Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin


“Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2: Naparito Kami upang Siya’y Sambahin,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Enero 14–20. Lucas 2; Mateo 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2019

mga Pantas na lalaking sakay ng mga kamelyo

Sambahin Natin Siya ni Dana Mario Wood

Enero 14–20

Lucas 2; Mateo 2

Naparito Kami upang Siya’y Sambahin

Magsimula sa pagbabasa ng Mateo 2 at Lucas 2. Makakatulong ang outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para maunawaan mo ang mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo.

Itala and Iyong mga Impresyon

sharing icon

Mag-anyayang Magbahagi

Sabihin sa mga bata na sabihin sa iyo kung ano ang naaalala nila tungkol sa pagsilang ni Cristo. Ano ang kanilang paboritong bahagi ng kuwento?

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Mga Batang Musmos

Lucas 2:1–14

Isinilang si Jesus.

Nilisan ni Jesus ang Kanyang tahanan kung saan kapiling Niya ang Ama sa Langit para isilang sa lupa upang maging ating Tagapagligtas. Paano mo matutulungan ang mga bata na maalala ang kuwento ng pagsilang ni Cristo?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sa pagbabasa mo ng kuwento ng pagsilang ni Cristo, sabihin sa mga bata na isadula nila ang kuwento o gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Tingnan din ang “Kabanata 5: Isinilang si Jesucristo,” Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 13–15.

  • Kung mayroon ka, magdala ng isang Nativity set o belen at sabihin sa mga bata na ilagay ang mga piraso sa tamang lugar habang ikinukuwento mo sa kanila ang pagsilang ni Jesucristo. Maaari ka ring magpakita ng larawan ng pagsilang ni Jesucristo (tingnan halimbawa ang outline para sa linggong ito ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ituro ang iba’t ibang tao sa Nativity at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa bawat tao.

  • Kantahin nang sabay-sabay ang mga paboritong kanta ng mga bata tungkol sa pagsilang ni Jesus. Sa paggawa nito, humanap ng mga pagkakataong magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at anyayahan ang mga bata na ibahagi kung bakit mahal nila si Jesus.

Mateo 2:1–12

Kaya kong magbigay ng mabubuting handog kay Jesus.

Binigyan ng mga Pantas na Lalaki ng kaloob na ginto, kamangyan, at mira si Jesus. Paano mo magagamit ang kuwentong ito para ituro sa mga bata na kaya rin nilang magbigay ng mga regalo kay Jesus—tulad ng pagmamahal, paglilingkod, at pagsunod?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Magpakita ng larawan ng mga Pantas na Lalaki habang nirerebyu ninyo ng mga bata ang kuwentong matatagpuan sa Mateo 2:1–12.  

  • Ibalot na parang regalo ang mga larawan o bagay na sumisimbolo sa mga regalong maaari nating ibagay kay Jesus. Sabihin sa mga bata na tulungan kang buksan ang mga regalo at talakayin kung paano nating ibinibigay ang mga regalong ito sa Tagapagligtas.

  • Tulungan ang bawat bata na gumuhit o isulat ang listahan ng mga regalong maibibigay nila kay Jesus, tulad ng “pagiging mabuting kaibigan” o “pananalangin.” Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang listahan sa klase at pumili ng isa na gagawin nila sa linggong ito.

Lucas 2:40–52

Minsa’y naging musmos si Jesus tulad ko.

Ang pag-aaral tungkol sa pagiging bata ng Tagapagligtas ay maaaring makatulong sa mga batang tinuturuan mo na maiugnay ang kanilang sarili sa Kanya. Tanungin ang mga bata kung ano ang maaari nilang matutuhan mula sa mga talatang ito tungkol sa kung paano sila maaaring maging katulad ni Jesus ngayon.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isa sa mga kabataan sa ward na bumisita sa klase at ibahagi ang kuwento tungkol kay Jesus na nagtuturo sa templo noong siya ay bata pa.

  • Malayo pa bago ang araw ng klase, hilingin sa ilang bata na magdala ng sarili nilang mga litrato noong sanggol pa sila para ibahagi sa klase. Itanong sa kanila kung paano sila lumaki. Ibahagi ang ilan sa mga paraan ng paglaki ni Jesus (tingnan sa Lucas 2:40, 52). Kantahin ninyo ng mga bata ang “Minsa’y Naging Musmos si Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 34, o isa pang awitin tungkol sa Tagapagligtas.

  • Basahin ang Lucas 2:52 at ipaliwanag ang kahulugan ng “karunungan” at “pangangatawan.” Maaari mong hilingin sa mga batang gumawa ng mga kilos na magpapakita ng kahulugan ng pag-unlad sa karunungan at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa ibang tao. Halimbawa, maaari silang umarte na nagbabasa ng isang aklat o tumutulong sa isang taong nangangailangan.

teaching icon

Ituro ang Doktrina

Nakatatandang mga Bata

Lucas 2:1–21; Mateo 2:1–2

Ipinropesiya ng mga sinaunang propeta ang pagsilang ng Tagapagligtas.

Inabangan ng mga propeta at mga mananampalataya sa loob ng maraming siglo ang pagsilang ng Tagapagligtas. Ang pag-unawa sa katotohanang ito ay makakatulong sa mga bata na magkaroon ng mas malalim na pagpapahalaga sa buhay at misyon ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi tungkol sa mga bagay na inaabangan nila, tulad ng isang birthday o holiday. Ipabasa sa mga bata ang Helaman 14:2–5 upang makita ang isang bagay na inaabangan ng mga propeta.

  • Sama-samang basahin ang ilang propesiya tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas (tingnan sa Isaias 7:14; 9:6; 1 Nephi 11:18; Helaman 14:5). Tulungan ang mga bata na ilista ang mga detalyeng nilalaman ng mga propesiyang ito at hanapin ang katuparan ng mga ito sa Lucas 2:1–21 at Mateo 2:1–2.

  • Sabihin sa mga bata na magdrowing ng isang larawan ng pagsilang ni Cristo at ibahagi kung bakit sila nagpapasalamat na isinilang si Jesus.

sina Maria, Jose, at Simeon kasama ng sanggol na si Jesus

Nagbigay-pitagan si Simeon sa Batang Cristo, ni Greg K. Olsen

Lucas 2:40, 52

Minsa’y naging musmos si Jesus tulad ko.

Tulad ni Jesus, ang mga batang tinuturuan mo ay may mahalagang misyong dapat paghandaan. Ano ang maaari nilang matutuhan mula sa halimbawa ni Jesus?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Sabihin sa mga bata na pakinggan ang mga bagay na ginawa ni Jesus habang binabasa mo ang Lucas 2:40, 52. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga paraan na sila ay lumago mula nang maliliit pa sila. Ibahagi ang iyong sariling karanasan sa pag-aaral ng ebanghelyo nang paunti-unti; pagkatapos ay ibigay ang iyong patotoo.

  • Gumawa ng mga aktibidad na nagpapakita ng mga parirala sa Lucas 2:40, 52. Halimbawa, maaari mong sukatin ang taas ng bawat bata (“lumalaki [si Jesus] sa … pangangatawan”) o ipabahagi ang kanilang paboritong banal na kasulatan (“lumakas [sa espiritu]”). Tulungan ang mga bata na gumawa ng isang talaan ng mga paraan na sila ay lumalaki at ibahagi ito sa kanilang pamilya.

  • Matapos pag-aralan ang Lucas 2:40, 52, sabihin sa mga bata na ibahagi kung ano sa palagay nila ang pagkatao ni Jesus noong Siya ay kaedad nila. Paano kaya Niya tinrato ang Kanyang ina? Ang Kanyang mga kapatid?

Lucas 2:41–52

Maaari kong tularan ang halimbawa ni Jesus.

Kahit binatilyo pa lamang, tinuruan ni Jesus ang matatanda sa templo. Tulad nito, ang mga bata sa iyong klase ay maraming maituturo sa mga nasa paligid nila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Anyayahan ang isang bata na maghandang ibuod ang kuwento sa Lucas 2:41–52. Upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang kuwento, ituro ang kahulugan ng “[gawain ng Ama]”. Halimbawa, maaari mong sabihin sa mga bata kung ano ang trabaho mo o ng iyong mga magulang. Ano ang naging trabaho o “gawain” ni Jose, ang tatay ni Jesus sa lupa? (tingnan sa Mateo 13:55). Ano ang gawain ng Kanyang Ama sa Langit? (tingnan sa Lucas 2:46–49; tingnan rin sa Moises 1:39).

  • Sama-sama ninyong basahin ng mga bata ang Lucas 2:46–49 at itanong, “Paano ginagawa ni Jesus ang ‘gawain ng Kanyang Ama’?” Tulungan ang mga batang ilista o idrowing sa pisara ang mga paraan na makakatulong sila sa gawain ng Ama sa Langit.

  • Upang matulungan ang mga bata na lumago ang kanilang tiwala sa sarili na maituturo rin nila ang ebanghelyo gaya ni Jesus noong Siya ay bata pa, tulungan silang magturo ng isang tuntunin mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.

learning icon

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Sabihin sa mga bata na ituro sa kanilang pamilya ang isang bagay na natutuhan nila tungkol sa pagsilang ni Cristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang mga bata ay mausisa at natututo sa maraming paraan. Nagiging masaya ang pag-aaral ng mga bata sa pamamagitan ng mga bago at iba’t ibang mga karanasan. Gamitin ang mga aktibidad na tumutulong sa kanilang kumilos, gamitin ang lahat ng kanilang mga pandama, magsiyasat, at sumubok ng mga bagong bagay. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25–26.)

activity page: Si Jesus sa sabsaban