Lumang Tipan 2022
Nobyembre 14–20. Amos; Obadias: “Inyong Hanapin ang Panginoon, at Kayo’y Mabubuhay”


“Nobyembre 14–20. Amos; Obadias: ‘Inyong Hanapin ang Panginoon, at Kayo’y Mabubuhay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Nobyembre 14–20. Amos; Obadias,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

mukha ni Jesus na tinatanglawan ng mga kandila sa madilim na silid

Tinapay ng Kabuhayan, ni Chris Young

Nobyembre 14–20

Amos; Obadias

“Inyong Hanapin ang Panginoon, at Kayo’y Mabubuhay”

Mabubuksan ng Espiritu Santo ang iyong puso at isipan sa mga mensahe sa salita ng Diyos na para lamang sa iyo. Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na matutuhan mo sa linggong ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Pinili ng Diyos ang binhi ni Abraham na maging Kanyang pinagtipanang mga tao upang sila ay “maging pagpapala” sa lahat ng tao (tingnan sa Genesis 12:2–3). Ngunit sa kabaligtaran nito, sa panahon ng ministeryo ni Amos, marami sa mga pinagtipanang tao ang nang-aapi sa mahihirap at binabalewala ang mga propeta, kaya ang kanilang pagsamba ay walang-saysay at walang kabuluhan (tingnan sa Amos 2:6–16). Totoo na ang mga bansang nakapaligid sa kanila ay nagkasala rin ng malalaking kasalanan (tingnan sa Amos 1; 2:1–5), ngunit hindi iyan kailanman ginamit na pangangatwiran para sa mga tao ng Diyos (tingnan sa Amos 3:2). Ito ang dahilan kung kaya’t nagpadala ang Diyos ng isang pastol mula sa Juda na ang pangalan ay Amos upang ipangaral ang pagsisisi sa Kaharian ng Israel. Kalaunan, ipinahayag din ng Diyos sa pamamagitan ng propetang Obadias na bagaman winasak ang kaharian ng Juda, titipunin at muling pagpapalain ng Panginoon ang Kanyang mga tao. Ang pinagtipanang mga tao ay lumayo sa Panginoon, pagpapatotoo ng kapwa mga propeta, ngunit hindi sila itatakwil magpakailanman. Kapag inihahayag ng Diyos ang Kanyang mga lihim sa Kanyang lingkod na mga propeta (tingnan sa Amos 3:7), maaaring tanda ito na nais pa rin Niyang tulungan tayong ipamuhay ang mga tipang ginawa natin sa Kanya.

Para sa iba pa tungkol sa mga aklat nina Amos at Obadias, tingnan sa “Amos” at “Obadias” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Amos 3:1–8; 7:10–15

Inihahayag ng Panginoon ang mga katotohanan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Sa Amos 3:3–6, inilahad ni propetang Amos ang ilang halimbawa ng mga dahilan at epekto: dahil may nakitang biktima ang isang leon, ang leon ay umaatungal; dahil mayroong patibong na may pain para sa ibon, ang ibon ay nabibitag. (Pansinin na sa Joseph Smith Translation ng talata 6, ang salitang “tapos” ay binago at ginawang “kilala o alam” [sa Amos 3:6, footnoteb].) Sa mga talata 7–8, ginamit ni Amos ang lohikang ito sa mga propeta. Ano ang dahilan ng pagpopropesiya ng isang propeta? Ano pa ang nalalaman mo tungkol sa mga propeta habang binabasa mo ang Amos 7:10–15? Pag-isipang mabuti kung bakit ka nagpapasalamat na ang Panginoon ay “ihahayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7). Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng katotohanang ito tungkol sa Diyos?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 1:38; 21:4–8; 35:13–14.

Amos 4–5

“Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo ay mabubuhay.”

Habang binabasa mo ang Amos 4:6–13, pansinin ang mga paghatol na ipinadala ng Panginoon sa mamamayan ng Israel. Ano ang iminumungkahi ng mga talatang ito tungkol sa inaasahan ng Panginoon na mangyayari pagkatapos ng bawat isa sa mga karanasang ito? (tingnan din sa Helaman 12:3). Isipin ang pinakahuling pagsubok na naranasan mo. Bagaman maaaring hindi ang Diyos ang nagpadala ng iyong pagsubok, pagnilayan kung paano ka nito mabibigyan ng mga pagkakataon na hanapin Siya.

Basahin ang Amos 5:4, 14–15, at pagnilayan kung paano naging “mapagpala” (talata 15) sa iyo ang Panginoon habang hinahanap mo Siya, at sa iyong mga oras ng pagsubok.

Tingnan din sa Donald L. Hallstrom, “Bumaling sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 78–80.

Amos 8:11–12

Maaaring bigyang-kasiyahan ng salita ng Panginoon ang espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw.

Tayong lahat ay dumaranas ng mga panahon ng espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw, ngunit hindi natin kailangang “lumaboy mula sa dagat hanggang sa dagat” (Amos 8:12) na naghahanap ng isang bagay na makasisiya sa atin. Alam natin kung ano ang makapapawi sa espirituwal na pagkagutom na iyon, at biniyayaan tayo ng mga salita ng Panginoon nang sagana. Habang binabasa mo ang Amos 8:11–12, isipin kung bakit ang taggutom ay magandang paghahambing sa pamumuhay nang walang salita ng Diyos. Anong karagdagang mga kabatiran ang nakikita mo sa Mateo 5:6; Juan 6:26–35; 2 Nephi 9:50–51; 32:3; Enos 1:4–8?

Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “He Hath Filled the Hungry with Good Things,” Ensign, Nob. 1997, 64–66; Gospel Topics, “Apostasy,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

grupo ng kabataang nakatayo sa harapan ng templo

Maaari kayong maging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa pakikibahagi sa gawain sa templo at family history.

Obadias 1:21

Sino ang “mga tagapagligtas … sa bundok ng Sion”?

Si Pangulong Gordon B. Hinckley ay nagbigay ng posibleng pakahulugan sa katagang “mga tagapagligtas sa bundok ng Sion,” na nag-uugnay sa kataga sa gawain sa templo at family history: “[Sa templo] literal tayong nagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion. Ano ang ibig sabihin nito? Tulad ng kung paanong inialay ng ating Manunubos ang Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa lahat ng tao, at dahil doo’y naging ating Tagapagligtas, gayon din naman tayo, kahit paano, ay nagiging mga tagapagligtas ng mga nasa kabila ng tabing, kapag kinakatawan natin sila sa templo. Wala silang paraan para makasulong kung walang gagawa nito para sa kanila sa daigdig” (“Pangwakas na Mensahe,”Ensign o Liahona, Nob. 2004, 105).

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Amos 3:7.Maaari mong rebyuhin ang ilang mensahe kamakailan mula sa Pangulo ng Simbahan at talakayin kung ano ang inihahayag ng Panginoon sa inyong pamilya sa pamamagitan niya. Bakit mahalagang may propeta na namumuno sa Simbahan? Paano natin nalaman na siya ay tunay na propeta? Ano ang ginagawa natin para masunod ang kanyang payo?

Amos 5:4.Maaaring lumikha ang inyong pamilya ng poster na maisasabit sa inyong bahay na nasusulatan ng talatang ito. Ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Panginoon? Paano natin Siya hinahanap? Anong mga pagpapala ang natatanggap natin kapag ginagawa natin ito? Maaari mong anyayahan ang mga kapamilya na magbahagi at talakayin ang iba pang mga talata na nagtuturo tungkol sa paghahanap sa Panginoon, tulad ng Mateo 7:7–8; Eter 12:41; at Doktrina at mga Tipan 88:63.

Amos 8:11–12.Maaaring masiyahan ang mga bata na gawan ng aksiyon ang mga kataga sa mga talatang ito. Kapag nagugutom o nauuhaw ang ating katawan, ano ang ginagawa natin? Kapag nagugutom o nauuhaw ang ating mga espiritu, ano ang ginagawa natin? Maaari din ninyong panoorin ang video na “The Great Apostasy” (ChurchofJesusChrist.org) at pag-usapan kung paano nagbibigay-kasiyahan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa ating espirituwal na pagkagutom.

Obadias 1:21.Ano ang maaaring ibig sabihin ng maging “mga tagapagligtas … sa bundok ng Sion”? (Para sa isang posibleng paliwanag, tingnan ang pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan.”) Sino sa ating mga ninuno ang nangangailangan ng nagliligtas na mga ordenansa?-chat Ano ang gagawin natin para matulungan sila?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Salamat po, O Diyos, sa Aming Propeta,” Mga Himno, blg. 15.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Gumamit ng musika upang anyayahan ang Espiritu at matutuhan ang doktrina. Ang pakikinig o pagbabasa ng himno ay makatutulong sa iyo na matutuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Halimbawa, maaari mong pakinggan o basahin ang “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta” (Mga Himno, blg. 15) para makaganyak ng mas malakas na pananampalataya sa mga buhay na propeta. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22.)

Santo Domingo Dominican Republic Temple

Santo Domingo Dominican Republic Temple