Lumang Tipan 2022
Enero 3–9. Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5: “Nang Pasimula, Nilikha ng Dios ang Langit at ang Lupa”


“Enero 3–9. Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5: ‘Nang Pasimula, Nilikha ng Dios ang Langit at ang Lupa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Enero 3–9. Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

larawan ng mundo at buwan

Enero 3–9

Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5

“Nang Pasimula, Nilikha ng Dios ang Langit at ang Lupa”

Habang pinag-aaralan mo ang Genesis 1–2, Moises 2–3, at Abraham 4–5, isipin ang mga batang tinuturuan mo, at pagnilayan kung anong mga katotohanan ang matutulungan mong maunawaan nila sa mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang bagay na nilikha ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na ipinagpapasalamat nila. Maaaring makapagbigay sa kanila ng mga ideya ang mga larawan mula sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Moises 2

Nilikha ni Jesus ang mundo.

Ang kaalaman tungkol sa paglikha ay makatutulong sa mga bata na madama ang pagmamahal ng Diyos at madagdagan ang kanilang pagpapahalaga sa mundo. Paano mo gagawing nakahihikayat ang pag-aaral tungkol sa Paglikha?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang mga larawan ng mga bagay na kumakatawan sa iba’t ibang yugto ng Paglikha (tulad ng inilarawan sa Moises 2; tingnan din sa “Ginawa ni Jesus ang Mundo,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan), at tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga galaw na tutugma sa mga larawan. Halimbawa, maaari nilang ikuyom ang kanilang kamao para kumatawan sa tuyong lupa o igalaw ang kanilang mga braso na parang mga alon ng tubig (tingnan sa Moises 2:9–10). Magpatotoo na nilikha ni Jesucristo ang mga bagay na ito dahil tayo ay mahal Niya at ng Ama sa Langit.

  • Kumanta ng isang awitin tungkol sa mga bagay na nilikha ni Jesucristo para sa atin, tulad ng “Kayganda ng Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 123). Hilingin sa mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mga nilikha na inilarawan sa awitin.

    kubrekamang nagpapakita ng iba’t ibang yugto ng paglikha

    Creation [Paglikha], ni Joan Hibbert Durtschi

Moises 2:26–27

Ako ay nilikha sa larawan ng Diyos.

Kapag nauunawaan ng mga bata na sila ay nilikha sa larawan ng Diyos, sila ay maaaring magkaroon ng pagpipitagan at paggalang sa katawan nila at sa katawan ng ibang tao.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na sabihin nang ilang ulit ang “Ako, ang Diyos, ay lumalang ng tao ayon sa aking sariling larawan” (Moises 2:27). Ipaliwanag na nilikha ng Ama sa Langit ang ating katawan ayon sa Kanyang larawan. Anyayahan ang mga bata na ituro ang mga bahagi ng kanilang katawan habang pinapangalanan mo ang mga ito, o kantahin ang isang awitin tungkol sa ating katawan, tulad ng “Ulo, Balikat, Tuhod at Paa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 129).

  • Anyayahan ang mga bata na iarte ang mga bagay na magagawa nila sa kanilang mga katawan, habang hinuhulaan ng ibang mga bata ang ginagawa nila. Anyayahan ang mga bata na magbahagi kung bakit sila nagpapasalamat para sa kanilang katawan.

  • Gumawa ng outline ng katawan sa papel, at gawin itong isang puzzle sa pamamagitan ng paggupit-gupit nito. Ipamahagi ang mga bahagi, at sabihin sa mga bata na magtulungan sa pagtutugma ng mga bahagi para mabuo ang katawan. Hilingin sa mga bata na ipakita ang mga bagay na kaya nilang gawin gamit ang bawat bahagi. Ibahagi ang iyong patotoo na ang ating katawan ay nilikha sa larawan ng Diyos.

Moises 3:2–3

Ang araw ng Sabbath ay banal.

Ang mga bata na nakaugaliang panatilihing banal ang araw ng Sabbath noong bata pa sila ay mas malamang na sumunod sa utos na ito kapag ang buhay ay naging mas abala at mas mahirap.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Moises 3:2–3, at hilingin sa mga bata na pakinggan kung ano ang ginawa ng Diyos sa ikapitong araw. Magdala ng mga larawan (o gumawa ng mga simpleng drowing) ng mga bagay na ginagawa natin sa araw ng Linggo para gawin itong banal na araw at ng mga bagay na ginagawa natin sa ibang mga araw. Sabihin sa mga bata na ayusin ang mga larawan sa dalawang pangkat, isa para sa araw ng Linggo at isa para sa iba pang mga araw. Magpatotoo kung bakit mahalagang panatilihing banal ang araw ng Sabbath.

  • Ilang araw bago ang klase, anyayahan ang isa sa mga bata at ang kanyang mga magulang na dumalo sa klase na handang magbahagi ng mga bagay na ginagawa nila sa kanilang pamilya para panatilihing banal ang araw ng Sabbath. Anyayahan ang ibang mga bata na ibahagi kung ano ang ginagawa ng kanilang pamilya.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Moises 2

Nilikha ni Jesucristo ang mundo sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit.

Maaari mong gamitin ang Moises 2 para matulungan ang mga bata na makita na sadyang nilikha ang mundo bilang bahagi ng plano ng Diyos. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, anong mga ideya ang pumapasok sa isipan mo na makatutulong na palakasin ang patotoo ng mga bata tungkol sa Paglikha?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagkakataon na gumawa sila ng isang bagay sa pamamagitan ng pagsunod sa tagubilin ng ibang tao. Halimbawa, siguro’y nakagawa na sila ng isang resipe habang ginagabayan sila ng isang magulang o kapatid. Isulat ang Sino ang lumikha ng mundo? sa pisara, at sabihin sa mga bata na hanapin ang kasagutan sa Moises 2:1. Magpatotoo na nilikha ni Jesucristo ang mundo sa ilalim ng pamamahala ng Ama sa Langit.

  • Iatas sa bawat bata ang mga talata sa Moises 2 na may kaugnayan sa isa sa mga araw ng paglikha, at hilingin sa kanila na magdrowing ng larawan ng mga bagay na nilikha ng Ama sa Langit at ni Jesus noong araw na iyon. Hilingin sa mga bata na hawakan ang kanilang mga larawan at tumayo ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga araw ng Paglikha, at pagkatapos ay anyayahan ang bawat bata na ituro sa iba pang mga bata kung ano ang nangyari sa araw na iniatas sa kanila. Ano ang natutuhan natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa kuwento ng Paglikha?

Moises 2:26–27

Sina Eva at Adan ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos.

Ang mundo ay magbibigay sa mga bata ng maraming maling mensahe tungkol sa kanilang katawan. Ang doktrina sa Moises 2:26–27 ay isang mabisang panghihikayat para igalang at pangalagaan ang ating katawan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Basahin ang Moises 2:26–27. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa ating katawan? Maglaro ng “Ang Iyong Katawan ay Isang Templo” (Kaibigan, Ago. 2019, K12–13). Maaari din ninyong basahin nang sama-sama ang mga kaugnay na sipi mula sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Ang Inyong Katawan: Isang Kagila-gilalas na Kaloob na Dapat Pahalagahan” (Liahona, Ago. 2019, 50–55) na tutulong sa mga bata na makadama ng pasasalamat sa Ama sa Langit para sa kanilang mga katawan.

    2:46
  • Magdrowing sa pisara ng isang hugis ng katawan, at anyayahan ang mga bata na pumili ng isang bahagi ng katawan at isulat sa tabi nito kung bakit sila nagpapasalamat para rito. Ipahayag ang iyong pasasalamat para sa iyong katawan, at magpatotoo na tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos.

Genesis 2:2–3

Ang araw ng Sabbath ay banal.

Maaaring kailangang ipaliwanag ng mga bata sa kanilang mga kaibigan kung bakit itinuturing nila ang Linggo na naiiba sa ibang mga araw. Itinuturo sa Genesis 2:2–3 kung bakit ang araw ng Sabbath ay isang banal na araw. Ano ang magagawa mo para matulungan ang mga bata na mas maunawaan at maipaliwanag ang tungkol sa doktrinang ito?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Paano nagpapakita ng ating pagmamahal at paggalang sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath? Tulungan ang mga bata na isadula ang mga sitwasyon kung saan ipinapaliwanag nila sa isang kaibigan kung bakit nila pinipiling gawin ang mga bagay sa araw ng Linggo na nagpapakita ng paggalang sa Ama sa Langit at kay Jesus. Imungkahi na gamitin nila ang Genesis 2:2–3 sa kanilang mga paliwanag.

  • Bigyan ang mga bata ng ilang minuto para isulat nila ang mga bagay na maiisip nila na maaari nilang gawin para gawing banal ang araw ng Sabbath. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang mga listahan, at hikayatin silang dagdagan ang kanilang listahan habang nagbabahagi ang iba ng mga mungkahi na hindi pa nila naiisip. Imungkahi sa mga bata na iuwi nila ang mga listahan at sumangguni rito kapag kailangan nila ng mga ideya tungkol sa mabubuting bagay na magagawa nila sa araw ng Sabbath.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Tulungan ang mga bata na isipin kung paano nila magagawa kasama ng kanilang pamilya ang isang aktibidad na katulad ng ginawa ninyo sa klase. Maaari mo silang tulungang sumulat ng isang maikling mensahe para mapaalalahanan nila ang kanilang sarili.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga bata na maipahayag ang kanilang pagkamalikhain. Kapag ang mga bata ay bumubuo, nagdodrowing, o nagkukulay ng isang bagay na may kaugnayan sa kuwento o alituntuning natututuhan nila, madalas na mas naaalala nila ito. Hikayatin silang gamitin ang kanilang mga nilikha para turuan ang kanilang pamilya. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25.)