Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School


“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School,Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School,Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2020

babaeng nagsasalita sa klase

Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School

Paghahandang Magturo sa Sunday School

Personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa tahanan ang dapat maging sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo. Totoo ito para sa iyo at sa mga tinuturuan mo. Habang naghahanda kang magturo, magsimula sa pagkakaroon ng sarili mong mga karanasan sa mga banal na kasulatan. Magaganap ang pinakamahalaga mong paghahanda kapag sinaliksik mo ang mga banal na kasulatan at hinangad mo ang inspirasyon ng Espiritu Santo.

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay isang mahalagang bahagi kapwa ng iyong personal na pag-aaral at ng paghahanda mong magturo. Tutulungan ka nitong magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa mga alituntunin ng doktrina na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Mahihikayat at maaanyayahan mo rin ang mga miyembro ng klase na gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para makaragdag sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan (para sa tulong na magawa ito, tingnan sa “Mga Ideya sa Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral at Pag-aaral ng Pamilya” sa resource na ito). Habang ginagawa mo ito, alalahaning maging sensitibo sa mga miyembro ng klase na ang sitwasyon ng pamilya ay maaaring hindi sumusuporta sa regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya at family home evening.

Sa iyong paghahanda, darating sa iyo ang mga ideya at impresyon tungkol sa mga tinuturuan mo, paano pagpapalain ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan ang kanilang buhay, at paano mo sila mahihikayat na tuklasin ang mga alituntuning iyon habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan para sa kanilang sarili.

Mga Ideya sa Pagtuturo

Habang naghahanda kang magturo, maaari kang magtamo ng karagdagang inspirasyon sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga outline sa pagtuturo sa resource na ito. Huwag isipin na ang mga ideyang ito ay sunud-sunod na mga hakbang, kundi sa halip ay mga mungkahi para magkaroon ka ng sariling inspirasyon. Kilala mo ang mga miyembro ng klase mo, at mas makikilala mo sila habang sama-sama kayong natututo sa klase. Kilala rin sila ng Panginoon, at bibigyan ka Niya ng inspirasyon sa pinakamaiinam na paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na patatagin ang pag-aaral ng ebanghelyo na ginagawa nila sa tahanan.

Marami kang makukuhang iba pang resource na magagamit mo sa iyong paghahanda, kabilang na ang mga ideya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang mga magasin ng Simbahan. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga ito at sa iba pang resources, tingnan ang bahaging “Karagdagang Resources” sa resource na ito.

Ilang Bagay na Dapat Tandaan

  • Ang tahanan ang pinakamainam na lugar para sa pag-aaral ng ebanghelyo. Bilang guro, may mahalagang responsibilidad kang suportahan, hikayatin, at patatagin ang pag-aaral ng ebanghelyo ng mga miyembro ng klase sa tahanan.

  • Lalalim ang pagbabalik-loob ng mga miyembro ng klase sa ebanghelyo ni Jesucristo kapag naunawaan at naipamuhay nila ang tunay na doktrina. Hikayatin silang itala at sundin ang mga impresyong natatanggap nila mula sa Espiritu Santo.

  • Ang pagtuturo ay higit pa sa pagsesermon, ngunit higit din ito sa simpleng pamumuno sa isang talakayan. Bahagi ng iyong tungkulin ang maghikayat ng partisipasyon na nagpapasigla at nakabatay sa mga banal na kasulatan. Dapat mo ring ibahagi ang mga inspiradong kabatirang natanggap mo nang pag-aralan mo ang mga banal na kasulatan.

  • Nais ng Ama sa Langit na magtagumpay ka bilang guro. Naglaan Siya ng maraming resources para tulungan ka, kabilang na ang mga teacher council meeting. Sa mga miting na ito maaari kang sumangguni sa iba pang mga guro tungkol sa mga hamon na kinakaharap mo. Maaari mo ring talakayin at praktisin ang mga alituntunin ng pagtuturo na tulad ni Cristo.

  • Natututo nang husto ang mga tao kapag may mga pagkakataon silang magturo. Paminsan-minsan, isiping payagan ang mga miyembro ng klase, pati na ang mga kabataan, na ituro ang isang bahagi ng lesson. Ibatay ang desisyong ito sa mga pangangailangan at kakayahan ng mga miyembro ng klase. Kung inanyayahan mo nga ang isang miyembro ng klase na magturo, mag-ukol ng panahon para tulungan siyang maghanda nang maaga sa pamamagitan ng paggamit sa mga ideyang matatagpuan sa resource na ito at sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Alalahanin na bilang tinawag na guro, ikaw ang responsable sa itinuturo sa klase.

  • Kabilang sa resource na ito ang mga outline sa pagtuturo para sa bawat linggo ng taon maliban sa dalawang Linggo kung kailan idinaraos ang pangkalahatang kumperensya. Tuwing Linggo kapag walang Sunday School dahil sa stake conference o iba pang dahilan, maaaring patuloy na basahin ng mga pamilya ang Aklat ni Mormon sa tahanan ayon sa iskedyul na naka-outline sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Para mapanatiling nasa iskedyul ang klase mo sa Sunday School, maaari mong piliing laktawan ang isang lesson o dili kaya’y pagsamahin ang dalawang lesson. Para maiwasan ang pagkalito, maaaring ipaalam nang maaga ng mga Sunday School president sa mga guro sa Sunday School ang mga pagbabagong ito.