Doktrina at mga Tipan 2021
Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1: “Makinig, O Kayong mga Tao”


“Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1: ‘Makinig, O Kayong mga Tao,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Disyembre 28–Enero 3. Doktrina at mga Tipan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021

pamilyang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Disyembre 28–Enero 3

Doktrina at mga Tipan 1

“Makinig, O Kayong mga Tao”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 1, pag-isipan kung anong mga talata ang maaari mong pagtuunan sa klase at kung paano mo maaaring tulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa mga talatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaari mong simulan ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan ng klase sa pagtatanong sa mga miyembro ng klase kung ano ang pakiramdam nila tungkol sa pag-aaral sa aklat na ito ng banal na kasulatan ngayong taon. Anong mga talata sa bahagi 1 ang nagpapasabik sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan? Marahil ay maaari mong sabihin sa kanila na saliksikin ang bahagi 1 para sa isang talata na ibabahagi nila kung sinisikap nilang hikayatin ang isang tao na basahin ang sagradong aklat na ito.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Doktrina at mga Tipan 1

Inaanyayahan tayo ng Panginoon na “saliksikin ang mga kautusang ito.”

  • Habang tinatalakay mo ang “paunang salita” ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan (talata 6), maaaring makatulong sa isang tao sa klase na ipaliwanag kung ano ang paunang salita at ang layunin nito sa isang aklat. Pagkatapos ay maaaring talakayin ng klase kung paano tinutupad ng bahagi 1 ang layuning ito para sa Doktrina at mga Tipan. Halimbawa, ano ang mga temang pinasisimulan ng bahagi 1 para sa aklat? Ano ang mga layunin ng aklat? Ano ang nakikita natin sa bahaging ito na maaaring makaimpluwensya sa paraan ng pagbabasa natin ng Doktrina at mga Tipan ngayong taon?

  • Inaanyayahan tayo ng outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na isipin kung paano tayo kikilos ayon sa utos ng Panginoon na “saliksikin ang mga kautusang ito” (talata 37). Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung ano ang plano nilang gawin ngayong taon para gawing makabuluhan ang pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan. Ano ang sasaliksikin nila? Ano ang kaibhan ng pagsasaliksik sa pagbabasa lamang? Anong mga pamamaraan ng pag-aaral ang natagpuan nila na pinakamalaki ang naitutulong?

Doktrina at mga Tipan 1:1–6, 23–24, 37–39

Nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, at matutupad ang Kanyang mga salita.

  • Marami sa atin ang may mga kapamilya, kaibigan, at kakilala na hindi naniniwala sa mga buhay na propeta. Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang mga katotohanang natagpuan nila sa bahagi 1 na maaari nilang gamitin para tumugon sa isang taong nagdududa sa kanilang mga paniniwala tungkol sa mga propeta. Maaari mong imungkahi na basahin nila lalo na ang mga talata 1–6 at 37–39. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga propeta?

  • Maaaring interesado ang mga miyembro ng klase na malaman na nang talakayin ng isang council na tinawag ni Joseph Smith ang paglalathala ng mga paghahayag ng Propeta, tinutulan ng ilang miyembro ng council ang ideya. Napahiya sila sa kahinaan ni Joseph sa pagsulat, at nag-alala sila na baka magsanhi ng iba pang mga problema para sa mga Banal ang paglalathala ng mga paghahayag (tingnan sa Mga Banal, 1:161–64). Paano nilulutas ng bahagi 1 ang mga alalahaning ito? (tingnan, halimbawa, sa mga talata 6, 24, 38).

  • Ang mga titik ng himnong “Halina, Tinig ng Propeta’y Dinggin” (Mga Himno, blg. 14) ay nagtuturo ng ilan sa mga alituntuning itinuro din sa bahagi 1. Marahil ay maaari ninyong sama-samang kantahin o basahin ang himno at pagkatapos ay anyayahan ang mga miyembro ng klase na maghanap ng mga linya sa himno at mga talata sa bahagi 1 na nagtuturo ng mga alituntunin ding ito.

    sesyon sa pangkalahatang kumperensya

    Nangungusap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod.

Doktrina at mga Tipan 1:12–30, 35–36

Ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo para tulungan tayong harapin ang mga hamon sa mga huling araw.

  • Ano ang naiisip ng mga miyembro ng klase nang mabasa nila ang paglalarawan sa mga huling araw sa mga talata 13–16? Ano ang nangyayari sa mundo ngayon na tumutupad sa ipinropesiyang mga paglalarawan? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng anumang bagay na natagpuan nila sa bahagi 1 na nagpadama sa kanila ng kapayapaan at tiwala sa kabila ng mga hamon ng ating panahon.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang mga pagpapalang mayroon tayo dahil naipanumbalik ang ebanghelyo, maaari mong isulat sa pisara ang Ano ang itinuturo ng mga talata 17–23 kung bakit ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo? Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito at ibahagi ang kanilang mga ideya sa isa’t isa. Halimbawa, paano nagpaibayo ng ating pananampalataya ang mga katotohanang naipanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith? (tingnan sa talata 21).

Doktrina at mga Tipan 1:19–28

Gumagamit ang Panginoon ng “mahihina at ng mga pangkaraniwan” para isakatuparan ang Kanyang gawain.

  • Ang isang mahalagang tema ng Doktrina at mga Tipan 1 ay ang papel ng “mahihina at ng mga pangkaraniwan” sa dakilang gawain ng Panginoon sa mga huling araw (talata 23). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga talata 19–28 para malaman kung paano naaangkop sa atin ang mga salitang “mahina” at “simple” bilang mga lingkod ng Panginoon. Habang ibinabahagi nila ang kanilang natuklasan, maaari mong talakayin ang mga tanong na tulad nito: Anong mga katangian ang nais ng Panginoon na taglayin ng Kanyang mga lingkod? Ano ang isasagawa ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod sa mga huling araw? Paano natutupad ang mga propesiya sa mga talatang ito sa buong mundo at sa ating sariling buhay?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Tulungan ang mga mag-aaral na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili. Ang mga katotohanang nagbigay-inspirasyon sa mga naunang Banal ay makakatulong din sa atin na harapin ang ating mga hamon ngayon. Sa pagtuturo mo ng Doktrina at mga Tipan, tulungan ang mga miyembro ng klase na makaugnay sa mga mensahe ng Panginoon kay Joseph Smith at kung ano ang maaaring personal na sabihin sa kanila ng Panginoon. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21.)