“Isang Huwaran sa Pagtuturo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)
“Isang Huwaran sa Pagtuturo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020
Isang Huwaran sa Pagtuturo
Sa resource na ito, makikita mong inuulit ang sumusunod na tatlong-hakbang na huwaran sa bawat outline: mag-anyayang magbahagi, ituro ang doktrina, at maghikayat ng pag-aaral sa tahanan. Habang nagtuturo ka, ang mga bahagi ng huwarang ito ay maaaring magkasabay o maiba ang pagkakasunud-sunod. Halimbawa, isipin na ang pagbabahagi ay isang oportunidad para ituro ang doktrina, at ang pagtuturo ng doktrina ay dapat kabilangan ng mga paanyayang magbahagi. Gayundin, ang paghihikayat ng pag-aaral sa tahanan ay maaaring maganap sa buong talakayan sa klase. Hayaang natural na magkaroon ng mga pagbabago sa huwarang ito, na sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga taong tinuturuan mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Bilang bahagi ng bawat klase, anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran at karanasan nila sa nakaraang linggo nang pag-aralan nila ang mga banal na kasulatan bilang mga indibiduwal at pamilya at gamitin ang kanilang natutuhan. Tulungan ang mga miyembro ng klase na makita na mahalaga ang personal na pag-aaral nila sa labas ng klase. Darating ang sarili nilang pagbabalik-loob hindi lamang sa pag-aaral tuwing Linggo kundi maging sa mga karanasan nila araw-araw. Kapag narinig ng mga miyembro ng klase ang mga karanasan ng bawat isa, mas malamang na hangarin din nilang maranasan ang mga iyon.
Hindi lahat ay nabasa na ang mga kabanata para sa bawat lesson, at kahit ang ilang nakabasa na ay baka hindi komportableng magbahagi. Tiyaking madama ng lahat ng miyembro ng klase na mahalagang bahagi sila ng klase, mayroon man o wala silang maibahagi.
Ituro ang Doktrina
Ikaw at ang mga miyembro ng klase mo ay dapat magtuon sa doktrina—ang mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo—na matatagpuan sa nakatakdang mga talata sa banal na kasulatan. Habang tinatalakay ninyo ang doktrina mula sa mga banal na kasulatan, anong mga talata, sipi, karanasan, tanong, at iba pang resources ang maibabahagi mo? Paano mo magagamit ang resources na ito para tulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan at maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo? Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na magtala at kumilos ayon sa mga ideya at impresyong natatanggap nila?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Sa pagtatapos ng lesson, ipakita sandali ang talakayan para sa susunod na linggo. Isipin kung paano magaganyak ang mga miyembro ng klase na patuloy na mag-aral mula sa Aklat ni Mormon sa tahanan, kapwa nang mag-isa at kasama ang kanilang pamilya.