Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pagtugon sa Pangangailangan ng mga Batang may Kapansanan


“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang may Kapansanan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Pagtugon sa mga Pangangailangan ng mga Batang may Kapansanan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020

pamilya sa hapag-kainan

Pagtugon sa Pangangailangan ng mga Batang may Kapansanan

Mahalagang responsibilidad ng mga lider ng Primary na ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng bata, kabilang na ang mga batang may kapansanan. Sa Primary, bawat bata ay dapat na malugod na tanggapin, mahalin, alagaan, at isama. Sa kapaligirang ito mas madaling maunawaan ng lahat ng bata ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo at madama at makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo. Ang mga sumusunod na ideya ay maaaring makatulong sa iyo na matugunan ang mga pangangailangan ng mga batang may kapansanan.

  • Alamin ang mga partikular na pangangailangan ng bata. Ang pinakamainam na paraan para magawa ito ay kausapin ang mga magulang o tagapag-alaga ng bata. Alamin kung paano pinakamabilis na natututo ang bata at kung anong mga estratehiya ang pinakanakakatulong. Maaari ka ring sumangguni sa iba pang mga lider at guro ng Primary na mayroong maibabahaging karanasan at mga ideya.

  • Lumikha ng isang positibong kapaligiran kung saan nadarama ng bawat bata na siya ay ligtas at minamahal. Alamin ang mga pangalan ng lahat ng bata sa iyong klase, at tulungan silang madama na sila ay tanggap, minamahal, at kabilang. Madalas ay pinupuna ang mga batang may kapansanan, kaya humanap ng mga pagkakataon na purihin sila para sa kanilang mga positibong pag-uugali.

  • Gumawa ng mga pag-aangkop para makalahok ang lahat. Maaaring gumawa ng maliliit na pagbabago sa mga aktibidad para matiyak na ang lahat ng mga bata ay matututo, kabilang na ang mga batang may pisikal na limitasyon o problema sa pagkatuto. Halimbawa, kung ang isang aktibidad ay nagmumungkahi ng pagpapakita ng isang larawan, sa halip ay maaaring kumanta na lamang kayo ng isang nauugnay na awitin para maisama ang mga bata na may kapansanan sa paningin.

  • Magtakda ng mga regular na iskedyul at istruktura ng klase. Isang paraan para magawa ito ay ang paglikha ng isang poster na may iskedyul ng klase na nagbabalangkas kung paano dadaloy ang klase. Maaaring kasama sa inyong iskedyul ang panalangin, oras ng pagtuturo, at oras ng aktibidad. Ito ay maaaring makatulong na mabawasan ang pakiramdam ng kawalan ng katiyakan na maaaring makadagdag sa pagkabahala ng ilang mga bata.

  • Gumamit ng mga hudyat na nakikita. Ang mga bata na may problema sa pagkatuto o sa pag-uugali ay maaaring makinabang sa mga hudyat na nakikita, tulad ng mga larawang nagpapakita ng angkop na mga pag-uugali tulad ng pagtataas ng kamay bago sagutin ang tanong.

  • Unawain kung bakit nangyayari ang mahirap na pag-uugali. Alamin ang tungkol sa kapansanan o sitwasyon na maaaring makaimpluwensiya sa isang bata na kumilos nang hindi angkop. Pansining mabuti kung ano ang nangyayari kapag nagpapakita ng mahirap na pag-uugali ang bata. Mapanalanging isipin kung paano babaguhin ang sitwasyon para higit na masuportahan ang bata.