Doktrina at mga Tipan 2021
Disyembre 20–26. Pasko: Ang Walang Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos


“Disyembre 20–26. Pasko: Ang Walang Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Disyembre 20–26. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

gawang-sining na si Maria at ang sanggol na si Jesus

Belen na Gawa sa Tanso at Kulay Umber, ni J. Kirk Richards

Disyembre 20–26

Pasko

Ang Walang Kapantay na Kaloob na Banal na Anak ng Diyos

Tandaan na ang pinakamahalaga at pinakaepektibong pag-aaral ng ebanghelyo ng mga miyembro ng klase ay nagaganap sa kanilang tahanan. Habang naghahanda kang magturo, isipin kung paano mapapatibay ng klase mo sa Sunday School ang kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Paano napagpala ng pag-aaral ng “Ang Buhay na Cristo” (ChurchofJesusChrist.org) sa linggong ito ang mga miyembro ng klase mo? Maaari mong ibahagi ang mga salitang ito ni President Jean B. Bingham, Relief Society General President, at pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na pag-usapan ang anumang mga karanasan nila na katulad nito: “Nang pag-aralan ko ang buhay at mga turo ni Jesucristo nang may higit na pokus at maisaulo ko ang ‘Ang Buhay na Cristo,’ nag-ibayo ang pasasalamat at pagmamahal ko sa ating Tagapagligtas. Bawat pangungusap sa inspiradong pahayag na iyon ay may aral at lalo kong naunawaan ang Kanyang banal na tungkulin at misyon sa lupa. Ang natutuhan at nadama ko sa panahong ito ng pag-aaral at pagninilay ay nagpapatunay na talagang si Jesus ‘ang liwanag, ang buhay, at ang pag-asa ng mundo’” (“Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Liahona, Nob. 2017, 85).

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

“Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya.”

  • Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang unang talata ng “Ang Buhay na Cristo” at ibahagi ang kanilang mga iniisip kung bakit naging mas malalim ang impluwensya ni Jesucristo kaysa sa iba. Anong iba pang mga pahayag sa “Ang Buhay na Cristo” ang sumusuporta sa ipinahayag na ito? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano Niya sila personal na naimpluwensyahan. Ang video na “Why We Need a Savior” (ChurchofJesusChrist.org) ay maaaring makasuplemento sa inyong talakayan.

  • Nasubukan na ba ng mga miyembro ng klase na ipaliwanag sa isang taong naiiba ang kultura kung bakit nila ipinagdiriwang ang Pasko? Marahil ay maaari nilang ibahagi ang kanilang mga karanasan. O maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin na kunwari’y itinanong ito sa kanila ng isang taong walang alam sa Kristiyanismo. Paano natin maaaring sagutin ang tanong na ito? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang “Ang Buhay na Cristo” na nasa isip ang tanong na ito, at anyayahan ang ilan na ibahagi ang kanilang mga iniisip. Bilang isang klase, maaari rin ninyong basahin ang Lucas 2:10–14 o kantahin ang isang himnong nagpapahayag ng kagalakan ng Pasko (tulad ng “O Magsaya,” Mga Himno, blg. 121) at pag-usapan kung bakit naghahatid ng “malaking kagalakan” ang pagsilang ni Cristo. Ano ang magagawa natin para “tanggapin ang [ating] Hari”?

    Jesucristo

    Ilaw ng Sanlibutan, ni Howard Lyon

“Salamat sa Diyos sa [Kanyang] walang kapantay na kaloob.”

  • Sa “Ang Buhay na Cristo,” tinutukoy ng mga Apostol ang Tagapagligtas bilang isang “kaloob” mula sa ating Ama sa Langit. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto pa tungkol sa kaloob na ito, maaari mong isulat sa pisara ang Sa pamamagitan ni Jesucristo, ibinigay sa atin ng Diyos ang kaloob na … at anyayahan ang mga miyembro ng klase na magmungkahi ng mga paraan para makumpleto ang pangungusap na ito, batay sa nabasa nila sa “Ang Buhay na Cristo” at sa pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources.” Paano natin matatanggap ang mga kaloob na ito? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isa sa mga kaloob na ito at pagsikapang matanggap ang kaloob na iyon nang mas lubusan.

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Mga kaloob na inihahandog ng Tagapagligtas.

Sa pagsasalita noong Kapaskuhan, naglista si Pangulong Russell M. Nelson ng apat na kaloob na ibinibigay ng Tagapagligtas sa lahat na handang tanggapin ang mga ito:

“Una, ibinigay Niya sa inyo at sa akin ang walang-hanggang kakayahang magmahal. Kabilang doon ang kakayahang mahalin ang mga mahirap mahalin at ang hindi lamang mga hindi nagmamahal sa inyo kundi kasalukuyang umuusig at sinasadyang gamitin kayo.

“Sa tulong ng Tagapagligtas, maaari nating matutunan na magmahal tulad ng pagmamahal Niya. …

“Ang ikalawang kaloob na inihahandog ng Tagapagligtas sa inyo ay ang kakayahang magpatawad. Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, makapagpapatawad kayo sa mga nakasakit sa inyo at sa mga taong maaaring hindi aamin sa nagawa nilang kalupitan sa inyo. …

“Ang pangatlong kaloob mula sa Tagapagligtas ay ang pagsisisi. Ang kaloob na ito ay hindi palaging nauunawaan nang husto. … Ang pagsisisi ay isang pambihirang kaloob. Ito ay isang proseso na hindi dapat katakutan. Ito ay isang kaloob na dapat nating tanggapin nang may kagalakan at dapat na gamitin—o yakapin—sa bawat araw habang sinisikap natin na maging mas katulad ng ating Tagapagligtas. …

“Ang ikaapat na kaloob ng Tagapagligtas, sa katotohanan, ay isang pangako—ang pangako ng buhay na walang-hanggan. … Ang buhay na walang-hanggan ay ang uri at kalidad ng pamumuhay ng Ama sa Langit at ng Kanyang Bugtong na Anak. Nang ihandog sa atin ng Ama ang walang-hanggang buhay, sa pakahulugan ang sinasabi Niya ay, ‘Kung pipiliin ninyong sundin ang aking Anak—kung nais ninyo na tunay na maging higit na tulad Niya—kung gayon darating ang panahon na mamumuhay kayo na tulad namin at mamumuno sa mga mundo at kaharian tulad namin.’

“Ang apat na natatanging kaloob na ito ay magdadala sa atin ng higit na kagalakan kapag tinanggap natin ang mga ito. Naging posible ang mga ito dahil nagpakababa-baba si Jehova para pumunta rito sa mundo bilang ang sanggol na si Jesus” (“Ang Apat na Regalong Inihahandog ni Jesucristo sa Inyo” [Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis. 2, 2018], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Espirituwal na ihanda ang iyong sarili. “Ang mabisang pagtuturo ng ebanghelyo ay hindi lang paghahanda ng lesson kundi paghahanda rin ng ating sarili. … Ang epektibong mga guro ng ebanghelyo—bago nila isiping punuin ang oras ng klase—ay pinagtutuunang puspusin ang kanilang puso ng Espiritu Santo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12).