“Enero 25–31. Doktrina at mga Tipan 6–9: ‘Ito ang Diwa ng Paghahayag,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)
“Enero 25–31. Doktrina at mga Tipan 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2021
Enero 25–31
Doktrina at mga Tipan 6–9
“Ito ang Diwa ng Paghahayag”
Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 6–9 ang mahahalagang alituntunin tungkol sa pagtanggap ng paghahayag. Iangkop ang mga alituntuning ito sa paghahangad ng paghahayag kung paano tutulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa mga bahaging ito.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 6–9, maaari mo silang anyayahang talakayin, kung naaangkop, ang anumang espirituwal na impresyong natanggap nila sa kanilang pag-aaral. Ano ang mga mensahe ng Panginoon para sa kanila?
Ituro ang Doktrina
Nangungusap sa akin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng “Espiritu ng katotohanan.”
-
Maraming maituturo sa atin ang Panginoon tungkol sa personal na paghahayag sa mga bahaging ito, at maaaring hindi mo matalakay ang lahat ng ito sa isang klase. Maaaring makatulong na hatiin ang klase sa tatlong grupo at hilingin sa bawat grupo na saliksikin ang bahagi 6, 8, o 9, na naghahanap ng mga sagot sa tanong na gaya nito: Paano nangungusap sa atin ang Espiritu Santo? Paano natin makikilala ang personal na paghahayag? Paano natin maihahanda ang ating sarili sa pagtanggap ng paghahayag? Pagkatapos ay maaaring ibahagi nang bahagya ng isang tao mula sa bawat grupo ang natuklasan ng kanilang grupo sa buong klase. Maaari mo ring hikayatin ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng sarili nilang mga karanasan sa pagkilala sa personal na paghahayag. Halimbawa, mayroon bang anuman sa Doktrina at mga Tipan 6:22–24 na nagpapaalala sa atin ng mga naranasan natin?
-
Ang pag-uusap tungkol sa personal na paghahayag ay maaaring makapagpahina ng loob ng mga tao sa klase mo na nagdarasal para sa patnubay ngunit hindi nadarama na may natatanggap silang anuman. Maaaring makatulong sa kanila ang malaman na nahirapan din si Oliver Cowdery sa damdaming iyon nang hindi siya makapagsalin nang kasindali ng inasahan niya. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na alamin ang payo ng Panginoon kay Oliver sa bahagi 9. Anong mga mensahe sa bahaging ito ang maaaring makatulong sa isang tao na nakadarama na hindi sinasagot ng Panginoon ang kanilang mga panalangin? Maaari ding makatulong ang mga pahayag sa “Karagdagang Resources.”
“Maging anuman ang naisin mo sa akin ito ay mapapasaiyo.”
-
Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na pansinin ang paglabas ng mga salitang tulad ng naisin sa mga bahagi 6–7. Marahil ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa aktibidad na iyon, o maaari ninyong sama-samang gawin ang aktibidad bilang isang klase. Ano ang itinuturo sa atin ng mga ginagawa natin araw-araw tungkol sa ating mga naisin? Paano tayo matutulungan ng Panginoon na baguhin ang ating mga naisin?
Kung aasa tayo sa Panginoon, matutulungan Niya tayong madaig ang pag-aalinlangan at takot.
-
Bakit tayo “[takot] na gumawa ng mabuti” kung minsan? (talata 33). Marahil ay maaaring magmungkahi ang mga miyembro ng klase ng ilang posibleng dahilan, pati na ng mga ideya mula sa Doktrina at mga Tipan 6:29–37 na nagbibigay sa kanila ng tapang na gumawa ng mabuti.
-
Para makapagsimula ng isang talakayan kung paano tayo tinutulungan ni Jesucristo na “huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (talata 36), maaari mong sabihin sa mga miyembro ng klase na isulat sa mga piraso ng papel ang ilang bagay na maaaring kinatatakutan ng mga tao. (Nagbigay si Elder Ronald A. Rasband ng ilang halimbawa sa kanyang mensaheng “Huwag Kayong Mabagabag” [Ensign o Liahona, Nob. 2018, 18].) Pagkatapos ay maaari ninyong basahin nang malakas ang nakasulat sa ilan sa mga papel na ito at talakayin kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas at ng Kanyang nagbabayad-salang kapangyarihan kapag tayo ay natatakot. May ilang kabatiran sa Doktrina at mga Tipan 6:29–37 (tingnan din sa I Ni Juan 4:18). Ano ang ibig sabihin ng “isaalang-alang [si Cristo] sa bawat pag-iisip”? (talata 36). Paano tayo natutulungan nito na magtuon sa Tagapagligtas kapag nahaharap tayo sa mga pag-aalinlangan o takot?
Karagdagang Resources
Pag-unawa kung paano sinasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin.
“Sa aking buhay nalaman ko na kung minsan ay hindi nasasagot ang aking panalangin dahil alam ng Panginoon na hindi ako handa. Kapag Siya ay sumagot, ito ay kadalasang ‘kaunti rito at kaunti roon’ [2 Nephi 28:30] dahil iyan lang ang kaya ko o handa akong gawin” (Robert D. Hales, “Paghihintay sa Panginoon: Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 73).
“Ano ang gagawin ninyo kapag kayo ay nakapaghandang mabuti, taimtim na nanalangin, naghintay ng sapat na panahon para sa sagot, at wala pa rin kayong nadaramang kasagutan? Maaari kayong magpasalamat kapag nangyayari iyon, dahil patunay ito ng Kanyang pagtitiwala. Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos, magpatuloy nang may tiwala. … Kapag namumuhay kayo nang matwid at kumikilos nang may tiwala, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon” (Richard G. Scott, “Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 10).