“Setyembre 13–19. Doktrina at mga Tipan 102–105: ‘Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Setyembre 13–19. Doktrina at mga Tipan 102–105,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Setyembre 13–19
Doktrina at mga Tipan 102–105
“Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala”
Habang naghahanda ka para ituro ang Doktrina at mga Tipan 102–5, makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu. Maaari ka Niyang akayin sa mga alituntuning hindi nabanggit sa outline na ito na magpapala sa mga taong tinuturuan mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maaaring magsulat ang mga miyembro ng klase ng isa o dalawang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 102–5 na makabuluhan sa kanila. Pagkatapos ay maaari silang makipagpalitan ng mga talata sa ibang miyembro ng klase at talakayin nila sa isa’t isa ang natutuhan nila mula sa mga talatang ito.
Ituro ang Doktrina
Doktrina at mga Tipan 103; 105
Ang ating mga pagsubok ay nagtuturo sa atin ng mahahalagang aral at nagbibigay sa atin ng karanasan.
-
Sa pag-aaral ng mga miyembro ng klase ng mga bahagi 103 at 105 sa linggong ito, maaaring may nakita silang mga alituntunin na makatutulong sa atin sa mga oras ng pagsubok o oposisyon; hayaang ibahagi nila ang kanilang nakita. O maaari mo silang anyayahang hanapin ang mga alituntuning iyon sa Doktrina at mga Tipan 103:5–7, 12, 36; 105:5–6, 9–12, 18–19 (tingnan din sa “Karagdagang Resources”). Ano ang ipinahihiwatig ng mga alituntuning ito tungkol sa kung paano tayo makatutugon kapag dumaranas tayo ng paghihirap o kabiguan? Maaaring handa ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga karanasan kung saan dumating ang mga pagpapala “pagkaraan ng maraming paghihirap” (Doktrina at mga Tipan 103:12).
-
Kung sa tingin mo ay makakatulong ang ilang pangyayari sa kasaysayan o personal na salaysay tungkol sa Kampo ng Sion, maaari mong anyayahan ang isang tao na rebyuhin ang isa sa sumusunod na resources bago magsimula ang klase at maikling ibahagi ang natututuhan nila: Saints, 1:194–206; “The Acceptable Offering of Zion’s Camp” (Revelations in Context, 213–18); o “Voices of the Restoration: Zion’s Camp” (sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Kung maaari nating ibalik ang panahon at kausapin ang Kampo ng Sion, ano ang maaari nating sabihin para hikayatin sila? Ano kaya ang sasabihin nila para hikayatin tayo?
Doktrina at mga Tipan 104:11–18
Bawat isa sa atin ay “isang katiwala sa mga makalupang pagpapala.”
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na iakma sa sarili nila ang mga turo sa Doktrina at mga Tipan 104:11–18, maaari mo silang anyayahang isipin na kunwari ay ipagkakatiwala nila ang isang bagay na napakahalaga sa pangangalaga ng iba. Ano ang sasabihin nila sa taong iyon? Ano ang aasahan nila sa kanya? Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Doktrina at mga Tipan 104:11–18 upang tuklasin kung ano ang ipinagkatiwala ng Panginoon sa ating pangangalaga at kung ano ang inaasahan Niya sa atin. Paano maaaring maapektuhan ng mga talatang ito ang paraan ng pag-iisip natin tungkol sa mundo, sa ating mga pagpapala, o sa mga tao sa ating paligid?
-
Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mas maunawaan “ang pamamaraan na … [iniutos ng] Panginoon upang maglaan para sa [Kanyang] mga banal” (Doktrina at mga Tipan 104:16), isiping ibahagi ang video na “The Labor of His Hands” (ChurchofJesusChrist.org). Ayon sa natutuhan natin sa video na ito at Doktrina at mga Tipan 104:11-18, ano ang paraan ng paglalaan ng Panginoon para sa Kanyang mga Banal? Maaari mo ring ibahagi ang pahayag na ito ni Pangulong Marion G. Romney: “Ang Panginoon … ay kayang pangalagaan [ang maralita] nang walang tulong natin kung iyon ang layunin niyang gawin. … Ngunit kailangan natin ang karanasang ito; sapagkat nagkakaroon lamang tayo ng pag-ibig at disposisyong katulad ng kay Cristo na kailangan para maging marapat tayong makabalik sa kanyang kinaroroonan sa pamamagitan ng pagkatuto natin kung paano pangalagaan ang isa’t isa” (“Living Welfare Principles,” Ensign, Nob. 1981, 92). Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para itala ang kanilang mga impresyon kung paano sila makakatulong na maglaan para sa iba sa paraan ng Panginoon.
3:48
Karagdagang Resources
Ang nagpapadalisay na kapangyarihan ng mga pagsubok.
Itinuro ni Elder Orson F. Whitney: “Walang sakit na ating pinagdurusahan, walang pagsubok na ating nararanasan ang nasasayang. Tumutulong ito upang matuto tayo, mapaunlad ang mga katangiang gaya ng pagtitiis, pananampalataya, katatagan at pagpapakumbaba. Lahat ng ating pagdurusa at pagtitiis, lalo na kapag tinitiis natin ito nang may pagtitiyaga, ay humuhubog sa ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating puso, nagpapabuti sa ating kaluluwa, at ginagawa tayong mas mabait at matulungin, mas karapat-dapat na tawaging mga anak ng Diyos … at sa pamamagitan ng kalungkutan at pagdurusa, pagpapakasakit at hirap, natatamo natin ang kaalaman na layunin ng ating pagparito sa mundo at nagiging higit tayong katulad ng ating Ama at Ina sa langit” (sa Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle [1972], 98).
Sabi ni Elder David A. Bednar: “Pagdating ng oras sa buhay ng bawat isa sa atin, aanyayahan tayong maglakad sa ating sariling Kampo ng Sion. Iba-iba ang takdang panahon ng mga paanyaya, at ang partikular na mga hadlang na maaari nating makaharap sa paglalakbay. Ngunit ang patuloy at palagiang tugon natin sa di-maiiwasang tungkuling ito ay maglalaan sa huli ng sagot sa tanong na ‘Sino’ng panig sa Diyos?’” (“Sa Panig ng Panginoon: Mga Aral Mula sa Kampo ng Sion,” Liahona, Hulyo 2017, 23).