“Oktubre 14–20. Mga Taga Filipos; Mga Taga Colosas: ‘Lahat ng mga Bagay ay Aking Magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] Nagpapalakas sa Akin’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)
“Oktubre 14–20. Mga Taga Filipos; Mga Taga Colosas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019
Oktubre 14–20.
Mga Taga Filipos; Mga Taga Colosas
“Lahat ng mga Bagay ay Aking Magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] Nagpapalakas sa Akin”
Kailan ka huling nagbasa ng mga espirituwal na impresyong naitala mo habang nag-aaral ka ng Bagong Tipan? Maaaring makatulong na repasuhin ang mga pahiwatig na natatanggap mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Isinulat ni Pablo ang kanyang mga sulat sa mga taga-Filipos at mga taga-Colosas habang nasa bilangguan siya. Ngunit wala sa mga liham na ito ang tonong maaaring asahan mo mula sa isang taong nasa bilangguan. Mas binanggit ni Pablo ang tungkol sa kagalakan, katuwaan, at pasasalamat kaysa tungkol sa mga paghihirap at pagsubok: “Itinatanyag si Cristo,” sabi niya, “at sa ganito’y nagagalak ako, oo, at ako’y magagalak” (Mga Taga Filipos 1:18). “Bagaman sa laman ako’y wala sa harap, gayon ma’y nasa inyo ako sa espiritu, na nagagalak at nakikita ko … ang katibayan ng inyong pananampalataya kay Cristo” (Mga Taga Colosas 2:5). Siyempre, “ang kapayapaan ng Dios” na naranasan ni Pablo sa kanyang mahihirap na sitwasyon ay “di masayod ng pagiisip” (Mga Taga Filipos 4:7), ngunit iyon pa rin ang totoo. Sa sarili nating mga pagsubok, nadarama rin natin ang kapayapaang ito at “[nagagalak tayo] lagi sa Panginoon” (Mga Taga Filipos 4:4). Tulad ng ginawa ni Pablo, makakaasa rin tayo nang lubusan kay Jesucristo, “na siyang kinaroroonan ng aking katubusan” (Mga Taga Colosas 1:14). Masasabi natin, tulad ni Pablo, na “lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13; tingnan din sa Mga Taga Colosas 1:11).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Atin bang “[nilulubos] ang gawain ng [ating] sariling pagkaligtas”?
Ang pariralang “lubusin ninyo ang gawain ng inyong sariling pagkaligtas” ay ginagamit ng ilang taong sumusuporta sa ideya na tayo ay maliligtas lamang sa ating sariling pagsisikap. Ngunit limitado ang pagkaunawang iyan, tulad ng limitadong pagkaunawa na ang kahulugan ng turo ni Pablo na—“sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya” (Mga Taga Efeso 2:8)—ay walang kailangang gawin para maligtas. Malinaw na itinuturo ng mga banal na kasulatan, kabilang na ang mga sulat ni Pablo, na kailangan kapwa ang biyaya ni Jesucristo at ang personal na pagsisikap para maligtas. Tulad ng sabi ni Nephi, “Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Maging sa mga pagsisikap nating maligtas, “Dios ang gumagawa sa inyo” (Mga Taga Filipos 2:13; tingnan din sa Mga Taga Filipos 1:6; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya”).
Sulit ang bawat sakripisyo sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Malaki ang isinuko ni Pablo nang magbalik-loob siya sa ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang na ang maimpluwensyang katungkulang hawak niya sa lipunan ng mga Judio bilang isang Fariseo. Sa Mga Taga Filipos 3:5–14, alamin kung ano ang natamo ni Pablo dahil sa kahandaan niyang magsakripisyo para sa ebanghelyo. Ano ang pakiramdam niya tungkol sa kanyang mga sakripisyo?
Pagkatapos ay isipin ang sarili mong pagkadisipulo. Ano ang naisakripisyo mo para sa ebanghelyo ni Jesucristo? Ano ang natanggap mo? May iba pa bang mga sakripisyo na sa pakiramdam mo ay kailangan mong gawin para maging mas matapat na disipulo ng Tagapagligtas?
Tingnan din sa 3 Nephi 9:19–20; Doktrina at mga Tipan 58:2–5; Robert C. Gay, “Anong Ibibigay ng Tao na Katumbas sa Kaniyang Buhay?” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 34–36.
Magagalak ako kay Cristo, anuman ang aking sitwasyon.
Ang buhay ni Pablo ay isang malinaw na paglalarawan ng katotohanang ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay … kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 82).
Habang binabasa mo ang Mga Taga Filipos—lalo na ang kabanata 4—maghanap ng mga pahayag na makakatulong sa iyo na magalak sa anumang sitwasyon sa buhay mo. Kailan mo naranasan ang “kapayapaan ng Dios” sa panahong puno ng mga pagsubok? (talata 7). Kailan ka nakasumpong ng lakas “sa pamamagitan ni Cristo” na gumawa ng mahihirap na gawain? (talata 13). Sa palagay mo, bakit mahalagang “masiyahan” sa lahat ng sitwasyon? (talata 11). Paano ka natutulungan ng pagkakaroon ng mga katangian sa talata 8 na magalak sa iyong sitwasyon?
Tingnan sa Alma 33:23; Dieter F. Uchtdorf, “Nagpapasalamat Anuman ang Kalagayan,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 70–77.
Ang aking pananampalataya ay nakasalig kay Jesucristo.
Narito ang isang pamamaraan sa pag-aaral na maaari mong subukan sa halos lahat ng kabanata sa banal na kasulatan, lalo na sa Mga Taga Colosas 1:12–23. Saliksikin ang mga talata para sa anumang bagay na matututuhan mo tungkol kay Jesucristo, at ilista ang malalaman mo. Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ang mga bagay na ito tungkol sa Tagapagligtas?
Ang mga disipulo ni Jesucristo ay nagiging “bago” kapag ipinamuhay nila ang Kanyang ebanghelyo.
Paano mo malalaman kung ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tumutulong sa iyo na magkaroon ng “bagong pagkatao”? Ang isang paraan para malaman ito ay siyasatin ang Mga Taga Colosas 3:1–17 at gumawa ng isang listahan ng mga ugali, katangian, at kilos ng “datihang pagkatao” at ng isa pang listahan ng mga ugali, katangian, at kilos ng “bagong pagkatao.”
Naghihikayat ba ng anumang mga ideya ang pag-aaral mo ng mga talatang ito kung paano ka binabago ng ebanghelyo? Itala ang mga naiisip mo para marepaso mo ang mga ito sa hinaharap at pagnilayan kung paano ka umuunlad.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:
Maaaring mapansin ng inyong pamilya na madalas ulitin ang mga salitang tuwa o galak sa Mga Taga Filipos. Tuwing mababasa mo ang isa sa mga salitang ito, maaari kang tumigil at talakayin mo ang itinuro ni Pablo kung paano makasumpong ng kagalakan.
Paano tayo maaaring “[lumiwanag] tulad sa mga ilaw sa sanglibutan”?
Marahil ay maaaring tukuyin ng inyong pamilya ang mga bagay na “iisipin” na akma sa mga paglalarawan sa talatang ito (tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). Paano mapagpapala ang inyong pamilya sa pagsunod sa payo ni Pablo?
Ano ang magagawa natin para lumago “sa kaalaman ng Dios”? Anong “mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman” ang matatagpuan natin sa ebanghelyo?
Marahil ay maaaring basahin ng inyong pamilya ang mga talatang ito habang nakaupo sa paligid ng isang puno o nakatingin sa larawan ng isang puno (tulad ng kasama sa outline na ito). Ano ang ibig sabihin ng “magtumibay” at “magugat” kay Cristo? Paano natin mapapatibay ang espirituwal na mga ugat ng isa’t isa?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.