Doktrina at mga Tipan 2021
Hulyo 5–11. Doktrina at mga Tipan 76: “Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian”


“Hulyo 5–11. Doktrina at mga Tipan 76: ‘Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Hulyo 5–11. Doktrina at mga Tipan 76,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

mga bituin sa kalawakan

Kanlungan, ni Shaelynn Abel

Hulyo 5–11

Doktrina at mga Tipan 76

“Dakila ang Kanilang Gantimpala at Walang Hanggan ang Kanilang Kaluwalhatian”

Tulad ng maraming pangitaing nakatala sa mga banal na kasulatan, dumating ang pangitain sa bahagi 76 nang sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay “nagbubulay-bulay” sa mga banal na kasulatan (talata 19). Ikaw man ay makatatanggap ng paghahayag—pati na ng patnubay kung paano magtuturo—habang pinagninilayan mo ang Doktrina at mga Tipan 76.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pag-usapan ang nabasa nila sa Doktrina at mga Tipan 76, maaari mo silang anyayahang isipin na kunwari’y nagtatanong ang isang kaibigan sa ibang relihiyon kung ano ang pinaniniwalaan natin tungkol sa kabilang-buhay. Anong mga talata mula sa bahagi 76 ang ibabahagi nila sa kanilang kaibigan? Maaari ding magbahagi ang mga miyembro ng klase ng isang bagay mula sa “Mga Tinig ng Panunumbalik: Mga Patotoo tungkol sa ‘Pangitain’” na hinangaan nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 76

Ang kaligtasan ay nagmumula kay Jesucristo, ang Anak ng Diyos.

  • Pinag-iisipan ng maraming tao, habang iniisip nila ang bahagi 76, ang plano ng kaligtasan at ang tatlong kaharian ng kaluwalhatian. Paano mo maipapakita sa mga miyembro ng klase na ang pinakamahalaga sa paghahayag na ito ay ang Tagapagligtas na si Jesucristo? Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang talatang natagpuan nila sa bahagi 76 na nagpalakas sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Kung kailangan nila ng tulong, maaari mo silang ituro sa mga talatang tulad ng 1–5, 20–24, 39–43, 69, 107–8.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na siyasatin ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga taong nagmamana ng tatlong kaharian ng kaluwalhatian, isulat sa pisara ang Selestiyal, mga talata 50–70, 92–96; Terestriyal, mga talata 71–79, 97; at Telestiyal, mga talata 81–90, 98–106, 109–12. Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isa sa tatlong grupo ng mga talata at maghanap ng mga pariralang naglalarawan sa kaugnayan sa pagitan ni Jesucristo at ng mga taong nagmamana ng kahariang nauukol sa kanila. Ano ang itinuturo sa atin ng mga pariralang ito tungkol sa pagiging mga disipulo ni Jesucristo? Paano natin mapapatibay ang ating kaugnayan sa Kanya at sa Ama? Paano Nila tayo tinutulungan? Ano ang ibig sabihin ng maging “matatag sa pagpapatotoo kay Jesus”? (talata 79).

    silid sa isang tahanan noong ikalabingsiyam na siglo

    Nakita ni Joseph Smith ang pangitain ng mga antas ng kaluwalhatian sa isang silid na katulad nito.

Doktrina at mga Tipan 76:5–10, 113–18

Ang mga hiwaga ng Diyos ay maaari lamang “maunawaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.”

  • Maaaring ikatuwa ng mga miyembro ng klase mo na malaman na hindi lahat ng miyembro ng Simbahan ay tinanggap kaagad ang paghahayag sa bahagi 76. Halimbawa, sinabi ni Brigham Young: “Ang mga tradisyon ko, noong una kong makita ang Pangitain, ay lubos na kabaligtaran at salungat sa dati kong pinag-aralan. Sabi ko, Sandali lang. Hindi ko tinanggihan iyon; ngunit hindi ko iyon maunawaan.” Ipinaliwanag niya na kinailangan niyang “mag-isip at manalangin, magbasa at mag-isip, hanggang sa nalaman at lubos kong naunawaan iyon sa aking sarili” (sa “The Vision,” Revelations in Context, 150). Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang karanasan na makakatulong sa atin kapag naghahayag ang Diyos ng mga bagay na kaiba sa kasalukuyan nating pagkaunawa? Ano ang itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 76:5–10, 113–18 kung paano natin matatanggap “ang mga lihim ng kalooban [ng Diyos]”? (talata 10).

Doktrina at mga Tipan 76:50–70, 92–95

Nais ng Diyos na matamasa ng lahat ng Kanyang anak ang selestiyal na kaluwalhatian sa piling Niya.

  • Para sa ilan, maaaring nakakapanghina ng loob o mahirap isipin ang lahat ng bagay na ipinagagawa sa atin upang maging marapat sa kahariang selestiyal. Isipin kung paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng pag-asa “sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan” (talata 69). Halimbawa, maaari mo silang anyayahang basahin ang mga talata 50–70 at 92–95. Anyayahan silang ibahagi kung paano sila maaaring tumugon sa isang taong nagsasabing, “Napakahirap ipamuhay ng ebanghelyo sa mundo ngayon; hindi ako sigurado kung sulit iyon” o “Hindi talaga sapat ang kabutihan ko para sa kahariang selestiyal.” Ano ang maaari nating sabihin para bigyang-inspirasyon o hikayatin ang taong ito?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang doktrina. “Patuloy na itanong sa iyong sarili, ‘Paano matutulungan ng mga itinuturo ko ang mga miyembro ng klase ko na mapatatag ang kanilang pananampalataya kay Cristo, magsisi, gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, at matanggap ang Espiritu Santo?’” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 20).