Lumang Tipan 2022
Disyembre 27–Enero 2. Moises 1; Abraham 3: “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”


“Disyembre 27–Enero 2. Moises 1; Abraham 3: ‘Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Disyembre 27–Enero 2. Moises 1; Abraham 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

larawan ng mga bituin sa kalawakan

Disyembre 27–Enero 2

Moises 1; Abraham 3

“Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian”

Habang binabasa mo ang sinabi ng Diyos kina Moises at Abraham, pagnilayan kung ano ang maaaring sinasabi Niya rin sa iyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang Biblia ay nagsisimula sa mga salitang “sa simula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa” (Genesis 1:1). Ngunit ano ang naroon bago ang “simula” na ito? At bakit nilikha ng Diyos ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, nagpaliwanag na ang Panginoon tungkol sa mga tanong na ito.

Halimbawa, ibinigay Niya sa atin ang talaan tungkol sa isang pangitain kung saan nakita ni Abraham ang buhay natin bilang mga espiritu “bago pa ang mundo” (tingnan sa Abraham 3:22–28). Binigyan din tayo ng Panginoon ng inspiradong pagsasalin o rebisyon ng unang anim na kabanata ng Genesis, na tinatawag na aklat ni Moises—na hindi nagsisimula sa “sa simula.” Sa halip, ito ay nagsisimula sa karanasan ni Moises na nagbibigay ng ilang konteksto para sa mga bantog na kuwento ng Paglikha. Nang magkasama, ang mga banal na kasulatang ito ay magandang simula sa pag-aaral natin ng Lumang Tipan dahil sinasagot ng mga ito ang ilang mahahalagang tanong na maaaring pagbatayan ng ating pagbabasa: Sino ang Diyos? Sino tayo? Ano ang gawain ng Diyos, at ano ang tungkulin natin dito? Ang pambungad na mga kabanata ng Genesis ay maituturing na tugon ng Panginoon sa kahilingan ni Moises: “Maging maawain sa inyong tagapaglingkod, O Diyos, sabihin ninyo sa akin ang nauukol sa mundong ito, at sa mga naninirahan dito, at gayon din sa mga kalangitan” (Moises 1:36).

Learn More image
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Moises 1

Bilang anak ng Diyos, mayroon akong banal na tadhana.

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Karamihan sa mga kaguluhan na nararanasan natin sa buhay na ito ay mula lamang sa hindi pagkaunawa sa kung sino tayo” (“The Reflection in the Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Nob. 1, 2009], ChurchofJesusChrist.org). Alam ito ng Ama sa Langit, at gayon din ni Satanas. Kasama sa unang mensahe ng Diyos kay Moises ang mga katotohanang “ikaw ay aking anak” at “ikaw ay kawangis ng aking Bugtong na Anak” (Moises 1:4, 6). Sa kabilang dako, tinukoy ni Satanas si Moises na “anak ng tao” lamang (Moises 1:12). Paano magbabago ang iyong buhay at mga desisyon kung inisip mo ang sarili mo na tulad ng nais ni Satanas na isipin mo, bilang “anak ng tao”? Paano pinagpapala ang iyong buhay ng pagkaalam at pag-alaala na ikaw ay anak ng Diyos?

Anong mga talata o parirala sa Moises 1 ang nagpapadama sa iyo ng iyong banal na kahalagahan?

si Jesucristo sa gitna ng mga bituin

Christ and the Creation [Si Cristo at ang Paglikha], ni Robert T. Barrett

Moises 1:12–26.

Kaya kong labanan ang impluwensya ni Satanas.

Tulad ng malinaw na ipinapakita sa Moises 1, hindi komo matindi ang ating espirituwal na mga karanasan ay hindi na tayo tutuksuhin. Sa katunayan, isa sa mga taktika ni Satanas ang tuksuhin tayo na pagdudahan ang mga karanasang iyon o ang natutuhan natin mula sa mga iyon. Habang nagbabasa ka tungkol sa tugon ni Moises kay Satanas sa mga talata 12–26, ano ang natututuhan mo na maaaring makatulong sa iyo na manatiling tapat sa patotoong natanggap mo? Ano ang nakakatulong sa iyo na paglabanan ang iba pang mga panunukso ni Satanas? (tingnan, halimbawa, sa mga talata 15 at 18).

Batay sa natututuhan mo, maaari kang gumawa ng plano para sa paglaban sa tukso. Halimbawa, maaari mong kumpletuhin ang pahayag na “Kapag natutukso akong , ako ay .”

Tingnan din sa Mateo 4:1–11; Helaman 5:12; Gary E. Stevenson, “Huwag Mo Akong Linlangin,” Liahona, Nob. 2019, 93–96.

6:34

Moises 1:27–39; Abraham 3

Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos ay tulungan akong magkaroon ng buhay na walang-hanggan.

Matapos makakita ng isang pangitain ng mga likha ng Diyos, hiniling ni Moises sa Panginoon: “Sabihin sa akin … bakit ganito ang mga bagay na ito” (Moises 1:30). Ano ang tumatatak sa iyong isipan tungkol sa tugon ng Panginoon sa Moises 1:31–39?

Si Abraham ay nagkaroon din ng pangitain, na nakatala sa Abraham 3. Ano ang nakikita mo sa mga talata 22–26 na maaaring makatulong sa pagsagot sa kahilingan ni Moises?

Isiping ilista ang iba pang mga katotohanang natutuhan nina Moises at Abraham sa kanilang mga pangitain: mga katotohanan tungkol sa Diyos, tungkol sa kanilang sarili, at tungkol sa mga layunin ng mga likha ng Diyos. Paano naaapektuhan ng mga katotohanang ito ang pagtingin mo sa iyong sarili at sa mundo sa paligid mo?

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Mahalaga Kayo sa Kanya,” Liahona, Nob. 2011, 19–22.

Abraham 3:22–23

May iba pa ba maliban kay Abraham na “pinili bago [sila] isinilang”?

“Sa buhay bago tayo isinilang, pumili ng ilang espiritu ang Diyos na tutupad sa mga natatanging misyon habang nabubuhay sila sa daigdig. Tinatawag itong pag-oorden noon pa man. … “Ang doktrina ng pag-oorden noon pa man ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, hindi lamang sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta” (Gospel Topics, “Foreordination,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

Paano natin nakuha ang mga aklat nina Moises at Abraham?

Ang aklat ni Moises ang unang bahagi ng inspiradong pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia. Ang aklat ni Abraham ay inihayag kay Joseph Smith sa kanyang gawain sa Egyptian papyri. Ang mga aklat na ito, na matatagpuan ngayon sa Mahalagang Perlas, ay nagbibigay ng maraming impormasyon tungkol kina Moises, Abraham, at iba pang mga propeta na hindi matatagpuan sa Lumang Tipan.  

icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Moises 1:2–6; Abraham 3:11–12.Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na hanapin ang mga parirala sa awiting “Ako ay Anak ng Diyos” (Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3) na may kaugnayan sa mga katotohanang itinuro sa mga talatang ito.

Moises 1:4, 30–39.Masisiyahan ba ang inyong pamilya na tingnan ang ilan sa “mga gawa ng … mga kamay [ng Diyos]”? (talata 4). Maaari mo sigurong basahin ang mga talatang ito sa isang parke o sa ilalim ng mga bituin sa gabi. Pagkatapos ay maaari ninyong pag-usapan kung bakit nilikha ng Diyos ang mundo at kung paano tayo nakikibahagi sa Kanyang “gawain at [Kanyang] kaluwalhatian” (talata 39).

Moises 1:18.Anong payo ang maibabahagi natin para matulungan ang isa’t isa na “humatol sa pagitan” ng Diyos at ni Satanas? (Tingnan din sa Moroni 7:12–18; Doktrina at mga Tipan 50:23–24.)

Abraham 3:24–26.Maaari mong bigyan ang mga miyembro ng pamilya ng masaya ngunit mahirap na gawain para mapatunayan nila na kaya nilang sumunod sa mga tagubilin, tulad ng pagtutupi-tupi ng eroplanong papel o pagsunod sa isang resipe. Paano natutulad ang aktibidad na ito sa layunin ng ating mortal na buhay ayon sa pagkalarawan sa mga talatang ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ako ay Anak ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hanapin ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Sa mga banal na kasulatan, kung minsan ay direktang nakasaad ang mga katotohanan ng ebanghelyo; kung minsan ay nakapahiwatig ang mga ito sa pamamagitan ng halimbawa o kuwento. Itanong sa iyong sarili, “Anong walang-hanggang katotohanan ang itinuturo sa mga talatang ito?”

Inuutusan ni Moises si Satanas na lumayas

Moses Overcomes Satan [Nadaig ni Moises si Satanas], ni Joseph Brickey