Bagong Tipan 2023
Pebrero 20–26. Mateo 6–7: “Nagturo Siya sa Kanila na Tulad sa May Awtoridad”


“Pebrero 20–26. Mateo 6–7: ‘Nagturo Siya sa Kanila na Tulad sa May Awtoridad,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Pebrero 20–26. Mateo 6–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

nagtuturo si Jesus sa tabing-dagat

Jesus Teaching the People by the Seashore [Nagtuturo si Jesus sa mga Tao sa Tabing-dagat], ni James Tissot

Pebrero 20–26

Mateo 6–7

“Nagturo Siya sa Kanila na Tulad sa May Awtoridad”

Kapag binasa natin ang mga banal na kasulatan nang may tanong sa isipan at may tapat na hangaring maunawaan ang nais ipaalam sa atin ng Ama sa Langit, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na bigyan tayo ng inspirasyon. Habang binabasa mo ang Mateo 6–7, bigyang-pansin ang mga impresyong ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang Sermon sa Bundok ay isa sa mga pinakabantog na diskurso sa Kristiyanismo. Nagturo ang Tagapagligtas gamit ang malilinaw na imahe, tulad ng isang bayan na nakatayo sa isang burol, mga lirio sa parang, at mga lobong nakabalat-kayong mga tupa. Ngunit ang Sermon sa Bundok ay higit pa sa isang magandang talumpati. Ang bisa ng mga turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo ay maaaring magpabago sa ating buhay, lalo na kapag namuhay tayo ayon dito. Kung magkagayon ang Kanyang mga salita ay nagiging higit pa sa mga salita; ang mga ito ay nagiging matibay na pundasyon sa buhay na mananatiling nakatayo, tulad ng bahay ng taong matalino, sa kabila ng mga hangin at baha ng mundo (tingnan sa Mateo 7:24–25).

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 6–7

Ang pamumuhay ng mga turo ng Tagapagligtas ay makakatulong sa akin na maging katulad Niya.

Ang Sermon sa Bundok ay naglalaman ng maraming alituntunin ng ebanghelyo. Habang pinag-aaralan mo ang mga kabanatang ito, itanong sa Panginoon kung ano ang nais Niyang matutuhan mo.

Ang isang alituntunin na maaari mong matagpuan ay na kailangang unahin ang mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo. Alin sa mga turo ng Tagapagligtas sa Mateo 6–7 ang tumutulong sa iyo na magtuon sa mga bagay na banal? Ano ang iba pang mga ideya o impresyon mo? Ano ang nahihikayat kang gawin? Isiping itala ang iyong mga impresyon. Halimbawa:

Mateo 6:1–4

Gusto kong mas pahalagahan ang iniisip ng Diyos tungkol sa akin kaysa sa iniisip ng ibang tao.

Ang isa pang alituntunin sa Mateo 6–7 ay panalangin. Suriin sandali ang iyong mga panalangin. Kumusta ang pakiramdam mo sa mga pagsisikap mong mas mapalapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin? Anong mga turo sa Mateo 6–7 ang naghihikayat sa iyo na pagbutihin pa ang paraan ng iyong pagdarasal? Itala ang mga impresyong natatanggap mo. Halimbawa:

Mateo 6:9

Kapag nagdarasal ako, nais kong tratuhin na may pagpipitagan ang pangalan ng Ama sa Langit.

Mateo 6:10

Kapag nagdarasal ako, maipapakita ko ang aking hangarin na mangyari ang kalooban ng Panginoon.

Maaari mong isiping basahing muli ang Sermon sa Bundok, na hinahanap ang iba pang paulit-ulit na mga alituntunin o mensaheng angkop lalo na sa iyo. Itala ang nahanap mo sa isang study journal, pati na ang iyong mga ideya at impresyon.

pamilyang nagdarasal

Mas mapapalapit tayo sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Mateo 6:7

Ano ang ibig sabihin ng gumamit ng “walang kabuluhang paulit-ulit” sa panalangin?

Ang pagkaunawa kadalasan ng mga tao sa ibig sabihin ng “walang kabuluhang paulit-ulit” ay pag-uulit ng pare-parehong mga salita. Gayunman, ang salitang walang kabuluhan ay maaaring maglarawan ng isang bagay na walang halaga. Maaaring ang ibig sabihin ng paggamit ng “walang kabuluhang paulit-ulit” sa panalangin ay pagdarasal nang hindi tapat at hindi taos-puso ang damdamin (tingnan sa Alma 31:12–23).

Mateo 7:1–5

Maaari akong humatol nang matwid.

Sa Mateo 7:1, maaaring tila ang sinasabi ng Tagapagligtas ay hindi tayo dapat humatol kailanman, ngunit sa iba pang mga talata (pati na sa iba pang mga talata sa kabanatang ito), tinuturuan Niya tayo kung paano humatol. Kung parang nakakalito iyan, baka makatulong ang Pagsasalin ni Joseph Smith sa talatang ito: “Huwag hahatol nang di makatarungan, upang huwag kayong hatulan; datapwat humatol nang makatarungan” (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Ano ang nakikita mo sa Mateo 7:1–5, pati na sa nalalabing bahagi ng kabanata, na tumutulong sa iyo na malaman kung paano “humatol nang makatarungan”?

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na “Paghatol sa Kapwa,” topics.ChurchofJesusChrist.org; Lynn G. Robbins, “Ang Tapat na Hukom,” Liahona, Nob. 2016, 96–98.

Mateo 7:21–23

Nakikilala ko si Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban.

Ang pariralang “hindi ko kayo kilala kailanman” sa Mateo 7:23 ay binago sa Pagsasalin ni Joseph Smith at ginawang “Hindi ninyo ako kailanman nakilala.” Paano mas naipauunawa sa iyo ng pagbabagong ito ang itinuro ng Panginoon sa mga talata 21–22 tungkol sa paggawa sa Kanyang kalooban? Sa palagay mo, gaano mo nakikilala ang Panginoon? Ano ang magagawa mo para mas makilala Siya?

Tingnan din sa David A. Bednar, “Kung Ako’y Nangakilala Ninyo,” Liahona, Nob. 2016, 102–5.

Mateo 7:24–27

Ang pagsunod sa mga turo ng Tagapagligtas ay lumilikha ng matibay na pundasyon para sa buhay ko.

Hindi inaalis ng pamumuhay ng ebanghelyo ang paghihirap sa ating buhay. Naranasan ng dalawang bahay sa talinghaga ng Tagapagligtas sa Mateo 7:24–27 ang iisang bagyo. Ngunit nakayanan ito ng isa sa mga bahay. Paano nakalikha ng matibay na pundasyon para sa iyo ang pamumuhay ayon sa mga turo ng Tagapagligtas? Ano ang nadarama mo na dapat mong gawin para patuloy na itayo ang iyong “bahay sa ibabaw ng bato”? (tingnan sa talata 24).

Tingnan din sa Helaman 5:12.

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 6–7. Maaaring sumabay ang mga miyembro ng pamilya sa pagbabasa ng kanilang mga banal na kasulatan at tumigil sandali tuwing makakarinig sila ng isang bagay na gusto nilang talakayin. Ang aktibidad na ito ay maaaring tumagal nang ilang araw, kung kailangan.

2:29
4:43

Mateo 6:5–13.Ano ang matututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa paraan ng pagdarasal ng Tagapagligtas? Paano natin magagamit ang Kanyang panalangin bilang huwaran upang mapagbuti ang ating mga personal na panalangin at ang mga panalangin ng pamilya? (Tingnan din sa Lucas 11:1–13.) Kung may mas bata kang anak, maaari kayong magsanay na magdasal nang sama-sama.

Mateo 6:33.Ano ang ibig sabihin ng “hanapin muna … ang [kaharian ng Diyos]”? Paano natin ito ginagawa nang mag-isa at bilang pamilya?

Mateo 7:1–5.Para mailarawan sa isipan ang mga turo sa mga talatang ito, maaaring maghanap ang inyong pamilya ng isang bagay na nakakapuwing (isang malilit na piraso ng kahoy) at isang hamba (isang malaking piraso ng kahoy). Ano ang itinuturo sa atin ng pagkukumpara sa dalawang ito tungkol sa panghuhusga sa iba? Kung gusto mong tuklasin pa ang paksang ito, maaari mong gamitin ang ilan sa resources sa “Paghatol sa Kapwa” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org).

Mateo 7:24–27.Para mas maipaunawa sa inyong pamilya ang talinghaga ng matalinong tao at ng hangal na tao, maaari mo silang pagbuhusin ng tubig sa buhangin at pagkatapos ay sa isang bato. Paano natin maitatatag ang ating mga espirituwal na pundasyon sa ibabaw ng bato?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ang Matalino at ang Hangal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 132.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Magbahagi ng mga kabatiran. Ang pagtalakay sa mga alituntuning natututuhan mo mula sa iyong personal na pag-aaral ay hindi lamang mabuting paraan upang magturo sa iba; tinutulungan din nitong palakasin ang iyong sariling pagkaunawa. Subukang ibahagi ang isang alituntuning natutuhan mo sa linggong ito sa isang miyembro ng pamilya o sa iyong mga klase sa Simbahan.

si Jesus na nagdarasal

I Have Prayed for Thee [Ipinagdasal Kita], ni Del Parson