“Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2020
Ikaw ay Isang Guro ng mga Bata
Tinawag ka ng Diyos upang turuan ang Kanyang mga anak sa paraan ng Tagapagligtas. Ikaw ay itinalaga sa tungkuling ito sa pamamagitan ng awtoridad ng Kanyang banal na priesthood. Kahit hindi ka bihasang guro, kapag ikaw ay namumuhay nang marapat, nagdarasal araw-araw, at nag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagkakalooban ka ng Ama sa Langit ng impluwensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo na tutulong sa iyo na magtagumpay (tingnan sa 2 Nephi 33:1).
Ang mga ipinagkatiwala sa iyo ay mga anak ng Ama sa Langit, at alam Niya kung ano ang kailangan nila at kung paano sila pinakamainam na matutulungan. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, gagabayan ka ng Diyos habang naghahanda ka at habang nagtuturo ka. Ihahayag Niya sa iyo kung ano ang dapat mong sabihin at dapat mong gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5).
Sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay, ang mga natatanging batang ito ay patuloy na natututo ng impormasyon, bumubuo at naglilinang ng kanilang mga opinyon, at tumutuklas at nagbabahagi ng mga natuklasan nila. Ito ay lalong totoo sa ebanghelyo, sapagkat ang mga bata ay handa at sabik na matutuhan ang mga simpleng katotohanan nito. Ang kanilang pananampalataya sa mga espirituwal na bagay ay matibay at dalisay, at nakikita nila ang bawat sandali bilang isang pagkakataon na matuto. Handa silang gawin ang mga natututuhan nila, kahit na hindi pa kumpleto ang kanilang pang-unawa. Ganito dapat ang paraan nating lahat sa pangtanggap ng ebanghelyo. Tulad ng itinuro ni Jesus, “Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan” (Lucas 18:17).
Ang calling na magturo sa mga bata ay isang sagradong pagtitiwala, at normal lang na mahirapan ka kung minsan. Ngunit alalahanin na tinawag ka ng iyong Ama sa Langit, at hindi ka Niya pababayaan. Ito ay gawain ng Panginoon, at habang naglilingkod ka “na may buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 4:2), pag-iibayuhin Niya ang iyong mga kakayahan, kaloob at talento, at ang iyong paglilingkod ay magpapala sa buhay ng mga batang iyong tinuturuan.