“Isang Huwaran sa Pagtuturo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Isang Huwaran sa Pagtuturo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Isang Huwaran sa Pagtuturo
Ang bawat outline sa resource na ito ay sumusunod sa isang huwaran sa pag-anyayang magbahagi at magturo ng doktrina.
Mag-anyayang Magbahagi
Bilang bahagi ng bawat klase, anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran at karanasan nila sa nakaraang linggo nang pag-aralan nila ang mga banal na kasulatan bilang mga indibiduwal at pamilya at gamitin ang kanilang natutuhan. Tulungan ang mga miyembro ng klase na makita na mahalaga ang personal na pag-aaral nila sa labas ng klase. Darating ang sarili nilang pagbabalik-loob hindi lamang sa pag-aaral tuwing Linggo kundi maging sa mga karanasan nila araw-araw. Kapag narinig ng mga miyembro ng klase ang mga karanasan at patotoo ng bawat isa tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, mas malamang na hangarin din nilang maranasan ang mga iyon.
Hindi lahat ay nabasa na ang mga kabanata para sa bawat lesson, at kahit ang ilang nakabasa na ay baka hindi komportableng magbahagi. Tiyaking nadarama ng lahat ng miyembro ng klase na mahalagang bahagi sila ng klase, mayroon o wala man silang maibahagi.
Ituro ang Doktrina
Ikaw at ang mga miyembro ng klase mo ay dapat magtuon kay Jesucristo at sa Kanyang doktrina—ang mga walang-hanggang katotohanan ng ebanghelyo—na matatagpuan sa nakatakdang mga talata sa banal na kasulatan. Habang tinatalakay ninyo ang doktrina mula sa mga banal na kasulatan, anong mga talata, sipi, karanasan, tanong, at iba pang resources ang maibabahagi mo? Paano mo magagamit ang resources na ito para tulungan ang mga miyembro ng klase na matuklasan at maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo? Paano ka tutulong upang mapalakas nila ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?