Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ikaw ay Isang Guro sa Simbahan ni Jesucristo


“Ikaw ay Isang Guro sa Simbahan ni Jesucristo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Ikaw ay Isang Guro sa Simbahan ni Jesucristo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

nagtuturo si Jesus sa mga tao

Ikaw ay Isang Guro sa Simbahan ni Jesucristo

Tinawag ka ng Diyos upang turuan ang Kanyang mga anak sa paraan ng Tagapagligtas. Ikaw ay itinalaga sa tungkuling ito sa pamamagitan ng awtoridad ng Kanyang banal na priesthood. Kahit hindi ka bihasang guro, kapag ikaw ay namumuhay nang marapat, nagdarasal araw-araw, at nag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagkakalooban ka ng Ama sa Langit ng impluwensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo para tulungan kang magtagumpay (tingnan sa 2 Nephi 33:1).

Ang mga ipinagkatiwala sa iyong pangangalaga ay mga anak ng Ama sa Langit, at alam Niya kung ano ang kailangan nila at paano sila higit na matutulungan. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, gagabayan ka ng Diyos habang naghahanda at nagtuturo ka. Ihahayag Niya sa iyo ang dapat mong sabihin at dapat mong gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:5).

Ang mahalagang layunin ng pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo ay baguhin ang mga buhay. Ang layunin mo bilang guro ay tulungan ang mga tinuturuan mo na gawin ang lahat ng magagawa nila para mas magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo—isang pagsisikap na hindi lang sa oras ng klase ginagawa. Anyayahan ang mga tinuturuan mo na aktibong makilahok sa pag-aaral ng mga alituntunin at doktrina ni Jesucristo at kumilos ayon sa natutuhan nila. Hikayatin sila na gawing pangunahing pinagmumulan ng pag-aaral nila ng ebanghelyo ang kanilang indibiduwal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa labas ng klase. Kapag kumilos sila nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral bilang mga indibiduwal at pamilya, aanyayahan nila ang Espiritu sa kanilang buhay, at ang Espiritu ang naghihikayat ng tunay na pagbabalik-loob. Lahat ng ginagawa mo bilang guro ay dapat sumuporta sa sagradong mithiing ito.

Ituro lamang ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Ang dalisay na doktrina—ang walang-hanggan at di-nagbabagong katotohanang itinuro ng Diyos at ng Kanyang mga lingkod—ay nag-aanyaya sa Espiritu at may kapangyarihang baguhin ang mga buhay.

Ang calling na magturo ay isang sagradong pagtitiwala, at normal lang na mahirapan ka kung minsan. Ngunit alalahanin na tinawag ka ng iyong Ama sa Langit, at hindi ka Niya pababayaan. Ito ang gawain ng Panginoon, at habang naglilingkod ka “nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (D at T 4:2), daragdagan Niya ang iyong mga kakayahan, kaloob, at talento, at pagpapalain ng iyong paglilingkod ang buhay ng mga tinuturuan mo.