“Enero 10–16. Genesis 3–4; Moises 4–5: Ang Pagkahulog nina Eva at Adan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Enero 10–16. Genesis 3–4; Moises 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Enero 10–16
Genesis 3–4; Moises 4–5
Ang Pagkahulog nina Eva at Adan
Isipin ang mga batang tinuturuan mo habang pinag-aaralan mo ang Genesis 3–4 at Moises 4–5. Bigyang-pansin ang mga pahiwatig at impresyong natatanggap mo; maaaring akayin ka ng mga ito sa mga bagong ideya sa pagtuturo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Ipakita ang larawan nina Eva at Adan (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at hilingin sa mga bata na tumayo at magbahagi ng isang bagay na nakikita nila sa larawan o naaalala nila sa kuwento.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Sinunod nina Eva at Adan ang plano ng Ama sa Langit.
Tulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang nangyari sa Halamanan ng Eden at kung paano ito nakatulong na matupad ang plano ng kaligtasan ng Diyos. Anong mga pagpapala ang mayroon tayo dahil sa mga pagpiling ginawa nina Eva at Adan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Para maibuod ang kuwento tungkol sa Pagkahulog nina Eva at Adan, gamitin ang “Sina Adan at Eba” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang pagpili nina Eva at Adan na kumain ng bunga ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit.
-
Bigyan ang bawat bata ng larawan na kumakatawan sa isang bagay mula sa kuwento nina Eva at Adan (tulad ng isang puno, ahas, hardin, o si Jesucristo). Hilingin sa kanila na itaas ang kanilang larawan sa tamang pagkakataon habang isinasalaysay mo ang kuwento at binabasa ang mga parirala sa Moises 4. Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay maaaring makatulong.
Kaya kong piliin ang tama.
Sa Moises 4:3, nalaman natin na si Satanas ay “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya.” Paano mo matutulungan ang mga bata na pahalagahan ang kakayahang pumili ng tama o mali?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sabihin sa mga bata ang tungkol sa ilang mga pasiyang ginawa mo ngayong araw, at tulungan mo silang isipin ang tungkol sa mga pagpiling ginawa nila. Basahin sa kanila ang Moises 4:3: “Ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya.” Ipaliwanag na itinuturo sa atin ng talatang ito na binigyan tayo ng Diyos ng kakayahang pumili. Ipahayag ang iyong pasasalamat para sa kakayahan mong piliin ang tama, at patotohanan na kaya rin ng mga bata na piliing gawin ang tama.
-
Magbahagi ng ilang simpleng halimbawa ng isang bata na gumagawa ng tama o maling pagpili, at hilingin sa mga bata na ipakita kung ang pasiya ay tama o mali (maaari silang tumayo, magtaas ng mga karatula, o magtaas ng kanilang mga kamay). Magpatotoo na tutulungan tayo ng Ama sa Langit na piliin ang tama, at anyayahan ang mga bata na ibahagi rin ang kanilang nadarama.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mabubuting pasiya na magagawa nila para sundin si Jesucristo. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa paggawa ng mabubuting pagpili, tulad ng “Piliin ang Tamang Landas” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82). Ikuwento sa mga bata ang isang pagkakataon nang gumawa ka ng isang mabuting pagpili, at ilarawan kung ano ang naging pakiramdam mo dahil sa pinili mo.
Kaya Kong Manalangin sa Ama sa Langit.
Ano ang kailangang malaman ng mga batang tinuturuan mo tungkol sa panalangin? Ano ang nakikita mo sa mga talatang ito na makatutulong sa kanila?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Moises 5:4 sa mga bata. Tulungan silang maunawaan na noong nilisan nina Eva at Adan ang Halamanan ng Eden, hindi na nila maaaring makapiling ang Ama sa Langit, ngunit maaari silang magdasal sa Kanya. Ipaliwanag na nananalangin tayo sa Ama sa Langit sa pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa Moises 5:8). Ano ang ilang bagay na maaari nating sabihin sa Ama sa Langit sa ating mga panalangin?
-
Hilingin sa mga bata na ipakita sa iyo kung ano ang ginagawa nila kapag nagdarasal sila. Maaari ka ring magpakita ng larawan ng isang taong nagdarasal (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 111–12) para maituro sa mga bata na ang pagyuko ng ating ulo, paghalukipkip ng ating mga kamay, at pagpikit ng ating mga mata ay tumutulong sa atin na maging mapitagan kapag nananalangin tayo.
-
Ibahagi ang isang personal na karanasan sa panalangin o ang iyong patotoo tungkol sa panalangin. Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa panalangin, tulad ng “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7).
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Pagkahulog nina Eva at Adan ay bahagi ng plano ng Diyos.
Kung nanatili sina Eva at Adan sa Halamanan ng Eden, sila ay hindi sana nagkaroon ng mga anak at hindi umunlad upang maging katulad ng Ama sa Langit. Nagpapasalamat tayo sa pagpili nilang kainin ang bunga dahil naging posible ang ating mortal na buhay at ang ating oportunidad sa buhay na walang-hanggan dahil sa pagpiling ito.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magtulungan para ikuwento ang tungkol sa Pagkahulog nina Eva at Adan sa kanilang mga sariling salita. Ibahagi ang mga talata mula sa Genesis 3 na makatutulong sa kanila.
-
Tulungan ang mga bata na hanapin sa Moises 4:22–25, 29; 5:10–11 ang mga resulta ng pagkain nina Eva at Adan ng bunga (tingnan din sa 2 Nephi 2:19–25). Bakit isang pagpapala sa atin ang kanilang pagpili? Paano tayo tinulungan ng Tagapagligtas na madaig ang kasalanan at kamatayan?
Mayroon akong kapangyarihang pumili.
Nauunawaan ba ng mga batang tinuturuan mo na isang napakahalagang kaloob ang kakayahang pumili sa pagitan ng tama at mali? Paano sila matutulungan ng kuwento nina Eva at Adan na pahalagahan ang kaloob na ito?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Maaari mong gawin ang isang simpleng object lesson (paggamit ng mga bagay upang ituro ang mga abstract na ideya) tulad ng sumusunod para maipakita ang kahalagahan ng paggawa ng sarili nating pagpili: Anyayahan ang mga bata na kulayan ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito, ngunit bigyan lamang sila ng iisang kulay. Bakit mas magandang mayroong mga pagpipilian sa sitwasyong ito? Sama-samang basahin ang Moises 4:1–4 para pag-usapan kung bakit ang mga pagpili ay mahalaga sa plano ng Diyos.
-
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang personal na karanasan noong kailangan nilang pumili sa pagitan ng tama at mali. Ipatalakay sa kanila ang mga maaaring ibunga ng bawat pagpili.
Dahil kay Jesucristo, maaari akong magsisi at muling makapiling ang Diyos.
Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo upang iligtas tayo mula sa mga bunga ng Pagkahulog. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ginawang posible ni Jesus na tayo ay mabuhay na mag-uli matapos tayong mamatay at mapatawad sa ating mga kasalanan kapag tayo ay nagsisisi.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Isulat sa pisara ang dalawang pamagat: Dahil kina Eva at Adan at Dahil kay Jesucristo. Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga bunga ng Pagkahulog habang sama-sama ninyong binabasa ang Moises 4:25; 6:48; Mga Taga Roma 5:12; 2 Nephi 2:22–23. Ipasulat sa kanila ang natutuhan nila sa ilalim ng unang pamagat. Pagkatapos ay tulungan silang tukuyin kung paano nadaig ni Jesucristo ang kasalanan at kamatayan habang sama-sama ninyong binabasa ang Moises 5:8–11, 14–15; 6:59; Alma 11:42. Ipasulat sa kanila ang natutuhan nila sa ilalim ng pangalawang pamagat. Bakit tayo nagpapasalamat kay Jesucristo?
-
Magpalabas ng isang video tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, tulad sa “Because of Him” (ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol kay Jesucristo.
2:3 -
Ilang araw bago sumapit ang Linggo, hilingin sa ilang bata na pumili ng isang banal na kasulatan o awitin tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na ibabahagi nila sa klase. Hikayatin silang sabihin kung bakit gusto nila ito. Sama-samang kumanta ng isa o higit pang awitin.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito at ang mga pagpapalang napasaatin dahil sa Pagkahulog nina Eva at Adan.