Doktrina at mga Tipan 2021
Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101: “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”


“Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101: ‘Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Setyembre 6–12. Doktrina at mga Tipan 98–101,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

mga Banal na tumatakas mula sa mga mandurumog

C. C. A. Christensen (1831–1912), Saints Driven from Jackson County Missouri, c. 1878, tempera sa muslin, 77 ¼ × 113 na pulgada. Brigham Young University Museum of Art, regalo ng mga apo ni C. C. A. Christensen, 1970

Setyembre 6–12

Doktrina at mga Tipan 98–101

“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos”

Anong klaseng mga hamon o pagsubok ang nararanasan ng mga miyembro ng klase mo? Anong mga salita ng payo at kaaliwan sa Doktrina at mga Tipan 98–101 ang maaaring makatulong sa kanila?

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 98–101 na nakatulong sa kanila sa isang pagsubok o hamon na kinakaharap nila.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 11–16, 23–30, 37; 101:2–5, 9–16

Ang ating mga pagsubok ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.

  • Ang pag-uusig o oposisyong kinakaharap natin ngayon ay maaaring kaiba sa naranasan ng mga Banal sa Missouri noong 1833, ngunit ang payo ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 98 ay naaangkop pa rin ngayon. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa payong ito, isiping isulat sa pisara ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Sa paanong mga paraan nais ng Panginoon na ituring ng Kanyang mga Banal ang oposisyon? Paano tayo nais ng Panginoon na tumugon sa pag-uusig? Maaaring gumawa ang mga miyembro ng klase sa maliliit na grupo sa paghanap ng mga sagot sa Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 11–16, 23–30 at pagkatapos ay talakayin ang natutuhan nila. Anong mga katotohanan ang nakikita natin na makakatulong para maging mas mabubuting disipulo tayo ni Jesucristo? Ang mga pahayag sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa talakayang ito.

  • Sa mga panahon ng pag-uusig o mga pagsubok, makakatulong ang mensaheng ito mula sa mga bahagi 98 at 101: tutulungan tayo ng Panginoon kung handa tayong magtiwala sa Kanya. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mahanap ang mensaheng ito, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na listahan ng mga talata at anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng ilang babasahin: Doktrina at mga Tipan 98:1–3, 11–12, 37; 101:2–5, 9–16. Hilingan silang ibahagi ang nakita nila na naghihikayat sa kanila na magtiwala sa Panginoon. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa kung paano tayo makapagtitiwala sa Panginoon? (Tingnan din sa Linda S. Reeves, “Kamtin ang mga Pagpapala ng Inyong mga Tipan,” Liahona, Nob. 2013, 118–20.)

Doktrina at mga Tipan 101:1–8, 43–62

Ang pagsunod sa payo ng Diyos ay tumutulong sa atin na manatiling ligtas.

  • Paano ninyo matutulungan ang mga miyembro ng klase na mapansin ang kaligtasang dumarating kapag tayo ay “nakikinig sa tinig ng Panginoon”? (talata 7). Marahil ay maaanyayahan mo ang ilang miyembro ng klase na isadula ang talinghaga sa Doktrina at mga Tipan 101:43–62 habang binabasa ito nang malakas ng isa pang miyembro ng klase. Pagkatapos ay maaari ninyong talakayin ang mga tanong na gaya nito: Ano ang maaaring isinasagisag ng iba’t ibang elemento ng talinghaga? Bakit nawala sa mga tagapaglingkod ang ubasan? Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa mga kilos ng mga tagapaglingkod? Ano ang matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa kilos ng taong maharlika? Maaari ring makatulong na ikumpara ang mga talata 1–8 sa mga talata 47–51 at talakayin kung paano tayo magiging “matapat at matalino” sa ating mga pagsisikap na itayo ang Sion sa ating sariling buhay, sa ating tahanan, at bilang Simbahan.

    Jesucristo

    Detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno, ni Heinrich Hofmann

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang pagbaling ng kabilang pisngi ay nangangailangan ng katapangang Kristiyano.

Itinuro ni Elder Robert D. Hales:

“Mali ang iniisip ng ilang tao na ang mga sagot na tulad ng pananahimik, kababaang-loob, pagpapatawad, at mapagpakumbabang pagpapatotoo ay walang kuwenta o mahina. Ngunit, ang ‘mahalin [natin] ang [ating] mga kaaway, pagpalain [natin] sila na sumusumpa sa [atin], gawan [natin] ng mabuti sila na napopoot sa [atin], at ipanalangin sila na may masamang hangarin sa paggamit sa [atin] at umuusig sa [atin]’ (Mateo 5:44) ay kailangan ng pananampalataya, lakas, at higit sa lahat, ng katapangang Kristiyano. …

“Kapag hindi tayo gumanti—kapag ibinaling natin ang kabilang pisngi at nilabanan ang galit—pumapanig din tayo sa Tagapagligtas. Ipinapakita natin ang Kanyang pagmamahal, na siyang tanging kapangyarihang daraig sa kalaban at sasagot sa mga nagpaparatang sa atin nang hindi sila ginagantihan ng pagpaparatang. Hindi iyan kahinaan. Iyan ang katapangang Kristiyano” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Liahona, Nob. 2008, 72).

Ang pagpapatawad ay hindi pagkunsinti.

Sabi ni Elder Kevin R. Duncan: “Mga kapatid, huwag sana kayong magkamali sa pag-unawa. Ang pagpapatawad ay hindi pagkunsinti. Hindi natin pinangangatwiranan ang masamang ugali o hinahayaang pagmalupitan tayo ng iba dahil sa kanilang pinagdaraanan, hirap, o mga kahinaan. Ngunit maaari tayong magkaroon ng mas malawak na pang-unawa at kapayapaan kapag nilawakan natin ang ating pananaw. … Ang pagpapatawad ay maluwalhati at nakapagpapagaling na alituntunin. Hindi tayo kailangang maging biktima nang dalawang beses. Maaari tayong magpatawad” (“Ang Nakapagpapagaling na Pamahid ng Pagpapatawad,” Liahona, Mayo 2016, 35).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isama ang mga may mahirap na pinagdaraanan. Kung minsa’y kailangan lang isama ang mga miyembro ng klase na may mahirap na pinagdaraanan para madamang may nagmamahal sa kanila. Isiping hilingan sila na tanggapin ang isang tungkulin sa isang darating na lesson, anyayahan sila sa klase, o tiyakin na may paraan sila para makarating sa simbahan. Huwag kang susuko kung hindi sila tumugon sa iyong mga pagsisikap sa una (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 8–9).