“Enero 3–9. Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5: ‘Nang Pasimula ay Nilikha ng Dios ang Langit at ang Lupa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Enero 3–9. Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Enero 3–9
Genesis 1–2; Moises 2–3; Abraham 4–5
“Nang Pasimula ay Nilikha ng Dios ang Langit at ang Lupa”
Kahit nabasa mo na ang tungkol sa Paglikha, palaging marami pang matututuhan mula sa mga banal na kasulatan. Ipagdasal na patnubayan ka ng Espiritu Santo na makahanap ng bagong pang-unawa.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Dahil ang mundong ating ginagalawan ay napakaganda at kahanga-hanga, mahirap isipin ang mundo noong ito ay “walang anyo at walang laman,” “walang laman at mapanglaw” (Genesis 1:2; Abraham 4:2). Ang isang bagay na itinuturo sa atin ng kuwento ng Paglikha ay na kaya ng Diyos na gumawa ng isang bagay na maringal mula sa isang bagay na hindi organisado. Makakatulong na tandaan iyan kapag tila magulo ang buhay. Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay mga Lumikha, at hindi pa tapos ang Kanilang paglikha sa atin. Kaya Nilang paningningin ang ilaw sa madidilim na sandali sa ating buhay. Kaya Nila tayong patatagin sa gitna ng kawalang-katiyakan ng kahirapan. Kaya Nilang utusan ang mga elemento, at kung susundin natin ang Kanilang salita na tulad ng ginawa ng mga elemento, kaya Nila tayong gawing magagandang nilikha na siyang layon nila sa atin. Bahagi iyan ng ibig sabihin ng malikha sa larawan ng Diyos, ayon sa Kanyang wangis (tingnan sa Genesis 1:26). May potensyal tayong maging katulad Niya: dakila, niluwalhati, selestiyal na mga nilalang.
Para sa buod ng aklat ng Genesis, tingnan sa “Genesis” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Genesis 1:1–25; Moises 2:1–25; Abraham 4:1–25
Sa ilalim ng patnubay ng Ama sa Langit, nilikha ni Jesucristo ang mundo.
Sabi ni Elder D. Todd Christofferson na, “Anuman ang mga detalye sa proseso ng paglikha, alam natin na ito ay hindi nagkataon lamang kundi ito ay pinamahalaan ng Diyos Ama at ipinatupad ni Jesucristo” (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 51). Kahit marami tayong hindi alam kung paano talaga nilikha ang mundo, pagnilayan ang natututuhan mo tungkol sa Paglikha mula sa naihayag ng Diyos sa Genesis 1:1–25; Moises 2:1–25; at Abraham 4:1–25. Ano ang napapansin mo sa mga salaysay na ito na magkakatulad? Ano ang napapansin mo na magkakaiba? Ano ang mga iniisip mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang nagbabasa ka tungkol sa Paglikha?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:32–34.
Genesis 1:27–28; 2:18–25; Moises 3:18, 21–25; Abraham 5:14–19
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos.
“Sina Adan at Eva ay pinag-isang dibdib sa kasal para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng walang-hanggang priesthood” (Russell M. Nelson, “Lessons from Eve,” Ensign, Nob. 1987, 87). Bakit mahalagang malaman ang katotohanang ito? Pagnilayan ito habang binabasa mo ang Genesis 1:27–28; 2:18–25; Moises 3:18, 21–25; at Abraham 5:14–19. Kung gusto mong malaman ang iba pa tungkol sa kasal sa loob ng plano ng Diyos, basahin at pagnilayan ang mga resource na nakalista sa ibaba. Ano ang hinihikayat ng mga resource na ito na gawin mo upang mapaganda ang pagsasama ninyong mag-asawa o makapaghanda kang makapag-asawa sa hinaharap?
Tingnan din sa Mateo 19:4–6; I Mga Taga Corinto 11:11; Linda K. Burton, “Magkasama Tayong Aangat,” Liahona, Mayo 2015, 29–32; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org.
Genesis 2:2–3; Moises 3:2–3; Abraham 5:2–3
Binasbasan at pinabanal ng Diyos ang araw ng Sabbath.
Ginawang banal ng Diyos ang araw ng Sabbath, at inuutusan Niya tayong panatilihin itong banal. Itinuro ni Elder David A. Bednar, “Ang Sabbath ay panahon para sa Diyos, ang sagradong panahon na partikular na itinalaga sa pagsamba sa Kanya at sa pagtanggap at pag-alaala sa Kanyang napakadakila at mahahalagang pangako” (“Napakadakila at Mahahalagang Pangako,” Liahona, Nob. 2017, 92). Paano mo magagamit ang pahayag na ito at ang Genesis 2:2–3; Moises 3:2–3; o Abraham 5:2–3 para ipaliwanag sa isang tao kung bakit mo piniling igalang ang araw ng Sabbath? Paano ka napagpala ng Panginoon sa pagpapanatiling banal ng Kanyang araw?
Tingnan din sa Isaias 58:13–14; Doktrina at mga Tipan 59:9–13.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Genesis 1:1–25; Moises 2:1–25; Abraham 4:1–25.Paano mo magagawang masaya ang pag-aaral tungkol sa Paglikha para sa inyong pamilya? Maaari mong dalhin sa labas ang inyong pamilya para maghanap ng mga uri ng bagay na ginawa sa bawat panahon ng kuwento ng Paglikha, tulad ng mga bituin, puno, o hayop. Maaari mo ring ipakita ang mga larawan ng mga bagay na nilikha sa bawat panahon at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pagsunud-sunurin ang mga larawan pagkatapos ninyong basahin nang magkakasama ang isa sa mga salaysay tungkol sa Paglikha. Ano ang itinuturo sa atin ng mga nilikhang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Genesis 1; Moises 2; Abraham 4.Ang isang paraan para maunawaan ang kuwento ng Paglikha ay anyayahan ang inyong pamilya na alamin kung ilang beses tinawag ng Diyos sa Genesis 1 o Moises 2 na “mabuti” ang mga bagay na Kanyang ginawa. Ano ang ipinahihiwatig nito kung paano natin dapat tratuhin ang mga nilikha ng Diyos—kabilang na ang ating sarili? Ano ang natututuhan natin sa paraan ng pagkasabi sa mga kaganapang ito sa Abraham 4?
-
Genesis 1:26–27; Moises 2:26–27; Abraham 4:26–27.Bakit mahalagang malaman na tayo ay nilikha sa larawan ng Diyos? Paano nito naaapektuhan ang pakiramdam natin tungkol sa ating sarili, sa iba, at sa Diyos?
Kung mayroon kang maliliit na anak, maaari ninyong basahin nang magkakasama ang Moises 2:27 at maglaro kayo ng isang simpleng laro: Magpakita ng isang larawang nagpapakita sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, tulad ng larawan 90 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo (2009), at hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magsalitan sa pagtuturo sa isang bahagi ng katawan ng Ama sa Langit o ni Jesus. Pagkatapos ay maaaring ituro ng iba pang mga miyembro ng pamilya ang bahagi ring iyon sa kanilang katawan.
-
Genesis 1:28; Moises 2:28; Abraham 4:28.“Ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Maisasadula ng mga miyembro ng pamilya kung paano ipaliwanag ang ating mga paniniwala tungkol sa kautusang ito sa mga taong hindi alam ang katotohanan o naiiba ang paniniwala.
-
Genesis 1:28; Moises 2:28; Abraham 4:28.Ano ang ibig sabihin ng “magkaroon kayo ng kapangyarihan … sa bawat kinapal na gumagalaw sa lupa”? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 59:16–21). Paano magagampanan ng ating pamilya ang ating responsibilidad na pangalagaan ang daigdig?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit,” Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17.