Doktrina at mga Tipan 2021
Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School


“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School,Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School,Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

kababaihan at kalalakihan sa klase

Paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School

Paghahandang Magturo sa Sunday School

Personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa tahanan ang dapat maging sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo. Totoo ito para sa iyo at sa mga tinuturuan mo. Habang naghahanda kang magturo, magsimula sa pagkakaroon ng sarili mong mga karanasan sa mga banal na kasulatan. Magagawa mo ang iyong pinakamahalagang paghahanda habang lumalapit ka kay Cristo, sinasaliksik ang mga banal na kasulatan, at hinahangad ang inspirasyon ng Espiritu Santo.

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay isang mahalagang bahagi kapwa ng iyong personal na pag-aaral at ng paghahanda mong magturo. Tutulungan ka nitong magkaroon ng mas malalim na pang-unawa tungkol sa mga alituntunin ng doktrina na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Tutulungan ka rin nito na hikayatin at anyayahan ang mga miyembro ng klase na gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya para mapabuti ang kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan (para sa tulong upang magawa ito, tingnan sa “Mga Ideya sa Paghihikayat ng Personal na Pag-aaral at Pag-aaral ng Pamilya” sa resource na ito). Habang ginagawa mo ito, alalahaning maging sensitibo sa mga miyembro ng klase na ang sitwasyon sa pamilya ay maaaring hindi sumusuporta sa regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya at family home evening.

Sa iyong paghahanda, darating sa iyo ang mga ideya at impresyon tungkol sa mga tinuturuan mo, kung paano palalakasin ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at kung paano mo sila mahihikayat na tuklasin ang mga alituntuning iyon habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan sa kanilang mga sarili.

Mga Ideya sa Pagtuturo

Habang naghahanda kang magturo, maaari kang magtamo ng karagdagang inspirasyon sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa mga outline sa pagtuturo sa resource na ito. Huwag isipin na ang mga ideyang ito ay sunud-sunod na mga hakbang kundi sa halip ay mga mungkahi para magkaroon ka ng sariling inspirasyon. Kilala mo ang mga miyembro ng klase mo, at mas makikilala mo sila habang sama-sama kayong natututo sa klase. Kilala rin sila ng Panginoon, at bibigyan ka Niya ng inspirasyon sa pinakamaiinam na paraan para matulungan ang mga miyembro ng klase na patatagin ang pag-aaral ng ebanghelyo na ginagawa nila sa tahanan.

Marami kang makukuhang iba pang resource na magagamit mo sa iyong paghahanda, kabilang na ang mga ideya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at mga magasin ng Simbahan. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga ito at iba pang mga resource, tingnan ang bahaging “Karagdagang Resources” sa resource na ito.

Ilang Bagay na Dapat Tandaan

  • Bilang guro, may mahalagang responsibilidad kang suportahan, hikayatin, at patatagin ang personal na pag-aaral ng ebanghelyo ng mga miyembro ng klase at ng kanilang pamilya. Bagama’t ang ilang miyembro ng klase ay maaaring hindi palaging nag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan, makagagawa ka ng malaking kaibhan sa paghikayat at pagtulong sa kanila na gawing sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang kanilang tahanan.

  • Lalalim ang pagbabalik-loob ng mga miyembro ng klase sa ebanghelyo ni Jesucristo kapag nauunawaan at naipamumuhay nila ang tunay na doktrina. Hikayatin silang itala at sundin ang mga impresyong natatanggap nila mula sa Espiritu Santo.

  • Ang pagtuturo ay higit pa sa pagsesermon, ngunit higit din ito sa simpleng pamumuno sa isang talakayan. Bahagi ng iyong tungkulin ang maghikayat ng partisipasyon na nagpapasigla at nakabatay sa mga banal na kasulatan. Dapat mo ring ibahagi ang mga inspiradong kabatirang natanggap mo nang pag-aralan mo ang mga banal na kasulatan.

  • Tandaan na maraming miyembro ng klase mo ang nagkakaroon ng mga makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa tahanan. Masusuportahan mo ang kanilang pagkatuto ng ebanghelyo sa pagbibigay sa kanila ng maraming pagkakataon na ibahagi ang kanilang natututuhan sa tahanan at kung paano nito naiimpluwensyahan ang kanilang buhay.

  • Nais ng Ama sa Langit na magtagumpay ka bilang guro. Naglaan Siya ng maraming mga resource para tulungan ka, kabilang na ang mga teacher council meeting. Sa mga miting na ito maaari kang sumangguni sa iba pang mga guro tungkol sa mga hamon na kinakaharap mo. Maaari mo ring talakayin at praktisin ang mga alituntunin ng pagtuturo na tulad ni Cristo.

  • Mas natututo ang ilang tao kapag may mga pagkakataon silang magturo. Paminsan-minsan, isiping payagan ang mga miyembro ng klase, pati na ang mga kabataan, na ituro ang isang bahagi ng lesson. Ibatay ang desisyong ito sa mga pangangailangan at kakayahan ng mga miyembro ng klase. Kung aanyayahan mo man ang isang miyembro ng klase na magturo, mag-ukol ng panahon para tulungan siyang maghanda nang maaga sa pamamagitan ng paggamit sa mga ideyang matatagpuan sa resource na ito at sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Alalahanin na bilang tinawag na guro, ikaw ang responsable sa itinuturo sa klase.

  • Ang resource ito ay kinabibilangan ng mga outline sa pagtuturo para sa bawat linggo ng taon. Tuwing Linggo kapag walang klase sa Sunday School, patuloy na babasahin ng mga pamilya ang Doktrina at mga Tipan sa bahay ayon sa iskedyul na nakasaad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Maaari mong piliin na laktawan ang mga lesson na pinag-aaralan sa linggo na walang klase sa Sunday School, o maaari kang magturo ng higit sa isang lesson sa oras ng iisang klase.