Bagong Tipan 2023
Pebrero 13–19. Mateo 5; Lucas 6: “Mapapalad Kayo”


“Pebrero 13–19. Mateo 5; Lucas 6: ‘Mapapalad Kayo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Pebrero 13–19. Mateo 5; Lucas 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

nagtuturo si Jesus sa bundok

Jesus Preaching Sermon on the Mount [Nangangaral si Jesus ng Sermon sa Bundok], ni Gustave Doré

Pebrero 13–19

Mateo 5; Lucas 6

“Mapapalad Kayo”

Pansinin ang mga impresyong natatanggap mo habang binabasa mo ang Mateo 5 at Lucas 6, at itala ang mga ito sa isang study journal o sa iba pang paraan. Ang outline na ito ay makakatulong sa iyo na matukoy ang ilang mahahalagang alituntunin sa mga kabanatang ito, ngunit maging bukas sa ibang natutuklasan mo sa iyong pag-aaral.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa puntong ito ng Kanyang ministeryo, malinaw na ang mga turo ni Jesus ay hindi magiging katulad ng nakasanayang marinig ng mga tao noong panahon Niya. Matatanggap ng mga maralita ang kaharian ng Diyos? Mamanahin ng mapagpakumbaba ang lupa? Mapapalad ang mga inuusig? Hindi itinuro ng mga eskriba at Fariseo ang gayong mga bagay noon. Gayunman ang mga tunay na nakaunawa sa batas ng Diyos ay kinikilala ang katotohanan sa mga salita ng Tagapagligtas. Ang “mata sa mata” at “kapootan mo ang iyong kaaway” ay mas mababang mga batas (Mateo 5:38, 43). Ngunit naparito si Jesucristo para ituro ang mas mataas na batas (tingnan sa 3 Nephi 15:2–10) na nilayon para tulungan tayo balang-araw na maging “sakdal, gaya ng [ating] Ama sa langit na sakdal” (Mateo 5:48).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 5:1–12; Lucas 6:20–26, 46–49

Ang walang-katapusang kaligayahan ay nagmumula sa pamumuhay sa paraang itinuro ni Jesucristo.

Lahat ay nais maging maligaya, ngunit hindi lahat ay naghahanap ng kaligayahan sa iisang lugar. Hinahanap ito ng ilan sa makamundong kapangyarihan at katayuan, ang iba naman ay sa yaman o sa pagbibigay-kasiyahan sa mga pita ng katawan. Naparito si Jesucristo para ituro ang daan tungo sa walang-katapusang kaligayahan, para ituro ang tunay na kahulugan ng pinagpala. Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagtatamo ng walang-katapusang kaligayahan mula sa Mateo 5:1–12 at Lucas 6:20–26? Paano ito naiiba sa pananaw ng mundo tungkol sa kaligayahan?

Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito, pati na ng Lucas 6:46–49, tungkol sa pagiging disipulo ni Jesucristo? Ano ang nahihikayat kang gawin para magkaroon ng mga katangiang inilarawan sa mga talatang ito?

Tingnan din ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Lubos na Pagpapala, mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

2:12

Mateo 5:13

“Kayo ang asin ng lupa.”

Ang asin ay matagal nang ginagamit na pampreserba, pampalasa, at pampadalisay. Mayroon ding banal na kahulugan ang asin para sa mga Israelita. Nauugnay iyon noon sa sinaunang kaugaliang mag-alay ng hayop sa ilalim ng batas ni Moises (tingnan sa Levitico 2:13; Mga Bilang 18:19). Kapag nawalan ng lasa ang asin, nawawalan ito ng bisa, o “wala na itong kabuluhan” (Mateo 5:13). Nangyayari ito kapag ito ay hinaluan o kontaminado ng iba pang mga elemento.

Isaisip ito habang pinagninilayan mo ang Mateo 5:13. Paano mo pananatilihin ang iyong lasa bilang disipulo ni Jesucristo? Paano mo isasakatuparan ang iyong gawaing magpreserba at magpadaliday bilang asin ng lupa?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 103:9–10.

asin

“Kayo ang asin ng lupa” (Mateo 5:13).

Mateo 5:17–48; Lucas 6:27–35

Ang batas ni Cristo ang pumalit sa batas ni Moises.

Marahil ay nagulat ang mga disipulo na marinig si Jesus na nagsabi na ang kanilang kabutihan ay kailangang maging higit pa kaysa sa mga eskriba at Fariseo (tingnan sa Mateo 5:20), na nagmalaki noon kung gaano sila kahusay sa pagsunod sa batas ni Moises.

Habang binabasa mo ang Mateo 5:21–48 at Lucas 6:27–35, isiping markahan kapwa ang mga pag-uugaling kinakailangan sa batas ni Moises (“Narinig ninyo na …”) at ang itinuro ni Jesus para itaas ang mga pag-uugaling ito. Sa palagay ninyo, bakit mas mataas na batas ang paraan ng Tagapagligtas?

Halimbawa, ano ang itinuro ni Jesus sa Mateo 5:27–28 tungkol sa responsibilidad natin sa ating mga iniisip? Paano mo mas makokontrol ang mga ideya at damdaming pumapasok sa iyong puso’t isipan? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45).

2:28

Mateo 5:48

Inaasahan ba talaga ng Ama sa Langit na magiging perpekto ako?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang katagang sakdal ay isinalin mula sa salitang Griyego na teleios, na ibig sabihin ay ‘kumpleto.’ … Ang pawatas na anyo ng pandiwa ay teleiono, na ibig sabihin ay ‘marating ang isang malayong dulo, ganap na umunlad, malubos, o matapos.’ Mangyaring tandaan na ang salita ay hindi nagpapahiwatig ng ‘kalayaan mula sa pagkakamali’; ito ay nagpapahiwatig ng ‘pagkakamit ng isang malayong layunin.’ …

“… Itinuro ng Panginoon, ‘Hindi kayo makatatagal sa harapan ng Diyos ngayon … ; dahil dito, magpatuloy sa pagtitiyaga hanggang sa kayo ay maging ganap’ [Doktrina at mga Tipan 67:13].

“Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung ang masigasig na mga pagsisikap natin ngayon tungo sa pagiging sakdal ay tila napakahirap at walang katapusan. Ang pagiging perpekto ay hindi pa darating nang lubusan. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon. Nakalaan ito sa lahat ng nagmamahal sa kanya at sumusunod sa kanyang mga kautusan” (“Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86, 88).

Tingnan din sa 2 Pedro 1:3–11; Moroni 10:32–33; Doktrina at mga Tipan 76:69; Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 40–42.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 5:1–9.Aling mga alituntuning itinuro sa Mateo 5:1–9 ang makakatulong upang maging mas masayang lugar ang inyong tahanan? Maaari kang pumili ng isa o dalawa na tila mahalaga lalo na sa inyong pamilya. Halimbawa, anong mga turo ang nakikita natin na makakatulong sa atin na maging mga tagapamayapa? (tingnan sa Mateo 5:21–25, 38–44). Anong mga mithiin ang maaari nating itakda? Paano tayo magpa-follow up?

Mateo 5:13.Sama-samang kumain ng kahit anong pagkain na may asin at kainin ang pagkain ding iyon nang walang asin. Anong kaibhan ang napapansin natin? Ano ang ibig sabihin ng maging “asin ng lupa”? Paano natin ito magagawa?

Mateo 5:14–16.Para maipaunawa sa inyong pamilya ang ibig sabihin ng maging “ilaw ng sanlibutan,” maaari mong suriin ang ilan sa mga pinagmumulan ng liwanag sa inyong tahanan, sa inyong pamayanan, at sa mundo. Maaaring makatulong na ipakita ang nangyayari kapag itinago mo ang isang ilaw. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niyang, “Kayo ang ilaw ng sanlibutan”? (Mateo 5:14). Sino ang naging parang ilaw para sa ating pamilya? Paano tayo magiging ilaw sa iba? (tingnan sa 3 Nephi 18:16, 24–25).

Mateo 5:43–45.Habang binabasa ng inyong pamilya ang mga salita ng Tagapagligtas sa mga talatang ito, maaari ninyong pag-usapan kung sino, sa pakiramdam ninyo, ang partikular na maaari ninyong mahalin, pagpalain, at ipagdasal. Paano natin madaragdagan ang pagmamahal natin sa kanila?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Magliwanag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 96.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging mapagmasid. “Habang pinapansin mo ang nangyayari sa buhay ng [iyong mga anak], makakakita ka ng magagandang pagkakataong magturo. … Maaari ding maging sandali para makapagturo ang mga puna o tanong [nila]” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas16).

kandila

“Kayo ang ilaw ng sanlibutan” (Mateo 5:14).