“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Pagbabasa ng Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Pagbabasa ng Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan
Pagbabasa ng Lumang Tipan
Hanapin ang Personal na Kahulugan
Kapag iniisip mo ang pagkakataon mong pag-aralan ang Lumang Tipan ngayong taon, ano ang pakiramdam mo? Nasasabik? Nag-aalangan? Natatakot? Madaling unawain ang lahat ng damdaming iyon. Ang Lumang Tipan ay isa sa mga pinakalumang koleksyon ng mga isinulat sa mundo, at dahil diyan ay kapwa nakakatuwa at nakakatakot ito. Ang mga isinulat na ito ay nagmula sa isang sinaunang kultura na tila banyaga at kung minsan ay kakaiba o nakababahala. Subalit sa mga isinulat na ito ay nakikita natin na tila pamilyar ang mga karanasan ng mga tao, at natutukoy natin ang mga tema ng ebanghelyo na sumasaksi sa kabanalan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo.
Oo, ang mga taong tulad nina Abraham, Sara, Ana, at Daniel, sa ilang paraan, ay ibang-iba ang pamumuhay kaysa sa atin. Ngunit dumanas din sila ng kagalakan at alitan sa pamilya, mga sandali ng pananampalataya at mga sandali ng kawalang-katiyakan, at mga tagumpay at kabiguan—tulad nating lahat. Ang mas mahalaga, sila ay nanampalataya, nagsisi, nakipagtipan, nagkaroon ng mga espirituwal na karanasan, at hindi kailanman sumuko sa kanilang mga pagsisikap na sundin ang Diyos.
Kung iniisip mo kung may makikita ka at ang inyong pamilya na personal na kahulugan sa Lumang Tipan ngayong taon, isaisip na nakakita roon ng personal na kahulugan ang pamilya nina Lehi at Saria. Nagkuwento si Nephi tungkol kay Moises at sa mga turo ni Isaias nang kailanganin ng kanyang mga kapatid ng panghihikayat o pagwawasto o pananaw. Nang sinabi ni Nephi na, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan” (2 Nephi 4:15), ang tinutukoy niya ay ang mga banal na kasulatan na ngayon ay bahagi ng Lumang Tipan.
Hanapin ang Tagapagligtas
Kung iniisip mo kung maaaring mapalapit ka at ang iyong pamilya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Lumang Tipan, tandaan na inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas mismo na gawin ito. Nang sabihin niya sa mga pinuno ng mga Judio na, “Ang mga kasulatan … [ang] nangagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39), ang tinutukoy Niya ay ang mga isinulat na tinatawag nating Lumang Tipan. Para mahanap ang Tagapagligtas sa binabasa mo, maaaring kailangan mong buong tiyagang magnilay at maghangad ng espirituwal na patnubay. Kung minsan ay tila diretsahan ang mga pagtukoy sa Kanya, tulad sa pahayag ni Isaias na “sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; … at ang kaniyang pangalan ay tatawaging … Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6). Sa ibang mga lugar, mas hindi gaanong halata ang pagkakatawan sa Tagapagligtas, sa pamamagitan ng mga simbolo at pagkakatulad—halimbawa, sa mga paglalarawan ng pagsasakripisyo ng mga hayop (tingnan sa Levitico 1:3–4) o sa kuwento tungkol sa pagpapatawad ni Jose sa kanyang mga kapatid at pagliligtas sa kanila mula sa taggutom.
Kung maghahanap ka ng mas malaking pananampalataya sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan, matatagpuan mo ito. Marahil ay maaaring ito ang maging layunin ng pag-aaral mo ngayong taon. Ipagdasal na gabayan ka ng Espiritu na mahanap at magtuon sa mga sipi, kuwento, at propesiya na lalong maglalapit sa iyo kay Jesucristo.
Iningatan ng Diyos
Huwag asahan na maglalahad ang Lumang Tipan ng masusi at tumpak na kasaysayan ng sangkatauhan. Hindi iyan ang sinisikap na likhain ng orihinal na mga awtor at tagatipon. Ang mas inintindi nila ay ang may maituro tungkol sa Diyos—tungkol sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak, kung ano ang ibig sabihin ng maging Kanyang pinagtipanang mga tao, at kung paano makasusumpong ng pagtubos kapag hindi natin palaging natutupad ang ating mga tipan. Ginawa nila iyon kung minsan sa pagsasalaysay ng mga kaganapan sa kasaysayan ayon sa pagkaunawa nila sa mga ito—kabilang na ang mga kuwento mula sa buhay ng mga dakilang propeta. Ang Genesis ay isang halimbawa nito, gayundin ang mga aklat na tulad ng Josue, Mga Hukom, at I at II Mga Hari. Ngunit hindi nilayon ng iba pang mga manunulat ng Lumang Tipan na maging makasaysayan ang kanilang isinulat. Sa halip, nagturo sila sa pamamagitan ng mga gawang-sining tulad ng tula at literatura. Ang Mga Awit at Mga Kawikaan ay akma sa kategoryang ito. At nariyan pa ang mahahalagang salita ng mga propeta, mula kay Isaias hanggang kay Malakias, na binigkas ang salita ng Diyos sa sinaunang Israel—at, sa pamamagitan ng himala ng Biblia, ay nagsasalita pa rin sa atin ngayon.
Alam ba ng mga propeta, makata, at tagatipong ito noon na ang kanilang mga salita ay mababasa ng mga tao sa buong mundo makalipas ang libu-libong taon? Hindi natin alam. Ngunit namamangha tayo na ito mismo ang nangyari. Ang mga bansa ay naitatag at bumagsak, ang mga lungsod ay nalupig, ang mga hari ay nabuhay at namatay; ngunit nadaig ng Lumang Tipan ang lahat ng ito, sa bawat henerasyon, sa bawat eskriba, sa bawat pagsasalin. Siyempre may ilang bagay na nawala o nabago, subalit kahit paano ay malaking bahagi ang mahimalang naingatan.1
Ilang bagay lamang ito na dapat tandaan habang binabasa mo ang Lumang Tipan ngayong taon. Iningatan siguro ng Diyos ang mga sinaunang kasulatang ito dahil kilala ka Niya at alam Niya ang pinagdaraanan mo. Nakapaghanda siguro Siya ng isang espirituwal na mensahe para sa iyo sa mga salitang ito, isang bagay na mas maglalapit sa iyo sa Kanya at magpapatatag ng iyong pananampalataya sa Kanyang plano at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Marahil ay aakayin ka Niya sa isang sipi o isang kabatiran na magpapala sa isang taong kilala mo—isang mensaheng maibabahagi mo sa isang kaibigan, isang kapamilya, o isang kapwa-Banal. Napakaraming posibleng mangyari. Hindi ba nakakatuwang isipin iyan?