“Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting
Mahal na mga Primary Presidency at Music Leader,
Ang mga awitin sa Primary ay mabisang kasangkapan upang matulungan ang mga bata na matutuhan ang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit at ang mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Habang kumakanta ang mga bata tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo, patotohanan ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga ito. Ang mga salita at musika ay mananatili sa puso’t isipan ng mga bata sa buong buhay nila.
Hangarin ang tulong ng Espiritu habang naghahanda kayong ituro ang ebanghelyo sa pamamagitan ng musika. Magpatotoo tungkol sa mga katotohanang kinakanta ninyo. Tulungan ang mga bata na makita kung paano nauugnay ang musika sa kanilang natututuhan at nararanasan sa tahanan at sa mga klase sa Primary. Ang mga bata at ang kanilang pamilya ay pagpapalain dahil sa inyong mapagmahal na mga pagsisikap.
Mahal namin kayo at ipinaaabot namin ang aming pasasalamat para sa tapat na paglilingkod na ibinibigay ninyo upang palakasin at protektahan ang pinakamamahal nating mga anak.
Ang Primary General Presidency
Mga Tagubilin para sa Oras ng Pag-awit
5 minuto (Primary presidency): Pambungad na panalangin, talata sa banal na kasulatan o saligan ng pananampalataya, at isang mensahe
20 minuto (music leader): Oras ng pag-awit
Pumipili ang Primary presidency at music leader ng mga awitin para sa bawat buwan upang pagtibayin ang mga alituntuning natututuhan ng mga bata sa kanilang mga klase at tahanan. Kasama sa gabay na ito ang isang listahan ng mga awiting nagpapatibay sa mga alituntuning ito. Ang mga awiting ito ay iminumungkahi rin sa mga outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary at Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.
Habang itinuturo mo ang mga awitin sa mga bata, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan na nila tungkol sa mga kuwento at alituntunin ng doktrina sa itinuturo mong mga awitin. Maaari mong rebyuhin ang mga outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary na pinag-aaralan ng mga bata sa kanilang mga klase. Tutulungan ka nitong malaman ang mga kuwento at alituntuning natututuhan nila para mapag-isipan mo kung paano susuportahan ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng musika.
Sa oras ng pag-awit, maaari mo ring rebyuhin ang mga awiting natutuhan na ng mga bata at ang mga awiting nasisiyahan silang kantahin. Habang nagrerebyu ka, anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga iniisip at nadarama tungkol sa mga katotohanang matatagpuan sa mga awitin.
Ang Aklat ng mga Awit Pambata ang pangunahing resource para sa musika sa Primary. Ang mga himno mula sa himnaryo at mga awitin mula sa Kaibigan o Liahona ay angkop din. Paminsan-minsan, maaaring kumanta ang mga bata ng mga awiting makabayan o pang-holiday na angkop sa araw ng Linggo at sa edad ng mga bata. Ang paggamit ng anupamang ibang musika sa Primary ay kailangang aprubahan ng bishopric (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 12.3.4, ChurchofJesusChrist.org).
Overview ng Primary
Bawat linggo, kabilang sa Primary ang:
-
Oras ng pag-awit:25 minuto
-
Paglipat:5 minuto
-
Mga klase:20 minuto
Maaaring hatiin ng mga lider ng mas malalaking grupo ng Primary ang mga bata sa dalawang grupo at ilagay ang isang grupo sa mga klase ng Primary samantalang ang isa pang grupo ay nasa oras ng pag-awit. Pagkatapos ay magpapalitan ng lugar ang dalawang grupo. Sa gayong mga pagkakataon, maaaring kailanganing baguhin ng mga lider ng Primary ang mga oras na makikita sa itaas para umakma sa kanilang sitwasyon.
Iminumungkahing Musika para sa Oras ng Pag-awit
Enero
-
“Ako ay Anak ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3
-
“Aking Ama’y Buhay,” Aklat ng mga Awit Pambata, 8.
-
“Sa Kanyang Pagbabalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47
Pebrero
-
“Propeta’y Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59 (taludtod 3)
-
“Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21
-
“Piliin ang Tama,” Mga Himno, blg. 145
Marso
-
“Mahalin ang Bawat Isa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 74
-
“Ama, Ako’y Tulungan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 52
-
“‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 116
Abril
-
“Manunubos ng Israel,” Mga Himno, blg. 5
-
“Si Jesus Ba ay Nagbangon?” Aklat ng mga Awit Pambata, 45
-
“Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69
Mayo
-
“Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” (music.ChurchofJesusChrist.org)
-
“Babasahin, Uunawain, at Mananalangin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 66
-
“Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99
Hunyo
-
“Ako’y Magiging Magiting,” Aklat ng mga Awit Pambata, 85
-
“Panalangin ng Isang Bata,” Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7
-
“Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41
Hulyo
-
“Ang Espiritu Santo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 56
-
“Aking Ama’y Buhay,” Aklat ng mga Awit Pambata, 8.
-
“Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99
Agosto
-
“Ang Manunubos Ko’y Buhay,” Mga Himno, blg. 77
-
“Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43
-
“Turuang Lumakad sa Liwanag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 70
Setyembre
-
“Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 83
-
“Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69
-
“Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” (music.ChurchofJesusChrist.org)
Oktubre
-
“Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43
-
“Sana Ako’y Makapagmisyon,” Aklat ng mga Awit Pambata, 91
-
“Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 98
Nobyembre
-
“Propeta’y Sundin,” Aklat ng mga Awit Pambata, 58–59 (taludtod 7)
-
“Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” Mga Himno, blg. 15
-
“Nais Kong Ipamuhay ang Ebanghelyo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 72
Disyembre
-
“Sa Kanyang Pagbabalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47
-
“Hanapin si Cristo Habang Bata,” Aklat ng mga Awit Pambata, 67
-
“Doon sa May Sabsaban,” Aklat ng mga Awit Pambata, 26–27
Paggamit ng Musika upang Maituro ang Doktrina
Ang oras ng pag-awit ay nilayon upang maipadama sa mga bata ang impluwensya ng Espiritu Santo habang natututuhan nila ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Ang sumusunod na mga ideya ay makapagbibigay sa iyo ng inspirasyon habang nagpaplano ka ng mga paraan upang maituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga himno at awitin sa Primary.
Basahin ang kaugnay na mga talata sa banal na kasulatan. Sa Aklat ng mga Awit Pambata at Mga Himno, kasama ang mga reperensyang nauugnay sa mga talata sa banal na kasulatan sa marami sa mga awitin at himno. Tulungan ang mga bata na basahin ang ilan sa mga siping ito, at pag-usapan kung paano nauugnay ang mga talata sa awitin. Maaari ka ring maglista sa pisara ng ilang reperensya sa banal na kasulatan at anyayahan ang mga bata na itugma ang bawat reperensya sa isang awitin o sa isang taludtod mula sa isang awitin.
Punan ang patlang. Isulat ang isang taludtod ng awitin sa pisara na hindi kasama ang ilang mahahalagang salita. Pagkatapos ay hilingin sa mga bata na kantahin ang awitin, na pinakikinggan ang mga salitang pupuno sa mga patlang. Habang pinupunan nila ang bawat patlang, talakayin kung anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang natututuhan nila mula sa nawawalang mga salita.
Gumamit ng mga siping-banggit mula sa mga pinuno ng Simbahan. Anyayahan ang mga bata na makinig sa isang siping-banggit mula sa isang pinuno ng Simbahan na nagtuturo ng alituntunin ng ebanghelyo na katulad ng nasa awitin ng Primary. Hilingin sa kanila na itaas ang kanilang kamay kapag nakarinig sila ng isang bagay na nagpapaunawa sa kanila ng katotohanang kinakanta nila. Hilingin sa kanila na ibahagi ang narinig nila.
Magpatotoo. Magbahagi ng maikling patotoo sa mga bata tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo na matatagpuan sa awitin ng Primary. Ipaunawa sa mga bata na ang pagkanta ay isang paraan na makapagpapatotoo sila at madarama nila ang Espiritu.
Tumayo bilang isang saksi. Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagtayo at pagbabahagi ng natututuhan nila mula sa awiting kinakanta nila o ng nadarama nila tungkol sa mga katotohanang itinuturo sa awitin. Itanong sa kanila kung ano ang nadarama nila habang kinakanta nila ang awitin, at tulungan silang makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo.
Gumamit ng mga larawan. Hilingin sa mga bata na tulungan kang maghanap o lumikha ng mga larawang tumutugma sa mahahalagang salita o parirala sa awitin. Anyayahan silang ibahagi kung paano nauugnay ang mga larawan sa awitin at kung ano ang itinuturo ng awitin. Halimbawa, kung itinuturo mo ang awiting “Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47), maaari kang maglagay ng mga larawan sa paligid ng silid na nagpapakita ng mahahalagang salita mula sa awitin (tulad ng anghel, taglamig, at bituin). Hilingin sa mga bata na tipunin ang mga larawan at itaas ang mga ito sa tamang pagkakasunud-sunod habang sama-sama ninyong kinakanta ang awitin.
Magbahagi ng isang object lesson. Maaari kang gumamit ng isang bagay para makahikayat ng talakayan tungkol sa isang awitin. Halimbawa, ang awiting “Hanapin si Cristo Habang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 67) ay tungkol sa paghahanap sa Panginoon. Maaari kang magtago ng isang larawan ng Tagapagligtas sa silid at anyayahan ang isang bata na hanapin iyon. Kapag natagpuan na ng bata ang larawan, talakayin ang mga bagay na ginawa niya para matagpuan iyon. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa mga bagay na binanggit sa awitin na magagawa natin para hanapin ang Panginoon.
Mag-anyayang magbahagi ng mga personal na karanasan. Tulungan ang mga bata na iugnay ang mga alituntuning itinuturo sa awitin sa mga karanasan nila sa mga alituntuning iyon. Halimbawa, bago kantahin ang “Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99), maaari mong hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang kamay kung nakakita na sila ng isang templo. Anyayahan silang isipin habang kumakanta sila kung ano ang nadarama nila kapag nakakakita sila ng isang templo.
Magtanong. Marami kang maaaring itanong habang kumakanta kayo. Halimbawa, maaari mong itanong sa mga bata kung ano ang natututuhan nila mula sa bawat taludtod sa awitin. Maaari mo ring hilingin sa kanila na mag-isip ng mga tanong na sinasagot ng awitin. Maaari itong humantong sa isang talakayan tungkol sa mga katotohanang itinuturo sa awitin.
Makinig para sa mga sagot. Hilingin sa mga bata na makinig para sa mga sagot sa mga tanong. Halimbawa, ang awiting “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21) ay naglalaman ng mga tanong at sagot. Maaari kang magtanong sa mga bata at sabihin sa kanila na makinig para sa mga sagot habang kumakanta sila.
Pagtulong sa mga Bata na Matutuhan at Maalala ang mga Awitin sa Primary at mga Himno
Natututuhan ng mga bata ang isang awitin sa pamamagitan ng pakikinig at pagkanta rito nang paulit-ulit. Palaging kantahin ang mga salita ng isang bagong awitin sa mga bata—huwag lamang basahin o bigkasin ang mga ito sa kanila. Nakakatulong ito para maiugnay ng mga bata ang himig sa mga salita. Matapos ituro ang isang awitin, rebyuhin ito sa iba-ibang masasayang paraan sa buong taon. Nasa ibaba ang ilang ideya upang matulungan ang mga bata na matutuhan at marebyu ang mga awitin.
Gumawa ng mga poster. Magdispley ng mga poster na may mga salita mula sa bawat taludtod o mga larawang kumakatawan sa mga salita. Habang kumakanta ang mga bata, takpan ang ilan sa mga salita o larawan hanggang sa makanta nila ang buong taludtod nang wala ang poster. Maaari mo ring anyayahan ang mga bata na tulungan kang gumawa ng mga poster.
Iparinig ang tono. Para matulungan ang mga bata na matutuhan ang himig ng isang awitin, itaas ang iyong kamay nang pahalang, at habang kinakanta mo ang mga salita, itaas ang kamay mo para ipahiwatig ang mas matataas na tono at ibaba ito para ipahiwatig ang mas mabababang tono.
Alingawngaw. Anyayahan ang mga bata na maging alingawngaw mo sa pamamagitan ng pag-uulit sa kinakanta mo. Kantahin sa mga bata ang isang maikling parirala o isang linya, at pagkatapos ay sabihin na kantahin nila ito sa iyo.
Gumamit ng pag-iiba-iba. Kantahin ang mga awitin sa iba-ibang paraan, tulad ng pagbulong, paghuni, pagpalakpak sa tiyempo, pag-iiba-iba ng bilis, o pagkanta habang nakaupo o nakatayo. Maaari ka ring gumawa ng isang cube na yari sa papel at, sa bawat panig ng cube, sumulat ng isang naiibang paraan ng pagkanta. Anyayahan ang isang bata na pagulungin ang cube upang malaman kung paano kakantahin ng mga bata ang awitin.
Kumanta nang grupu-grupo. Bigyan ang bawat klase o indibiduwal ng isang pariralang kakantahin habang nakatayo, at pagkatapos ay hayaan silang magpalitan ng mga parirala hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang bawat klase o indibiduwal na kantahin ang bawat parirala.
Igalaw ang mga kamay. Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng mga simpleng galaw ng mga kamay na tutulong sa kanila na matandaan ang mga salita at mensahe ng isang awitin. Halimbawa, kapag kinakanta ninyo ang “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11), maaari mong anyayahan ang mga bata na humalukipkip, yumuko, at ilagay ang kanilang kamay sa tapat ng kanilang puso habang kinakanta nila ang kaugnay na mga linya sa awitin.
Kumanta ang mga batang babae, kumanta ang mga batang lalaki. Magdrowing ng larawan ng isang batang lalaki at ng larawan ng isang batang babae, at idikit o iteyp ang mga larawan sa magkahiwalay na patpat. Habang nirerebyu ang isang awitin, itaas ang isa sa mga larawan para ipahiwatig kung sino ang dapat kumanta ng bahaging iyon ng awitin.
Pag-itsa sa basket. Maglagay ng mga basket o iba pang mga lalagyan na may numero sa harapan ng silid—mga lalagyan na kasindami ng mga taludtod ng isang partikular na awitin. Anyayahan ang isa sa mga bata na mag-itsa ng isang beanbag o nilukot na papel sa loob ng o malapit sa lalagyang may numero. Ipakanta sa mga bata ang taludtod na may numerong kapareho ng nasa lalagyan.
Itugma ang isang larawan sa isang parirala. Isulat ang bawat linya ng isang awitin sa ibang piraso ng papel, at maghanap ng isang larawan na kumakatawan sa bawat linya. Ilagay ang mga larawan sa isang panig ng silid at ang mga papel sa kabilang panig. Kantahin ang awitin, at hilingin sa mga bata na itugma ang mga larawan sa mga salita.
Mga Patnubay sa Pagtatanghal sa Sacrament Meeting
Sa ilalim ng patnubay ng bishop, ang pagtatanghal ng mga bata sa sacrament meeting ay karaniwang idinaraos sa ikaapat na kwarter ng taon. Bilang Primary presidency at music leader, planuhing magmiting nang maaga sa pagsisimula ng taon kasama ang tagapayo sa bishopric na namamahala sa Primary para masimulang talakayin ang mga plano para sa pagtatanghal. Kapag nakumpleto na ninyo ang mga plano, hingin ang kanyang pahintulot para sa mga ito.
Ang pagtatanghal ay dapat tulutan ang mga bata na itanghal ang natutuhan nila at ng kanilang pamilya mula sa Lumang Tipan sa tahanan at sa Primary, kabilang na ang mga awitin sa Primary na kinanta nila sa buong taon. Mapanalanging isipin kung aling mga alituntunin ng ebanghelyo at mga awitin ang sumusuporta sa natutuhan nila. Sa buong taon, itala ang mga mensahe at personal na karanasan ng mga bata na posibleng gamitin sa pagtatanghal. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan, kuwento, at patotoo nila sa pagtatanghal. Habang ipinaplano ninyo ang pagtatanghal, mag-isip ng mga paraan na matutulungan nito ang kongregasyon na magtuon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at sa Kanilang mga turo.
Ang mga unit na kakaunti ang mga bata ay maaaring mag-isip ng mga paraan kung paano makakalahok ang mga kapamilya na kasama ng kanilang mga anak. Maaaring tapusin ng isang miyembro ng bishopric ang miting sa maikling mensahe.
Habang inihahanda mo ang pagtatanghal, tandaan ang sumusunod na mga patnubay:
-
Hindi dapat gamitin sa pag-eensayo ang oras para sa klase ng Primary o sa pamilya kung hindi kailangan.
-
Ang mga larawan, costume, at media presentation ay hindi angkop para sa sacrament meeting.
Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 12.2.1.2, ChurchofJesusChrist.org.