitin ang awitin nang walang mga gambala. Anong mga gambala ang maaari nating alisin sa ating buhay para madama nang mas madalas ang Espiritu?
Makakatulong akong tipunin ang mga tao ng Diyos.
-
Para maipaunawa sa iyong mga anak ang talinghagang inilarawan sa bahagi 86, maaari kang maghanda ng ilang maliliit na larawan o drowing ng trigo at itago ang mga iyon sa paligid ng silid. Ipaliwanag sa iyong mga anak ang talinghaga ng trigo at mga panirang damo (tingnan sa Mateo 13:24–30), at sama-samang basahin ang komentaryo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 86:1–7. Pagkatapos ay maaaring tipunin ng iyong mga anak ang mga nakatagong larawan ng trigo at isulat sa mga ito ang pangalan ng isang taong maaari nilang “tipunin” kay Jesucristo. Ano ang ibig sabihin ng tipunin ang mga tao kay Jesucristo? Ano ang ilang paraan na magagawa natin ito?
Maaari akong maging parang ilaw sa iba.
-
Narito ang ilang bagay na maaari mong itanong sa iyong mga anak habang tinatalakay mo ang Doktrina at mga Tipan 86:11: Paano tayo pinagpapala ng ilaw? Ano ang nangyayari kapag wala tayong ilaw? Paano tayo maaaring maging ilaw sa ibang mga tao? Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan na maaari tayong “manatili sa [kabutihan ni Jesus]” at ibahagi ito sa iba.
Maaari akong “tumayo … sa mga banal na lugar.”
-
Sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 87:6 para malaman ang mga bagay na sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga huling araw. Pagkatapos ay maaari mong talakayin ang ilan sa mga hamong kinakaharap mo at ng iyong mga anak. Sa talata 8, ano ang sinabi ng Panginoon na magagawa natin sa mahihirap na panahon?
-
Tulungan ang iyong mga anak na gumawa ng listahan ng mga banal na lugar, banal na kaisipan, at banal na gawain na maaaring makatulong sa kanila na harapin ang espirituwal na panganib. Para sa mga ideya, tingnan ang mga video na “Standing in Holy Places” at “Stand Ye in Holy Places—Bloom Where You’re Planted” (Gospel Library).