“Mayo 8–14. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18: ‘Ano pa ang Kulang sa Akin?,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)
“Mayo 8–14. Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023
Mayo 8–14
Mateo 19–20; Marcos 10; Lucas 18
“Ano pa ang Kulang sa Akin?”
Basahin at pagnilayan ang Mateo 19–20; Marcos 10; at Lucas 18, na nakatuon ang pansin sa mga pahiwatig na natatanggap mo. Pansinin ang mga pahiwatig na iyon, at magpasiya kung paano ka kikilos ayon sa mga iyon.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Kung may pagkakataon kang magtanong sa Tagapagligtas, ano kaya ang itatanong mo? Nang makita ng isang mayamang binata ang Tagapagligtas sa unang pagkakataon, itinanong niya, “Anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?” (Mateo 19:16). Ang sagot ng Tagapagligtas ay nagpakita kapwa ng pagpapahalaga sa mabubuting bagay na nagawa na ng binata at ng magiliw na panghihikayat na gumawa ng iba pa. Kapag pinagnilayan natin ang posibilidad ng buhay na walang hanggan, maaari din nating isipin kung may iba pa tayong dapat gawin. Kapag itinanong natin, sa ating sariling paraan, “Ano pa ang kulang sa akin?” (Mateo 19:20), mabibigyan tayo ng Panginoon ng personal na mga sagot na tulad ng sagot Niya sa mayamang binata. Anuman ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon, ang pagkilos ayon sa Kanyang sagot ay laging mangangailangan na mas magtiwala tayo sa Kanya kaysa sa sarili nating kabutihan (tingnan sa Lucas 18:9–14) at na ating “[tanggapin ang] kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata” (Lucas 18:17; tingnan din sa 3 Nephi 9:22).
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.
Ang pagpapalitang ito ng Tagapagligtas at ng mga Fariseo ay isa sa ilang nakatalang pagkakataon kung kailan partikular na nagturo ang Tagapagligtas tungkol sa kasal. Matapos basahin ang Mateo 19:3–9 at Marcos 10:2–12, gumawa ng listahan ng ilang pahayag na inaakala mong nagbubuod sa mga pananaw ng Panginoon tungkol sa kasal. Pagkatapos ay pag-aralan ang ilan sa resources na matatagpuan sa “Kasal” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org), at magdagdag ng iba pang mga pahayag sa iyong listahan. Paano naaapektuhan ng iyong kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan ng Ama ang paraan ng iyong pag-iisip at damdamin tungkol sa kasal?
Itinuro ba ni Jesus na ang diborsyo ay hindi kailanman katanggap-tanggap o na ang mga taong nagdiborsyo ay hindi dapat mag-asawang muli?
Sa isang mensahe tungkol sa diborsyo, itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na layon ng Ama sa Langit na maging walang hanggan ang pagsasama ng mag-asawa. Gayunman, nauunawaan din ng Diyos na kung minsan ay kailangan ang diborsyo. Ipinaliwanag ni Pangulong Oaks na “pinapayagan [ng Panginoon] na mag-asawang muli ang mga taong nakipagdiborsyo at hindi sila nagkasala sa tinukoy sa mas mataas na batas sa paggawa nito. Kung hindi nakagawa ng mabigat na kasalanan ang miyembrong nakipagdiborsyo, maaari siyang makakuha ng temple recommend batay sa gayunding mga pamantayan ng pagkamarapat na angkop sa iba pang mga miyembro” (“Diborsyo,” Liahona, Mayo 2007, 70–71).
Mateo 19:16–22; Marcos 10:17–22; Lucas 18:18–23
Kung magtatanong ako sa Panginoon, ituturo Niya sa akin ang kailangan kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan.
Ang salaysay tungkol sa mayamang binata ay maaari ding magpahinto at magpaisip maging sa matapat at matagal nang disipulo. Habang binabasa mo ang Marcos 10:17–22, ano ang nakikita mong katibayan ng katapatan at sinseridad ng binata? Ano ang pakiramdam ng Panginoon sa binatilyong ito?
Ang salaysay na ito ay maaaring mag-udyok sa iyo na itanong, “Ano pa ang kulang sa akin?” (Mateo 19:20). Paano tayo tinutulungan ng Panginoon na punan ang kulang sa atin? (tingnan sa Eter 12:27). Ano ang magagawa natin upang maihanda ang ating sarili na tanggapin ang Kanyang pagtutuwid at tulong habang sinisikap nating magpakabuti?
Tingnan din sa Larry R. Lawrence, “Ano pa ang Kulang sa Akin?,” Liahona, Nob. 2015, 33–35; S. Mark Palmer, “At Pagtitig sa Kaniya ni Jesus, ay Giniliw Siya,” Liahona, Mayo 2017, 114–16.
Lahat ay maaaring tumanggap ng pagpapala ng buhay na walang hanggan, kailan man nila tanggapin ang ebanghelyo.
Makakaugnay ka ba sa karanasan ng sinuman sa mga manggagawa sa ubasan? Anong mga aral ang nakikita mo mismo sa talatang ito? Ang mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Ang mga Manggagawa sa Ubasan” (Liahona, Mayo 2012, 31–33) ay maaaring makatulong sa iyo na makakita ng mga bagong paraan para maipamuhay ang talinghagang ito. Anong karagdagang mga pahiwatig ang ibinibigay sa iyo ng Espiritu?
Dapat tayong magtiwala sa awa ng Diyos, hindi sa sarili nating kabutihan.
Paano mo ibubuod ang mga pagkakaiba ng dalawang panalangin sa talinghagang ito? Pagnilayan kung ano sa palagay mo ang dapat mong gawin para maging higit na katulad ng publikano sa kuwentong ito at di-gaanong maging katulad ng Fariseo.
Tingnan din sa Filipos 4:11–13; Alma 31:12–23; 32:12–16.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Marcos 10:13–16; Lucas 18:15–17.Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na pagnilayan ang salaysay sa mga talatang ito, maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang nauugnay na awitin, tulad ng “Ako ay Nagninilay Tuwing Mababasa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 35). Ano kaya ang pakiramdam ng mapabilang sa mga batang binasbasan ni Jesus? Ano kaya ang ibig sabihin ng “[tanggapin ang] kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata”? (Marcos 10:15).
-
Marcos 10:23–27.Ano ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng kayamanan sa pagtitiwala sa kayamanan? (tingnan sa Marcos 10:23–24). Habang binabasa mo ang talata 27, maaari mong banggitin ang Joseph Smith Translation na: “Sa mga tao na nagtitiwala sa kayamanan, imposible ito; ngunit hindi imposible sa mga taong nagtitiwala sa Diyos at tinatalikuran ang lahat [ng kayamanan] alang-alang sa Panginoon, sapagkat sa gayong mga tao [na nagtitiwala sa Diyos] lahat ng bagay na ito ay posible” (tingnan sa Joseph Smith Translation, Mark 10:26). Bilang pamilya, paano natin ipinapakita na nagtitiwala tayo sa Diyos nang higit pa sa mga materyal na bagay?
-
Mateo 20:1–16.Para ilarawan ang mga alituntunin sa Mateo 20:1–16, maaari kayong gumawa ng isang simpleng paligsahan, tulad ng maikling paunahan sa pagtakbo. Kapag nakumpleto na ng lahat ang paligsahan, bigyan silang lahat ng pare-parehong premyo, simula sa taong huling nakatapos hanggang sa taong unang nakatapos. Ano ang itinuturo nito sa atin kung sino ang tumatanggap ng mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa plano ng Ama sa Langit?
-
Mateo 20:25–28; Marcos 10:42–45.Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging alipin ninyo”? (Mateo 20:27). Paano ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng alituntuning ito? Paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa sa ating pamilya, sa ating ward o branch, at sa ating paligid?
-
Lucas 18:1–14.Ano ang natututuhan natin tungkol sa panalangin mula sa dalawang talinghaga sa mga talatang ito?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing himno: “Mga Bata, Diyos ay Malapit,” Mga Himno, blg. 44.