“Mga Miting sa Ikaapat na Linggo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Melchizedek Priesthood at Relief Society (2017)
Mga Miting sa Ikaapat na Linggo
Mga Miting sa Ikaapat na Linggo
Sa ikaapat na Linggo ng bawat buwan, tatalakayin ng mga korum, grupo, at Relief Society ang isang paksa na pinili ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Ang mga paksang ito ay ia-update sa bawat pangkalahatang kumperensya. Ang paksa hanggang sa susunod na pangkalahatang kumperensya ay ang araw ng Sabbath. Maaaring pumili ang mga lider o guro mula sa mga doktrina at mga aktibidad sa pagkatuto na iminungkahi sa ibaba, pagsama-samahin ang ilan sa mga ito, o lumikha ng kanilang sariling aktibidad ayon sa mga pangangailangan ng mga miyembro.
Ang Sabbath ay araw upang alalahanin ang nagawa ng Diyos para sa atin.
Sa buong kasaysayan, naugnay ng Diyos ang ilang mahahalagang kaganapan sa araw ng Sabbath. Kabilang sa mahahalagang kaganapang ito ang Paglikha (tingnan sa Genesis 2:1–3), ang paglalakbay ng mga anak ni Israel mula sa Egipto (tingnan sa Deuteronomio 5:15), at ang Pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas (tingnan sa Juan 20:1–19; Mga Gawa 20:7). Anyayahan ang mga miyembro na suriin ang mga talatang ito at talakayin kung paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa bawat pangyayaring ito na igalang ang araw ng Sabbath. Ano ang ilan sa mga mahalagang ginawa ng Diyos para sa atin? Paano natin maaalala ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath? Kung naaangkop, anyayahan ang mga miyembro na talakayin ang ganitong uri ng katanungan sa kanilang pamilya.
Si Jesucristo ay ang Panginoon ng Sabbath.
Ang Sabbath ay tinatawag ding araw ng Panginoon (tingnan sa Apocalipsis 1:10). Bakit sa palagay ninyo si Jesucristo ay tinatawag na Panginoon ng araw ng Sabbath? (tingnan sa Mateo 12:8). Magkakasamang suriin ang ilang mga talata na maaaring makatulong na hikayatin ang mga miyembro na mag-isip ng mga paraan upang isentro ang kanilang mga karanasan sa araw ng Sabbath kay Jesucristo (halimbawa, Helaman 5:12; Eter 12:41; Moroni 10:32; at D at T 6:36 – 37). Ano ang iba pang mga talata na maaaring ibahagi ng mga miyembro na makatutulong sa kanila na isentro kay Cristo ang Sabbath? Ano ang mga mithiin na maaari nating itakda upang makatulong sa atin na magtuon sa Tagapagligtas sa buong araw ng Sabbath?
Si Jesucristo ang ating halimbawa ng paggalang sa araw ng Sabbath.
Sa Kanyang mortal na ministeryo, ang Tagapagligtas ay naghanap ng mga pagkakataon na maituro ang tungkol sa araw ng Sabbath. Imbitahan ang mga miyembro na basahin ang sumusunod na mga salaysay at gumawa ng listahan ng mga bagay na ginawa ni Jesus sa araw ng Sabbath at ang mga alituntunin na Kanyang itinuro: Lucas 6:1–11; 13:11–17; Juan 5:1–20; 9:1–16. Anong iba pang mga alituntunin tungkol sa Sabbath ang matututuhan natin sa mga sumusunod na talata? Exodo 20:8–11; 31:12–18; Isaias 58:13– 14; at D at T 59: 9–19. Anyayahan ang mga miyembro na ibahagi ang maaari nilang gawin upang tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas.
Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Sabbath ay Kaluguran,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 129–32.
Ang Sabbath ay araw ng pagsamba.
Isulat ang salitang pagsamba sa pisara at imbitahan ang mga miyembro ng klase na isulat ang iba pang mga salita na may kaugnayan sa tabi nito. At pagkatapos ay gumawa ng tatlong column sa pisara na may mga heading na bago, habang, at pagkatapos. Ano ang maaari nating gawin bago, habang, at pagkatapos magsimba para sambahin ang Panginoon sa Kanyang banal na araw? Maaaring sama-samang basahin ng mga miyembro ng klase ang Mosias 18:17–29 at Moroni 6 para sa mga ideya. Anyayahan ang mga miyembro na pag-isipang mabuti kung paano nakatutulong ang kanilang pag-uugali at kilos sa araw ng Sabbath na sambahin ang Panginoon sa araw na iyon (tingnan sa Exodo 31: 16–17). Ano ang magagawa natin para makatulong na pagbutihin pa ang karanasan sa pagsamba ng ating mga pamilya at miyembro ng ward sa mga miting ng Simbahan?
Ang pagtanggap ng sakramento ay tutulong na mapasaatin tuwina ang Espiritu.
Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Paano naaapektuhan ng sakramento ang buhay mo? Para masagot ang tanong na ito, anyayahan ang mga miyembro na magpares-pares at pumili at talakayin ang isang parirala mula sa mga panalangin ng sakramento sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79 at ang payo sa Doktrina at mga Tipan 59: 9. Bigyan ang bawat pares ng oras upang hanapin ang mga banal na kasulatan na tutulong sa kanila na mas maunawaan ang kanilang parirala at talakayin kung paano nila sasagutin ang tanong sa pisara. Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng mga paboritong himno sa sakramento at sama-samang kantahin ang mga ito.
Tingnan sa Cheryl A. Esplin, “Ang Sakramento — isang Pagpapanibago ng Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 12–14.
Ang Sabbath ay araw upang paglingkuran ang iba.
Ano ang matututuhan natin tungkol sa paglilingkod sa iba sa araw ng Sabbath mula sa mga paraan ng paglilingkod at pagpapala ng Tagapagligtas sa mga taong nasa paligid Niya? Hikayatin ang mga miyembro na suriin at talakayin ang Mateo 9:10–13; Lucas 19:1–9; Juan 11:32–46; 13:1–5, 12–17; at 3 Nephi 17:5–10. Imbitahan ang mga miyembro na mag-isip tungkol sa mga banal na kasulatang ito habang isinasaalang-alang nila kung paano sila maaaring maglingkod sa araw ng Sabbath. Halimbawa, maaari nilang paglingkuran ang mga miyembro ng pamilya, tumulong sa mga tao at pamilya na naka-assign sa kanila sa home at visiting teaching, gumawa ng family history, dalawin ang maysakit, o ibahagi ang ebanghelyo. Marahil ay maaaring magdaos ang mga miyembro ng isang family council upang magplano ng mga paraan na maaari nilang paglingkuran ang iba sa araw ng Sabbath.