Doktrina at mga Tipan 2021
Disyembre 6–12. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2: “Naniniwala Kami”


“Disyembre 6–12. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2: ‘Naniniwala kami,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Disyembre 6–12. Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

quilt na nagpapakita ng mga kamay na iba’t iba ang kulay ng balat

Sa Lahat ng Karapat-dapat na Miyembrong Lalaki, ni Emma Allebes

Disyembre 6–12

Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2

“Naniniwala Kami”

Mapanalanging basahin ang Mga Saligan ng Pananampalataya at ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2, at hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo habang nagpaplano ka ng isang makabuluhang karanasan sa pagkatuto para sa mga miyembro ng klase sa Linggo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na kumpletuhin ang sumusunod na pahayag: “Natutuwa ako na nagbasa ako ng mga banal na kasulatan sa linggong ito dahil …”

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Ang Mga Saligan ng Pananampalataya

Ang Mga Saligan ng Pananampalataya ay naglalaman ng mahahalagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

  • Narito ang isang paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang nakita nilang mga bagay na tunay na makabuluhan sa Mga Saligan ng Pananampalataya: Maaari mong isulat ang mga numero 1 hanggang 13 sa pisara at hilingin sa mga miyembro ng klase na isulat sa tabi ng mga numero ang isang bagay na natutuhan nila mula sa kaukulang saligan ng pananampalataya. Anong kaibhan ang ginagawa ng mga katotohanang ito sa ating kaugnayan sa ating mga Magulang sa Langit at kay Jesucristo? Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano napag-ibayo ng Mga Saligan ng Pananampalataya ang kanilang pag-aaral ng ebanghelyo o nakatulong sa kanila na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9; Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2

Ang Simbahan ni Jesucristo ay ginagabayan ng paghahayag.

  • Bakit mahalaga sa atin ang patuloy na paghahayag? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang damdamin nila tungkol sa tanong na ito. Maaari ring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano nauugnay ang alituntunin ng patuloy na paghahayag sa Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2. (Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay nagmumungkahi ng makakatulong na mga resource na may kaugnayan sa mga paghahayag na ito.) Ano ang matututuhan natin mula sa Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2 tungkol sa papel ng paghahayag sa paggabay sa Simbahan? (tingnan din sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9 at sa pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources”). Anong iba pang mga halimbawa ng patuloy na paghahayag ang naiisip ng mga miyembro ng klase? Paano iniimpluwensyahan ng mga paghahayag na ito ang ating buhay at tinutulungan tayong itayo ang kaharian ng Ama sa Langit?

  • Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2 at magbahagi ng isang bagay mula sa mga paghahayag na ito na maaaring makatulong sa isang tao na nahihirapang tanggapin ang isang bagong pagbabago sa patakaran, paghahayag, o doktrina ng Simbahan. Paano natutuhan ng mga miyembro ng klase na magtiwala sa Diyos kapag nahihirapan sila sa isang bagay sa Simbahan? Paano napalakas ng kanilang pag-aaral sa linggong ito ang kanilang pananampalataya na ang Panginoon ang namumuno sa Kanyang Simbahan? Makakatulong din ang mga kabatiran mula kay Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa “Karagdagang Resources.”

    ipinintang larawan ni Wilford Woodruff

    Wilford Woodruff, ni H. E. Peterson

icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

“Naroon ang Espiritu ng Diyos.”

Si Pangulong Gordon B. Hinckley ay naglilingkod noon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol nang matanggap ang paghahayag na inilarawan sa Opisyal na Pahayag 2. Makalipas ang ilang taon inilarawan niya ang kanyang karanasan:

“Nagkaroon ng isang sagrado at pinabanal na kapaligiran sa silid. Para sa akin, tila isang lagusan ang nagbukas sa pagitan ng luklukan ng langit at ng nakaluhod, nagsusumamong propeta ng Diyos na sinamahan ng kanyang mga Kapatid. Naroon ang Espiritu ng Diyos. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay dumating ang katiyakan sa propetang iyon na tama ang bagay na ipinagdasal niya, na dumating na ang tamang panahon, at ngayon ang kamangha-manghang mga pagpapala ng priesthood ay dapat igawad sa karapat-dapat na mga lalaki anuman ang kanilang lahi.

“Bawat lalaki sa bilog na iyon, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay nalamang lahat ang bagay na iyon.

“Iyon ay isang tahimik at sagradong pangyayari. … Walang tinig na naririnig ng aming pisikal na mga tainga. Ngunit ang tinig ng Espiritu ay bumulong nang may katiyakan sa aming isipan at sa aming kaluluwa” (“Priesthood Restoration,” Ensign, Okt. 1988, 70).

“Natural lamang ang magtanong.”

Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang sumusunod sa mga taong may mga pagdududa tungkol sa kasaysayan o doktrina ng Simbahan:

“Natural lamang ang magtanong—ang binhi ng tapat na pagtatanong ay kadalasang sumisibol at lumalagong tulad ng malaking puno ng pang-unawa. May ilang mga miyembro ng Simbahan na, sa anumang pagkakataon, ay hindi nagkaroon ng anumang malalim o sensitibong tanong. Isa sa mga layunin ng Simbahan ang pangalagaan at linangin ang binhi ng pananampalataya—ito man ay nasa lupa ng pagdududa at kawalang-katiyakan. Ang pananampalataya ay pag-asa sa mga bagay na hindi nakikita ngunit totoo.

“Kung gayon, mahal kong mga kapatid—mahal kong mga kaibigan—mangyaring pagdudahan muna ang inyong pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya. Hindi natin dapat hayaang pigilan tayo ng pagdududa at ilayo tayo sa dakilang pagmamahal, kapayapaan, at mga natatanging kaloob na dulot ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” (“Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23; tingnan din sa Lawrence E. Corbridge, “Stand Forever” [Brigham Young University devotional, Ene. 22, 2019], speeches.byu.edu).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

OK lang na sabihing “Hindi ko alam.” Kahit dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo para tulungan ang mga miyembro ng klase na masagot ang kanilang mga tanong tungkol sa ebanghelyo, hindi inaasahan ng Panginoon na malaman mo ang lahat ng bagay. Kapag hindi mo alam kung paano sasagutin ang isang bagay, aminin ito. Pagkatapos ay gabayan ang iyong mga mag-aaral tungo sa inihayag na doktrina, at tapat na magpatotoo tungkol sa nalalaman mo. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 24.)