Doktrina at mga Tipan 2021
Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138: “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay”


“Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138: ‘Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Nobyembre 29–Disyembre 5. Doktrina at mga Tipan 137–138,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

mga tao sa daigdig ng mga espiritu

Nakita ni Joseph ang kanyang ama, ina, at kapatid sa kahariang selestiyal (Ang Pangitain ni Joseph Smith tungkol sa Kahariang Selestiyal, Robert Barrett).

Nobyembre 29–Disyembre 5

Doktrina at mga Tipan 137–138

“Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay”

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Maaaring pag-isipan nating lahat nang sarilinan ang tungkol sa kalagayan sa daigdig ng mga espiritu. … Ngunit huwag nating ituro o gamitin bilang opisyal na doktrina ang hindi akma sa mga pamantayan ng opisyal na doktrina” (“Magtiwala sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2019, 28). Tiyakin na ang inyong talakayan ay nakasalig sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maraming nakasisiglang mga katotohanan sa doktrina na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 137–38. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ilista ang ilan sa mga ito. Pagkatapos ay maaari kang mag-ukol ng ilang minuto sa pagrerebyu ng kanilang mga listahan bilang isang klase at pag-uusap kung bakit mahalaga sa kanila ang mga katotohanang ito. May natutuhan ba ang sinuman mula sa mga bahaging ito na hindi nila naunawaan dati?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 137; 138:32–37

Ang bawat kaluluwa ay magkakaroon ng pagkakataon na piliin ang kaluwalhatiang selestiyal.

  • Marami sa atin ang may kilalang mga tao na hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo sa buhay na ito—kabilang na ang mga namatay habang bata pa. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang katotohanan na nakita nila sa bahagi 137 na nagpapaunawa sa kanila sa plano ng Diyos para sa mga taong ito. Anong mga katotohanan ang makikita natin sa Doktrina at mga Tipan 138:32–37 na magdaragdag sa pagkaunawa natin sa plano ng Diyos? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung ano ang ipinadarama sa kanila ng mga katotohanang ito tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano ng kaligtasan, at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang mga pahayag sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa inyong talakayan.

Doktrina at mga Tipan 138:1–11, 25–30

Ang pagbabasa at pagninilay tungkol sa mga banal na kasulatan ay naghahanda sa atin na tumanggap ng paghahayag.

  • Ang karanasan ni Joseph F. Smith na inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 138:1–11, 25–30 ay nagpapaunawa sa atin kung paano natin maihahanda ang ating sarili na tumanggap ng paghahayag. Marahil ay maaaring magtulungan ang miyembro ng klase upang matukoy kung ano ang natutuhan nila tungkol sa paghahayag mula sa mga talatang ito. Maaari ninyong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano sila naihanda ng pagbabasa at pagninilay sa mga banal na kasulatan na tumanggap ng paghahayag (tingnan din sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–12).

  • Ang mensahe ni Pangulong M. Russell Ballard na “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay” (Liahona, Nob. 2018, 71–74) ay naglalarawan ng “habambuhay na paghahanda ni Joseph F. [Smith] para matanggap ang kagila-gilalas na paghahayag na ito [Doktrina at mga Tipan 138].” Kung binasa ng mga miyembro ng klase mo ang mensahe ni Pangulong Ballard sa linggong ito, hikayatin silang magbahagi ng isang bagay na hinangaan nila. O maaari ninyong basahin ang ilang bahagi ng mensahe bilang isang klase. Ano ang hinahangaan natin tungkol sa buhay ni Pangulong Smith at sa kanyang pagkatao? Ano ang matututuhan natin mula sa kanyang halimbawa?

    ipinintang larawan ni Joseph F. Smith

    Joseph F. Smith, ni Albert E. Salzbrenner

Doktrina at mga Tipan 138:12–60

Ang gawain ng kaligtasan ay nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan ang mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 138:12–60, maaari kang magtanong ng ilang bagay sa kanila tungkol sa daigdig ng mga espiritu na sinasagot sa mga talatang ito. Halimbawa: Ano ang ginawa ng Tagapagligtas habang Siya ay nasa daigdig ng mga espiritu? Sino ang mga sugo ng Panginoon, at ano ang kanilang mensahe? Maaaring pumili ang mga miyembro ng klase ng isa o mahigit pa sa mga tanong na ito at magtulungan sa maliliit na grupo na maghanap ng mga sagot. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang mga katotohanang nakita nila. Ano ang kaibhang nagagawa ng mga katotohanang ito sa ating buhay?

  • Ano ang sasabihin natin sa isang taong nagtatanong ng, “Ano ang nangyayari pagkamatay natin?” Ano ang ibabahagi natin mula sa Doktrina at mga Tipan 138:12–60 na makakatulong na masagot ang tanong na ito? (tingnan din sa Alma 40:11–15).

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang plano ng Diyos ay nagbibigay-daan na matanggap ng lahat ng Kanyang mga anak ang ebanghelyo.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring:

“Kakaunti lamang sa mga anak ng Diyos ang nagtatamo sa buhay na ito ng lubos na pang-unawa sa plano ng Diyos, kabilang na ang pagkakataong makinabang sa mga ordenansa at tipan ng priesthood na ginagawang lubos na epektibo ang kapangyarihan ng pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay. …

“Maaaring isipin ng iba na hindi ito patas. Maaari pa nga nila itong gawing ebidensya na walang plano, walang partikular na mga kinakailangan para maligtas—nadaramang ang isang makatarungan at mapagmahal na Diyos ay hindi lilikha ng isang plano na para lamang sa kakaunti sa Kanyang mga anak. Maaaring ipalagay ng iba na naipasiya na ng Diyos kung sinu-sino sa Kanyang mga anak ang Kanyang ililigtas at ibinigay ang ebanghelyo sa kanila, samantalang yaong mga hindi nakarinig sa ebanghelyo kailanman ay talagang hindi ‘pinili.’

“Ngunit alam ko at ninyo, dahil sa ipinanumbalik na mga katotohanan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, na ang plano ng Diyos ay mas mapagmahal at makatarungan kaysa riyan. Nasasabik ang ating Ama sa Langit na tipunin at pagpalain ang Kanyang buong pamilya. Kahit alam Niya na hindi lahat sa kanila ay pipiliing matipon, binibigyan ng Kanyang plano ang bawat anak Niya ng pagkakataong tanggapin o tanggihan ang Kanyang paanyaya” (“Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Liahona, Mayo 2017, 20–21).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gamitin ang mga salita ng mga propeta. “Ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta at apostol sa mga huling araw ang mapagkukunan ng mga katotohanang itinuturo natin. Sa bawat pagkakataon, bigyang-inspirasyon ang mga tinuturuan mo na bumaling sa salita ng Diyos para sa patnubay” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21).