“Hulyo 12–18. Doktrina at mga Tipan 77–80: ‘Akin Kayong Aakayin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Hulyo 12–18. Doktrina at mga Tipan 77–80,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Hulyo 12–18
Doktrina at mga Tipan 77–80
“Akin Kayong Aakayin”
Tandaan na ang mga aktibidad sa outline na ito ay mga mungkahi lamang. Habang mapanalangin mong pinag-aaralan ang Doktrina at mga Tipan 77–80, gagabayan ka ng Espiritu para malaman kung paano pinakamainam na turuan ang mga miyembro ng klase mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring mas malamang na magbahagi ng mga pananaw ang ilang miyembro ng klase mo kung maaga mo silang hihilingan. Isiping kontakin ang ilan sa kanila ilang araw bago magklase para itanong kung maaari silang pumasok na handang magbahagi ng isang bagay na hinangaan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 77–80.
Ituro ang Doktrina
Inihahayag ng Diyos ang Kanyang mga hiwaga sa mga taong naghahangad na malaman ang mga ito.
-
Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga kabatirang nakita nila tungkol sa mga simbolo sa aklat ng Apocalipsis sa kanilang pag-aaral ng bahagi 77 sa linggong ito. Ang pag-uusap tungkol sa mga sagot na natanggap ni Joseph Smith ay maaaring humantong sa isang talakayan kung paano makapaghahanap ng kaunawaan ang mga miyembro ng klase habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan. Ano ang matututuhan natin mula sa mga uri ng tanong ni Joseph? Maaaring handang magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase nang ang kanilang mga tanong tungkol sa ebanghelyo ay humantong sa higit na pagkaunawa.
Doktrina at mga Tipan 78:17–19
Aakayin tayo ng Panginoon.
-
Para masimulang talakayin ang Doktrina at mga Tipan 78:17–19, maaari mong ipakita ang mga larawan ng ilan sa mga miyembro ng klase mo noong bata pa sila (hilingan sila nang maaga na dalhin ang mga larawang ito sa klase). Pahulaan sa klase kung sino ang nasa bawat larawan. Maaaring ikuwento ng mga miyembro ng klase na nagdala ng mga larawan kung paano sila nagbago mula nang kunan ang mga larawang iyon. Pagkatapos ay maaaring basahin ng klase ang Doktrina at mga Tipan 78:17–19 at pagnilayan ang mga tanong na tulad nito: Paano ba tayo tulad ng maliliit na bata sa Panginoon? Sa anong mga paraan Niya tayo nais na maging tulad ng mga bata (tingnan sa Mosias 3:19), at sa anong mga paraan Niya tayo nais na lumago? Anong payo ang ibinibigay Niya sa atin sa mga talatang ito para tulungan tayong lumago?
Para mapalawak ang pagkaunawa ng mga miyembro ng klase mo kung paano “[tayo] aakayin” ng Panginoon (talata 18), isiping ibahagi ang pahayag sa Karagdagang Resources.
Ang tawag na maglingkod sa Diyos ay mas mahalaga kaysa kung saan tayo naglilingkod.
-
Maaaring may mga tao sa klase mo na noong una ay nalungkot sa natanggap nilang calling sa ward o branch o sa lugar kung saan sila itinalagang maglingkod bilang missionary. Maaaring handa ang ilan sa kanila na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Paano maaaring makatulong sa atin ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 80:3 sa ganitong mga sitwasyon? Ano kaya ang kahulugan ng pariralang “hindi ito mahalaga”? O ng pariralang “kayo ay hindi maaaring malihis”? Ano ang maaaring pinakamahalaga sa Panginoon pagdating sa ating mga calling? Maaari ding makatulong ang mga pananaw ni Elder David A. Bednar sa bahagi 80 sa kanyang mensaheng “Tinawag sa Gawain” (Ensign o Liahona, Mayo 2017, 68).
-
Ang mga paghahayag sa mga bahagi 79 at 80 ay dating iniukol sa mga taong tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo, ngunit naglalaman ang mga ito ng mga alituntuning maaaring angkop sa ating lahat sa ating paglilingkod sa Panginoon. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mahanap ang mga alituntuning ito, maaari mong hilingin sa kanila na magkunwaring mayroon silang isang kaibigan na kasasapi pa lang sa Simbahan at tumanggap ng kanyang unang calling. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na sulatan ang kanilang kaibigan ng isang liham ng suporta at payo, at hikayatin silang sumipi mula sa mga bahagi 79 at 80 habang ginagawa nila ito. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng ilang estudyante ang kanilang isinulat.
Karagdagang Resources
Aakayin tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ang isang karanasan nang humiling siya ng patnubay sa panalangin tungkol sa isang mahalagang desisyon at nalaman na inakay siya ng Panginoon:
“Nagdasal ako, pero ilang oras na ay parang wala pang sagot. Bago nagmadaling-araw, may nadama ako. Noon ko lang higit na nadamang muli ang pagiging bata. Parang napanatag nang husto ang puso’t isipan ko. May kapayapaan sa kapanatagang iyon ng kalooban.
“Nagulat ako nang makita ko ang sarili ko na nagdarasal nang malakas, ‘Ama sa Langit, hindi po mahalaga kung ano ang gusto ko. Balewala na po ang gusto ko. Gusto ko lang pong mangyari ang kalooban Ninyo. Iyon lang po ang gusto ko. Sabihin po nawa Ninyo sa akin kung ano ang gagawin.’
“Noon lang ako nakadama ng lubos na kapayapaan ng kalooban. At dumating ang mensahe, at tiyak ko kung kanino iyon nanggaling. Malinaw na ang gagawin ko. Hindi ipinaramdam sa akin ang kahihinatnan nito. Naroon lang ang katiyakan na ako ay isang batang tinuruan ng daang tatahakin patungo sa kung saan Niya ako nais patunguhin” (“Tulad sa Isang Bata,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 16).