“Disyembre 13–19. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo: ‘Ang Mag-anak ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Disyembre 13–19. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Disyembre 13–19
Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo
“Ang Mag-anak ang Sentro ng Plano ng Tagapaglikha”
Habang pinag-aaralan mo ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa linggong ito, isipin ang mga katotohanang susuporta sa mga miyembro ng klase sa kanilang mga pagsisikap na patatagin ang kanilang tahanan at pamilya.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa linggong ito sa kanilang pag-aaral ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak, maaari mong hilingin sa kanila na pumili ng anumang talata at ibuod sa isang pangungusap ang itinuturo ng talatang iyon.
Ituro ang Doktrina
“Ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha.”
-
Ang Simbahan ay kilala sa pagbibigay-diin nito sa mga pamilya, at inihahayag sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak ang mga dahilan sa doktrina sa pagbibigay-diing iyon. Para makahikayat ng talakayan tungkol dito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na isipin na kunwari ay may nagtanong sa kanila kung bakit labis na binibigyang-diin ng Simbahan ang pamilya. Anong mga katotohanan mula sa pagpapahayag ang maaari nating ibahagi para masagot ang tanong ng taong ito?
-
Ang isang dahilan kaya napakahalaga ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay dahil pinagtitibay nito ang mga katotohanang inaatake sa ating panahon. Anong mga katotohanan sa pagpapahayag ang tumutulong sa atin na hindi malinlang ng mga maling ideya tungkol sa mga pamilya sa mundo ngayon? Paano nakaaapekto ang mga katotohanang ito sa ating mga pagpapasiya? Maaaring makatulong ang pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks sa “Karagdagang Resources” sa pagsagot sa tanong na ito.
“Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”
-
Ang pagtalakay sa mga alituntunin sa mga talata anim at pito ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay makakatulong sa mga miyembro ng klase mo na makadama ng higit na kaligayahan sa mga pag-uugnayan nila sa pamilya. Isiping ilista ang mga alituntunin sa pisara at anyayahan ang mga miyembro ng klase na pumili ng isang alituntunin para talakayin nang magkakapares. Maaari nilang gamitin ang mga tanong na katulad nito para gabayan ang kanilang mga talakayan: Anong mga halimbawa ng alituntuning ito ang nakita na natin sa buhay-pamilya? Paano humahantong sa kaligayahan sa ating pamilya ang pagsasabuhay ng alituntuning ito? Paano nakakatulong ang pagsasabuhay ng alituntuning ito para gawing pundasyon ng ating buhay-pamilya ang Tagapagligtas? Anong mga talata sa banal na kasulatan ang maaaring makatulong para mas maunawaan ng ating pamilya ang alituntuning ito? (Maaaring makakita ang mga miyembro ng klase ng mga talata sa banal na kasulatan gamit ang Topical Guide o Gabay sa mga Banal na Kasulatan [scriptures.ChurchofJesusChrist.org].) Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat magkapares sa klase ang natutuhan nila.
Bigyang-diin na anuman ang ating kasalukuyang sitwasyon sa pamilya, maaari nating sikaping makabuo ng walang-hanggang pamilya na ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo ang pundasyon.
“Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan … na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mga mag-anak.”
-
Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase mo na maunawaan ang kanilang responsibilidad na ipagtanggol ang mga katotohanan sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak? Para simulan ang talakayan, maaari mong talakayin ang natututuhan ng mga miyembro ng klase mula sa pamagat ng pagpapahayag. Ano ang isang pagpapahayag? Paano naging karapat-dapat ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol na maglabas ng isang pagpapahayag sa mundo tungkol sa mga pamilya? Maaaring ilista ng mga miyembro ng klase kung ano ang itinuturing nilang mga pangunahing mensahe ng pagpapahayag (hikayatin silang magbanggit ng partikular na mga talata). Pagkatapos ay maaari nilang talakayin ang mga paraan para maitaguyod ang mga mensaheng ito sa kanilang komunidad o bansa. Ang mensahe ni Sister Bonnie L. Oscarson na “Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag ukol sa Mag-anak” ay naglalaman ng mga halimbawa na maaari ninyong sama-samang rebyuhin sa klase (Liahona, Mayo 2015, 14–17). Maaari rin ninyong panoorin ang video na “Defenders of the Faith” (ChurchofJesusChrist.org).
Karagdagang Resources
Mga pamilya sa plano ng Diyos.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:
“Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nakauunawa sa plano ng kaligtasan ng Diyos ay may naiibang pananaw sa sanlibutan na tumutulong sa kanila upang maunawaan ang mga dahilan sa mga kautusan ng Diyos, ang hindi pabagu-bagong katangian ng Kanyang mga ordenansa, at ang pangunahing gawain ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sinagip tayo ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas mula sa kamatayan at, kung tayo ay magsisisi, ililigtas tayo mula sa ating mga kasalanan. Dahil sa pananaw na iyan sa sanlibutan, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may natatanging priyoridad at gawain at binibiyayaan ng lakas na matiis ang kabiguan at pasakit ng mortal na buhay. …
“Ang plano ng ebanghelyo na dapat sundin ng bawat pamilya upang makapaghanda para sa buhay na walang-hanggan at kadakilaan ay nakasaad sa pagpapahayag ng Simbahan noong 1995, ‘Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.’ Mangyari pa, ang mga nakasaad dito ay ibang-iba sa ilang batas, gawain, at adbokasiya ngayon ng mundong ginagalawan natin. Sa ating panahon, ang mga pagkakaibang pinakalantad ay ang pagsasama nang walang kasal, pagpapakasal ng magkaparehong kasarian, at ang pagpapalaki ng mga anak sa relasyong iyan. Itinuturing ng mga hindi naniniwala o hindi nagnanais ng kadakilaan at ng mga taong lubos na napaniwala ng mga paraan ng sanlibutan na ang pagpapahayag na ito tungkol sa pamilya ay isang tuntunin lamang na dapat baguhin. Sa kabilang banda, pinagtitibay ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang pagpapahayag [tungkol sa mag-anak] ay nagpapaliwanag ng mga ugnayan ng pamilya kung saan nangyayari ang pinakamahalagang bahagi ng ating walang-hanggang pag-unlad” (“Ang Plano at ang Pagpapahayag,” Liahona, Nob. 2017, 29–30).