“Enero 10–16. Genesis 3–4; Moises 4–5: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Enero 10–16. Genesis 3–4; Moises 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Enero 10–16
Genesis 3–4; Moises 4–5
Ang Pagkahulog nina Adan at Eva
Habang pinag-aaralan mo ang Genesis 3–4 at Moises 4–5, isipin kung ano ang sinisikap na ituro sa iyo ng Panginoon. Itala ang mga katotohanang ito at ang iyong mga espirituwal na impresyon, at pag-isipan ang mga ito sa buong linggo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Noong una, ang kuwento ng Pagkahulog nina Adan at Eva ay tila isang trahedya. Sina Adan at Eva ay pinalayas mula sa magandang Halamanan ng Eden. Itinapon sila sa isang mundo kung saan palaging mayroong pasakit, kalungkutan, at kamatayan (tingnan sa Genesis 3:16–19). At nahiwalay sila mula sa kanilang Ama sa Langit. Ngunit dahil sa ang mga katotohanang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith sa aklat ni Moises, alam natin na ang kuwento tungkol kina Adan at Eva ay talagang isang kuwento ng pag-asa—at isang mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
Ang Halamanan ng Eden ay maganda. Ngunit kinailangan nina Adan at Eva ng higit pa sa magandang kapaligiran. Kinailangan nila—at kailangan nating lahat—ng oportunidad na umunlad. Ang pag-alis sa Halamanan ng Eden ang unang mahalagang hakbang tungo sa pagbalik sa Diyos at sa huli ay maging katulad Niya. Nangahulugan iyan ng pagharap sa oposisyon, paggawa ng mga pagkakamali, pagkatutong magsisi, at pagtitiwala sa Tagapagligtas, na kung kaninong Pagbabayad-sala ay ginawang posible ang pag-unlad at “ang kagalakan ng ating pagkakatubos” (Moises 5:11). Kaya kapag nagbabasa ka tungkol sa Pagkahulog nina Adan at Eva, huwag magtuon sa tila trahedya kundi sa mga posibilidad—hindi sa paraisong nawala kina Adan at Eva kundi sa kaluwalhatiang itinulot ng kanilang pagpili na matanggap natin.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Genesis 3:1–7; Moises 4; 5:4–12
Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos na tubusin ang Kanyang mga anak.
Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay naghatid ng pisikal at espirituwal na kamatayan sa mundo. Naghatid din ito ng paghihirap, kalungkutan, at kasalanan. Tila lahat ng ito ay mga dahilan para manghinayang sa Pagkahulog. Ngunit ang Pagkahulog ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit na tubusin at dakilain ang Kanyang mga anak sa pamamagitan “ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama” (Moises 5:7). Habang pinag-aaralan mo ang Genesis 3:1–7; Moises 4; 5:4–12, anong mga katotohanan ang nakikita mo na nagpapaunawa sa iyo sa Pagkahulog at kung paano ito dinadaig ng Pagbabayad-sala ni Cristo? Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad nito:
-
Paano nakaapekto ang Pagkahulog kina Adan at Eva? Paano ito nakakaapekto sa akin?
-
Bakit nag-alay ng mga sakripisyo sina Adan at Eva? Ano ang isinisimbolo ng mga sakripisyong iyon? Ano ang matututuhan ko mula sa mga salita ng anghel sa mga talatang ito?
-
Bakit “natuwa” sina Adan at Eva pagkatapos ng kanilang Pagkahulog? Ano ang natututuhan ko mula sa salaysay na ito tungkol sa plano ng Diyos na tubusin ako sa pamamagitan ni Jesucristo?
Dahil sa Aklat ni Mormon at sa iba pang mga paghahayag sa mga huling araw, may kakaiba tayong pananaw tungkol sa Pagkahulog. Halimbawa, isipin kung ano ang itinuro ng propetang si Lehi sa kanyang pamilya tungkol kina Adan at Eva sa 2 Nephi 2:15–27. Paano nililinaw ng mga turo ni Lehi ang nangyari sa Halamanan ng Eden at ipinauunawa sa atin kung bakit ito mahalaga?
Tingnan din sa I Mga Taga Corinto 15:20–22; Mosias 3:19; Alma 12:21–37; Doktrina at mga Tipan 29:39–43; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3; Dallin H. Oaks, “Ang Dakilang Plano,” Liahona, Mayo 2020, 93–96; Dallin H. Oaks, “Pagsalungat sa Lahat ng Bagay,” Liahona, Mayo 2016, 114–17; Jeffrey R. Holland, “Kapag ang Katarungan, Pag-ibig, at Awa ay Nagtugma,” Liahona, Mayo 2015, 104–6.
Ano ang ibig sabihin ng si Adan ay “papanginoon” kay Eva?
Mali kung minsan ang pagkaunawa sa siping ito ng banal na kasulatan na makatwirang tratuthin ng isang lalaki nang hindi maganda ang kanyang asawa. Sa ating panahon, itinuro na ng mga propeta ng Panginoon na kahit ang lalaki dapat ang mamuno sa tahanan sa kabutihan, dapat niyang ituring na kapantay na katuwang ang kanyang asawa (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” [ChurchofJesusChrist.org]). Ipinaliwanag nina Elder Dale G. Renlund at Sister Ruth Lybbert Renlund na ang isang mabuting asawa “ay hahangaring maglingkod; aaminin niya ang kanyang pagkakamali at hihingi ng tawad; mabilis siyang magbibigay ng papuri; isasaalang-alang niya ang mga kagustuhan ng mga kapamilya; aakuin niya ang bigat ng responsibilidad na tustusan ‘ang mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan’ ng kanyang pamilya; pakikitunguhan ang kanyang kabiyak nang may lubos na paggalang at pagpipitagan. … Pagpapalain niya ang kanyang pamilya” (The Melchizedek Priesthood: Understanding the Doctrine, Living the Principles [2018], 23).
Tatanggapin ng Diyos ang aking mga sakripisyo kung iniaalay ko ang mga ito nang may nagkukusa at masunuring puso.
Natutuhan nina Adan at Eva na ang pagsasakripisyo ng mga hayop ay simbolo ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Cristo, at ipinaalam nila ito “sa kanilang mga anak na lalaki at babae” (Moises 5:12). Habang pinag-aaralan mo ang Moises 5:4–9, 16–26, isipin ang iba’t ibang saloobin ng dalawa sa kanilang mga anak na sina Cain at Abel, sa mga sakripisyong ito. Bakit tinanggap ng Panginoon ang hain ni Abel ngunit hindi ang kay Cain?
Anong mga uri ng mga sakripisyo ang hinihiling sa iyo ng Panginoon? Mayroon bang anuman sa Moises 5:4–9, 16–26 na nagpapabago sa paraan ng iyong pag-iisip tungkol sa mga sakripisyong iyon?
Tingnan din sa Mga Awit 4:5; II Mga Taga Corinto 9:7; Omni 1:26; 3 Nephi 9:19–20; Moroni 7:6–11; Doktrina at mga Tipan 97:8; Jeffrey R. Holland, “Masdan ang Kordero ng Dios,” Liahona, May 2019, 44–46.
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening
-
Genesis 3; Moises 4Ano ang magagawa mo para mas maipaunawa sa inyong pamilya ang Pagkahulog nina Adan at Eva? Maaari mong kopyahin ang mga larawan mula sa “Sina Adan at Eba” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) at gupitin ang mga ito. Pagkatapos ay maaari kayong magtulungang pagsunud-sunurin ang mga larawan habang tinatalakay ninyo ang mga karanasan nina Adan at Eva. Bakit mahalaga ang Pagkahulog sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
-
Moises 4:1–4.Ano ang natututuhan natin tungkol sa Diyos, kay Jesucristo, at kay Satanas mula sa mga talatang ito? Bakit napakahalaga ng kalayaan sa plano ng Diyos kaya ito gustong wasakin ni Satanas?
-
Moises 5:5–9.Ano ang ipinagawa ng Diyos kina Adan at Eva para tulungan silang maisip ang Tagapagligtas? Ano ang naibigay sa atin ng Diyos para tulungan tayong maisip ang Tagapagligtas?
-
Moises 5:16–34.Ano ang ibig sabihin ng maging “tagapagbantay ng [ating] kapatid”? Paano natin mas maaalagaan ang isa’t isa bilang pamilya?
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Piliin ang Tamang Landas,” Aklat ng mga Awit Pambata, 82–83.