Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Ikalawa at Ikatlong Linggo


“Mga Miting sa Ikalawa- at Ikatlong-Linggo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Melchizedek Priesthood at Relief Society (2017)

Mga Miting sa Ikalawa at Ikatlong Linggo

Mga Miting sa Ikalawa at Ikatlong Linggo

Sa ikalawa at ikatlong mga Linggo ng bawat buwan, pinag-aaralan ng mga korum ng Melchizedek Priesthood at mga Relief Society ang mga turo ng mga buhay na propeta, mga Apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Ang anumang mensahe mula sa pinakahuling kumperensya ay maaaring talakayin.

Kadalasan, ang panguluhan ng korum, pamunuan ng grupo, o Relief Society presidency ang pipili ng isang mensahe sa kumperensya na pag-aaralan batay sa mga pangangailangan ng mga miyembro, kahit na ang mga bishop o stake president ay maaaring magbigay ng input. Ang mga lider ay maaaring pumili ng isang mensaheng nauugnay sa paksang tinatalakay sa  council meeting sa unang-Linggo, o maaari silang pumili ng isa pang mensahe batay sa inspirasyon ng Espiritu. Ang mga lider at mga guro ay dapat humanap ng mga paraan upang hikayatin ang mga miyembro na basahin ang mga piniling mensahe nang maaga at maghandang magbahagi ng mga ideya. Ang iminungkahing mga aktibidad sa pag-aaral na nasa ibaba, na batay sa mga alituntunin sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, ay paraan para maging abala ang mga miyembro na matuto mula sa mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya.

Sharon Eubank, “Pagliwanagin ang Inyong Ilaw

Sabihin sa mga miyembro ng inyong korum o Relief Society na isipin kung paano naimpluwensyahan ang buhay nila sa kabutihan ng isang matwid at tapat na babae. Isiping anyayahan ang ilang miyembro na magbahagi kung paano inilalarawan ng babaeng ito ang isa o higit pa sa mga katangian ng mabubuting kababaihan na nakasaad sa mensahe ni Sister Eubank. Ano ang natututuhan natin mula kay Sister Eubank tungkol sa kung paano tayo magiging “isang malaking puwersa kapwa sa pagdami at sa espirituwal na pag-unlad ng Simbahan sa mga huling araw”?

Neill F. Marriott, “Pagsunod sa Diyos at Pag-alis ng Agwat

Ang mensaheng ito ay makakatulong sa mga miyembro na maaaring nakadarama na sila ay nahihiwalay sa Ama sa Langit o sa mga nasa paligid nila. Ano ang makakatulong sa mga tinuturuan mo para maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng agwat? Siguro maaari kang magdala ng mga larawan ng iba’t ibang uri ng mga agwat. Paano ipaliwanag ni Sister Marriott ang agwat? Ano ang maaaring maging sanhi ng mga agwat sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa iba? Anyayahan ang mga miyembro na saliksikin ang mensahe ni Sister Marriott para sa mga mungkahi kung ano ang magagawa natin upang ayusin ang mga agwat o sira sa ating buhay. Bigyan ng oras ang mga miyembro na isulat kung ano ang ipinahihiwatig ng Espiritu na dapat nilang gawin para mas mapalapit sa Diyos at sa iba pang tao.

Joy D. Jones, “Halagang Hindi Masusukat

Ano ang mga pagpapalang dumadaloy sa ating buhay kapag nauunawaan natin ang ating banal na pagkatao? Para masagot ang tanong na ito, maaaring repasuhin ng mga miyembro ng inyong korum o ng Relief Society ang mga kuwento nina Mariama, Renu, at Taiana sa mensahe ni Sister Jones. Anong payo ang ibinibigay ni Sister Jones upang tulungan tayong “alalahanin at yakapin ang ating banal na pagkatao”? Anyayahan ang mga miyembro na hanapin at talakayin ang isang talata o sipi sa mensahe ni Sister Jones na tumutulong sa kanila na maunawaan ang kanilang tunay na kahalagahan sa Diyos. Sabihin sa kanila na ibahagi ang isa sa mga banal na kasulatan o mga siping ito sa isang taong nangangailangan ng paalala tungkol sa kanyang banal na kahalagahan.

Dieter F. Uchtdorf, “Tatlong Magkakapatid na Babae

Ang isang paraan para repasuhin ang mensahe ni Pangulong Uchtdorf ay hatiin ang korum o ang Relief Society sa maliliit na grupo. Maaari mong atasan ang bawat grupo na basahin ang tungkol sa isa sa magkakapatid na babae sa mensahe ni Pangulong Uchtdorf. Bawat grupo ay maaaring sumulat ng liham sa kapatid na iyon na ibinubuod ang kanyang payo at ibahagi ang isinulat nila sa iba pang grupo. Ano ang magagawa natin upang maging mas katulad ng ikatlong kapatid na babae? Paano natin magagawa ang ating korum o Relief Society na isang “ligtas na tahanan” para sa mga taong nahihirapan?

Dieter F. Uchtdorf, “Pananabik na Makauwi

Paano mo matutulungan ang iyong mga tinuturuan na makilala kung paano sila ginagamit ng Diyos para pagpalain ang iba? Maaari mo silang anyayahan na repasuhin ang bahagi ng mensahe ni Pangulong Uchtdorf na pinamagatang “Gagamitin Kayo ng Diyos,” na hinahanap ang mga pangakong ginawa sa mga taong nagsisikap na maglingkod sa kaharian ng Diyos sa kabila ng kanilang mga kahinaan. Ang pagbabasa ng mensaheng ito ay maaari ding magpaalala sa mga miyembro tungkol sa mga karanasang maibabahagi nila kung saan ginamit sila ng Diyos para pagpalain ang iba—o kung saan ginamit Niya ang iba para pagpalain sila. Bigyan ng oras ang mga miyembro na mapagnilayan ang nadarama nilang dapat nilang gawin dahil sa talakayang ito.

Bonnie L. Oscarson, “Ang mga Pangangailangan na Nasa Ating Harapan

Isang paraan para simulan ang talakayan tungkol sa mensahe ni Sister Oscarson ay bigyan ang lahat ng papel na may nakasulat na “Sino ang nangangailangan sa akin ngayon?” sa bandang itaas. Ang mga miyembro ng inyong Relief Society o korum ay maaaring mag-ukol ng ilang minuto sa pagbubulay at paglilista ng mga sagot sa tanong na ito. Pagkatapos maaari nilang saliksikin ang mensahe ni Sister Oscarson para sa mga ideya tungkol sa kung paano nila mapaglilingkuran ang mga tao na nasa kanilang listahan—o magdagdag ng mga pangalan ayon sa inspirasyon. Maaari sigurong ibahagi ng ilan ang kanilang natutuhan.

Dallin H. Oaks, “Ang Plano at ang Pagpapahayag

Paano kikilos ang mga miyembro ng inyong korum, grupo, o Relief Society sa paanyaya ni Elder Oaks na “ituro [at mamuhay]” ayon sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, sa tahanan, sa komunidad, at sa simbahan? Anyayahan silang magbahagi ng mga ideya sa isa’t isa. Maaaring makatulong din ang pagsasaliksik sa mensahe para sa ilang mga doktrinal na pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak. Paano tayo tinutulungan ng mga pahayag na ito sa pagtugon sa “mga hamon sa pamilya sa kasalukuyan”? Ang bahagi IV ng mensahe ni Elder Oaks ay naglalaman ng ilang halimbawa ng gayong mga pahayag.

D. Todd Christofferson, “Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit

Narito ang ilang tanong na maaaring nasa isip ng mga miyembro ng Relief Society at ng korum habang nirerepaso nila ang mensahe ni Elder Christofferson: Ano ang kabanalan? Paano natin hahanapin ang kabanalan? Paano nakakatulong sa ating mga pagsisikap ang pagtanggap ng sakramento? Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng mga salita mula sa mensahe ni Elder Christofferson na tumutulong sa pagsagot sa mga tanong na ito. Paano natin tinutulungan ang bawat isa bilang “kapwa mga Banal” sa pagsisikap nating maging mas banal?

Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas

Maaaring nadarama ng ilan sa iyong mga tinuturuan na hindi sila makaabot sa pamantayan kapag pinag-uusapan na ang pamumuhay ng mga turo ng Tagapagligtas. Ano ang itinuturo ni Elder Holland na maaaring magbigay ng kapanatagan at manghikayat sa mga taong maaaring ganito ang nararamdaman? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng Relief Society o ng korum na maghanap ng isang bagay sa mensaheng ito na maibabahagi nila sa isang tao na nahihirapang madama na “sapat ang kabutihan” nila. O maaari nilang hanapin ang isang bagay sa mensahe na nagbigay-inspirasyon sa kanila upang madama ang “ibayong pagmamahal at paghanga [kay Cristo] at ang mas malaking pagnanais na maging katulad Niya.”

Gary E. Stevenson, “Espirituwal na Eklipse

Naranasan na ba ng sinuman sa inyong korum o mga miyembro ng Relief Society ang isang solar eclipse? Kung oo, maaari mong anyayahan ang isa sa kanila na ipaliwanag ang analohiya na ibinahagi ni Elder Stevenson tungkol sa “espirituwal na eclipse.” Anong mga sagabal ang maaaring “[humaharang] sa lawak, ningning, at init ng ilaw ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo”? Paano tayo maaaring magambala ng social media sa “kagandahan, init, at makalangit na liwanag ng ebanghelyo”? Paano natin isusuot ang “mga salamin ng ebanghelyo” na nagpoprotekta sa atin mula sa espirituwal na pagkabulag? Ano ang itinuturo sa atin ng analohiya ni Elder Stevenson tungkol sa pagpapanatili ng pananaw ng ebanghelyo?

Quentin L. Cook, “Ang Araw-Araw na Walang-Hanggan

Ipinapaalala sa atin ng mensahe ni Elder Cook ang kahalagahan ng pagsisikap na maging mapagpakumbaba sa iba’t ibang paraan. Ang isang paraan upang talakayin ang itinuturo niya ay hatiin sa dalawang grupo ang mga miyembro. Sabihan ang isang grupo na maghanap ng mga mungkahi sa mensahe ni Elder Cook na maaaring makatulong sa atin na maging mapagpakumbaba, at sa isang grupo na maghanap ng mga paraan na ang mga tao ay nagpapamalas ng kapalaluan. Anyayahan ang bawat grupo na ibahagi ang kanilang paglalarawan sa isa pang grupo. Ang mga miyembro ay maaari ding magbahagi ng mga paraan na makapagpapakita sila ng “araw-araw na pagpapakumbaba” sa kanilang buhay at pag-isipan kung paano makakatulong sa kanila ang pagpapakumbabang ito na maghanda sa pagharap sa Diyos.

Ronald A. Rasband, “Sa Banal na Plano

Para makahikayat ng talakayan tungkol sa mensahe ni Elder Rasband, maaaring makatulong ang pag-anyaya sa ilang miyembro na magdala ng isang pattern sa pananahi, isang blueprint, o isang putahe at pag-usapan kung bakit nakakatulong ang mga ito. Anong mga halimbawa o mga turo mula sa mensahe ni Elder Rasband ang nakahihikayat sa mga miyembro na makilala ang layunin o disenyo ng Diyos para sa kanilang buhay? Siguro maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasan kung saan nakita nilang ginagabayan ng Panginoon ang kanilang buhay. Ano ang nagawa nila para maipakita sa Diyos na “pinahahalagahan” nila ang Kanyang patnubay? Bakit mahalagang kilalanin ang “banal na disenyo” ng Diyos?

Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?

Inanyayahan ni Pangulong Nelson ang mga miyembro na pag-isipan ang tatlong tanong: (1) “Ano kaya ang magiging buhay ninyo kung wala ang Aklat ni Mormon?” (2) “Ano ang hindi ninyo malalaman?” (3) “Ano ang hindi mapapasainyo?” Anyayahan ang mga miyembro ng inyong korum, grupo, o Relief Society na pagnilayan ang mga tanong at ibahagi kung paano nila sasagutin ang mga ito. Ano ang nakikita nila sa mensahe na nagbigay-inspirasyon sa kanila upang pahalagahan ang Aklat ni Mormon ng higit pa sa “mga diyamante o mga rubi”?

Dale G. Renlund, “Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas

Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng inyong korum o ng Relief Society na maunawaan kung paano sila tinutulungan ng priesthood na mapasakanila ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Maaari mong isulat ang dalawang pamagat na ito sa pisara: “Bakit kailangan natin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” at “Paano ‘inihahatid’ ng priesthood ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa atin.” Pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro na saliksikin ang mensahe ni Elder Renlund, na naghahanap ng mga parirala na isusulat sa ilalim ng bawat pamagat. Paano nakakatulong ang priesthood at mga ordenansa nito sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak?

Dieter F. Uchtdorf, “Mga Tagadala ng Makalangit na Liwanag

Anyayahan ang mga miyembro na saliksikin ang mensahe ni Pangulong Uchtdorf at tukuyin kung paano nakakaapekto ang pagkakaroon o kawalan ng banal na liwanag sa ating buhay. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro na pag-aralan ang ilan sa binanggit na mga banal na kasulatan ni Pangulong Uchtdorf at tukuyin ang mga katotohanang may kinalaman sa espirituwal na liwanag. Ano ang itinuturo sa atin ng metapora ng eclipse tungkol sa papel na ginagampanan ng kalayaan sa paghahanap ng espirituwal na liwanag? Ano ang magagawa natin upang ibahagi sa iba ang banal na liwanag si Jesucristo, lalo na sa ating pamilya at sa “ating mga kabataan, na naghahangad ng liwanag”?

Henry B. Eyring, “Pinamumunuan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan

Anyayahan ang mga miyembro ng inyong korum o ang mga miyembro ng Relief Society na magbahagi ng mga karanasan kung saan kinailangan nilang magkaroon ng pananampalataya na ang kanilang tungkulin o ang tungkulin ng ibang tao ay nagmula sa Diyos. Paano nila ipinakita ang kanilang pananampalataya? Paano nila nalaman na ang tungkulin ay mula sa Diyos? Anyayahan ang mga miyembro na saliksikin ang mensahe ni Pangulong Eyring at tukuyin ang mga katotohanang natutuhan nila mula sa sariling karanasan na maaaring makatulong sa atin na magtiwala at pagpasensyahan ang ating sarili at ang iba na tinawag ng Panginoon.

Jean B. Bingham, “Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos

Matutulungan ng mensahe ni Sister Bingham ang mga miyembro ng inyong Relief Society o ng korum na maunawaan kung paano makasusumpong ng kagalakan, sa kabila ng mga paghihirap sa buhay, sa paglapit natin kay Cristo. Ang isang paraan upang talakayin ang kanyang mensahe ay ang pagdrowing ng isang landas sa pisara na papunta sa salitang kagalakan. Anyayahan ang ilang miyembro na isulat sa landas ang isang mungkahi mula sa mensahe ni Sister Bingham na humahantong sa tunay na kagalakan. Hikayatin ang mga miyembro na mag-isip ng mga paraan na maaari nilang masunod ang payo ni Sister Bingham. Anyayahan ang ilang miyembro na ibahagi ang kanilang mga naiisip.

David A. Bednar, “Napakadakila at Mahahalagang Pangako

Upang matulungan ang mga miyembro ng inyong Relief Society o ng korum na talakayin ang mensahe ni Elder Bednar, maaari kang maglagay ng mga larawan sa pisara na kakatawan sa Sabbath, sa templo, at sa ating mga tahanan. Anyayahan ang mga miyembro na basahin ang kaukulang mga bahagi sa mensahe ni Elder Bednar at isulat sa pisara kung paanong ang araw ng Sabbath, ang templo, at ang ating mga tahanan ay tumutulong para makapagtuon tayo sa mga pangako ng Diyos sa atin. Anong mga bagay sa ating buhay ang maaaring makaagaw ng ating pansin mula sa mga pangakong ito? Anong mga hakbang ang magagawa natin para matiyak na naaalaala natin ang mga ito?

Henry B. Eyring, “Huwag Matakot na Gumawa ng Mabuti

Matutulungan ng mensahe ni Pangulong Eyring ang mga tinuturuan mo na makita ang lakas-ng-loob at pananampalataya na gumawa ng mabuti sa mundo. Maaari mong anyayahan ang ilang miyembro na ibuod ang mga halimbawa ng matatapat na tao na ibinahagi ni Pangulong Eyring. Ano ang itinuturo sa atin ng mga halimbawang ito kung paano maglingkod sa ibang tao? Ano ang iminumungkahi ng mga halimbawang ito tungkol sa mga paraan na makapaglilingkod tayo bilang isang korum o Relief Society?

Ang isa pang paraan para talakayin ang mensaheng ito ay repasuhin ang mga pagpapala na nakita ni Pangulong Eyring sa pagsunod sa payo ni Pangulong Thomas S. Monson na pag-aralan ang Aklat ni Mormon. Anong mga pagpapala ang nakita natin mula sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon?

M. Russell Ballard, “Patuloy ang Paglalakbay!

Upang simulan ang isang talakayan tungkol sa mensahe ni Elder Ballard, maaari mong anyayahan ang isang tao na magbahagi ng karanasan nang sila ay may pupuntahan sana ngunit natuklasan na sila ay nasa maling ruta. Paano nauugnay ang mga halimbawang katulad nito sa ating personal na “paglalakbay” pabalik sa Ama sa Langit? Maaaring hanapin ng mga miyembro ang payo at mga babala na ibinibigay ni Elder Ballard na makakatulong sa atin na malaman kung tinatahak natin ang tamang direksyon sa ating buhay. Bigyan ng panahon ang mga miyembro na pagnilayan ang kanilang sariling landas at talakayin ang mga paraan na maaaring makatulong at makahikayat sa iba sa kanilang “paglalakbay” pabalik sa Ama sa Langit.

Neil L. Andersen, “Ang Tinig ng Panginoon

Marahil maibabahagi ng mga miyembro ng inyong Relief Society o ng korum ang isang karanasan kung saan nadama nilang makabuluhan sa kanila ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Bakit naging makabuluhan ang mga mensaheng ito? Ano ang itinuturo ni Elder Andersen tungkol sa kahalagahan ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at ng pagsisikap at proseso sa paghahanda sa mga ito? Paano dapat maapektuhan ng kaalamang ito ang pagpipilit na pag-aralan natin at pakinggan ang mga salitang ito? Isiping gumawa ng listahan ng mga imbitasyon mula sa pinakahuling kumperensya. Ano ang ginawa natin para kumilos ayon sa mga imbitasyong ito?