Lumang Tipan 2022
Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6: “Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak”


“Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6: ‘Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Enero 17–23. Genesis 5; Moises 6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

sina Eva at Adan sa labas ng Halamanan ng Eden

Better than Paradise [Mas Mainam kaysa sa Paraiso], ni Kendal Ray Johnson

Enero 17–23

Genesis 5; Moises 6

“Malayang Ituro ang mga Bagay na Ito sa Iyong mga Anak”

Ang iyong paghahandang magturo ay nagsisimula habang pinag-aaralan mo ang Genesis 5 at Moises 6. Habang ginagawa mo ito, pakinggan ang mga impresyon mula sa Espiritu Santo kung ano ang kailangang matutuhan ng mga bata.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isulat sa mga piraso ng papel ang ilang mahahalagang salita na maaaring makatulong sa mga bata na alalahanin ang isang bagay na natutuhan nila sa bahay ngayong linggo o sa nakaraang lesson sa Primary. Sabihin sa mga bata na maghalinhinan sa pagbunot ng mga salita nang hindi tumitingin. Pagkatapos makabunot ng isang salita, anyayahan ang sinuman sa mga bata na magbahagi ng isang bagay na natutuhan nila na may kaugnayan sa salitang iyon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Moises 6:27, 31–34

Matutulungan ako ng Diyos na gawin ang mahihirap na bagay.

Nang si Enoc ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo, nag-alala siya na siya ay mabibigo. Ngunit tinulungan siya ng Diyos na makagawa ng mga dakilang bagay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang pagkakataon nang sila ay hinilingang gawin ang isang bagay na mahirap o nakakatakot para sa kanila. Ibahagi ang kuwento ni Enoc nang tawagin siya na maging isang propeta, na matatagpuan sa Moises 6:27, 31–34 (tingnan din sa “Si Enoc,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Bigyang-diin na kahit na sa tingin ni Enoc ay hindi siya handang maging isang propeta, nangako ang Diyos na tutulungan Niya siya. Tulungan ang mga bata na maunawaan ang ilang paraan na tinutulungan tayo ng Diyos kapag tayo ay inuutusang gawin ang mahihirap na bagay.

  • Magbahagi ng ilang halimbawa sa mga banal na kasulatan nang tinulungan ng Diyos ang tao na gawin ang mahihirap na bagay—halimbawa, sa pagbuo ni Noe ng arka, sa paglaban ni David kay Goliath, sa pagtatanggol ni Ammon sa mga kawan ng tupa ng hari, o sa pangangaral ni Samuel na Lamanita. (Para sa mga larawan at reperensya sa mga banal na kasulatan, tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 7, 19, 78, 81) Magbahagi ng isang karanasan nang tinulungan ka ng Panginoon na gawin ang isang bagay na mahirap.

Moises 6:52

Itinuturo ng ebanghelyo sa akin kung paano makabalik sa Ama sa Langit.

Itinuro ng Diyos kay Adan kung ano ang kailangan nating gawin para makabalik sa Kanya—sumampalataya, magsisi, magpabinyag, at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Paano mo matutulungan ang mga bata na matuto pa ng tungkol sa mga bagay na ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Humanap o magdrowing ng mga larawang kakatawan sa pananampalataya, pagsisisi, binyag, at sa kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Ilagay ang mga larawan sa isang linya na patungo sa larawan ni Jesucristo. Basahin ang Moises 6:52 sa mga bata, at hilingin sa kanila na tumayo sa tabi ng tamang larawan kapag narinig nila ang mga salita na ipinapakita sa larawan (sa talatang ito, ang salitang “naniniwala” ay ginamit para sa “pananampalataya”).

  • Kumanta ng mga awitin na nagtuturo ng mga alituntunin sa Moises 6:52, gaya ng “Pananalig,” “Ama, Ako’y Tulungan” (talata 2), “Sa Aking Pagkabinyag” at “Ang Espiritu Santo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 50–51, 52, 53, 56). Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang paggawa ng mga bagay na itinuturo sa mga awitin ay tutulong sa atin na makabalik sa Ama sa Langit.

Moises 6:58

Nais ng Ama sa Langit na turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

Magmula sa panahon nina Eva at Adan, ang mga magulang ay inutusan nang ituro sa kanilang mga anak ang ebanghelyo. Paano mo mahihikayat ang mga bata na pakinggan at sundin ang mabubuting turo ng kanilang mga magulang?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Moises 6:58 sa mga bata, at ipakita ang larawan ng pamilya nina Eva at Adan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Tulungan ang mga bata na ulitin ang pariralang “malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak.” Ipaliwanag na nais ng Diyos na sundin ng lahat ng mga magulang ang halimbawa nina Eva at Adan sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Itanong sa mga bata kung ano ang maaari nilang gawin kapag tinuturuan sila ng kanilang mga magulang o ng ibang tao.

  • Tulungan ang mga bata na itugma ang mga larawan ng kanilang sarili sa mga larawan ng kanilang mga magulang o ang mga larawan ng mga anak ng hayop sa matatandang hayop. Paano tinutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak? Ano ang itinuturo nila sa kanila? Hilingin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang pamilya kung saan tinuturuan ng mga magulang ang mga anak, tulad ng sama-samang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal nang magkakasama, o pagkain nang sabay-sabay.

    pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

    Dapat ituro ng mga magulang ang ebanghelyo sa kanilang mga anak.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Moises 6:26–34

Matutulungan ako ng Ama sa Langit na gawin ang mahihirap na bagay.

Kahit na sa pakiramdam ni Enoc ay hindi siya sapat, tinulungan siya ng Diyos sa kanyang tungkulin bilang isang propeta. Ang Diyos ay makatutulong din sa mga batang tinuturuan mo na magawa ang mahihirap na bagay.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Moises 6:26–34. Bakit naramdaman ni Enoc na hindi niya kayang mangaral ng ebanghelyo? (tingnan sa Moises 6:31). Paano tinulungan ng Diyos si Enoc? (tingnan sa Moises 6:32–34; 7:13).

  • Anyayahan ang mga bata na magbanggit ng ilang mahihirap na bagay na ginagawa kung minsan ng batang kaedad nila (tulad ng pagkumpleto ng takdang-aralin sa paaralan, pagiging mabait sa mga taong hindi mabait, o pagsasabi ng totoo kapag nakagawa sila ng pagkakamali). Tulungan ang mga bata na humanap ng mga parirala sa Moises 6:32–34 na makatutulong sa kanila. Hilingin sa mga bata na ibahagi ang isang pagkakataon na tinulungan sila ng Diyos na gawin ang isang mahirap na bagay. Magbahagi ka rin ng sarili mong mga karanasan.

Moises 6:50–62

Ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo ay naghahanda sa akin na makabalik sa Diyos.

Itinuro nina Adan at Enoc sa kanilang mga tao ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo: pananampalataya, pagsisisi, binyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4). Ano ang magagawa mo para matulungan ang mga bata na maunawaan ang kahalagahan ng mga alituntunin at ordenansa sa kanilang buhay?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa mga bata na basahin ang Moises 6:52, 57 para mahanap ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo na binanggit sa ikaapat na saligan ng pananampalataya.

  • Isulat ang ikaapat na saligan ng pananampalataya sa pisara, at anyayahan ang mga bata na basahin ito. Pagkatapos ay burahin ang isa o dalawang salita, at hilingin sa kanila na basahin itong muli, na pinupunan ang mga nawawalang salita ng mga nakabisado nila. Ulitin ang prosesong ito hanggang sa matutuhan ng mga bata ang saligan ng pananampalataya.

  • Anyayahan ang mga bata na sumulat ng isang maikling mensahe tungkol sa pananampalataya, pagsisisi, binyag, o pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo—isang mensahe na maaari nilang ibahagi sa kanilang pamilya. Maaaring isama sa bawat mensahe ang isang banal na kasulatan, karanasan, at patotoo. Maaari ring ipaliwanag sa mensahe kung paano tayo natutulungan ng alituntunin na makabalik sa Ama sa Langit.

Moises 6:57–58

Responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak.

Ipinagkatiwala ng Diyos sa mga magulang na maging mga pangunahing tagapagturo ng ebanghelyo sa kanilang pamilya. Paano mo mahihikayat ang mga bata na suportahan ang kanilang mga magulang sa tungkuling ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hilingin sa isang bata na basahin ang Moises 6:58. Anong kautusan ang ibinigay ng Ama sa Langit sa mga magulang sa talatang ito? Ipakita ang larawan nina Eva at Adan na nagtuturo sa kanilang mga anak (tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya), at hilingin sa mga bata na ibahagi kung ano ang nakikita nila sa larawan. Hikayatin silang ibahagi ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo na natutuhan nila mula sa kanilang mga pamilya.

  • Tulungan ang mga bata na magsulat ng maiikling mensahe ng pasasalamat sa kanilang mga magulang o magplano ng iba pang mga simpleng paraan para maipahayag nila ang pagpapahalaga sa kanilang mga magulang. Kumanta ng isang awitin tungkol sa pamilya, tulad ng “Dito ay May Pag-ibig” (Aklat ng mga Awit Pambata, 102–03). Paano natin matutulungan ang ating mga magulang na lumikha ng isang kapaligirang puspos ng pagmamahal sa ating mga tahanan?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Paano mo matutulungan ang mga bata na ipagpatuloy ang pag-aaral sa labas ng klase? Maaari mo silang hikayatin na alalahanin ang kuwento ni Enoc kapag naharap sila sa isang mahirap na bagay sa linggong ito.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gamitin ang mga pahina ng aktibidad. Habang ang mga bata ay nagkukulay ng mga pahina ng aktibidad, rebyuhin ang mga alituntunin mula sa aralin. Basahin sa mga bata ang mga salita sa pahina kung kinakailangan.