“Disyembre 27–Enero 2. Moises 1; Abraham 3: ‘Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Disyembre 27–Enero 2. Moises 1; Abraham 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Disyembre 27–Enero 2
Moises 1; Abraham 3
“Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”
Habang binabasa mo ang sinabi ng Diyos kina Moises at Abraham, isipin kung ano ang maaari Niyang sabihin sa mga batang tinuturuan mo. Paano mo sila tutulungang madama ang Kanyang pagmamahal para sa kanila?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Kung minsan, ang isang awitin ay makatutulong sa mga bata na maalala ang natututuhan nila. Patugtugin o ihimig ang ilang nota ng “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3), at pahulaan sa mga bata ang awitin. Tulungan ang mga bata na isipin ang mga paraan na sila ay “[inaakay],” “[pinapatnubayan],” ng kanilang mga magulang at ng iba pa sa tamang daan.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ako ay anak ng Diyos.
Ano ang natutuhan mo mula sa Moises 1:1–4, 6 tungkol sa kaugnayan mo sa Ama sa Langit? Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan ang ibig sabihin ng maging isang anak ng Diyos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang sinabi ng Diyos kay Moises: “Ikaw ay aking anak” (Moises 1:4). Anyayahan ang isang bata na pumunta sa harapan ng silid, at hilingin sa mga bata na ulitin ninyo ang “[Pangalan ng bata], ikaw ay anak ng Diyos.” Ulitin ang kataga para sa bawat bata sa klase.
-
Magpakita ng ilang retrato ng mga bata, at itanong sa klase kung ang lahat ng mga bata ay anak ng Diyos. Bigyang-diin na ang bawat isa ay anak ng Diyos. Sabihin sa mga bata na maghalinhinan sa pagtingin sa salamin, at magpatotoo na sila rin ay mga anak ng Diyos.
-
Awitin ninyo ng mga bata ang “Ako ay Anak ng Diyos.” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3). Pakulayan sa kanila ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, at gamitin ito para marebyu ang mga katotohanang itinuturo ng awiting ito.
Namuhay ako sa piling ng Ama sa Langit bago ako isinilang.
Ang kaalaman tungkol sa ating premortal na buhay ay makahihikayat sa atin na magpasiya ayon sa mga walang-hanggang katotohanan. Habang pinag-aaralan mo ang Abraham 3:22–28, isipin kung paano mo maituturo sa mga bata ang tungkol sa kanilang walang-hanggang pagkakakilanlan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang “Bago Isinulat ang Lumang Tipan” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) para maituro sa mga bata ang tungkol sa premortal na buhay o buhay bago tayo isinilang. Pagkatapos, anyayahan ang mga bata na muling isalaysay sa iyo ang kuwento. Bakit tayo ipinadala ng Ama sa Langit dito sa lupa? Tulungan ang mga bata na tuklasin ang sagot habang binabasa mo sa kanila ang Abraham 3:25.
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa plano ng Diyos para sa atin (tulad ng “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” [Aklat ng mga Awit Pambata, 86–87]). Tulungan silang maunawaan ang mga walang-hanggang katotohanang itinuro sa mga titik ng awitin.
Nais ng Ama sa Langit na makapiling ko Siyang muli.
Paano napagpala ang iyong buhay ng mga katotohanan sa Moises 1:39? Ano ang magagawa mo para matulungan ang mga bata na maranasan din ang mga pagpapalang iyon?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyang-diin ang mga pariralang “ito ang aking gawain” at “buhay na walang-hanggan” sa Moises 1:39, at tulungan ang mga bata na ulitin ang mga parirala. Sabihin sa mga bata ang tungkol sa mga gawain mo araw-araw. Ituro sa kanila na ang gawain ng Ama sa Langit ay ang tulungan tayong magtamo ng buhay na walang-hanggan, na ang ibig sabihin ay maging katulad Niya at mamuhay muli sa piling Niya.
-
Anyayahan ang isang magulang na dumalo sa klase at magsalita tungkol sa nadarama niya kapag umuuwi ang isang anak na nalayo (halimbawa, kapag nasa paaralan o sa misyon), o ibahagi ang iyong mga nadama nang maranasan mo ang mga ito. Gamitin ang halimbawang ito para maituro sa mga bata kung gaano ninanais ng Ama sa Langit na makabalik tayo sa Kanyang piling.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Moises 1:4, 30, 37–39; Abraham 3:22–28
Ako ay anak ng Diyos, at gusto Niya akong tulungan na makabalik sa Kanya.
Ang Moises 1:4, 37–39 at Abraham 3:22–28 ay nagtuturo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos at sa Kanyang layunin sa pagpapadala sa atin sa lupa. Pag-isipang mabuti kung paano mo tutulungan ang mga bata na matutuhan ang mga katotohanang ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ninyo ng mga bata ang Moises 1:4, 37–39 at Abraham 3:24–25. Bigyan sila ng pagkakataong magtanong at magbahagi ng mga paboritong salita o parirala mula sa mga talatang ito. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Ama sa Langit? tungkol sa ating sarili?
-
Ipakita sa mga bata ang mga larawan ng ilan sa maraming nilikha ng Ama sa Langit. Basahin ang Moises 1:30, at ipaliwanag na itinanong ni Moises sa Diyos ang tungkol sa layunin ng mga nilikhang ito. Tulungan ang mga bata na hanapin sa talata 39 ang sagot ng Diyos. Magpatotoo na ang layunin ng Diyos ay tulungan ang bawat bata na magkaroon ng buhay na walang-hanggan.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan kailangan nilang pumili na gawin o hindi “ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25). Anyayahan sila na magpraktis o talakayin ang mga posibleng tugon sa mga sitwasyong iyon. Paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas kapag gumagawa tayo ng maling pagpili?
Malalabanan ko ang mga tukso ni Satanas.
Habang pinag-aaralan mo ang Moises 1:12–26, alamin ang mga bagay na ginawa ni Moises pala mapaglabanan si Satanas. Paano makakatulong sa mga bata ang halimbawa ni Moises kapag nahaharap sila sa mga tukso?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ibuod ang karanasan ni Moises sa Moises 1:12–26 sa sarili mong mga salita, o hilingin sa isa sa mga bata na ibuod ito. Anyayahan ang mga bata na saliksikin ang mga talatang ito upang malaman kung paano nadaig ni Moises si Satanas. (Kung kailangan nila ng tulong, ituro sa kanila ang mga talata 13, 15, 18, 20–22, 26.)
6:34 -
Magdala ng isang kahon ng kagamitan (o mga larawan ng mga kagamitan), at lagyan ang bawat kagamitan ng pangalan ng isang paraan para malabanan natin ang tukso (tulad ng pagdarasal, pagkanta ng himno, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at paglilingkod sa iba). Hilingin sa bawat bata na kumuha ng isang kagamitan at magbahagi ng isang sitwasyon kung saan ang gawaing nakasulat sa kagamitan ay makatutulong sa atin na mapaglabanan ang tukso. Sama-samang basahin ang mga talata 25–26, at magpatotoo na tutulungan tayo ng Diyos kapag nahaharap tayo sa tukso.
Namuhay ako sa piling ng Ama sa Langit bago ako isinilang.
Ang mga talatang naglalarawan sa pangitain ni Abraham tungkol sa buhay bago tayo isinilang ay makakatulong sa mga bata na sagutin ang mga tanong na “Saan ako nanggaling?” at “Bakit ako naririto?” Paano mo sila matutulungang mahanap ang mga sagot?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sa pisara, isulat ang mga tanong na may kaugnayan sa Abraham 3:22–28, tulad ng Ano ang nangyari sa ating buhay bago tayo isilang? Sino ang naroon? Bakit nilikha ang mundo? Anyayahan ang mga bata na basahin ang mga talatang ito para mahanap ang mga sagot.
-
Kung may bagong silang na sanggol sa ward, anyayahan ang mga magulang na dalhin ito sa klase at ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa pagtanggap sa batang ito sa mundo. (Maaari ka ring magpakita ng larawan ng isang bagong silang na sanggol.) Pag-usapan ninyo ng mga bata kung nasaan ang espiritu ng sanggol na ito bago siya isinilang sa mundo. Bakit mahalaga para sa sanggol na ito na malaman na siya ay anak ng Diyos?
-
Kumanta ng mga awitin tungkol sa plano ng Diyos para sa atin, tulad ng “Aking Ama’y Buhay” o “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 8, 86–87). Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan na tutugma sa mga titik ng awitin. Hayaan silang gamitin ang kanilang mga larawan para ituro sa isa’t isa ang mga katotohanan mula sa mga awitin.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Mag-isip ng mga paraan para mahikayat, masuportahan, o mapagtibay ng pag-aaral na nangyari sa inyong klase sa Primary ang pag-aaral na nangyayari sa bahay ng mga bata. Halimbawa, maaari mong anyayahan ang mga bata na ipakita ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito sa kanilang pamilya.